Monday, October 15, 2012

Mabuhay nang may Katuturan




Ang sanlibutan ay mayroong tatlong katangian na hindi mapupuksa; Pagkatao, Pagkamulat, at Pag-ibig. At nasa tao ang gawa para may pagpapala.

Naisin man natin o hindi, maging nakahanda man tayo o hindi, darating ang nakatakdang panahon na ang lahat ay matatapos din.

Walang nakakatiyak kung kailan ito magaganap. Sa isang iglap na hindi inaasahan, ipipikit natin ang ating mga mata nang lubusan.

Lahat ng iyong nakikita, naririnig, naaamoy, nalalasap, at nararamdaman ay hindi na magbabalik pa. Ang mga ito'y tuluyan nang mawawala.

Wala ng mga bukang-liwayway at ginintuang mga silahis ng araw, walang ng mga pagbilog pa at maliwanag na tanglaw ng buwan, wala ng mga sandali, ng mga oras o mga araw na madarama at palilipasin.

Lahat ng mga bagay na nakulekta o naipon mo, maging ito’y mga salapi o mga dekorasyon, kagamitan o sasakyan, bahay o kasuotan, ay mapupunta sa makakatanggap ng mga ito. Iiwanan mong lahat ito. Mga pamana itong hindi mo na madadala pa sa iyong patutunguhan. Kahit na isang totpik ay wala kang madadala.

Ang iyong kayamanan, katanyagan, at kapangyarihan ay wala nang magagawa pa. Ang iyong posisyon o katungkulan ay mistulang mga bula na kusang maglalaho. Wala nang saysay pa kung ano ang mayroon ka o kung mayroon kang pagkakautang na dapat mabayaran.

Ang iyong mga pagkasuklam, mga pagkagalit, mga panggigipuspos, mga panghihinayang, mga pagngingitngit, at mga panibugho ay tuluyan nang mawawaglit. At pati na ang iyong mga pag-asam, mga pangarap, mga ambisyon, mga plano, at nakaatang na mga lunggati ay tapos nang lahat. Wala na itong mga saysay pa. Lahat ng mga ito ay wala ng gaano mang kapirunggit na halaga pa.

Ang mga tagumpay at mga kabiguan na kumain nang maraming panahon sa iyo at malabis mong pinagtuunan ng pansin ay wala na ring halaga pa.

Wala na ring katuturan kung saan ka man nanggaling o kung saang komunidad ka tumira, gaano kaganda ang iyong bahay o kamodelo ang iyong sasakyan, at kung sino ang iyong mga naging kaibigan at mga nakasama. Maging ang inpluwensiya o koneksiyon mo sa lipunan ay pawang mga ipa na lamang at walang kalalagyan.

Hindi na rin mahalaga kung matalino o mangmang ka, maganda o pangit ka, matangkad o pandak ka, at maputi o maitim ka. Wala na itong mga saysay pa.

Dahil sa iyong paglisan ... ang lahat ng mga ito ay kasama mong lilisan. Lahat ay magdidilim at mauuwi sa alabok.

Kung gayon … Ano ba ang higit na mahalaga at sadyang may katuturan? Papaano ba masusukat at mabibigyan ng kahalagahan ang iyong mga araw na narito ka sa mundo?

Lahat ay lumilisan, lumilipas, at naglalaho ... Maraming bagay na hindi nabibigyan ng tamang atensiyon at priyoridad. Lagi tayong abala sa mga maliliit na bagay na nagnanakaw ng ating mahahalagang oras, na kung susuriin nating maigi ay pawang pag-aaksaya ng panahon. Hanggang sa mapansin natin sa harap ng salamin ang taong dati-rati'y bata, masigla at puno ng buhay. Subalit ngayon ay malamlam ang mga mata at marami ng mga gatla sa mukha. Ang buhok na dati'y malago at maitim ngayon ay madalang at puti na. Nawala na rin ang kisig at ganda, napalitan ng seryoso at pagkabalisa. Tila mayroong ginugunita, mga bagay na kung maibabalik lamang ay pipiliting itama. Kung maibabalik lamang ang naaksayang panahon mula sa mga walang saysay na pagkagumon, pagkalimot, at kawalan ng atensiyon sa mga may katuturang bagay. Disin sana'y ... walang mga hinanakit at karaingang maghahari sa kalooban. Disin sana ...

Ngunit huwag mabagabag ... Hindi pa huli ang lahat. Habang may hininga ay may pag-asa. Walang bata o matanda sa nais magbago ... at ang sansinukob ay naghihintay lamang upang ang lahat na nakatakdang mangyari sa iyong buhay ay kusang maganap na ngayon sa iyong mga pagkilos.


At ito'y ang harapin at pagtuunan ng ibayong atensiyon ...
Ang sadyang may katuturan ay …
   Hindi ang iyong mga nabili, bagkus kung ano ang iyong mga naitayo.
   Hindi ang iyong mga inani, bagkus ang iyong mga ipinunla.
   Hindi ang iyong mga naipon, bagkus ang iyong mga naitulong.

