Friday, July 20, 2018

Pambihirang Katangian

Asintahing mabuti ang patatamaan

    

Bihasa at pinakamagaling sa pagtudla ng pana si Ismael. Marami na siyang sinalihang paligsahan na pawang siya ang tinanghal na kampeyon. Isang umaga, inanyayahan niya ang paboritong disipulo na panoorin ang kanyang pagpapakita ng kahusayan sa pagpana. Nakita na ito ng disipulo nang higit pa sa sandaang ulit, magkagayunma’y pinaunlakan niya ang maestro. Nagpunta sila sa kakahuyan sa likod ng monasteryo at dito ay may isang matayog na punong narra. Hinugot ni Ismael ang isang bulaklak mula sa kanyang kuwelyo at isinabit ito sa isang sanga.
   Binuksan niya ang dalang maleta at kinuha ang tatlong bagay; ang kanyang matikas na pana na yari pa sa mamahalin at matibay na kahoy, isang matulis na busog, at puting panyo na may burda ng sampagita.
   Ang maestro ay lumakad ng isandaang hakbang mula sa pinagsabitan ng bulaklak. Nakaharap sa tutudlain, hiniling nito sa disipulo na piringan siya ng puting panyo.
   May pagtatakang sumunod ang disipulo sa ipinagagawa ng maestro.
   “Ilang ulit mo na ba akong nakita sa marangal at sinaunang libangan ng pagpana?" Ang tanong ni Ismael.
   “Bawat araw po,” ang mahinahon nitong sagot. “At lagi ninyo pong tinatamaan ang rosas mula sa layong tatlong daang hakbang. Kaya lamang po wala kayong piring.”
   Nakapiring ng panyo, tinatagan ng maestro ang pagkakatayo, hinigit ng buong lakas ang bagting, at itinutok ang busog sa rosas na nasa sanga, at pinawalan ang busog.
   Sumagitsit ang busog sa hangin, subalit hindi nito tinamaan maging ang punong-kahoy, nilagpasan ang tinudlang rosas ng malaking agwat.
   “Tinamaan ko ba?" Ang tanong ng maestro habang inaalis ang piring na panyo.
   “Hindi po, sa malayo po tumama," ang malungkot na tugon nito. “Akala ko po’y ipapakita ninyo sa  akin ang kapangyarihan ng isip at kakanyahang makagawa ng kababalaghan.”
   “Bakit mo nabanggit ito?” ang tanong ng maestro.
   “Kasi po nakapiring kayo. Wala pa pong nakakatama sa tinutudla kapag nakapiring.” ang paliwanag ng disipulo.
  "Makinig ka at tandaan ito, ipinakita ko dito ang pinakamahalagang leksiyon tungkol sa kapangyarihan ng isip,” ang pahayag ng maestro.
   “Kapag may nais kang bagay, ituon at ibuhos mong lahat ang atensiyon at panahon mo dito; sinuman ay hindi makakatama sa tinutudla kapag hindi niya ito nakikita.”

Makabuluhang Aral: Lahat ng proseso sa paglikha, pagtatayo, pagsusulat, at maging sa pag-ibig – magkatulad ang mga panuntunan; kailangang nalalaman mo ang iyong ginagawa upang hindi ka mabigo. Kapag hindi mo nakikita ang daan, papaano ka makakarating sa iyong paroroonan?
Pananaw: Hindi mo mahuhuli ng sabay ang dalawang labuyo.  Ituon muna ang buong pansin sa isa bago manghuli pa ng isa. Tulad sa pagtudla, isa lamang ang dapat na patamaan. Kailanma’y walang matatapos sa gawaing iba't-iba at watak-watak, laluna't hindi mo ito nakikita.
Panambitan: Kung saang larangan ka magaling, ito ang iyong unahin. Tulad ng nakagawian at gabay ng mga tunay na Pilipino.

Magandang Aral sa Buhay

Apat na Inakay

   

Palapit na ang tag-ulan, marami sa ibon ang langkay-langkay nang lumilipad patawid sa malawak na karagatan. Patungo sila sa pook na hindi daraanan ng mga bagyo. Sa isang salay (nest), ang inahing ibon ay may apat na inakay na kailangan niyang mailipad. Sa bawat pagtawid, isa lamang na inakay ang makakayang dalhin ng kaniyang pakpak.
   Sinimulan niyang isakay sa kaniyang likod ang unang inakay at nagtanong, “ Kapag ako’y matanda na, magagawa mo bang mailipad at maitawid ako sa karagatan sa iyong likod?” 
   “Oh, buong-puso aking ina,” ang sagot ng inakay na may pagsuyo. 
Isinakay ng inahin sa kanyang likod ang inakay at inilipad ito sa dagat at mabilis na inihulog sa pagkalunod.   
   Bumalik siya sa salay at ganoon din ang itinanong sa pangalawa. Magiliw na tugon ng inakay, “Minamahal kong ina, pagdating ng takdang oras, ililigtas kita.” Kapagdaka’y inilipad din niya ito at inihulog sa dagat. Sumagot ding magiliw ang pangatlo, “Hindi kita kailanman iiwanan, minamahal kong ina.” Nalunod din ito sa dagat.
   Hinarap naman niya ang ikaapat, “Tinanong ang inakay kung ano ang gagawin kapag isang araw ay malaki na ito at siya ay matanda na. Ito’y malungkot na tumugon, 
   ”Oh, aking ina, patawarin mo ako. Pinakamamahal kita ngunit kung ang gulang ko’y katulad ng sa iyo, mayroon na akong sariling mga inakay na ililipad upang itawid ng karagatan.” 
    Napangiti ang inahing ibon at masuyong ipinatong ang huling inakay sa kanyang likod at itinawid ito ng karagatan.

Makabuluhang Aral: Hindi katungkulan ng anak ang itaguyod ang kaniyang magulang hanggat may kakayahan pa itong pangalagaan ang sarili. Bawat anak pagsapit ng wastong gulang, katungkulan nito ang unahin at pagyamanin ang kaniyang sariling mga supling. Marapat na lingapin ang magulang, kung wala na itong kakayahang asikasuhin ang pa ang sarili.
Pananaw: Ang pagkakaroon ng anak ay hindi katulad ng negosyo, na sa pagtanda ay upang pakinabangan. Ang patuloy na paninilbihan sa magulang, kahit may sarili ka ng pamilya ay karagdagang tungkulin. lalunat nagdarahop ka pa at nagngailangan din ng tulong, (dahil sa kapabayaan na rin ng sarili mong mga magulang). Kadalasan, nagiging balakid ito na maibuhos nang ganap ang pag-aaruga sa sariling mong mga anak. Bawat tao, kailangang magsumikap na paunlarin ang kanyang sarili. Upang sa pagtanda ay hindi maging pabigat, dalahin, at maging palaasa sa pabuyang makukuha sa anak. 
Panambitan: Ang tumayo sa sariling paa at hindi maging palaasa, ang nakagisnan at patuloy na pamantayan ng tunay na Pilipino.

