Masdan ang Kabubuan, Hindi ang Bahagi Lamang
Ang pag-aaral ay sadyang napakahirap at lubhang hindi kawiliwili, huwag nang banggitin pa ang panganib na kalakip nito, kung ang mga tao ay umaasa at nagtitiwala lamang sa makasariling pang-unawa at pagkilos.
Ang Panganib ng Makasarili at Biyaya ng Pagtutulungan
Marami nang nagawang bersiyon at sa iba’t-ibang wika ang sanaysay na ito, subalit ang mabuting aral na dulot nito’y hindi pagsasawaang ulit-ulitin. Kailangang manumbalik at manatili sa ating kabatiran upang magawang kalasag at gabay sa mga pagkakataong iniisip mong kayanin ang mabigat na gawain kahit mag-isa. At tanggapin ang isang bahagi lamang sa buong kabubuan at pangatawanan itong siyang katotohanan lamang. Ito ay mapanganib.
Sa isang maliit na nayon sa Indiya, ay may naninirahang anim na pulubing bulag. Bagama’t hindi mga nakatuntong sa paaralan dahil sa kahirapan ay ayaw magpatalo sa isa’t-isa. Bawa’t isa ay siya ang pinakamatalino at pinakatuso sa lahat sa anumang bagay. Naging bukambibig at ritwal na nila ang magtalo, kahit na sila’y nasa alinmang pook, at maging sa bangketa kung sila ay nagpapalimos. Madalas na magkumparahan at magpataasan kung sino ang higit na magaling sa kanilang lahat.
Isang araw, may isang batang babae na may hilang malaking elepante ang naparaan sa kanilang nayon. Masigabong palakpakan at katuwaan ang narinig ng anim na bulag mula sa labas ng kanilang bahay. Sumasayaw at nagagawang sumirko’t umupo ng malaking elepante sa utos ng bata. Hindi alam ng mga bulag kung ano ang itsura ng elepante sa kanilang buong buhay, ngunit naa-amoy at naririnig nila ang malakas na atungal nito nang sila’y makalapit. Bawa’t isa ay nagnanasang mahawakan ito at malaman kung ano ang anyo nito. Pinalibutan nila ang malaking elepante at isa-isang nagsihipo sa katawan nito na nakaharap sa kanila, nag-aanasan at nag-uunahan kung sino sa kanila ang higit na makapaglalarawan sa anyo nito.
Ang unang bulag na nasa gilid ay dinama at hinaplos ng kanyang dalawang kamay ang katawan ng elepante. Napansin niyang malapad, malaki, at matigas ito. At malakas na nagpahayag sa mga kasamang bulag na, “Ang elepante ay kawangis ng malapad na dingding ng bahay!”
Ang pangalawang bulag na nasa harapan ng elepante ay nahawakan ang isang mahabang pangil nito. Napansin niyang madulas, matibay, at may matulis na dulo, ay mabilis na nagsalita, “Ang elepante ay mistulang isang madulas na sibat na matulis ang dulo!”
Ang pangatlong bulag na katabi ay nahawakan ang gumagalaw na nguso ng elepante. Sinalat-salat, nag-gagalaw ito, at pumapalupot sa kanyang braso. Mariin niyang isinigaw, “Ang elepante ay katulad ng ahas, ito’y pumapalupot at kumakawag!”
Ang pang-apat na bulag na pandak ay nasa gilid ng elepante, at nahawakan nito ang makunat at lukot na balat, mahaba, at pabilog na paa. Bigla at nakakatiyak itong nangusap, “Ang elepante ay kahawig ng isang punongkahoy!”
Ang panlimang bulag na nasa kabilang gilid ng elepante ay nahanginan ng pagaspas ng tainga nito. Mabilis na hinawakan ng bulag ang tainga at dinama ang kanipisan at kalaparan nito. Malakas din ang naging sigaw na pahayag nito, “Ang elepante ay kawangis ng isang malapad na pamaypay!”
