Wednesday, March 12, 2014

Komunikasyon Lamang



Ang koneksiyon ay ginagawa mula sa puso hindi ng matabil na dila.

Isang napakagandang bagay ang magaganap kapag sinimulan nating magbigay ng atensiyon sa isa’t-isa. Nasa ibayong partipasyon, pakikiisa, at pagmamalasakit binibigyan ng buhay ang ating mga relasyon sa pamamagitan ng komunikasyon. At ang mahalagang tumatali dito ay koneksiyon.
   Sa komunikasyon, Higit na mainam ang tahimik at walang binabanggit, dahil hindi ka ipapahamak ng mga katagang hindi mo binigkas. Sapagkat ang mga pananalita na walang pakundangan, ang siyang dahilan ng mga hindi pagkakaunawaan at mga alitan na humahantong sa mga hiwalayan. Tama lamang na hindi ka sumang-ayon sa katuwiran o opinyon ng iba, subalit wala kang karapatan na tanggihan at ipagkait ang opinyon ng iba. Hindi rin karapatan mo ang akusahan ang sinuman, dahil lamang sa hindi malinaw na maipahayag ang kanyang mga paniniwala, ay ayaw mo nang pakinggan ang kanyang mga paliwanag. Mga hangal at arogante lamang ang nagpupumilit na sila ang sentro sa bawa't pag-uusap at mga paliwanagan.
   Kapag mataas ang pagtitiwala ay matatag ang pagsasama, madali at klaro ang komunikasyon, at epektibo ang koneksiyon. Hayaan ang iyong mga aksiyon ang siyang magsalita at ipahayag ang iyong mga nadarama at mga intensiyon. Sapagkat kapag hindi mo nabigkas ito sa una, lalong mahirap na bigkasin pa ito sa pangalawang pagkakataon. Hindi mo kailanman malalaman kapag sa isang sandali ang ilang matapat na kataga ay makakagawa ng malaking pagbabago sa buhay ng isang tao.
   Kung hindi maganda at walang mabuting kapupuntahan ang iyong bibigkasin, mangyari lamang na huwag nang bigkasin pa ito, dahil sa taong maramdamin, mistula itong asin na ipinapahid sa sariwang sugat.
   Ang mahabang pananalita ay iwasan, maging ang paggamit ng mga palabok at panghalina, dahil ang kawatasan ay hindi maibabahagi. Alalahanin na ang mga relasyon ang nagpapalakas at nagpapahina sa atin. Katulad ito ng hangin na nagpapalipad o nagbabagsak sa atin, kung hindi ka maingat palaging napuputol ang koneksiyon mo sa ibang tao. Ang relasyon ay koneksiyon, katulad ito ng hardin ng mga halaman na patuloy mong inaaruga, dinidiligan, at pinayayabong. Maglaan ng tamang panahon na arugain at pagtibayin ang mga koneksiyon sa iba na makapagpapaunlad sa iyo.
   Alam mo ba? …na makakaakit ka ng maraming kaibigan sa loob ng dalawang buwan kapag naging interesado ka sa ibang tao kaysa sa loob ng dalawang taon na pinipilit mo na maging interesado sila sa iyo. At siyanga pala, naging panuntunan ko na ang makipag-usap nang harapan at walang pagtatangi kahit kanino, kahit na siya ay basusero, abogado, gobernador o presidente pa.
   Ang pinakamahalagang sangkap sa komunikasyon ay mapakinggan kung ano ang mga hindi binigkas. Sapagkat ang matalinong tao ay nagsasalita dahil mayroon siyang bagay na sasabihin; ang mga hangal, dahil ...kailangan nilang magsalita ng anumang bagay. Ang paraan ng ating komunikasyon sa iba at maging sa ating sarili ang siyang ultimong nagtatakda sa kalidad ng ating buhay.

Humaplos ng Pagmamahal



Huwag iwanan ang tao na humaplos sa iyong kaluluwa 
nang higit pa sa iyong katawan.

