Araw ng Linggo, sa loob ng simbahan ay nagba-basbas bilang bendisyon ang pari sa mga sanggol na pinabibinyagan. Nang dumating siya sa kalagitnaan ng nakahilerang mga tao, napansin niya na tila may pagtatalong nagaganap sa isang mag-asawa. “Uh, oh, ano bang maitutulong ko sa inyo, mga anak?” Ang malumanay na bungad ng Pari.
“Kasi po Padre, ito pong mahusay na asawa ko na mahilig sa sasakyan. Nais niyang siya na naman ang masunod sa palayaw ng aming anak.” Ang pagmamaktol na saklit ng babae.
“Bakit, ano ba ang nais niyang ipalayaw? Ang nakakunot-noong usisa ng Pari.
“Eh, Toyota po!” Ang nakasimangot na pahayag ng babae.
“Hah? Hindi ba pangalan at tatak ng kotse ‘yon?” Ang nagumilahanang tanong ng Pari. “Aba’y hindi nga naman maaari iyan! May pangalan ba ng tao na sa kotse hinango?” Ang dugtong pa nito.
Biglang sumabad ang naiinis na ama ng sanggol, “Padre, eh, bakit ninyo bininyagan ‘yong dalawa kong naunang mga anak na may mga pangalan din ng kotse?”
“Hah? Bakit ano ba ang mga pangalan nila at pumayag ako?” Ang pagtatakang naitanong ng Pari.
“Mercedes po, para sa Benz; at Celeste po, para sa Mitsubishi !” Ang walang kagatol-gatol na pagmamalaki ng ama.
-------Onli en da Pilipins
Maraming pamilya ang nakikigaya basta uso at moderno daw, laging umaarya nang walang paglilimi kung tama ito o hindi. At isa dito; ay ang pagtatalaga ng pangalan sa kanilang mga anak. Hangga’t magandang pakinggan inaaryahan nang walang pakundangan. Nang sumikat ang mga tunog, naglabasan ang mga pangalang tulad ng Pong, Ping, Ting, Ling, Bing, Bong, Mong, Dong at marami pa. At noong magsitanda ang mga ito, nasalimbayan naman ang inuulit na mga pangalan sa kanilang mga anak; Ping-ping, Ting-ting, LingLing, Bingbing, Bingbong, Bongbong, Mongmong, at Dongdong. Nang mauso naman ang dalawahang pangalan at tahasang banyaga, doon sa kanilang mga apo ay naglitawan ang; Jefferson James C. Taruc, Stewart John M. Sicap, Mary Grace D. Patawaran, Edward William U. Ulit, Kathleen Therese T. Paklong, Joseph Allan P. Lamog, at marami pa. Hindi nagpahuli ang kanilang mga kapitbahay; tinatlong ulit pa ito ng; John Paul David T. Magtanong, Maria Lourdes Sophia D. Cuycoy, Vladimir Mao Simon D. Mapacali, Robert Marlon Joseph E. Malixi. At hindi pa natapos ito, sumunod naman ang mga madudulas na tunog; Artee Medhy Polanskhee M. Pocrito, Sahlee Dahly Arnski C. Singap, at Arhmann Alexi Rhemee P. Cruz. At napakarami pa na tulad ng mga ito ang nagaganap sa mga pangalan ng mga bata sa ngayon sa ating lipunan.
Nawala na sa hinagap na malaki ang nagagawa ng pangalan sa isang tao. Mayroon akong kaibigan na dinamdam at nahihiyang sambitin ang kanyang pangalan. Ipinamana at ginawa siyang junior alinsunod sa pangalan ng kanyang ama. Maganda sana ito bilang pagdakila sa kanyang ama at siya ang naatangang magpatuloy ng pambihirang pangalan nito; dangan nga lamang, sa panahon ngayon, ang ganitong pangalan ay talaga namang katang-tangi, 'Eliodoro'. Pati ang kanyang panganay, kapag hindi nakuha ang ibig nito sa kanyang Tatay, ay pasigaw siyang tinatawag ng inodoro. Mayroon akong kapatid na ang pangalan ay hango mula sa aming Lolo Nicolas, kaya kapag natatawag ng 'Kulas' ay nagdidilim ang mukha at ipinagpipilitan na ang pangalan niya ay Nick o Nichol. Magkatulad ang dalawang ito na nahihiya, ikinukubli, at hindi ginagamit ang kanilang tunay na pangalan sa mga kakilala at mga pagtitipon.
Maging mapili at umunawa kung magtatalaga ng pangalan sa inyong mga anak. Ito ang kanilang pagkakakilanlan at dadalhin sa buong buhay nila. Nakapaloob dito at nakaka-pinsala sa magiging antas ng kanilang mga kakayahan at pagtitiwala sa sarili. Alalahaning ito ang magiging timbulan at sagisag ng kanilang pagkatao sa pakikiharap sa mundong kanilang gagalawan sa kinabukasan.
Pakiusap: Huwag gumaya basta uso, maganda ang tunog, at mistulang banyaga. Masidhing pag-aralan ang ilalakip na pangalan nang naaayon sa nais na magiging katauhan ng bata sa paglaki nito. Pakaisipin na; kung ikaw mismo ang gagamit ng pangalang ito sa darating na lalong makabagong panahon, nanaisin mo bang ito ang iyong pangalan?
No comments:
Post a Comment