Ang pang-anim na bulag na nasa hulihan ng elepante ay nahablot ang gumagalaw na buntot nito. At nang higpitan ang hawak ay napansing mahaba at matigas ito. At nang makapa ng isang kamay ang dulo na may mga balahibo, walang alinlangan na humiyaw ito, “Ang elepante ay tulad lamang ng isang lubid!”
Ang anim na pulubing bulag ay maingay at nagtutulakan na nagtalo; “Ito’y tulad ng malapad na dingding!” “Hindi totoo ‘yan! Ang katulad niya’y sibat!” “Mga mali kayo! Siya’y ay mistulang pumapalupot na ahas!” “Mga bugok kayong tatlo, “Katulad niya ang matibay na punongkahoy!” “Sira ang tuktok ninyo, Para siyang pamaypay na humahangin!” “Kahit anong sabihin ninyo, napatunayan kong ang elepante ay kawangis ng lubid!”
Gaano man ang gawing paliwanag na pagtatama ng batang babae na may dala ng malaking elepante, sa tunay na anyo nito ay nalunod lamang sa ingay ng pagtatalo ng anim na bulag. Bawa’t isa ay ayaw magpatalo at pinagpipilitan ang kanyang nahawakan na katotohanan.
-------
Marami sa atin ang katulad ng anim na pulubing ito. Magpahanggang ngayon ay pulubi at bulag pa rin tayo sa mga katotohanan sa ating kapaligiran. Ang ating pansariling kabatiran lamang ang ating pinanghahawakan, inaayos, at itinataguyod. Bihira sa atin ang nakakaalam ng buong larawan sa tunay nitong anyo ng buhay. Na ang kapighatian ng isa sa atin ay sangkot at nakakasakit sa ating lahat.
Gayong tama ang bawa’t isa sa kanila sa kanilang mga nahawakan, subalit sa kabubuan at tunay na anyo ng elepante ay mali ang bawa’t isa. Umasa at nagtiwala lamang sila kung ano ang kanilang nahawakan at nadama. Wala isa man sa kanila ang may kaalaman sa tunay na kabubuang anyo ng elepante. Higit na pinagtutunan ng kanilang makasariling kaisipan ang mangibabaw at maging magaling kaysa alamin ang katotohanan.
Kung magagawa lamang nilang huwag magpadalos-dalos at pag-ibayuhin ang pagtutulungan sa isa’t-isa sa paglalarawan, makabubuo sila ng tunay na anyo ng elepante. Subalit higit na nakakahalina ang masabing nakakahigit at nakalalamang kaysa pagtutulungan. Na madalas ay humahantong sa kapahamakan ng bawa’t isa, kaysa ang pagkakaisa sa ikakaunlad ng lahat.
Isang Paglalarawan
Marami ang hindi makasagot nang tuwiran: Kapag tinanong mo kung ilang baitang ang inyong hagdanan sa bahay? Ilang bombilya mayroon kayong lahat sa bahay? Ilan ang kabubuang mga bintana? Kailan ito natayo at bakit sa pook na ito? At marami pang iba. Gayong ang kanilang bahay ay halos napakaraming dekada na itong tinirhan at namana pa sa mga magulang. Walang ganap na kabatiran kundi ang natirhan lamang ito. Isang paglalarawan lamang ang bahay sa kabubuan ng ating buhay. Subalit kung ihahambing ito sa ating tunay na buhay, kinakapos tayong lagi at walang ganap na maisagot kung ano ang puno at dulo ng ating binabagtas na daan, saan ito patungo, at anong kapalaran ang naghihintay para sa atin.
Higit nating nalalaman ang mga panandaliang aliwan at mga kalayawan sa sarili, mga buhay ng mga kapitbahay at ibang tao, kaysa ang buong kaanyuang larawan ng ating buhay at tinutungo nito sa ikakaunlad ng ating mga sarili at pamilya.
Alamin ang buong katotohanan ng ating buhay sa likod ng kanyang mga bahagi o mga kabanata. Ang kabubuan nito ang tunay na larawan na magpapakita kung sino, saan, at papaano natin nililikha ang ating mga sarili.
No comments:
Post a Comment