Kung ang bawa’t isa sa atin ay mauunawaan at kikilalanin na lahat tayo ay dumaraan sa maraming pagsubok na batbat ng mga kapighatian, mga pagkakamali at mga kabiguan, bunga ng ating mga kahinaan, na nababalot ng mga panghihinayang at pagsisisi, madarama natin ang pinapasan nating mga kalbaryo sa buhay na ito. Kung may damdamin tayong tulad nito, ay magagawa nating magpahalaga at maging makatao.
   Kung minsan, kailangan nating makibalita, makiramay, makiisa at makipag-daupangpalad upang simulan ang isang magandang paglalakbay. Bilang tao, nangangailangan tayo ng haplos at pagdama para sumigla at magpatuloy na nakikibaka sa buhay. Marami ang hindi nakakaalam na ang haplos at paghawak sa kamay ng iba ay mistulang panlunas sa kanilang mga dinaramdam. Higit pang mainam kung nagagawang mong sisirin ang kanyang kalooban at haplusin ito ng pagmamahal.
   Kapag ang ating mga mata ay napagmamasdan ang ating mga kamay na ginagawa ang mga paghibik ng ating puso, ang sirkulo ng paglikha ay nakumpleto na sa kaibuturan natin, ang pintuan ng ating kaluluwa ay pumapailanlang, ... at ang Pag-ibig ay kusang nakakamit, para lunasan ang kapanglawan at anumang pait.
   Huwag nating kalimutan na mayakap ang mga mahal natin sa buhay. Sapagkat kapag nahaplos at nayakap mo ang kanilang katawan, nahaplos mo ang kanilang buong pagkatao, ang katalinuhan, ang mga emosiyon, ang mga pangamba, at maging ang ispirito. Gawin na ito: Kamayan, akbayan at tapikin sa balikat ang ating mga kaibigan. Ipadama na sila ay hindi nag-iisa. Narito tayo para dumamay at makiisa sa kanila. Bawa’t isa ay may puso. Humanap ng paraan na madama at haplusin ito.
   Alam mo ba? …na ang isang mahalagang kabatiran na kailangan nating yakapin sa pangkalahatan ay kilalanin sa ating mga sarili na tayo ay sadyang mabuti at may kakayahan na makagawa ng kaibahan, pagdamay, pagmamahal, at maligayang buhay.
   Damahin na ang bawa’t isa sa atin ay naiiba, pambihira, at may kahalagahan.

   Binanggit nga sa akin ng kaibigan ko na si Jessyka Pollock, “Let us not forget in this age of e-mails and voice mails, of cell phones and text messages, of blogging and instant messaging, of twitter-facebook-googling, and pinterest-instagram, that the human touch has the power and potential to change someone’s LIFE.”

Magpatawad



Ang pagpapatawad ay pinalalakas ang pananalig at 
pagtitiwala mo sa iyong sarili.

