Wednesday, July 13, 2011

Ang Pangako

   Tanghaling tapat na nang dumating si Berning sa kanilang bayan sa Abukay, halos mahigit na labintatlong-taon na ang nakalipas nang huling dumalaw siya dito, at makipaglibing sa kanyang nakatatandang kapatid. Matapos makapagpahinga sa kanyang silid ay minabuti niyang lumabas sa sala at sariwain ang mga nagdaang panahon noong siya ay bata pa, sa pagbuklat ng mga album ng larawan. Mula dito ay naa-alaala niya ang kaniyang yumaong kuya at pumasok siya sa silid nito.

   Ganoon pa rin at walang ipinagbago ang silid, maliban sa mga alikabok at maraming sapot ng gagamba. Sa isang kahong ng mga lumang larawan ay may nakita siyang naninilaw na resibo ng isang Shoe Repair Shop sa lungsod ng Balanga, at may petsa itong mahigit na labintatlong-taon. Tumawag sa kanyang pansin ang nakasulat na pangalan ng sapatos na ipinapaayos. Ito ang sapatos na hinahangaan niya, na galing pa sa Ingglatera, at malimit niya itong isinusukat sa kanyang mga paa. Paborito niya ang kulay, lapat na lapat ito, at maginhawa itong ilakad. Buo ang kaniyang kagalakan, kapag lagi niyang pinagmamasdan ito sa harap ng  salamin habang nakasuot sa kanya. Madalas niya itong hinihiling sa kanyang kuya, na kung magsasawa na ay ibigay ito sa kanya. Kaya lamang hindi ito nangyari, dahil sa maagang pagkamatay ng kanyang kapatid.

   Sa kanyang palagay; sa tagal ng panahong nagdaan, tiyak wala na ito sa repair shop. Subalit nanaig ang paghahangad niya sa sapatos, at nagpasiyang tutal may bibilhin din lamang siya sa katabing supermarket, dadaan siya dito at magbaka-sakali, kung naroon pa ito. 

   Pagdating sa repair shop ay mabilis niyang pinatunog ang maliit na kampanilya sa ibabaw ng eskaparate. Lumabas ang isang matandang nakasalamin mula sa likod ng estante at tinanggap ang resibong inabot niya. Matapos mabasa ito, hindi man lamang nagulat sa nakasulat na petsa, at nagtungo sa kabilang silid, na kung saan ay may maraming mga estante na puno ng iba’t-ibang klase at lumang mga sapatos. Naghalungkat ito, may binuksang malaking kahon, nagpagpag ng alikabok,  tumuntong sa nakalaang hagdan, hinawi ang mga sapot ng gagamba, at isa-isang inangat ang mga patung-patong na mga luma, at maalikabok na mga sapatos.

   Makalipas ang maraming sandali ay biglang humiyaw ito, “Nakita ko na! Narito lamang pala sa ibabaw ng estante!”

    “Ay salamat! Ang may kagalakang naibulalas ni Berning, “naiinip na ako dito at pinagpapawisan pa sa init ng panahon! Wala man lamang kayong magiliw na bentilador dito!” Ang patudyong dugtong pa nito sa katagalan ng paghahanap ng matanda.

   Lumabas ang matanda na umiiling-iling at wala itong dalang anumang sa kanyang mga kamay.

   “Bakit po, may problema po ba?” Ang may pagkabahalang tanong ni Berning sa matanda habang may isinusulat ito na petsa sa naninilaw na resibo. At matapos ito ay isinauli kay Berning ang resibo at walang alinlangang nagbilin.


   “Hindi pa handa. Balikan mo na lamang sa Linggo ng hapon.”
-------
Pangkaraniwang tagpo ito sa ating buhay. Madalas nagiging biktima tayo ng mga ganitong kalagayan. Kung kailan na kailangan mo ang isang bagay, ay doon naman ito hindi maapuhap. Pinagsabihan ka, pinangakuan, pinaghandaan mo, at naghintay ka ng mahabang panahon, para lamang sabihin na hindi natapos, hindi na magagawa, hindi makakarating, hindi na kailangan pa, hindi na magaganap ang pagkikita, ang pagtitipon, o matatapos ang kasunduan.

   Mga pangakong napako, at sumira ng isang magandang pagtitinginan.

   Lahat tayo ay kailangan ang ibayong pang-unawa; ang magkaroon ng kakayahang magparaya at magpasensiya.
   Ang maghintay sa isang pares ng sapatos ay isang tagpo, ngunit ang malunasan ang kalapastanganan na iginawad sa iyo ay mahirap at matagal maghilom. Gumaling man ang sugat na nilikha nito’y may maiiwanan pa ring peklat.
   Maraming tao ang walang pakundangang nangangako at halos may panunumpa pa na magagawa ang lahat. At ikaw ay umasa at tinupad lahat ng iyong makakaya ayon sa napagkasunduan at sa katapusan, ay para lamang mapahiya at masaktan.
    Huwag bigkasin ang isang pangako kung sa iyong kaalaman ay hindi mo ito magagampanan. Winawasak mo lamang ang iyong integridad sa iyong mga karelasyon. Gumawa ka man ng 99 na kabutihan o kahusayan, at sa pang-isandaan ay sinira mo ito, kasamang nasira din ang 99 na nagawa mo.
   Maging mapaglimi, alamin ang iyong kakayahan, ang nakalaang panahon, ang salaping gagastusin, at ang mga kaabalahang nakapaloob sa usapan.
   Hangga’t magagawa; huwag mangako, wala tayong kabatiran sa lahat ng mangyayari sa hinaharap. Laging maglaan ng sapat na panahon, mga kinakailangan, at tapusin ang gawaing higit pa sa inaasahan ng kausap.

    Kung ang hanap ay matiwasay na buhay; Maging mahinahon at may pasensiya, narito ang susi ng kalusugan at mahabang buhay.

    At ito’y paniwalaan, ayon sa matandang babae na may 107 gulang na nakausap ko sa Bataan.

No comments:

Post a Comment