Kailangan Natin ang Damayan

  

Umani ng magagandang mais ang magsasaka. Taun-taon isinasali niya ang pinakamagagandang mais sa paligsahan ng Masaganang Ani sa bayan. Palagi siyang nananalo. Minsan, may isang mamamahayag mula sa kilalang pahayagan, ang nag-usisa kung papaano nagagawang maganda at malalaki ang kaniyang aning mais. Laking gulat ng mamamamhayag sa isinagot ng magsasaka,  
   “Binibigyan ko ng aking binhi ng mais ang mga kapitbukid ko na magsasaka,"ang tugon nito.
   “Bakit mo naman binibigyan sila ng iyong mamahaling binhi ng mais?” Nagtatakang tanong ng mamamahayag. 
   “Hindi ba’t sila din ang iyong mga katunggali sa Paligsahan ng Magandang Ani taun-taon?” ang dugtong pa nito.
    Sumilay ang ngiti at banayad na tumugon ang magsasaka, 
   “Ikinakalat ng hangin sa nakapaligid na mga bukid ang ‘pollen’ ng pahinog na mais. Kung mahinang mais ang tanim ng mga kapitbukid ko, hihina din ang mais ko sa tuwing may ‘cross pollination.' Upang makatiyak ako na umani ng magaganda at malalaking mais, tinutulungan ko sila na umani rin tulad ng sa akin.”
   Naunawaan ng mamamahayag ang tinuran ng magsasaka at nangusap, 
   “Lahat tayo ay magkaka-dugtong, kabit-kabit at iisa ang hinihingang hangin. Ito ay magkakaugnay. Hindi huhusay ang iyong ani kung hindi mo magagawang tumulong sa ani ng iba.”
    At nagpugay ito, "Mabuhay ka kabayan, ang mga tulad mo ang kailangan na ating bansa," ang papuring iginawad ng mamamahayag.

Makabuluhang Aral: Kung nais mo ng tagumpay, tulungang magtagumpay ang iba. Higit mong matutulungan ang iyong sarili kapag dumaramay ka. Dahil ang kapangyarihan ay nasa nakararami. Nasa pagtutulungan ang ikatatagumpay ng anumang hangarin o adhikain.
Pananaw: May saysay lamang ang tinting, kapag ito'y marami at nakabigkis. Nagkakaroon ng kaganapan at kahalagahan kung may kaisahan sa isip, puso, at mga gawain. Nasa damayan ang ikauunlad ng pamayanan.
Panambitan: "Tagumpay at hindi Talunan! Pagkakaisa at hindi Paglalaban! Tulungan at hindi Agawan! Damayan ang kailangan!" ang mga sigaw ng mga tunay na Pilipino

Pansinin at Baguhin ang mga Ito

15 Parunggit: Mga Kalagayan



   Naritong muli ang isa pang karagdagan ng ating mga Parunggit. Tungkol ito sa mga kalagayan at mga pag-uugaling nakasanayan at naging maling katangian ng ilan nating kababayan. Sana naman ay mabago na ito. Hindi pa huli ang lahat.

  1. Kalatog-pinggan -walang makain, naghihirap, maralita

  2. Lulubog-lilitaw -walang katiyakan ang pakikiharap, pasulpot-sulpot, hindi maaasahan

  3. Amoy-pusali -mabaho, maruming-marumi, salaula

  4. Saksak sa likod -kaaway na lihim, taksil, mapagkanulo

  5. Patay-patay -hindi maaasahan, mahina ang loob, pukpukin, nakatulala

  6. Isang-kahig, isang tuka -walang tiyak na gawain, patama-tama, kumikilos lang kapag nagugutom

  7. Laking-bundok -walang pinag-aralan, babantayan, turuan,

  8. Pasang-krus -pabigat, mahirap kasamahin, dalahin sa buhay

  9. Pupuwit-puwit -nahihiya at hindi makaharap, laging nakadikit at susunod-sunod, amoyong

10. Angat sa buhay -mariwasa, nagtatamasa ng kasaganaan, mayaman

11. Sala sa lamig, sala sa init -walang katiyakang pag-uugali, pabago-bago ng isip

12. Nasa loob ang kulo -tahimik subalit mapanganib, biglang umaagsaw, bugnutin

13. Makitid ang isip -mahirap umunawa, pinid na pag-uugali, ayaw maturuan

14. Pabalat-bunga -pakitang-tao, mapagkunwari, may pinagtatakpan, mandaraya

15. Kuskos-balungos -paladaing, nanghihingi na pansinin, maraming hinihiling


Alam Mo ba Ito?

Magandang Huwaran



Sa isang kapilya ay tinanong si pastor Mateo:
   Anong huwaran ang kailangang sundin ng isang tao? Yaon bang tulad sa mga banal na tao, na iniukol ang kanilang buong buhay sa paglilingkod sa Diyos? O, yaong mga iskolar, na nagsasaliksik na maunawaang lubusan ang kaluwalhatian ng Diyos? O, yaong palasimba at laging may dalang bibliya?
   “Ang magandang huwaran ay makikita sa paslit.” ang sagot ng pastor.
   Napaangal ang mga tao sa narinig at nagpasaring at mayroon pang napatayo mula sa upuan, “Maling-mali ka pastor, ang isang bata ay walang kamuwangan kung ano ang katotohanan.”
   “Marami pa silang kakaning bigas, bago matutunan ang totoong buhay!” sabad na isa.
   "May gatas pa ang kanilang mga labi," may hagikgik na dugtong ng isa pa sa gawing likuran.
   “Anong matutuhan natin mula sa bata? Kundi ang sawayin lamang sila.” Paanas na sambit naman ng katabi na nakaismid.
  Napailing ang pastor at nagwika, “Kayo ang namamali, ang bata ay mayroong tatlong katangiang hindi natin dapat kinakalimutan.”
 
  At nagpaliwanag ng pastor, 
Una, lagi silang masaya nang walang kadahilanan. Sinasamantala nila ang ngayon, hindi ang Kahapon o nakaraan o ang Bukas na darating.
Pangalawa, lagi silang abala, malilikot, at palatanong. Makukulit at mga pasaway na walang kapaguran. Uhaw na uhaw na makialam, tumulong o makigawa at nang may malaman.
At Pangatlo, may determinasyon sila kapag may hinahanap o humihiling ng mga bagay. Naroon ang kumuha ng atensiyon, mangulit, at kung kulang pa ito, gumagawa pa ng drama at kasunod pa ang mga pag-iyak, tampo, at maging bingi kapag may inuutos ka.
 
Ginagawa pa ba natin ang mga ito?
 
Ang mga ito ba ay ating ginagawa bilang mga matatanda at higit na nakakaunawa?
 Sa totoo, nangawala ang mga katangiang ito, nang PAKIALAMAN natin ang kanilang kamusmusan sa pamamagitan ng maraming pagbabawal. Sa halip na maging gabay tayo, naging panakot at mapag-alala tayo.
 

Samut-sari

Mga Natatanging Paksa Tungkol sa Buhay




Kinapapalooban ng maikli at tuwirang paksa sa ibat-ibang  larangan tulad ng pilosopiya, relihiyon,  kalusugan, kaugalian, edukasyon, pulitika, atbp. Naghahatid ng makabuluhang aral,  inspirasyon, at mga halimbawa na magagamit na pakikibaka sa takbo ng ating buhay.  Kasama rin ang mga katanungang napapanahon at humihingi ng karampatang paliwanag o pang-unawa. Mga kasagutang hinimay at sinala mula sa abot ng pansariling karanasan, kaalaman at pananaw.  Matutunghayan din dito ang maraming inpormasyon, naiibang ideya, panuntunan, pagtutulungan o bayanihan, at mga pananalig mula sa ibat-ibang dako ng ating kapuluan. 
   Marami ang nagtatanong,  kung ano ang kahulugan ng samut-sari.  Ang katagang samut ay mga bagay na samo o pagsamo, dinggin, pansinin, dagdagan o palabisan. Karagdagan ito kung sa kabubuang nilalaman ang pagbabatayan.  Kahanay nito ang mga salitang paambos, paamot, o paningit. Malimit ginagawang pahabol kaalaman ito sa kabubuan ng paksang tinatalakay.
   Samantalang ang sari ay nauukol naman sa maraming kahulugan o uri. Kapag inulit at naging sari-sari, ang kahulugan nito ay marami at ibat-ibang mga bagay, bilang, klase o uri. Tulad ng isang tindahan o isang sari- sari, marami itong tinda na ibat-ibang bagay na iyong mapagpipilian at mabibibli. 
   Mga samot na sari-sari at sama-sama na ginawang karagdagan. Naging bukambibig ito na sa kalaunan ay naging palasak na katawagang samut-sari, o halu-halo at ibat-ibang paksa ayon sa nais idagdag at ipabatid ng may-akda.
   Laging subaybayan, isa itong mabisang aliwan tungo sa magandang paglalakbay sa ating buhay.

Nasa Tao ang Gawa

Nasa Diyos ang Awa



   Sa may Pantingan, bayan ng Pilar sa Bataan, nakagawian nang dalawin ni pastor Mateo ang magbubukid na si Mang Berting, isa niyang kasimbahan. Madalang magsimba ito, at sa tuwing dumarating ang araw ng Linggo ay umiiwas at laging may kadahilanan.
    Isang umaga, nadatnan niya itong inilalabas mula sa kulungan ang mga alaga nitong kambing. Minabuti  ng pastor na samahan si Mang Berting patungo sa sugahan upang doon kausapin. Habang naglalakad sinamantala ng butihing pastor ang bawat sandali na ituro sa kanyang kasama ang tungkol sa masugid na pananampalataya.
  “Ka Berting, palagi mong ipagkakatiwala sa Panginoon anuman ang nasa iyo.” At dugtong pa ng pastor, “Kailanman, hindi tinatakasan ng Panginoon ang kanyang mga anak.” Malayo rin ang kanilang tinahak at ang paliwanagan ay patuloy pa rin. Pagdating sa sugahan na mga kambing ay nagpaalam na ang pastor, subalit bago ito umalis, nagpaalaala ito kay Mang Berting na itali ang mga alaga sa mga sanga ng puno upang hindi makalayo ang mga ito.
   Sumunod si Mang Berting at naghanap ng mga sanga sa kalapit na puno. Habang itinatali ang unang kambing, naalaala niya ang habilin ng pastor nang hapong yaon bago ito umalis.
   Bulong nito sa sarili, “Palagay ko sinusubukan ako ni pastor Mateo, kung gaano katatag ang aking pananalig sa Diyos. Batid ko na ngayon, 'ang katotohanan lamang ang magpapalaya sa aking sarili.' Sa katotohanang ito, ipinagkakatiwala ko sa Diyos ang aking mga kambing.”
   Kasabay ng mga pangungusap na ito, ay inihinto ni Mang Berting ang pagtatali at pinawalan ang mga kambing. “Magsihayo kayo, manginain hanggang ibig ninyo, at babalikan ko kayo bukas!” utos nito, sabay taboy sa mga alaga.
   Kinabukasan, pasipol-sipol pa na dumating si Mang Berting sa sugahan. Laking gulat niya nang kahit isa man sa kambing ay wala siyang dinatnan. Nanggagalaiti, humahangos itong nagtungo kaagad sa bahay ng pastor sa barangay Ala-uli, at paninising inulat ang kamaliang naganap.
  Pagbukas pa lamang sa pintuan ng bahay ay binatikos kapagdaka ang pastor, 
“Wala kang sapat na kaalaman pastor, tungkol sa Diyos. Kahapon ang paliwanag mo ay magtiwala ako nang ganap sa Panginoon. Tinupad ko ito nang buong puso. Hindi ko itinali ang aking mga kambing at ipinagkatiwala ko sa kanya nang lubos. Subalit ang nangyari ay nawala silang lahat. Wala akong makita kahit isa, gaano man ang aking paghahanap.” Ang nagsisising panaghoy ni Mang Berting, habang nakatalungko ito sa bangko.
   Mahinahon ang naging tugon ng pastor, “Nais ng Panginoon na bantayan ang iyong mga kambing, dangan nga lamang, ang nais Niya ay magamit ang iyong mga kamay na itali sila, subalit hindi mo pinahintulutan ang Panginoon upang ito’y mangyari.”
  “Alalahanin mo ka Berting, nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.” paalaala ng pastor.

Mayroon Ka ba Nito?

Pambihirang Katangian

 


    Doon sa bayan ng Rosales, sa lalawigan ng Pangasinan, nakilala ko si Mang Tibo. Isa siyang traysikel drayber at tumutulong sa pagpapaaral ng higit sa sandaang estudyante sa kanilang matrikula, aklat, at kinakailangang mga gastusin hanggang sa makatapos ng pag-aaral ang mga ito. Bagamat hindi sapat, malaki ang nagagawang tulong nito sa mga magulang ng mga nagsisipag-aral.
   Matandang binata ito at isang pamanking lalaki na kanyang pinalaki ang kasama lamang sa bahay. Ayon dito, nagsimula si Mang Tibo sa traysikad o de-tadyak noong kabataan pa nito at nang lumaon naging de-motor. Wala gaanong hilig kundi ang magtanim ng gulay sa kanyang bakuran at maglabas ng kanyang traysikel. Matipid at palaimpok sa kanyang kinikita. Palaging hindi tumatanggap ng bayad sa mga estudyanteng kilala niyang kinakapos sa buhay, at kadalasan siya pa ang nagbibigay ng baon sa mga ito. Naging takbuhan siya ng tulong na humantong sa pagpapaaral at pagtustos sa mga ito.
   Madali siyang makikilala sa terminal ng mga traysikel drayber na naghihintay ng mga pasahero. Siya lamang ang nakabalanggot ng buli, suot ang kupas na kamiseta na wala sa sukat, tagpi-tagping sinaunang pantalon, at magkaibang kulay na gomang tsinelas. Malimit may tali pa itong alambre upang hindi mahugot sa sugpungan.  Lahat nang ito ayon sa pamankin, ay ibinigay sa kanya, o napulot sa kanyang pamamasada. Nanghihinayang siya na gawing basahan ang mga kasuutan. Matiyaga niyang nililinis, sinusulsihan, at pagmamalaking isinusuot ang mga ito. Magagalitin kapag nagmungkahi kang bumili siya ng bagong damit. At kapag binigyan mo naman ng bago ay ipinagbibili ito at ginagawang pera. Yagit siyang turingan at mistulang pulubi kapag pagmamasdan. Subalit maligaya siya sa kanyang mga gawain, lalo na ang pagtulong sa mga estudyante.
   Kapag tinatanong kung bakit niya ginagawa ito, ang mabilis niyang sagot ay, “Hindi ko nadanasan ang bumili ng sariling damit, palaging pinagkaliitan na kasya sa akin ang aking isinusuot. Hanggat may magagamit, magtitiis ako. Kakaunti man ang aking kinikita, malaki naman ang aking hangaring makatulong. Dahil hindi ako nakapag-aral, kaligayahan ko na ang magpaaral.  Nais kong mag-aral silang mabuti, makatapos, at magkaroon ng mabuting trabaho. At maging mabubuting mamamayan sila na tumutulong sa ating bansa. Ito ang aking pangarap!”
  Noong 2009, matapos ang pananalasa ng bagyong Ondoy na sinundan pa ng malaking pagbaha sa bayan ng Rosales, ay ipinamahagi ni Mang Tibo ang natitira niyang pera sa bangko para sa mga estudyanteng nasalanta. Bagamat 83 taong gulang at wala ng kakayahan sa pamamasada ng traysikel, naisipan naman niya ang magkumpuni ng makina nito. Nakapag-impok siya dito ng halagang siyam na libong piso at ito’y kanya ring itinustos sa pagpapaaral.
   Binawian siya ng buhay noong Agosto 27, 2010 sa isang klinika, kung saan doon siya isinugod ng kapwa traysikel drayber. Sa kanyang libing, nasaksihan ang mahabang pila ng maraming nakipagluksa. Iisa ang kanilang paghangang sinasambit,  ang pambihirang katangiang ipinamalas ni Mang Tibo, noong ito’y nabubuhay. Sadyang katangi-tangi at magandang ilarawan ito. Isa siyang tunay na Pilipino.

Panambitan



Hindi ako isang bihasa sa panulat o manunulat, sa katunayan pinag-aaraln ko pa kung papaano makapag-susulat nang maayos at nasa tamang direksiyon. Lalo na sa mga ganitong tema, na may mga makabuluhang paksa sa larangan ng ating panitikan, kultura, tradisyon, at pagpapalaganap ng wikang Pilipino.
   Humihingi ako ng paumanhin doon sa mga mapanuring pukol ng mga kritiko sa panulat. Sa tilamsik ng kanilang mga puna, panghihinaan ka ng loob na magpatuloy. Nararamdaman mo tuloy na wala kang karapatan na makapag-ambag o makibahagi man lang sa ikakaunlad ng ating wikang sarili. At higit pa, doon sa kanilang pagbatikos sa lantarang paghahayag ng mga katampalasanang nangingibabaw sa ating lipunang Pilipino. Nahihiya sila. Hindi nila matanggap ang nakasusulasok na mga katotohanan.
   Magkagayuman, hindi ko na sila inaalaala, itinuturing ko silang pampalakas loob upang lalong magpatuloy. Sa dahilang ayaw kong mapabilang doon sa mga umid ang dila, manhid, at nakatunghay lamang sa mga nakapanlulumong kaganapan sa ating bansa. Kung walang kikibo, sino ang dapat kumibo para sa atin? 
   Sadyang mahirap gisingin ang tulog, natutulog, at higit na matindi yaong nagtutulog-tulugan. Kahit mali-mali o wala sa tamang patutunguhan ang aking pagsulat, magpapatuloy ako. Mas nanaisin ko pang ako’y mamali, kaysa manatiling tuod na tinatangay ng agos at pasanin.
   Ang napakalungkot pa dito, sa halip na mapalaganap ang wikang pambansa nagiging tagkitil pa sila sa pag-usbong ng mga nagnanais na ito’y buhayin. Bakit hindi na lamang sila magturo, kung sa pananaw nila ay higit silang may karapatan at mahalaga ito? O dili kaya'y, magsulat din sila upang marami ang mapagpipilian kaysa ang pumuna. Tilaok ang kailangan natin, hindi ang putak. Bigkisan, hindi ang kaliskisan. Pagkakaisa, hindi ang palaasa. Isang isip, isang bansa, at isang Pilipino.
   Lubos na paumanhin din doon sa mga nagnanais ng karagdagang kaalaman kung sakali man mabigo sila na makamit ito dito. At sa manaka-naka at pabugso-bugso lamang na pagpaskil ng AKO, tunay na Pilipino. Sapagkat nag-iisa lamang ako. Gayunman, AKO ay Isa. Hindi ko magagawa ang lahat, subalit makakagawa ako ng kaibahan. At dahil hindi ko magagawa ang lahat, hindi ko iiwasan o kakaligtaan man lamang na gumawa ng bagay na makakaya kong gawin. Sapagkat AKO, tunay na Pilipino

