Saturday, July 09, 2011

Hindi Ba Tayong Lahat?

   Bukang-liwayway na nang sumapit ako sa Lungsod ng Dagupan, sa Pangasinan. Ipinarada ko ang aking kotse sa harap ng bahay ng aking hipag, na maestra sa Dominican School, isang pang-mababa at mataas na paaralan dito. Dito na lamang muna ako maghihintay hanggang sa magising siya sa umagang ito ng Sabado. Nasa aking likuran ang dalawa kong anak na lalaki at mahimbing na natutulog. Bago na namang pakikipagsapalaran ito para sa kanila. Mula sa Bataan ay dito na sila mag-aaral sa Dagupan. Ang aking bunso ay magtatapos sa elementarya, at ang kuya naman niya ay magtatapos na rin sa mataas na paaralan. Ang panganay at sumunod dito na parehong babae ay nag-aaral naman sa isang pamantasan sa Maynila. Walang makakatingin at makakatulong sa kanila kundi ang aming mga kamag-anak lamang. Ang aking asawa ay isang maestra sa Amerika, at ako naman ay pabalik sa isang linggo sa Bahrain. Pareho kaming OFW, Overseas Foreign Workers at naghahangad na mabago ang aming kapalaran.

   Ito ang buhay na aming sinuot, ginagampanan, at kailangang matatag na harapin. Sakripisyo, sakripisyo, at ibayong sakripisyo pa, upang matupad ang aming mga pangarap. Hindi mo mahuhuli nang sabay ang dalawang kuneho. Kailangan talikdan mo ang isa at harapin ang isa. Isakripisyo ang isa at paigtingin ang pagtuon sa isa upang tiyak na mahuli ito. Kaya, ulila muna ang aming mga anak sa pagkakataong ito, at trabaho lamang, walang personalan ‘ika nga.

   Naisip kong punasan muna ang labas ng kotse sa tinamo nitong mga alikabok sa magdamag na biyahe nito mula pa sa Bataan. Pina-pagpag ko ang pamunas nang lumapit sa akin ang isang matandang lalaki at bumati, Naimbag nga aldaw kanyayo!”

   “Sorry po, hindi po ako marunong ng Ilokano.” Ang aking mapitaganang tugon. Mahigit na itong pitumpong taong gulang; marusing at sayad sa balikat ang hindi nagupitang buhok. Suot pa ang kamisetang nagkulay tsokalate, na may tatak ng kandidato sa nakaraang halalan, punit-punit at maraming sulsi ang kupasing maong na pantalon, at may nakatusok na perdible sa nakalaylay na zipper sa harapan nito. Magkaiba ang kulay nang suot nitong pudpod na mga gomang tsinelas at sa kanang kamay ay may hawak na lumang tabo na lata. May ilang barya itong kumakalansing sa loob kapag kanyang inaalog. Hindi ko pinapansin ang ingay ng kalansing nito.

   “Gandang umaga po, mukhang malayo ang pinanggalingan ninyo.” Ang pag-uulit nito sa wikang Pilipino. 

  “Magandang umaga din sa inyo.” Ang sukli kong pagbati. Kaagad kong naisip na magsasalita na ito at manghihingi ng limos, at ito ang hindi ko nais, naalibadbaran ako. Dahil naging patakaran ko na ang huwag magbigay ng limos sa mga pampublikong pook. At ayokong mapabilang at nakikiisa sa mga nagtataguyod ng pamamalimos at nagpaparami ng mga palaasang tao. Sapagkat mayroon tayong mga institusyon sa kawanggawa na kumakalinga para dito. Higit kong nanaisin ang magbigay ng hanapbuhay kaysa kaunting pera o pagkain. “Kapag humingi ito ng limos, ang isasagot ko’y wala akong barya.” Ang nasambit ko sa aking sarili.

   Patuloy ako sa pagpunas ng kotse at pinakikiramdaman ang matandang lalaki. Patuloy din itong patingin-tingin sa akin, nagmamatyag, at maya-maya pa’y umupo sa gutter ng kalsada, paharap sa akin. Maraming sandali ang nakalipas at nanatili itong tahimik na nanonood sa aking ginagawa. Ang inaasahan at hinihintay kong paghingi ng limos ay hindi nangyari. Muli ko siyang sinulyapan at nagtama ang aming paningin, tumindig ito at lumapit. “Kay ganda ng kotse ninyo at mukhang bago pa.” Ang bungad nito.