Ang sadyang may katuturan ay …
   Hindi ang iyong mga natanggap, bagkus ang iyong mga naibigay.
   Hindi ang iyong mga tagumpay, bagkus ang iyong mga kahalagahan.
   Hindi ang iyong mga natutuhan, bagkus ang iyong mga naituro.

Ang sadyang may katuturan ay …
   Hindi ang iyong mga sertipiko at diploma sa dingding, bagkus sa mga alaala at pagdakila sa iyo.
   Hindi ang iyong mga kahusayan, bagkus ang iyong karakter at pagiging uliran.
   Hindi ang iyong mga pangako, bagkus ang iyong mga nagampanan. 

Ang sadyang may katuturan ay …
   Hindi ang iyong mga hangarin, bagkus ang iyong mga pagpupunyagi at katatagan.
   Hindi ang iyong mga pagkatakot, bagkus ang iyong tahasang mga pagharap sa katotohanan.
   Hindi ang iyong mga katagang binitiwan, bagkus ang kalakip nitong mga paninindigan.

Ang sadyang may katuturan ay …
   Hindi ang iyong mga panahon sa opisina at gawain, bagkus ang iyong inilaang panahon sa iyong pamilya at mga mahal sa buhay.
   Hindi ang iyong pagkahumaling sa mga kasangkapan, bagkus ang pagbibigay ng atensiyon sa iyong mga anak.
   Hindi ang mga palakpak at pagkagumon sa barkada, bagkus ang pagtupad sa responsibilidad at pagkandili sa iyong mga mahal sa buhay.

Ang sadyang may katuturan ay …
   Hindi ang mainggit, manibugho, at mawalan ng pag-asa, bagkus ang gumawa, magpasalamat, at umasam na may magandang kapalaran na darating.
   Hindi ang magsawalang kibo at umasa na lamang, bagkus ang magsikhay at pagyamanin ang sarili.
   Hindi ang basta na lamang mangarap, bagkus ang magplano at simulang isagawa ito nang puspusan.

Ang sadyang may katuturan ay …
   Hindi ang mag-aksaya sa mga panooring walang saysay, bagkus pagtuunan ang pagpapaunlad ng sarili.
   Hindi ang makialam at punahin ang iba, bagkus ang supilin at kontrolin ang negatibong kaisipan sa sarili.
   Hindi ang makigaya at manatiling segunda mano, bagkus maging orihinal at malikhain sa bawa’t gawain.

Ang sadyang may katuturan ay …
   Hindi kung gaano karami ang mga taong kakilala mo, bagkus kung gaano karami ang manghihinayang at malulungkot sa iyong pagkawala.
   Hindi ang iyong mga alaala na maiiwan, bagkus ang mga mahalagang alaala ng mga nagmamahal sa iyo.
   Hindi kung gaano katagal kang maaala-ala, bagkus kung sino ang nakakaala-ala at kung para saan ito.

   Ang mabuhay nang may katuturan ang higit na dakila at ito’y hindi sadyang nangyayari. Hindi ito hinihintay at iniaasa kahit kaninuman. Ito ay nasa ating pagpili. May kapangyarihan tayong piliin kung ano ang higit na may katuturan sa bawa’t sandali na ginugugol natin sa maghapon. Bawa’t araw, mayroon tayong oportunidad na baguhin ang ating buhay. Baguhin ang hindi natin na mga naiibigan at walang mga katuturan. Palitan ang mga bagay na nagpapahirap at nagpapalungkot sa atin. Huwag nating palipasin ang mga sandali na hindi natin tinatanong kung sino tayo? … ano ang ating nais? … at kung saan tayo pupunta?

 Sana ... nalaman ko ito noon pa. Sana naiwasan kong makagawa ng mga kapahamakan at kapinsalaan sa iba. Sana ... Huwag na natin pang hintayin ang umabot na bigkasin pa ang SANA ...

Pakatandaan lamang: Ang mga bagay na ito ang nagwawasak sa sangkatauhan: mga pulitika na walang prinsipyo; kaunlaran na walang pagmamalasakit; kayamanan na galing sa katiwalian, kaalaman na hindi ginamit; relihiyon na komersiyal; at pananampalatayang walang mga pagkilos. Ang mga ito ay nangyayari dahil marami ang tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan.

Simpleng mga Instruksiyon ng Buhay
Mabuhay na matutong magmahal.
Matutong magmahal para mabuhay.
Magmahal nang mabuhay para matuto.
…upang ikaw ay mabuhay sa buhay na iyong pinapangarap.

Sa araw na ito, may katuturan ka bang nagawa? Mapupuri ba at sadyang nakakatulong sa iyong sarili at maging sa iba?

Aba’y kung hindi naman … puwede ba gumising ka naman …
bago mahuli pa ang lahat.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment