Wednesday, April 28, 2021

Pilipinas Kong Mahal

Para sa aking InangBayan
--sa kanyang walang hintong pagluha. Lubos ang aking pagdaramdam at pagkasuklam sa pagkawala ng maraming biyaya sa kaban ng bayan, sa walang habas na mga pang-aabuso sa ating mga likas na yaman sa lahat ng ating mga kapuluan, at sa walang pakundangang pagsasamantala at pagyurak sa ating mga karapatang pantao. Talamak na at karumal-dumal ang pagmamalabis ng iilan at naghaharing uri sa ating lipunan.
   Sa pagpasok ng bagong 2015, wala na akong kakayahan pa na sambitin ang "masaganang bagong taon" kundi ang panoorin (YouTube), pakinggan at pausal na sabayan ang awiting "Ang Bayan Ko." At muling ipahayag nang may patak ng pagluha ang tula ni Gat Amado V. Hernandez, ang "Kung tuyo na ang Luha mo, Aking Bayan." Kasabay din nito ang pagbigkas kong muli ng tula ni Gat Andres Bonifacio, "Pag-ibig sa Tinubuang Lupa." Ang mga ito; ang tunay na nagpapakilala sa Dugong Kayumanggi na nanalaytay sa ating mga ugat bilang pinakadakilang pagmamahal sa ating InangBayan.

Kung Tuyo na ang Luha mo, Aking Bayan
-ni Gat Amado V. Hernandez
Lumuha ka, aking Bayan, buong lungkot mong iluha
Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa;
Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika.
Ganito ring araw noon nang agawan ka ng laya,
Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila.

Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libangan,
Katulad mo ay si Huli, na aliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
Tumataghoy kung paslangin; tumatangis kung nakawan!

Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
Na sa iyo sa pampahirap, sa banyaga’y pampalusog;
Ang lahat mong kalayaa'y kamal-kamal na natapos;
Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor nasa laot!

Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
Kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
Kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
Kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol,
Kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
Lumuha ka nang lumuha’t ang laya mo’y nakaburol.

May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo,
Sinigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!

No comments:

Post a Comment