Unawa at Simpatiya

 

Sa labas ng bakod, ipinapako ng matandang lalaki ang isang karatula. Ang nakasaad sa karatula ay ito: “IPINAGBIBILI: Apat na Magagandang Tuta” Sa pinakahuling pagpako, naramdaman ng matanda ang paghatak sa laylayan ng kaniyang kamiseta. Sinundan pa ito nang pagkalabit sa kanyang likod. Lumingon siya pababa sa mukha ng nakangiting batang lalaki. 
   Ang wika nito, “Tatang, nais ko pong bumili ng isang tuta, para may makalaro ako.”
   “Aba’y mapalad ka Totoy, dahil ikaw ang kauna-unahang makapipili ng nais mo sa apat na tuta. Mahusay ang pinanggalingang lahi ng mga tutang iyan.” paliwanag ng matanda. 
   Nagalak ang bata at dumukot sa bulsa. Inilabas ang lamang pera. Dumukot muli sa kabilang bulsa at kinuha ang ilang barya. Matapos bilanging lahat ay nagtanong ito, 
   “Tatang, puwede na po ba ang walong piso at singkuwenta sentimos para sa isa?” 
   Napangiti ang matanda sa munting halaga, ngunit nang makita ang matinding pananabik ng bata sa mga tuta ay pumayag ito. Kinuha ang pera at sumutsot sa may bodega,
   “Pssst, pssst, Tagpi, pssst, lumabas ka rito!”
   Mula sa bodega, tumakbong papalapit ang magandang asong si Tagpi, kasunod ang apat na masisigla at malulusog na tuta. Patalun-talon at nag-uunahan sa isa’t-isa. Naghahabulan pasunod kay Tagpi. Tuwang-tuwa ang bata at natatawa sa paghaharutan ng mga tuta sa paanan niya.
   Maya-maya, may maliit na mga tahol na naulinigan siya sa may bodega. Nagtanong ito sa matanda,
   “Mayroon pa po bang tuta sa loob ng bodega?”
   “Oo, kaya lamang hindi mo siya magugustuhan." Pailing-iling na paalaala ng matanda.
   "May kapansanan ito nang ipanganak. Pumili ka na lamang ng isa dito sa apat.” ang mungkahi nito.
   “Nais ko pong makita ang tuta na nasa loob ng bodega.” ang hiling ng bata.
   Nakakunot noo ang matanda na inilabas at ipinakita ang tuta sa bata.
   Kapansin-pansin na maliit ito kaysa sa mga kapatid na tuta. Umiika na tulad ng isang pilay sa paglakad. At kapag tumatakbo ay nabubuwal.
   “Siya po ang nais ko,” turing ng bata sa matanda habang itinuturo ang lulugo-lugong tuta.Napamulagat ang matanda at kagyat na nagpaalaala,  
   “Totoy, aanhin mo iyan? At papaano ka makikipaglaro sa mahinang tuta na iyan? Hindi iyan makahahabol sa iyo. Pilay at paloy pa iyan!”
At kasabay nito, itinuro ang apat na malulusog at naghahabulang mga tuta,
   “Pumili ka na lamang ng isa diyan!”
Sumilay ang kakaibang ngiti ng bata, inililis ang pantalon pataas at ipinakita ang kaniyang maliit at payat na binti na tinutukuran ng mga bakal, mula sa sapatos hanggang sa tuhod nito. Paika-ika nitong dinampot ang mahinang tuta, kinilik at tumingala sa matanda,
   “Tatang, ako man po ay hindi nakakatakbo. Pilay rin po ako.
   Tama lamang po na siya ang makalaro ko,
   dahil kailangan may nakakaunawa sa kalagayan niya.”

Makabuluhang Aral: Maraming bagay ang hindi natin kagyat na mapanghihimasukan, hanggat wala tayong kaalaman o karanasan tungkol dito. Anuman ang balakid na kinasusuungan ng isang tao, siya pa rin sa bandang huli ang higit na nakakaalam kung papano niya ito haharapin at malulunasan.
Pananaw: Maganda ang ating nilalayon kapag nag-uukol tayo ng mungkahi, tulong, o pakikiramay sa kapwa, subalit hindi natin ganap na naaarok ang tunay na nilalaman ng kanyang puso't pag-iisip. May karapatan siyang piliin kung ano ang higit na makakatulong para sa kanya.
Panambitan: Madali ang makialam. Ang mahirap ay kapag nalagay ito sa alanganin at humantong sa kapinsalaan ng iba. Hanggat hindi hinihingi ang iyong pansin, makabubuting nakaantabay lamang at nakahanda sa anumang magaganap, sapagkat ito ang katangian ng pagiging tunay na Pilipino.

May Naisin Ka ba?

