Sunday, August 09, 2015

Wikang Pilipino sa Kolehiyo



Mula ito sa kolum ng FIRST PERSON sa GMA News Online. Makabuluhang ipaskel ito dito upang makasagap naman tayo ng ilang kaalaman tungkol sa pagpapalaganap ng wikang Pilipino sa kolehiyo.
Ang sama ng loob ko sa mga guro ko sa Filipino noong high school
August 5, 2015 5:50pm
By JOSELITO D. DELOS REYES

Sa guro ko sa Filipino sa Valenzuela Municipal High School Polo Annex noong dekada nobenta nakaranas akong ipahiya sa klase dahil sa maling nagawa ko sa kaniyang proyektong scrapbook (“Nagawa ko” hindi “ginawa ko.” Magkaibang hayop ang dalawang iyan). Sa isa pang guro ko din sa Filipino sa parehong paaralan naranasan kong pilit ipahanap sa akin—walang biro!—ang “aral” sa tulang “Ako ang Daigdig” ni Alejandro G. Abadilla na nakalathala sa aming aklat. Ang masakit, natuklasan kong sinanay sila para maging guro sa PEHM pero pinagturo ng Filipino sa pampublikong paaralan.
   Hindi ko gustong magtunog alingangaw ang artikulo kong ito hinggil sa napapanahong usapin ng Buwan ng Wika at pagtatanggal ng sabjek na Filipino sa kolehiyo. Marami nang nagsalita. Ang ingay-ingay na sa social media at mainstream media. Ang huli nga ay nang lamanin ng editoryal ng isang nilumang pahayagan ang tungkol sa kung bakit daw sa Filipino/Tagalog ipinahahayag ng ating Pangulo ang kaniyang State of the Nation Address. Lumabas noong Agosto 1 ang editoryal ng pahayagang nasusulat sa wikang banyaga. Hindi raw nila alam kung ano ang dahilan. Kaya heto, gusto ko lang magsalita kahit papaano.
   Ang paniniwala ko, at paninindigan ko (gaano man kalambot ang tindig kong ito), kailangan ng sabjek na Filipino sa Kolehiyo pagdating ng 2016. Hindi ko alam kung 3-unit course. Pwede ring 6 o 9 o 12. Basta dapat meron.
   Gusto ko ang sabjek na Filipino na kaugnay ng usapin ng wika sa media, sa mas malawak na sakop ng araling kultural. Pwede ring kaugnay sa Kulturang Popular. Mahalagang aralin ng sinumang nasa kolehiyo ang ugnayan ng wika at media, o wika at advertisement. Kung gusto ng mas tiyak, wika sa noontime show, wika sa tabloyd, wika sa radyo. O kung gusto pa ng mas tiyak at ispesyalisado: idiolect ng Tulfo brothers. O ni Kris. Palalimin ang pag-unawa ng mag-aaral sa kolehiyo hinggil sa wika sa eryang ito pati na ang kaugnay na usaping pangkultura.
   Naniniwala akong kritikal ang pag-aaral ng wika kung ilalapat sa kulturang popular lalo’t pag-aaralan ng mag-aaral na bukod sa mas may edad at inaasahang maturity, ay mas kakawing ng kanilang pinagkakadalubhasaan. Oo, lahat ng posible nilang pagkadalubhasaan sa kolehiyo ay marapat bigyan ng ugnay sa usapin ng wika at media, wika at Kulturang Popular.
   Lubhang maimpluwensiya ang media ngunit hindi napagtutuunan ng pansin ang kanilang wikang ginagamit: ang politika nito halimbawa at ang implikasyon sa mga mag-aaral na hinuhubog hindi lamang para maging technician (no offense sa mga technician, ang ibig ko talagang sabihin ay ang robotikong paraan ng pamahalaang ito sa paghubog ng mga mag-aaral sa mga darating na taon sa ilalim ng sumpa ng K-12, robotiko, mekanikal, hindi kritikal).
   Natatakot kasi akong dumating ang panahon (o baka nga dumating na) na ang isang laos na host ng game show o isang huklubang pantanghaling palabas ay ituring na tagapagligtas ng sambayanan dahil sa saya at “inspirasyong” dulot ng makatunghay ng yumayaman. Kung hindi man panandaliang pagtakas sa kahirapan. Na lahat ay maghahangad mabigyan ng jacket kapag may nagawang nakatatawa o nakahihiya sa harap ng live camera; na baka dumating ang panahon na ang benchmark ng katalinuhan ay ang makatugon na lamang sa mga tanong na nasasagot ng oo-hindi-pwede. Na ang sagot sa gutom ay mabetsing instant noodles at hindi ka maganda kung hindi ka maputi.
