Friday, July 08, 2011

Mahal Kita, Anak Ko

   Isang dapithapon; sa kanyang silid, ay malakas ang paghagulgol ni Melba mula sa pagkakahiga dahil sa pagkakamatay ng kanyang Lolo. Kalilibing lamang nito kangina, at hindi na niya nakayanan pang pigilin ang kanyang tinitimping pagdadalamhati.

   Naulinigan ng kanyang ina ang pagtangis ni Melba at nag-aalala itong kumatok sa pinto ng silid. “Melba, anak ko, buksan mo ang pinto at nais kitang makausap.”
 
 “Ayoko! Iwanan ninyo at tigilan na ako!” Ang hiyaw nito habang umiiyak. Subalit lalong nilakasan ng ina ang pagkatok sa pinto, at napilitan si Melba na tumayo at pagbuksan ito.

 “Bakit po ba? Anong kailangan ninyo sa akin? Ang nagmamaktol na usisa nito.

   “Baka ... kung mapaano ka na anak, kasi, lagi ka na lamang umiiyak at marami ng araw na buhat ng mamatay ang Lolo mo, hindi ka na kadalasang kumakain?  Bakit nga ba? Ang may pangambang tanong ng ina.

   “Hindi ko malimutan si Lolo, lagi kong naa-alaala ang masasaya naming pag-uusap at mga kwentuhan, lalo na kapag mayroon akong mga problema na idinudulog ko sa kanya. “ Ang paliwanag ni Melba.

   “Alam ko iyon, anak ko,” ang pakikiayon ng ina. “Hinahanap-hanap ko rin ang Lolo mo, at ako’y nalulungkot din. Narito naman ako, bakit ayaw mong makausap ako?

    Bigla ang pagtalikod ni Melba at muling sumubsob sa kama, umiiyak, at humihiyaw, Hindi maaari! Hinding-hindi mangyayari ang sinasabi ninyo." Ang palahaw nito sa ina.

   “Bakit naman hindi, narito ako tutulungan kita.” Ang pagsusumamong pakiusap ng ina kay Melba.

   “Dahil kayo ang aking problema, at kayo ang lagi naming pinag-uusapan ni Lolo!” Ang paninising ipinukol na pahayag ni Melba sa kanyang ina.
-------
Kadalasan ang mga anak ay hindi magawang magsumbong, magtapat, at ipaliwanag sa mga magulang ang nangyayari sa kanilang mga sarili. Sa kadahilanang, nawalan na ang mga ito ng pagtitiwala at respeto sa kanilang mga magulang.
   Mahaba ding panahon ang nagdaan bago ito dumating sa ganitong relasyon. Hindi ito sa isang iglap lamang ay nangyari at kusang naganap. Ang mga magulang ang nagsimula ng lahat ng mga ito; sa mga pangakong paulit-ulit na hindi tinutupad sa anak, sa mga pangungutya, pamimintas, pamumuna, at paninisi sa kapintasan at pagkatao ng anak, sa panghihiya at pangungutya sa harapan ng mga kaibigan ng anak, sa pagda-daldal sa iba ng mga kamalian at kapintasan ng anak, sa pagwawalang-bahala at kawalan ng atensiyon na iniuukol sa anak, sa hindi pagdalo, pakikihalo, at pakikiisa sa mga pagsasaya ng anak, sa pagkakait ng paglingap bilang magulang sa anak, atbp.
   Higit pa dito, sa mga panahong kailangang-kailangan ng mga anak ang madadaingan at makalulunas sa kanilang mga problema, ay hindi nila mahagilap ang mga abalang mga magulang sa tuwina. At kung makaharap naman, sa halip na umunawa ay ibayong paninisi at pagbabanta ang iginaganti sa anak. At kung walang makaunawa at hindi matagpuan sa sariling tahanan ang pagmamahal na ito, ay humahantong ang mga anak na hanapin ang kaligayahang ito sa labas ng tahanan, sa kanilang mga kabarkada, sa iba’t-ibang mga tao, nagugumon sa mga masasamang bisyo, na nagiging dahilan ng kanilang pagkapariwara at matinding kasawian.
   Laging nasa huli ang pagsisisi. Madali ang maging ama, ngunit mahirap ang magpaka-ama. Gayundin sa ina, kung ang katwiran ay laging abala at nasa mga amiga.

   May bumigkas, “Ang magulang; ay yaong nalalaman ang inaawit ng iyong puso at nagagawang awitin ito sa iyo, sa mga panahong ito’y iyong nalimutan.” Mapapalad tayo sa pagkakaroon ng ganitong uri ng mga magulang na may ibayong pagmamahal, at narating natin ang kasalukuyang kalagayan na buo, nakatindig, matatag, at may ibayong pag-asa at pananalig na naipamana sa atin. At mula dito, huwag naman nating ipagkait ito sa ating mga anak. Huwag naman nating kaligtaan sila...

Harinawa.

No comments:

Post a Comment