    May isang batang lalaki na nakapulot ng maliit na pagong sa tabi ng kanilang bahay. Subalit gaano man ang kanyang pagyugyog dito, nananatili pa ring nakatago sa kanyang lukuban ang ulo, mga paa, at buntot nito. Sinimulan niyang pag-aralan kung papaano ito mapapalabas, ngunit matigas pa ito sa bakal na nagkukubli. Pataob at patihaya naman ang kanyang sinubukang gawin, wala ring nangyari.
   Nagsawa ang bata sa kaaalog sa pagong. Mayamaya pa'y ginamit naman niya ang kanyang kimis na kamao sa pagpukpok. Lalong nagtago sa loob ng kaniyang lukuban ang pagong. Dumampot siya ng isang patpat at tinangka na sundutin para buksan ang lukuban nito. Maya-maya'y sinimulan naman niyang bingkawin ito sa pamamagitan ng patpat at sangkalang bato. Nakitang lahat ito ng kaniyang tiyuhin at pababala na nagwika, "Huwag, hindi sa ganyang paraan. Masasaktan iyan!"
   Dugtong pa nito, "Kapag paulit-ulit na sinundot mo, mamatay iyan. Hindi mo iyan mapapalabas sa pamamagitan ng patpat lamang." 
   Kinuha ng tiyuhin ang pagong sa bata at dinala ito sa loob ng bahay. Sumunod na may pagtataka ang bata sa mangyayari. Sa harap ng kalang may apoy, maingat na inilapag ito sa gilid ng talaksan ng mga panggatong na malayo sa apoy upang mainitan. Masuyo itong hinimas sa likod at ilang sandali lamang mula sa pagkakadarang, ay lumabas na ang ulo nito. At sinundan pa nang pag-iinat sa kanyang mga paa palabas. Unti-unting gumalaw ito at nagsimulang lumakad. Natuwa ang bata.
   "Ang mga pagong ay magkakatulad, gaya ng isang iyan." paala-ala ng tiyuhin, 
Kailangan idaan mo ito sa haplos at init upang magtiwala sa iyo at lumabas ng kanyang tukluban."

Makabuluhang Aral: Gayon din ang mga tao,kailangan ang pagsuyo na may kalakip na pang-unawa. Kailangan lamang ng init o maalab na pakikiharap, upang makatiyak ng tamang katugunan. Hindi mo sila mapipilit kung gagamitan mo ng dahas para lamang sundin ka. Subalit kapag ang paglapit mo'y sinimulan na may pagtatangi at kabaitan, makakatiyak ka, na gagawin nila nang mahinusay ang mga nais mong ipagawa.
Pananaw:  "Unahin mo munang umunawa, kung ang nais mo'y maunawaan ka." Tulad ng pamimitmit ng isda, yaong ibig ng isda ang ipain mo, hindi yaong nais mo upang ikaw ay makahuli.
Panambitan: Sa pakikipag-kapwa, laging tandaan na bawat tao ay may ibat-ibang pangangailangan at pagpapahalaga, subalit pangunahin sa lahat ang kanilang damdamin. Kailangan ito'y hindi masasaling. Ito ang panuntunan sa palagayang-loob ng tunay na Pilipino.

Mga Bagabag sa Aking Budhi

 
Ano ba ang bumabagabag sa ating buhay?
Marami ito at nangyayari kahit kaninuman, mayamn o mahirap, anumang antas, kalagayan, at kaganapan. Nanggagaling ang mga ito sa lahat ng uri ng kapaligiran. Maging ang gulang at talino ay magkakaiba. Kahit hindi magkamukha at nanggaling sa iisang angkan, magkakatulad ang kanilang nadarama. Mayroong bumabagabag sa kanila... at ito ay patuloy.
   Maaaring may kinakatakutan, may kinaiinisan, mga dalahing hindi malutas-lutas, masamang relasyon, walang hanapbuhay, hindi makapasa sa pagsusulit, naghihirap, pasanin, maraming kagalit, bugnutin, nababagot, at marami pang katulad nito.
   Kadalasan ay naidaraing nila ito sa mga kaanak, kaibigan, at kakilala. Gayong ang nais lamang ay pahintulot at paniniyak kung nasa tama silang kapasiyahan. Malimit hindi nila mapagtanto kung ano talaga ang sanhi ng bumabagabag sa kanila.
   Ano nga ba ang bagabag? Ito ba ay mga alalahaning o problemang hindi matapus-tapos? Ano ang magagawa natin para dito? At papaano natin ito malulutas? Maiiwasan? Pabayaan na lamang ba?  Subalit mabilis man natin itong maisaayos, ay mabilis din ang panibagong bagabag na kapalit. Tila wala nang katapusan habang nabubuhay. Paikot-ikot lamang.
   Mayroong lalong nagtatagumpay at umuunlad, subalit lalong marami ang patuloy na nasasadlak sa dusa. Karamihan ay nawawalan ng tiwala sa kanilang mga sarili. Bakit may nakakagawang lagpasan ito at umuunlad, subalit ang iba’y hindi makakilos, paralisado at kusang tinatanggap na lamang ito?
   Alalahanin, ang kalagayang natamo mo ngayon ay sanhi lamang ng mga kapasiyahang ginawa mo sa nakaraan. Bunga ito ng iyong mga ginawang pagpili (choices). Hindi ka malalagay sa katayuang ito nang wala kang pahintulot. Nangyari ang mga bagay na ito dahil kagustuhan mo. Sapagkat kung hindi mo ito ibig, gagawa ka ng kaparaanan upang hindi ito mangyari sa iyo.
   Ito ang katotohanan.
   Ang mga bagabag ay tagapagpaganap. Dumarating ito sa iyong buhay upang ikaw ay gawing matatag at matibay. Mga pagsubok na ikaw lamang ang makalulutas. Anuman ang ginagawa mo sa ngayon, ito ang iyong magiging kapalaran sa kinabukasan. Kung nais mong malaman ang katiyakan ng iyong bukas, simulan mo sa araw na ito ang pagganap.
   Ang mga bagabag ay tagapag-paalaala. Ipinaiisip nito sa atin na tayo ay kailangang kumilos, gumawa, at magbago. Hanggat may kasakitan tayong nadarama, pinag-iisip tayong gumawa ng kalunasan. Kung walang bagabag, mananatili tayo sa pagwawalang bahala at karaniwang takbo ng buhay. Paminsan-minsan ang bagabag ay nagsisilbing pagbatok, upang tayo’y magising sa mahimbing na pagtulog.
   Ang mga bagabag ay mga aral ng buhay. Mga paghamon ito na nagtuturo upang tayo'y matuto sa pakikibaka sa araw-araw. Ipinapadala ito sa atin upang maging bihasa sa maraming mga pagsubok. Mga ibinibigay na pagkakataon upang magkaroon tayo ng sapat na kaalaman at karanasan. Kailangan natin ito sa matuwid na pagharap at paglutas sa mga suliraning nakaatang sa ating mga balikat.
   Ang mga bagabag ay mahalagang kaibigan. Nagbibigay ito na babala tungo sa pagbabago. Ito
ang pamantayan kung tagumpay o kabiguan, kasaganaan o karalitaan, kaligayahan o kapighatian, kaguluhan o kapayapaan, kaibigan o kaaway, ang nasa iyo, ang pagpili ay nasa iyo. Anuman ang haharapin mo sa mga ito ay malulunasan. Hindi iniiwasan. Kaya nga binabagabag ka, upang makagawa ka ng solusyon. Hindi ito tatawaging bagabag kapag walang solusyon.
   May kumalabit sa akin, ang wika ay ‘problema’ ang dapat itawag na kataga. Ang sagot ko naman, tinatawag itong problema, kapag nais mong tumakbo ay putol naman ang dalawang paa mo. Ito ay problema. Nais ng kapitbahay mo maging isang sikat na mag-aawit, pero ngongo siya. Ito ay problema. Ambisyon naman niya ay maging sikat na manlalaro sa basketbol, ang kaso naman 4'11" ang taas nito. Ito ay problema. Ang isa naman, pangarap ang tumama sa lotto, dahil nais nito ay biglang-yaman siya. Hindi naman siya bumibili ng tiket. Ito ay problema.
   Kapag binanggit ang problema, makakatiyak ka, problema nga ito, dahil wala itong solusyon!
   Siyanga pala, hindi lahat ay laging problema ang katawagan. Marami tayong mapagpipilian, tulad ng; pagsubok, pagkakataon, biyaya, leksiyon, aral, handog, paghamon, atbp. Lahat ng ito ay may solusyon.
   Kaya ang bagabag, kailangan natin. May solusyon ito. Pampagising ito sa tulog, natutulog, at mga nagtutulog-tulogan. At kung ayaw mo pa ring magising sa napakaraming panag-inip na ipinaparating sa iyo kapag ikaw ay TULOG, asahan mo, at ang susunod na darating ay BANGUNGOT, sana maligtasan mo ito.

Mga Tamang Katanungan

Higit na mabuti ang MAGTANONG kaysa manatiling naghihinala at naghihintay sa WALA.

    
   Kung nais mong makatiyak sa pagpapasiya kapag nahaharap ka sa matinding pagsubok, kailangan mayroong kang mga katanungang para dito. Pag-aralan itong mabuti at piliin lamang ang naa-angkop na tamang katanungan mula sa mga ito. At ang paglalaan ng mga karampatang kasagutan, bago ka magpasiya. 
   Ito ang mabisang panuntunan sa buhay. Tulad ng pagluluto, kung sinigang na isda ang binabalak mo, kailangan ang tamang mga sangkap nito at paraan ng pagluluto, ayon sa iyong panlasa upang ito'y maging malinamnam.
   Ganoon din pagdating sa mga hakbangin ng iyong pakikibaka sa buhay. Kapag ikaw ay may pag-aalinlangan, gumawa ka ng tamang katanungan at ito'y may katumbas na tamang kasagutan. Kailangan lamang ay malaman, maisaulo, gamitin, at ipamuhay.   

Mga Tamang Katanungan sa Buhay                                                      
   Ito ang sadyang mapa o alituntunin na magagamit mo para makarating sa iyong paroroonan. Maging matapat lamang na nalalaman mo kung nasaan ka ngayon, saan mo ibig pumunta, at tandasang natitiyak mo na ito nga ang ibig mo na puntahan. At maligaya kang ipamuhay ang kapasiyahang ito.
   Mga tamang katanungan na magdudulot sa iyo ng inspirasyon at kapangyarihan. Piliin ang katanungang angkop sa  pagkakataon, at lalagi kang gising sa mahalaga mong mga hangarin at kalalabasan nito.
  Narito ang 10 tamang katanungan:

Tanungin lamang ang iyong sarili.

1. Ang  pagpili bang ito ay maghahatid sa akin tungo sa maaliwalas na kinabukasan, o lalo lamang 
    magbabaon sa akin sa nakaraan?

2. Ang pagpili bang ito ay magdudulot sa akin ng mahabang kaganapan, o magpapatighaw lamang 
    sa akin ng dagliang kasiyahan?

3. Isinasaalang-alang ko ba ang aking paninindigan, o pinipilit ko lamang na asikasuhin na 
    masiyahan ang iba?

4. Ako ba’y nagmamasid sa kung ano ang tama, o ako’y nagmamasid sa kung ano ang mali?

5. Ang pagpili bang ito ay makapag-papasulong sa kabatiran ko, o makapag-papaurong
    pa sa aking kabatiran?

6. Magagamit ko ba ang sitwasyong ito bilang batayan sa  kamulatan, o magagamit ko para sisihin
    lamang ang aking sarili ng paulit-ulit?

7. Nagagawa ba ng pagpiling ito na palakasin ang aking loob, o nagagawang pahinain ang aking loob?

8. Ito ba’y hakbang na pagmamahal sa sarili, o isang hakbang na pagwawasak sa sarili?

9. Ang pagkilos bang ito ay batay sa pananalig, o likha lamang ng pagkatakot?

10. Pinipili ko ba ang pagiging marangal ko, o pinipili ko ang naaayon sa kagustuhan ng iba?

   Tahasan kong inimumungkahi ang paggamit ng 10 katanungan na ito sa bawat pagpili ng mga hangarin, o mga lunggati sa buhay. Sapagkat matutunghayan sa uri ng iyong pamumuhay sa ngayon, ang kabubuang sanhi ng lahat ng mga hakbanging iyong ginawa mula sa nakaraan. Sa paggawa ng mahahalagang desisyon, madali mong maliliwanagan kapag ang pinili mo’y makatutulong o makasasama, kung ito’y nagmumula sa pananaw o sa pangarap, o nanggagaling sa pag-aalinlangan o pagkatakot. Sa pananalig, o paimbabaw na kalutasan.
   Kapag ganito ang nangyayari sa iyo at nagkakaroon ka ng ibayong pagmumuni-muni, mangyari lamang na isalang agad sa iyong isipan ang mga ito: 

Ang 7 Patnubay ng Katotohanan:

1. Doon sa mga bagay na ating iniisip, sinasabi at ginagawa . . . ito ba ang katotohanan?

2. Ito ba’y pantay-pantay sa lahat ng kinauukulan?

3. Magagawa ba nitong magtaguyod ng mabuting saloobin at mahusay na pagkakaibigan?

4. Nagpapakilala ba ito ng hinahangad mong huwarang pagkatao?

5. Pagmumulan ba ito ng kapakinabangan sa lahat ng kinauukulan?

6. Magdudulot ba ito ng katiwasayan at maligayang pamumuhay?

7. Papuri ba ito sa kaluwalhatian ng Dakilang Lumikha?

   Ang mga Tamang Katanungang at mga Patnubay ng Katotohanan na narito, kung magagawang sauluhin at panatilihin sa isipan, ay makapag-papalinaw ng kamulatan upang higit na mapili ang tamang pagtahak sa matiwasay na landas.