   Pag-aralan ang mga ito at simulan natin sa wikang kanilang ginagamit at gagamitin. Kung paano inilalapat sa kultura at media. Naniniwala akong mula dito sa pagsusuring ito, sa sabjek na ito, mas magiging kritikal ang mag-aaral sa boladas ng mga politiko. Mas kakabahan na ang mga action-star na politiko kapag kumanta sa privilege speech. O umiyak sa harap ng camera nang humihingi ng paumanhin dahil daw mababaw ang kaniyang luha.
   Pero long shot ang sapantaha kong ito. Mainit ang debate pero mukhang may desisyon na. Ang sakit. Pero may bahagi ng utak ko na nagsasabing “totoo, hindi naman kasi naging masigasig ang lahat ng guro sa Filipino sa kolehiyo na itaas ang antas ng pag-aaral tungo sa intelektwalisasyon ng wika sa pamamagitan ng pananaliksik halimbawa.” Maraming naging komportable sa kanilang tindig bilang guro sa Filipinong nagpapaliwanag ng pares-minimal at diptonggo. Maraming ginawang comfort-zone ang “pagtuturo” ng Filipino.
   Noong nasa kolehiyo ako sa Pamantasang Normal ng Pilipinas, pinatula akong pilit. At humigit kumulang, naulit ang leksyon namin sa high school dangan nga lamang, nagpakadalubhasa na sa Filipino ang nagturo sa akin. Hindi na sa PEHM.
   Ang ibig kong sabihin, noon pa man, parang inihahanda na ng sistema ang pagsasawalang-bahala sa Filipino. At ang masakit palagay ko, kasabwat dito ang mismong “guro” sa Filipino para lumayo lalo ang loob ng mag-aaral sa sabjek na ito, para mawalan ng halaga ang sabjek na ito sa mga namamalakad ng sistema.
   Nang magturo ako ng Filipino sa tatlong paaralan: Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela, Southern Luzon State University, at Unibersidad ng Santo Tomas, isa lamang ang naging gabay ko sa tuwing haharap sa klase: hindi ko dapat gayahin ang mga naunang guro ko sa Filipino noong high school at kolehiyo. Dapat maunawaan ng aking mag-aaral na malaki ang ambag ng sabjek na ito sa kanilang buhay, propesyonal man o personal. Ipinaunawa ko ang kapangyarihan ng wika higit sa pagsasaulo ng mga tinamaan-ng-magaling na batas kung paano umiral ang Wikang Pambansa.
   Nagsaliksik sila batay sa kanilang pinagkakadalubhasaan gamit ang Filipino; nakipag-ugnayan sila sa labas ng akademiya at pinag-aralan namin kung paano ginagamit ang wika batay sa iba’t ibang larangan at industriya: tindero ng kwek-kwek sa Recto, may-ari ng Funeraria sa Araneta, tindero ng gulong at mag wheels sa Blumentritt, traffic aide sa EspaƱa, at marami pang iba. Pero kulang pa ang lahat ng ito kung isisiksik sa 6-unit na batayang kurso sa Filipino na napipintong tanggalin sa kolehiyo.
   Hindi kailangang mawala ang sabjek na Filipino sa kolehiyo. Pero pwede ba, huwag din naman sanang tuntungan na lamang ito ng komportableng “trabaho” bilang guro kung sakaling mareresolbahan, ulk, ang pagbabalik nito. Kung naging mas agresibo sana noon pa man ang pagtuturo ng Filipino sa lahat ng antas, kung umaakma sana lagi ang Filipino sa pangangailangan ng panahon, kung hindi sana “nakahon” ang sabjek na ito, baka hindi umabot sa ganitong sitwasyong ang nagdedesisyon para sa tunguhin ng sabjek na ito ay nakatunghay sa malayo at mataas na kawalan.