Hindi nakakamatay ang tuklaw ng ahas, kundi ang kamandag nito na unti-unting lumalason sa iyo. Ganito din ang matinding pagkagalit o pagkasuklam, hangga’t pinaiiral mo ito sa iyong kamalayan, lalo mong sinisilaban ang poot na naghahari sa iyo. At sa kalaunan ito ang magpapahamak sa iyo na labis mong pagsisisihan nang walang katapusan.
   Subukang magpatawad sa pamamagitan ng pang-unawa; at ito ay iyong mararamdaman kung ikaw ang nasa kalagayan ng iyong kinagagalitan. Sinumang nakapanakit sa iyo—tanungin sila  “Ano ba ang nagpapasakit sa iyo at ibayong nagagalit ka?” Pakinggan ang kasagutan at subukang unawain kung ano ang nasa likod ng lahat at siyang tamang katuwiran. Maaaring nagnanasa silang makuha ang iyong atensiyon na mapakinggan sila, subalit walang nag-iisip para sa kanila bilang mga umaatake at nasa tamang katuwiran, kundi mga nagtatanggol at inaapi. Marapat lamang na huwag hatulan ang kanilang mga inaasal, kundi bigyan sila ng kalayaan na maipaliwanag ang kanilang mga karaingan. Maaaring pareho kayo na lalong matuto mula sa paraang ito, bilang pang-unawa at katapangan na hilingin sa kanila ang katotohanan. Sakalimang wala pa ring ipinagbago mula dito, pawalan at hayaan na ito. Palayain mo ang iyong sarili, at hayaan ang panahon ang siyang magpasiya. Tandaan na pareho kayong may karapatan kung sinuman ang piliin ninyo na may katuwiran. Kapag tayo ay humahatol, hindi natin maiiwasang magpasiya kahit na limitado ang ating kaisipan at walang katiyakan sa resulta nito. Higit na mabuti ang umunawa muna nang maunawaan ka, o simpleng magpatawad at hayaan na itong kusang palipasin ng panahon.
   Bawa’t tao ay may kakayahang makasugat o makapanakit sa damdamin ng kanyang kapwa, ngunit mayroon din siyang kakayahan na magpatawad at pakawalan na ang hapdi nito. Ang tao na may pagkasuklam at arogante ay may isang libong kadahilanan na huwag magpatawad o makadama ng simpatiya para sa iba. Subalit ang tao na mapagkumbaba at may pagmamalasakit ay walang katuwiran kundi ang magpatawad doon sa mga nagkasala sa kanya. Ito ang kalikasan ng mapagmahal na tao; ang saksihan at madama ang kaligayahan at maging ang kapighatian ng iba na katulad din ng nararanasan niya.
  Bakit mo hahayaang mangibabaw ang poot sa iyong kalooban, para lalo kang masaktan? Pawalan ang katotohanan, pawalan ang bumabalisa sa iyo… Para makawala sa kapighatian, burahin ang pagkasuklam …at magpatawad

Magdasal sa Tuwina



Kung ang dasal na alam mo ay magpasalamat, ito ay sapat na.

Ang dasal ay pasasalamat, hindi isang paraan upang manghingi ng kung anu-anong mga bagay. Ang dasal ay pag-aalay ng iyong sarili sa mga ‘kamay’ ng Maykapal, na siya ang makapangyayari, at pakinggan ang kanyang tinig sa kalaliman ng ating puso. Ito ang paghahanap at pagtangis ng kaluluwa, bilang pagtanggap sa ating mga kahinaan. Higit na mabuti sa pagdarasal ang magkaroon ng puso na walang mga kataga, kaysa mga katagang memoryado at paulit-ulit na wala namang puso.
     Hindi ka nagdarasal para gumaan ang iyong buhay, kundi ang magkaroon ng malakas at matibay na balikat upang makayang pasanin ang mga pasakit na ipinupukol sa iyo ng tadhana. Naisin man o hindi, ang mga paghamon at pagsubok ay bahagi ng buhay. Kalakip din ng mga ito ang ating mga pagkakamali at mga kabiguan, dahil sa ating mga kahinaan at karupukan. Ang dasal ang siya lamang makakatighaw ng ating pagkauhaw para lunasan ang nadaramang mga kapighatian.
   May mga tao na nagdarasal upang mailayo sila sa mga panganib, sa mga kabiguan, sa mga kabuktutan, sa mga pagsasamantala, at mga kaligalin ng mundo. Samantalang AKO ay nagdarasal para magkaroon ng kakayahang harapin, labanan, lagpasan, lunasan, at mapagtagumpayan ang mga ito. AKO ay laging nakahanda sapagkat mayroong pumapatnubay at nagpapala sa akin.
   Alam mo ba? …na ang dasal ay paghiling sa Maykapal na patnubayan at pagpalain ka para sa iyong kaluwalhatian, hindi ang impluwensiyahan at utusan ang Maykapal, bagkus ang baguhin ang kalikasan ng sinuman na nagdarasal. Hangga't nagdarasal ka, nababawasan ang iyong mga kalituhan at mga kaligaligan. Hangga’t nag-uukol ka ng panalangin para sa kabutihan at kapakanan sa iyong sarili at maging sa iba, hindi ka matatakot o mangangamba. Patuloy na madarama na maging mahinahon, magiliw, may pagmamalasakit at malayang umiibig.
Ang Simpleng Landas: Ang Katahimikan ay Pagdarasal. Ang Pagdarasal ay Pananampalataya. Ang Pananalig ay Pag-ibig. Ang Pagmamahal ay Paglilingkod. Ang Pagtulong ay Pagdamay. At ang bunga ng Pagmamalasakit ay Kapayapaan. At ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng ito ay ang Pasasalamat.
   Ang Kasaysayan: Patawarin ako sa aking kawalan ng saysay at pinatatawad ko din ang mga tao na walang saysay, lalo na yaong madalas na nagsasalita ng mga pananalita na wala namang saysay. Sapagkat AKO ang apoy na pinakawalan ng Maykapal.

