Friday, July 22, 2011

Alam Ba Ninyo?

Narito ang  20 Katibayan tungkol sa “Pinakamatanda” sa Pilipinas:


Pinakamatandang Simbahang Bakal
   
Kahit na magkakaiba ang mga petsa ng kanilang pagkakatatag, ang Simbahan ng San Sebastian sa Maynila ay kaisa-isang simbahang yari sa bakal sa buong Asya, na itinatag pa noong ika-18 siglo. Ipagdiriwang nito ang ikasandaang taon noong 1991, subalit hindi naganap, dahil maging ang namamahalang Katoliko ay hindi nagpakita ng pagmamalasakit sa kanyang makasaysayang kahalagahan, at maging ang katunayan na si Alexander Gustave Eiffel (creator of Eiffel Tower in Paris, France; and Statue of Liberty in New York City, USA) ang nagdisenyo nito.

Pinakamatandang Restoran
   Ang New Toho Food Center ang pinakamatandang restoran na naisulat (1888, 422 Tomas Pinpin Street, Binondo, Manila). Limang magkakaibigang Tsino ang nagtatag nito sa Binondo, Maynila, na kung saan hanggang ngayon ay naroon pa rin ito, at may bago na itong gusali doon din sa dating kalye ng Tomas Pinpin (dating San Jacinto) na naitayo matapos tupukin ng apoy ang gusaling yari sa mga tabla noong nakaraang 1984. Kaya nagkaroon ng kaunting pagbabago sa pangalan. Dati itong tinatawag na Toho Antigua Panciteria.

Pinakamatandang Lalawigan
   Ang lalawigan ng Aklan, na ang orihinal na pangalan ay Minuro it Akean, ay ipinapalagay na pinakamatandang lalawigan sa bansa at pinaniniwalaang naitatag sa paninimula ng 1213 ng mga nanirahan dito mula pa sa Borneo. Ang unang namuno dito ay si Datu Dinagandan. At noong 1399 ay inagaw ang trono sa kanya ni Datu Kalantiaw. Noong 1399, si Datu Kalantiaw,III ay nagpanukala ng mga panunutunang batas na kilala sa tawag ngayon na Kodigo ni Kalantiaw.


Pinakamatandang Bayan
  Ang bayan ng Unisan, sa lalawigan ng Quezon ay ipinapalagay na pinakamatandang bayan sa Pilipinas. Ang mga mamamayan ng Unisan ay itinuturing na ang kanilang bayan ay 481 taong gulang na, matapos itong maitatag noong 1521, kasabay din ng taon na matuklasan ni Ferdinand Magellan ang Pilipinas. Ang lahat ng mga ibang bayan naman sa bansa ay naitatag bago pumasok ang taong 1565, nang ideklara ang pananakop ng Espanya sa Pilipinas at gawin itong kolonya.
 
     
   
Isang reynang Malayan na nagngangalang Ladya, ang naiulat na nagtatag ng Calilayan, ang matandang pangalan ng bayan. Noong 1876, ang pangalang Calilayan ay pinangalanan ng Unisan na hinango mula sa katagang Latin na uni-sancti, na ang kahulugan ay “banal na santo”.


Pinakamatandang Lungsod
   Ang Lungsod ng Cebu ang ipinapalagay na pinakamatandang lungsod sa bansa, dito nagsimula ang mga naunang pamayanan na nanggaling sa Europa na itinatag ng Kastilang mananakop na si Miguel Lopez de Legazpi noong 1565.

 
                                            Puerto San Pedro

Pinakamatandang Tanggulan o Puerto
   Ang unang pamayanan sa bansa, ang Villa del Santisimo Nombre de Jesus, ay matatagpuan sa loob ng Puerto San Pedro sa Lungsod ng Cebu. Ang tanggulang ito ay sinimulang itayo noong 1565.


Pinakamatandang Lansangan
   Ang Kalye Colon sa Lungsod ng Cebu ang ipinapalagay na pinakamatandang kalye sa bansa. Hinango ang pangalang ito mula sa manggagalugad na si Christopher Columbus. Sinimulan ang konstruksiyon nito noong 1565 ng mga tauhan ni Miguel Lopez De legazpi.