Bukod sa titser ng Panitikan, Malikhaing Pagsulat, at Kulturang Popular sa UST, Writing Fellow din si Joselito D. Delos Reyes sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies. Siya rin ang awtor ng mga aklat na Paubaya at iSTATUS NATION. Kasapi siya ng Museo Valenzuela Foundation at Lucban Historical Society. Kasalukuyan niyang tinatapos ang kaniyang disertasyon para makamit ang Ph. D. Philippine Studies mula sa De La Salle University. Ang sanaysay na ito ay bahagi ng kaniyang pinakabagong aklat na Titser Pangkalawakan.

Buwan ng Agosto



Mula ito sa kolum ng KOMENTARYO sa GMA News Online. Makabuluhang ipaskel ito dito upang makasagap naman tayo ng ilang kaalaman tungkol sa makasaysayang buwan ng Agosto.
Malas ba ang Agosto sa kuwento ng Pilipino?
August 5, 2015 6:09pm
By XIAO CHUA
Dati rati sa maraming taon, buwan ng Setyembre ipinagdiriwang ang “History Week” o “Linggo ng Kasaysayan.”  Ito ay itinadhana ng makapangyarihang kamay ng Pangulong Ferdinand E. Marcos noong 1973 nang lagdaan nito ang Proclamation No. 1105 na nagtatakda sa pagdiriwang ng History Week tuwing Setyembre.
   Sa kabila nito, sa departamento kung saan ako nag-aral ng aking batsilyer, ang Departamento ng Kasaysayan ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman, tuwing Agosto sa halip sa Setyembre ipinagdiwang ang Linggo ng Kasaysayan.  Kilala ang aming pamantasan sa pakikibaka laban sa diktadura at sa pagdamba sa alaala ng Ama ng Sambayanang Pilipino, na sinimulan ang himagsikang Pilipino noong 1896 sa buwan ng Agosto.
   Kaya naman noong February 16, 2012, ginaya ng buong Pilipinas ang UP nang lagdaan ni Pangulong Benigno Simeon Aquino, III ang Proclamation 339 na naglilipat sa Agosto ng pagdiriwang na ito na hindi lamang magtatagal ng isang linggo kundi isang buong buwan bilang Pambansang Buwan ng Kasaysayan, kasabay ng Buwan ng Wika, na pangungnahan taun-taon ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas.
   Ayon sa ilang kritiko, medyo may pagka-politically epal ang proklamasyon ni Pangulong Aquino sapagkat alam naman nang lahat na ang Agosto ay ang buwan ng mga pagyao ng kanyang mga magulang, ang dating Senador Ninoy Aquino noong 1983, at si dating Pangulong Cory Aquino.  Subalit kung sa ganitong perspektiba titingnan, ang pagsisimula mismo ng Linggo ng Kasaysayan ay may pagka-epal rin dahil ang ginugunita sa linggo na iyon ang anibersaryo ng proklamasyon ng Martial Law, o yung tinatawag noon na Thanksgiving Day.
   Sa ganang akin, anuman ang dahilan ng pamahalaan kung bakit inilipat sa Agosto ang buwan ng Kasaysayan, nakikita kong mainam na sa nasabing buwan na nga ito ipagdiwang sapagkat marami sa mga pinakamahahalagang pangyayari na nagpabago sa kasaysayan ng Pilipinas ay naganap sa buwan ng Agosto.

Ang Agosto ay Masalimuot na Buwan
Sa paniniwalang Tsino, ang buwan na ito ay tinatawag na Ghost Month, kung kalian bumabalik raw sa lupa ang mga ninuno nilang namatay upang bisitahin ang daigdig.
   Kaya naman, kahit sa amin sa Tarlac, itinuturing na malas ang buwan na ito.  Mahirap ang buhay sabi ng matatanda sa amin.  At kung titingnan ang kasaysayan ng Pilipinas, tila maaaring mayroon itong batayan.

Ang Mga Masalimuot na Pangyayari sa Kasaysayan na Pumatak sa Buwan ng Agosto
Narito ang ilan sa mga pinakamahahalagang pangyayari na nagpabago sa kasaysayan ng Pilipinas na nagpapakita na masalimuot ang buwan ng Agosto sa kasaysayan ng Pilipinas:
   1. Agosto isinilang (August 19, 1878) at namatay (August 1, 1944) ang Ama ng Wikang Pambansa, Pangulong Manuel Luis Quezon.  Isang taong namayani sa pulitikal na buhay ng bansa sa loob ng apat na dekada.
   2. Ang pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas sa tinatawag na Mock Battle of Manila noong August 13, 1898.  Dito unang iwinagayway ang bandila ng Estados Unidos sa kabisera ng Pilipinas.  Tumagal sila sa loob ng halos kalahating siglo.
   3. Ang pagkakatatag ng Iglesia Filipina Independiente, na tatawaging Simbahang Aglipayano paglaon, noong August 3, 1902 nina Don Isabelo de los Reyes at iba pang mga manggagawa.  Isang pagtatangka sa isang makabayang Simbahan na malaya mula sa relihiyon ng mga prayle.
   4. Ang pagsilang ni Pangulong Ramon Magsaysay noong August 31, 1907.  Ang pangulong naging kampeyon ng bayan.
  5. Ang pagbomba sa rally ng Partido Liberal sa Plaza Miranda noong August 21, 1971.  Dahil dito, sinuspindi ng Pangulong Marcos ang Writ of Habeas Corpus.  Ito ang nagsilbing dry run para sa proklamasyon ng Batas Militar noong 1972.
   6. Ang pagkamatay (August 21) at paglilibing (August 31) kay Ninoy Aquino noong 1983.  Ito ang isa sa unang manipestasyon ng People Power bago ang 1986, ang mitsa na lalong nagpaningas sa pakikibaka laban sa Pangulong Marcos na sinimulan ng mga makabayang aktibista sa panahon pa lamang ng kasagsagan ng Batas Militar.
   7. Ang dramatikong pagyao ni Pangulong Cory Aquino, August 1, 2009, at ang pagpapakita ng pagmamahal ng bayan sa kanya nang ilibing siya noong August 5.
   8. Ang pagyao ni Ka EraƱo “Ka Erdy” Manalo, ang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia ni Cristo, matapos magsilbi bilang tagapamahala ng Iglesia sa loob ng 46 na taon kung saan kumalat ang isang Pilipinong pananampalataya sa iba’t ibang panig ng daigdig.  Ang kanyang pagyao ay isang ikutang pangyayari sa kasaysayan ng Iglesia.
   9. Higit sa lahat, ang pagsisimula ng ating pakikibaka para sa kalayaan bilang isang bansa ay naganap sa buwan na ito noong taong 1896.  Nabunyag ang Katipunan, August 19, nagtipon sa iba’t ibang lugar sa Kalookan ang mga Katipunero, nagpunitan ng sedula at nagsisigaw ng paglaya.  At sa bahay ni Tandang Sora sa Bahay Toro, Balintawak, nagkaroon ng pagpunit ng sedula at hinirang na unang pangulo ng pamahalaang mapanghimagsik si Andres Bonifacio noong August 24.  Sa maulang mga araw na ito unang nakipagtuos ang Katipunan sa mga Espanyol, ilan sa mga labanang ito ay nagtagumpay, kabilang na ang labanan na pinamunuan ni Bonifacio laban kay Tinyente Ros, August 25.  Hanggang umabot sa Labanan sa Pinaglabanan noong August 30 kung saan nagwagi sina Bonifacio sa El Polvorin at nakakuha ng ilang armas subalit nang rumesbak na ang mga Espanyol ay marami nang Katipon ang namatay.  Sa araw rin na iyon, ipinasailalim ni Gobernador Heneral Ramon Blanco ang walong rebeldeng lalawigan sa Luzon sa ilalim ng Batas Militar.  Ang mga petsang ito ang batayan ng National Heroes Day tuwing huling Sunday ng Agosto.
   Kung hindi natin maaaring palitan ang Araw ng Kalayaan mula sa proklamasyon ni Heneral Emilio Aguinaldo na June 12 patungong August 24 na anibersaryo ng pagkakatatag ng ating unang pamahalaang pambansa, sa ganang akin, ay maganda na ngang alternatibo ang pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan sa buwan na ito na siyang buwan nang pagsilang ng ating bansa.

Pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan Ngayong Taon
Ngayong taon, ang paksang diwa o tema ng pagdiriwang ay “Baliktanaw:  Kasaysayang Humubog sa Bayan.”  Inaasahan na ang iba’t ibang paaralan sa Pilipinas ay magkakaroon ng mga iba’t ibang programa at lektura na nagbabalik tanaw sa nakaraan.
   Harinawa, magdisenyo ang bawat institusyon ng mga epektibo at hindi boring na mga pamamaraan ng pagdiriwang ng buwan na ito upang maipakita sa mga bata ang diwa ng tema na sinabi na rin ni JosĆ© Rizal, “Upang malaman ang kinabukasan ng isang bayan, lubhang kinakailangang buksan ang aklat na nagsasalaysay ng nakaraan nito.”
   Sabi rin ng mag-asawang Bonifacio, “Matakot sa kasaysayan sapagkat walang lihim na hindi nabubunyag.”
   Ayon kay Jorge Santayana, “Ang sinumang di nakaaalala sa nakaraan ay isinumpa na ulitin ito.”
   Upang hindi maulit ang mga pagkakamali ng nakaraan at lubos tayong makasulong sa hinaharap, kailangan ang buong bayan ang nakaaalala.  Ang kasaysayan ay napakahalaga, lubos na mahalaga, para iwan lamang sa mga historyador na katulad namin.
   Kung matututo tayo sa ating nakaraan tuwing buwan ng Agosto, baka mula malas, palarin na tayo ng maginhawang kinabukasan bilang isang bansa.
   Ang Philippine Historical Association ay magkakaroon po ng International Conference na may paksang “Historical Education in Asia: Issues and Challenges” mula August 27 hanggang 29, 2015 sa Unibersidad ng Sto. Tomas sa Maynila.  Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang www.pha1955.blogspot.com.  



Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila.  Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado.  Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time:  Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.