   “Matagal na po ito, kaya lamang lagi kong nililinis.” Ang pakli ko naman habang pinagmamasdan ko ito. Kung mapapaliguan at mabibihisan lamang ito, mapagkakamalan mong maginoo at may magagawa pa sa kanyang kaunlaran. Kung tatanungin ko ito, kung may kailangan, tiyak na sasagot ito ng, oo. Subalit nanaig sa akin ang ugaling makipagsapalaran, "subukan ko nga," ang naibulong ko sa aking sarili.

“May kailangan po ba kayo?” Ang nakataas kong kilay na tanong at nakatitig sa matandang lalaki.

“Hindi ba tayong lahat? “ Ang matalinghagang tugon nito na nakangiti.

  Bigla nakadama ako ng kagyat na paglilimi. Oo nga naman, ito ako na mayroong sariling kotse, may trabaho sa Bahrain sa Gitnang Silangan, may sariling bahay at negosyo, ay napaharap sa isang pulubi ng lansangan at naringgan ito ng apat na kataga na parang kulog na dumagundong sa aking mga tainga. “Mahiwagang mangusap ito, nahiwatigan ang pakay ko. Talaga namang may kailangan ako ngayon sa hipag ko.” Ang nabigkas ko sa aking sarili.

Hindi ba tayong lahat?

   Ako man ay nangangailangan din ng tulong. Bagama't hindi sa kaunting pagkain o kaunting barya, subalit kailangan ko pa rin ang tulong ng iba. Sa katunayan, kaya ako narito sa Dagupan ay kailangan ko ang tulong ng aking maestrang hipag, dahil nais kong ilipat sa kanyang paaralan ang aking dalawang anak na lalaki. Ako’y napangiti sa kanyang tinuran, at bagama’t hindi ito nagpahayag na limusan ay inilabas ko ang aking pitaka. Usal ko sa aking sarili, "Sa pagkakataong ito, lulunokin ko muna ang aking patakaran." At inabutan ko siya ng pera, sapat para sa kanyang pamasahe pauwi at isang masayang tanghalian para sa kanya sa araw na ito.
-------
Hindi ba tayong lahat ay nangangailangan ng tulong? Walang sinumang tao na nabuhay dito sa daigdig na hindi nangailangan ng tulong mula sa iba. Kahit na anong yaman mo, gaano man kataas ang iyong narating na antas sa ating lipunan, makapangyarihan man ang iyong katungkulan, naging tanyag at kinagigiliwan ka man ng lahat, kailangan mo pa rin ang tulong ng iba.
   At kung nabigo ka man at nanatiling mahirap, at sadyang hindi makabangon sa nakalugmok na kalagayan, at binabagabag ng mga ibat-ibang mga suliranin sa buhay, kinakapos sa salapi at mga karangyaan, pakalat-kalat at walang maipagmalaki o magampanan na makabuluhan, ikaw ay makakatulong din. Walang katumbas na halaga ang isang malayang pangungusap; ang isang pagbati, ang isang papuri, ang isang sukling ngiti, ang isang pasasalamat, at ang isang taos-pusong panalangin sa iyong kapwa.
   Lahat ng mga ito’y malaki ang nagagawa sa isang tao sa maraming pagkakataon na kailangan niya. Huwag natin itong ipagkait at iwasan na manatili sa ating mga labi.
   At sa ating mga mahal sa buhay, maraming mahahalagang pangungusap na nakapinid at hindi mabigkas sa maraming panahon, at mabilis na humuhulagpos lamang . . . kapag ang malalapit sa ating puso ay inihahatid na sa huling hantungan.
    Bakit hihintayin pa natin ito . . ?    Sambitin na natin, ngayon na!
 
    Mahal Kita.

    At lagi kong dalangin ang iyong kaligayahan, ngayon, bukas, at magpakailanman.



No comments:

Post a Comment