                                            Simbahan ng Baclayon

 Pinakamatandang Simbahang Bato
   Ang Simbahang Baclayon sa lalawigan ng Bohol, ang ipinapalagay na pinakamatandang simbahan na yari sa bato. Subalit may mga tagasulat ng kasaysayan ang tumututol, at nagpapahayag na ang Simbahang San Agustin sa Maynila ang nararapat sa titulong ito.
 

                                    Simbahan ng San Agustin

   
Inaangking ng mga tagasulat ng kasaysayan na ang mga pundasyon ng simbahan ng San Agustin ay inilatag bago dumating ang taong 1571, may 25 taon bago naitayo ang simbahan ng Baclayon, na noong 1596 lamang naitayo. Subalit karamihan ng tao ay naniniwala na ang titulo ay angkop sa huli, sa kadahilanang ito’y nasa pulo na kung saan ay nakahimpil ang mga sundalong tropa ni Miguel Lopez De Legazpi, ang unang Kastilang heneral na gobernador ng bansa.
   Sa lalawigang ng Bohol ginanap ang pakikipagkaibigan na senelyuhan ng dugo sa pagitan ng pinunong si Rajah Sikatuna at ni Miguel Lopez De Legazpi. Ang makasaysayang pangyayari na ito ay tinawag na ‘Sanduguang Pagkakaisa’ o ‘The Blood Compact’.

                                                      San Lazaro Hospital

Pinakamatandang Ospital
Ang Ospital ng San Lazaro sa Maynila ay ipinapahayag na pinakamatandang ospital sa bansa. Ayon sa kapampangang tagasulat ng kasaysayan na si Zoilo Galang, ang Ospital ng San Lazaro ay unang itinatag noong 1578; ang Enfermeria de Naga ay noong 1583; at ang Ospital ng San Juan de Dios, noong taong 1596.
  


Pinakamatandang Kampana ng Simbahan
Ipinapahayag na ang pinakamatandang kampana ay matatagpuan sa Camalaniugan, sa lalawigan ng Cagayan. Ito ay iniulat na tinubog at nabuo noong 1595.
 

                                                       Jones Bridge

Ang Pinakamatandang Tulay
Ang Tulay ng Jones sa Maynila na may dating pangalan na Puete de Espana, ay unang itinayo noong 1701. Muling itinayo ito ng mga Amerikano noong 1916 at ipinangalan kay Atkinson Jones.

                                                   Unibersidad ng San Carlos
                       
 Pinakamatandang Pamantasan
   Ang Unibersidad ng San Carlos (U.S.C.) sa Lungsod ng Cebu ang ipinapalagay na pinakamatandang pamantasan sa bansa at maging sa Asya. May dati itong panglan na Colegio de San Ildefonso, at itinatag ng mga pari na Kastilang Hesuita noong ika-1 ng Agosto, 1595. Ipinapakita dito na higit itong matanda pa kaysa Unibersidad ng Santo Tomas (1611) sa Maynila at maging sa Unibersidad ng Harvard (1636) sa Estados Unidos ng Amerika.
   Ang matandang Semenario-Colegio de San Carlos de Cebu sa may Kalye Martires (ngayon ay tinatawag na Abenida M.J.Cuenco) malapit sa Plaza Independencia.


                                                Unibersidad ng Santo Tomas

    Ang Unibersidad ng Santo Tomas, magkagayunman, ay tinututulan ang titulong ito. May dati itong pangalan na Colegio de Nuestra Senora Del Rosario, UST ang unang paaralan, at nakuha ang kategoryang unibersidad noong 1645. Samantalang ang USC ay naging unibersidad noon lamang 1948. Ipinaglalaban ng UST na ang orihinal na USC ay nasarado noong 1769 dahil sa pagkakatanggal ng mga paring Hesuita. Binuksang muli ito noong 1783 sa ilalim ng bagong pangalan at may-ari. Subalit ang mga pinuno ng USC ay nanatili sa kanilang pag-angkin sa titulo. Ginanap ng unibersidad ang kanilang ika-400 taong araw ng pagkakatatag noong ika-21 ng Agosto, 1995.



Pinakamatandang Paaralang Bokasiyonal
   Ang Don Honorio Ventura College of Arts and Trades (DHVCAT) sa Bacolor, lalawigan ng Pampanga ang sinasabing pinakamatandang paaralang bokasiyonal sa Asya. Ang paring Agustino na si Juan Zita at pinunong sibiko na si Don Felino Gil, ang magkasamang nagtatag ng paaralang bokkasiyonal na ito noong ika-4 ng Nobyembre, 1861.