May Pusong Daga Ka ba?





   May isang kansusuwit ang laging kinakabahan at natatakot sa pusa. Nakita niya ang kabangisan nito kapag humahabol ng mga munting daga na tulad niya. Halos sa araw-araw, bago ito lumabas ng kanyang lungga ay maraming ulit muna itong pasilip-silip, palipat-lipat ng makukublihan, at patuloy ang panginginig sa matinding takot na makita siya ng pusa.
   Isang salamangkero ang nahabag sa kanyang kalagayan at sa mahiwagang pagkumpas ng kamay nito’y ginawa siyang isang pusa din. Natuwa ang munting daga at naging malaya siyang lumibot sa loob ng kabahayan. Subalit nang magpunta siya sa labas ng bahay ay hinabol siya ng aso. Sa matinding takot, nagkasugat-sugat siya sa pagtakas upang hindi maabutan ng aso. Humihingal itong nakapasok sa kanyang lungga at napabulalas ng panaghoy sa panibagong panganib na naranasan.

   Naawang muli ang salamangkero at ginawa naman siyang aso. Tuwang-tuwa ang daga, ngayong aso na siya ay malilibot niya ang malaking bakuran, ang bulong nito sa sarili. Habang namamasyal dito ay natanaw niya ang kakahuyan sa labas ng bakuran. Nahalina siya sa luntiang kapaligiran nito. Madali itong lumabas ng bakod at nilibot ang bawat maibigan na tanawin. Subalit may narinig siyang kakaibang ungol sa di-kalayuang halamanan.  Isang malaking tigre na may matutulis na pangil ang humahagibis na patungo sa kanya. Nakadama siya ng ibayong panganib, at sa isang iglap ay kumaripas ng takbo pabalik sa loob ng bakuran. Habang tumatakas, kahol ito ng kahol sa paghingi ng saklolo sa salamangkero.
   Nang malapit na siya sa pintuan ng bakuran ay biglang naging tigre naman siya. Ang sambit nito sa sarili, “Ngayon, pati na kagubatan ay aking malilibot.” At masaya itong nagpagala-gala sa malawak na kagubatan.
   Walang anu-ano’y isang humahagibis na busog ang dumaplis sa kanyang leeg. Sinundan pa ito ng isa pang busog at humawi sa balahibo niya sa likod. Nakita niya ang isang taong may hawak na pana at nagkakasa ng panibagong busog. Takbong walang puknat ang ginawa niyang pagtakas hanggang makarating sa bahay na pinanggalingan. Pagpasok sa bakuran ay malakas na umungol ito, sising-sisi sa mga pangyayari.
   “Ayoko na, ayaw ko na. Palagi na lamang akong nabibingit sa panganib," ang paalulong nitong hinagpis sa kanyang sinapit.
   Sa tagpong ito, sumuko na ang salamangkero sa pagtulong sa dating daga. Pailing-iling na ikinumpas muli ang kamay at sinabing,
   “Wala na akong magagawa pa, para makatulong sa iyo dahil anuman ang aking gawin nananatili pa rin ang puso mong daga.”
   At sa isang iglap, nagbalik muli ang anyo nito sa pagiging munting daga.

Manalig sa Katotohanan

Hindi ko maubos malirip kung bakit sa kabila ng mga pangungusap ni Hesus tungkol sa pananalig ay patuloy pa rin ang mga pagsamba sa mga bagay na bato, kahoy, tisa, bakal, marbol, at kung anu-ano pang mga bagay na pinipilit ilarawan sa iba't-ibang hugis at anyo kung sino talaga Siya. Sangkaterbang mga santo at santa, at pati na ang Kanyang ina na si Maria ay walang pakundangang dinidiyos na rin.
Alin nga ba ang talagang tama?
 
Narito ang ilan lamang na mga paglilinaw:
  Jesus Christ said:
MATTHEW 6:6 - "But, when you pray, go into your room and shut the door, and pray to your Father who is in secret, and your Father who is in secret, will reward you"..
Ang susog ng iba: Huwag na huwag kang gagamit ng taga-pamagitan o fixer (pari, pastor, ministro, obispo at naka-balatkayong mga komerssiyal na propeta ng simbahan at kulto , na nagduduyan sa iyo para makuha ang iyong pinaghirapang pera. Umiwas at mabilisang tumakbo. Lumayo kapag may pera na hinihingi o donasyon para sa samut-saring mga palusot at pakulo na ginagamit ang relihiyon.  Gayong mismo si Hesus ay walang relihiyon na sumisira at nagwawatak-watak para sa mga tao na magkahiwalay at maglaban kung sino ang tama.
Dugtong  pa nila, "Kung tunay at wagas ang iyong paglilingkod para sa Diyos, bakit nanghihingi ka ng bayad? Ang maglingkod ba ng tapat sa Diyos ay may bayad? 
Hindi ba binagggit sa Biblia, "...na sa sarili mong pawis manggagaling ang iyong kakainin at hindi sa ibang tao?"

BAKIT ka "magdadasal sa mga bato, kahoy, semento, etc." = graven images or idols. Na maaring "pugad ng mga demonyo".... ayon sa ating "gising" na Pangulo.

Pag-aralan nang masinsinan kung bakit patuloy ang pananakot tungkol sa Impierno at Paraiso. Totoo ba ang mga ito? Bakit kailangan pa ang magbayad para maligtas?

ACTS 17:24 - "The God who made the World and everything in it, being Lord in Heaven and Earth, does not live in 'shrines made by men"...
VIOLATING God's Law, "a perfect law": 1st Commandment - Exodus 20:3, and 2nd Commandment - Exodus 20:4,5,6..
(a) 1st - Exodus 20:3 - "You shall have no other gods before Me".
(b.1) 2nd - Exodus 20:4, - "You shall not make graven images",
(b,2) Exodus 20:5 - "Adore nor worship them, for I the Lord your God, Am a jealous God punishing the sins of the father's and children from the 3rd and 4th generations of those who hate Me".
(b.3) Exodus 20:6 - "But give My steadfast love to those who love Me and obey My Commandments"..
CHRIST said: JOHN 8:32 - "And you will know the Truth, and the Truth will set you free"...

Magising na po tayo, at sumunod nang may katotohanan ayon sa Kaluwalhatian.