Huminahon at umasam



Ang tadhana ay walang obligasyon na ibigay sa iyo 
ang inaasahan mo.

Kung may nais ka …kumilos ka.  Kung binabasa mo ito, salamat at buhay ka pa, dahil may pag-asa pang nananatili sa iyo kaya ka nagbabasa nito. Ang totoo, tatlong bagay lamang ang kailangan mo sa paglalakbay na ito ng buhay: mayroon kang iniibig; mayroon kang ginagawa, at mayroon kang inaasam. Ang mga ito lamang at wala ng iba pa.
   Kung papansinin lamang nang maigi; ang mga ibinabalita sa mga pahayagan, sa telebisyon at maging sa radyo, nangingibabaw ang mga negatibong pahayag; pawang mga kabuktutan, mga karahasan, mga kalupitan, at mga kalagiman. Bihira ang mga positibong gawa at bayanihan ng mga tao para sa kanilang kabutihan at kapakanan. Subalit sa ganang akin, patuloy pa rin akong umaasam na sa likod ng mga kapighatiang ito, mayroon pa ring mga busilak ang puso na gumagawa ng malaking kaibahan sa ating lipunan.
   Himig nga ni John Lennon sa kanyang awitin na ‘Imagine’ “You may say I'm a dreamer, but I'm not the only one. I hope someday you'll join us. And the world will live as one.”
   Ang pag-asam ay positibong pag-asa na nagbibigay sa iyo ng kabatiran na kahit na ikaw ay nahaharap sa mabigat na pagsubok, ay may kakayahan kang lunasan ito at mapagtagumpayan. Ang mainam na magagawa mo sa iyong buhay ay masinsinang limiin kung ano ang inaasam mo. At ang pinakamahalagang pagkilos para dito ay alamin mo iyong mga naisin na isinisigaw ng iyong puso. Hindi ang maging bingi sa munting tinig na bumubulong sa iyo, at hindi upang sikilin at tuluyang ibilanggo ito, kundi ang alpasan at isagawa nang puspusan ang ninanais nitong maganap sa iyo.
   Alam mo ba? …na ang ginagawa mong mga bagay para sa iyong sarili ay maglalaho kapag ikaw ay lumisan na sa mundong ito, pati nga totpik hindi madadala. Subalit ito ang pakatandaan mo, lahat ng mga bagay na ginagawa mo para sa iba ay mananatili bilang pagkilala at iyong pamana.
   Huwag umasa at maghintay, bagkus ay umasam. Pagpalain siya na walang anumang inaasahan, dahil kailanman hindi siya masisiphayo. Napansin mo rin ba? … na sa madidilim na kalangitan doon mo makikita ang pinaka-maliliwanag at maririkit na mga bituin. Ang daan na itinayo at pinagtibay ng pag-asam ay higit na kalugod-lugod sa isang manlalakbay kaysa landas na binuo ng mga panaghoy at mga karaingan, kahit na parehong daan at patungo sa iisang destinasyon.
   Kahit na anumang balakid at paghihirap ang masumpungan, gaano man ang kapighatiang nararanasan, kung mawawala ang ating pag-asa, ang ating mga inaasam, ito ang tunay na kawakasan nating lahat. At lalo namang nakakabagabag, kapag natutuhan na ang kawalan ng kakanyahan, o sa madaling salita, naperpekto na ang katamaran at basta makaraos.
   Umaasam pa rin AKO “Yesterday is history, tomorrow is a mystery, today is a gift, which is why we call it the present.”