Sunday, March 29, 2015

Dalawang Uri ng Pamumuhay

Ang Kagawián ng Mabubuti at ang Katapusan ng Masasamà ang siyang nagtatalagà ng sariling tadhanà.
1 Ang pinagpala ay ang tao
        na hindi lumalakad sa payò ng masasamà
        o ni tumatayo sa landas ng mga makasalanan,
        o ni umuupo man sa luklukán ng mga mapanuyà;
2  Bagkus ang kanyang kagalakan ay nasa kautusan ng Panginoon,
        at ang Kanyang mga kautusan ay pinaglilimi niya sa araw at gabi,
3  Siya ay maihahalintulad sa isang punongkahoy
       na itinanim sa tabi ng mga agusan ng tubig,
       na nagdudulot ng kanyang mga bunga sa kanyang kapanahunan,
       ang kanyang dahon nama’y hindi nalalanta;
       sa lahat ng kanyang ginagawa ay nagtatagumpay siya.
4  Ang mga masasama ay hindi gayon,
       kundi sila ay kawangis ng mga ipa na itinataboy palayo ng hangin,
5  Kaya nga ang masasama ay hindi makakatindig sa kahatulan,    
      at maging ang mga makasalanan sa kapulungan ng mga mabubuti;
6  Sapagkat ang Panginoon ay nababatid ang kagawian ng mga mabubuti,
      ngunit ang kagawian ng mga masasama ay mapupuksa.
                                                                                             Mga Awit 1: 1-6

-------------------------------------------------------------------------------------
Inilalarawan dito na kung “Ano ang iyong itinanim, ay siya mo ding aanihin.” Walang bayabas na nagbunga ng saging. Kung ano ang iyong inihasik ay iyo ding makakamit. Sa bawat hintuturong itinutok, tatlong daliri ang kapalit na ibinabalik. Anuman ang iyong mga kagawian at kinahuhumalingan ay ito ang tuwirang magaganap sa iyong buhay. Kung patuloy mong kadaupang-palad sa araw-araw ay kabutihan o maging masama man, isa sa mga ito ang iyong tahasang kakahinatnan. Hanggat kaulayaw mo ang ugaling ito, pati na ang mga tao na may ugali ding katulad nito, ang kanilang mga pananalita, pati na mga pagkilos, at mga kapasiyahang sinusunod ay iyong pamamarisan. Ito ay nasusulat at siyang magaganap.
Makikilala ang pagkatao ng sinuman sa mga bunga ng kanyang mga kapasiyahan. At dito matutunghayan kung nakakabuti o nakakasama ang mga ito. Sa bandang huli, dito nakasalalay ang kahatulan kung may pagpapalang nakalaan, o karampatang pagpuksa doon sa may gawa. Ang panukat na ginawa ay siya ding panukat na igagawad. Kung buong katapatan mong hinahangad at tahasan ding nais makatiyak na ikaw ay patuloy na pinagpapala upang maging maligaya sa tuwina, isakatuparan ang Kautasan ng Panginoon.

Matalinong anak ang tumutupad sa kautusan, ngunit ang kasama ng matatakaw, sa kanyang ama ay kahihiyan.      Mga Kawikaan 28: 7 



Monday, March 16, 2015

Maglimi sa Buhay



Buhay na hindi inalam, pawang ligalig ang kauuwian.
Kanustá ka na? Ano ang ginagawa mo sa ngayon? Bakit tila may problema ka? Ilan lamang sa mga katanungan na ating binibigkas kapag may nakaharap tayong mga kamag-anak, mga kaibigan o maging mga kakilala. …at marami sa kanila ang nagsasabi na ang buhay na hindi nilimi o pinag-aralan ay hindi mahalagang ipamuhay.
Bakit naman ganyang ang isinagot mo? Ang kasunod nating itatanong.
   Dahil karamihan ay nakatanikala at hindi makatakas sa bilangguang kinasadlakan nila. Sa mga relasyong naging patibong at hindi na sila makaahon pa. Sa mga trabahong tila mga kable at lubid na gumagapos sa kanila para lalong malublob at ikalunod nila. Sa bawat araw, patuloy nilang kinakaladkad ang kanilang mga paa para lamang maipakita na sila ay lumalaban sa buhay kahit animo’y mga patay at wala nang sigla pa. Sapagkat subsob at palaging abala sa mga gawain at mga bagay na umaaliw sa kanila, nakalimutan nang alamin ang tunay na kahulugan ng sariling buhay. 
   Bihira ang nagsasabi na kinagigiliwan at sadyang aliwan na nila ang kanilang mga gawain. Kahit na hindi sila bayaran ay gagawin pa rin nila ang kanilang mga trabaho. Dahil inalam at pinaglimi nila kung bakit lumitaw at narito pa sila sa mundo. Ito ang mga tao na kilala nila ang kanilang mga sarili, alam kung ano ang mga naisin sa buhay, at kung saang direksiyon patungo ang kanilang buhay.
   Ang buhay na hindi pinaglimi ay walang katuturang buhay. Mistulang tuyot na patpat na matuling tinatangay ng agos sa ilog, at kung saan dalhin ng alon ay doon isasalpók. Ito ang buhay na maligalig, nalilito, at walang direksiyon kung saan pupunta. Ang pinakamainam na paraan upang tahasang matukoy kung anong talaga ang mga ninanasa mo sa buhay, ay ang tanungin ang iyong sarili nang masimbuyò at palagi; Ano ba ang talagang pinag-aaksayahan ko ng panahon? Masaya ba ako sa mga taong nakapaligid sa akin? May respeto ba at may pagtitiwala ang aking pamilya tungkol sa akin? Mabuti ba ang aking relasyon sa mga kasamahan ko sa trabaho? May pananalig ba ang mga kaibigan ko sa akin? Nagawa ko ba ang maging mapayapa sa aking nakaraan? Madalas ba at sapat ang mga kasayahang umaaliw sa akin? Ako ba ay maligaya sa ngayon? Kung nakakahigit ang hindi at may alinlangan ang mga kasagutan, may mga mahalagang bagay na nakakaligtaan ka sa iyong buhay.
   Alamin at tanggapin sa sarili na ipinamumuhay mo ang mga bagay na likas at kusang sumisibol sa iyong puso, dahil narito ang iyong mga potensiyal upang maisakatuparan ang tunay mong kaganapan. Kung AKO ang tatanungin, ang pinagliming buhay ay siya lamang makabuluhang ipamuhay.
Walang makakapag-andáp sa ningas na kumikislap mula sa iyong kaibuturán.


andàp, malamlám, malabò adj. dim
kaibuturan, n. inner core
kisláp, kináng, n. shine
ningas, sindí, dingas, liyàb, n. flame

Wednesday, March 04, 2015

Ikaw ang Tatamaan



Kung ikaw ang tama, isang kabaliwan na ipangalandakan mo pa ito.
Iwaksi ang pangangailangan na palaging tamà. Isang kundisyon na ikaw ang higit sa lahat ang may karapatang humatol at magpasiya sa mga bagay. Walang sinuman ang nakakalaam kung ano ang talagang katwiran o umaayon sa isang kaganapan. Sapagkat bilang mga tao, may kanya-kanya tayong pinagmulan, mga karanasan, mga pagkakamali at mga leksiyong natutuhan sa buhay. Higit na mainam ang tumahimik at pag-aralan ang sitwasyon kung ito’y makakasama o makakabuti, kaysa hindi ka naman tinatanong ay bigla ka na lamang magpapahayag ng iyong opinyon.
   Karamihan sa atin, ay hindi makayáng tanggapin sa sarili na mali tayo – ang umamin nang harapan na talagang namali tayo; ay isang malaking kahihiyán. Dahil nais nating maipakita na tayo ay laging nasa tamà, at kailangang pagkatiwalaan nang walang anumang alinlangan. Kahit na mangahulugan ito nang pagkasira ng magandang relasyon, o lumikhâ ng matinding mga bagabag at patuloy na kapighatian sa atin at maging sa iba. Wala itong katuturan at patungo lamang sa mga iwasan, mga alitan, at kalimitan ay humahantong pa sa kapahamakan.
   Sa bawat pagtataló, tatlong katwiran ang laging namamagitan: Katwiran mo, katwiran niya, at katwirang totoo. Sinuman sa atin ay walang kapangyarihan na siya lamang ang may karapatan sa katotohanan na kailangang tanggapin ng sinuman. Kapag nadarama ang pangangati ng dilà at nais magbitaw ng paghatol sa isang alitán, na kung sino sa inyo ang tama at malì, tanungin lamang ang sarili ng ganitó: “Higit bang mahalaga ang maging tamà, o ang maging mapagmahal at umuunawa?  Ano ang kaibahan na magagawa at kakahinatnan nito kung ako ay panalo sa isang pagtatalo? May karapatan ba akong hatulan ang mga bagay na wala naman akong kinalaman?”
   Sa isang tunay at wagas na relasyon, higit na mahalaga ang umunawa at magpakumbabà kaysa piliting manalo sa isang pagtatalò. Nakamit mo nga ang nais mo, ngunit nag-iwan ka naman ng pagdaramdam sa naging katunggali mo.
   May mga tao na makakalimutan kung ano ang nasabi mo, may mga tao na makakalimot din kung ano ang iyong nagawà, subalit may mga tao na kailanman ay hindi malilimutan kung papaano ang kanilang damdamin ay iyong nasugatán.