Pinakamatandang Kompanya
   Ang Korporasyong Ayala, isa sa pinakamalaking katipunan ng mga korporasyon sa Pilipinas , ay siya ring nanatiling pinakamatandang korporasyon sa ngayon. Ito ay itinatag noong 1834 ng mga baron sa asukal na si Domingo Roxas at Antonio de Ayala. At ipinangalanan sa huli na Casa Ayala, at sumunod na pangalan ay Ayala y Compania, at sa ngayon ay kilala sa taguring Korporasyong Ayala

               
Pinakamatandang Bangko
   Noong 1881, si Domingo Roxas, isang ninuno ng mga angkang Ayala, ang naging isa sa mga unang direktor ng Banco Espanyol-Filipino De Isabel,II, na kung saan ay natatag sa pamamagitan ng kapangyarihan ng isang dekreto royal na ipinalabas ni Reyna Isabel,II ng Espanya. Nang sumunod na taon, ang bangkong ito ang kauna-unahang nag-isyu ng salaping papel sa bansa. Ipinapalagay na kauna-unahang komersiyal na pribadong bangko, na naglaon ay nakilala sa pangalang Bank of the Philippine Islands noong 1912. Ang pinakamatanda namang bangko para sa pag-iimpok ay ang Monte de Piedad, na itinatag noong 1882, pag-aari ito ng simbahang Katoliko.

Pinakamatandang Military Supply Shop
Ang pinakamatandang tindahan na nagtitinda ng mga kagamitang pangmilitarya ay sinasabing ang Alfredo Roensch and Co.

                                                        Daet, Camarines Norte

Pinakamatandang Monumento ni Rizal
   Ang maipagmamalaking pinakamatanda sa bansa ay ang 20-talampakang istrukturang bakal na nakatindig sa isang plaza sa Daet, sa lalawigan na Camarines Norte. Ang konstruksiyon nito ay iniulat na sinimulan noong ika-30 ng Disyembre, 1898 at natapos noong Pebrero 1899. Sa paghahambing, ang monumento ni Rizal sa dating parke ng Luneta sa Maynila, ay naitayo lamang noong 1912, tinatawag ito ngayong Rizal Park.

 
Nganga (Betel Nut)
 Pinakamatandang Bisyo
   Ayon sa mga tagasulat ng kasaysayan, ang ‘nganga’ o pagnga-nganga ay masasabing pinakamatandang bisyo ng mga katutubong Pilipino noong unang panahon. Pinatitibayan na ang ating mga sinaunang mga ninuno ay nagnga-nganga na may 3,000 taon na ang nakalilipas.

Insular Life Insurance

Pinakamatandang Kompanya sa Seguro
Ang Insular Life Insurance Company ay itinatag noong ika-26 ng Nobyembre, 1910, at naging pinakamatandang kompanya sa seguro sa bansa.

Pinakamatandang mga Epiko
Ang epiko ay isang hindi pangkaraniwan na sining sa paghimig at tradisyong malikhain na namana pa natin sa ating mga ninuno. Sa pag-aaral na ginawa noong 1962, ipinahayag ni E. Arsenio Manuel na ang bansa ay mayroong halos 19 na mga epiko, na kung saan ay naipasa sa kasalukuyang henerasyon mula sa ating mga sinaunang ninuno sa pamamagitan ng mga maindayog na paghimig at pag-awit. Ang mga kilala at tinaguriang mga katutubong epiko ay ang 13 mga epiko ng mga paganong Pilipino, 2 epikong ng mga Kristiyanong Pilipino, at 4 na epiko mula sa mga Pilipinong Muslim. Kasama dito ang popular na epikong Lam-ang ng mga Ilokano, Tuwaang ng mga Manobo, Hinlawod ng mga Sulod, at Bantugan ng mga Maranaw.

Pinaggalingan: Mga pangunahing pinaggalingan ng inpormasyon ay kasama sa Ensiklopedya ng Pilipinas ni Zoilo Galang at Diksyunaryo ng mga Unang Pinoy ni Julio Silverio.
Ang artikulo sa itaas ay ipinadala sa email sa PHILNEWS.COM

No comments:

Post a Comment