Wednesday, April 28, 2021

Ang Kaharian ng Langit ay nasa Ating Puso


Bawat isa sa atin ay may karapatan, ang lehetimong kapangyarihan natin na tamasahin ang lahat ng kaluwalhatian na nakatakda para sa atin. Likas at kusa sa bawat tao na maranasan ang prosesong ito para sa kanyang sarili.

Minsan habang nagbabasa ng bibliya si pastor Mateo, ay may nagtanong sa kanya. "Pastor, magbibigay ako ng malaking donasyon sa darating na Linggo kung masasabi ninyo sa akin, kung saan nakatira ang Diyos?"
   Madali tayong makalimot na tayo mismo ay nilalang na kawangis Niya, at ang Kanyang Kaharian ay matatagpuan lamang sa ating kaibuturan. Sapagkat lahat ng kasagutan sa ating mga katanungan ay ipinagkaloob na sa atin. Hindi pa tayo isinisilang, alam na Niya kung sino ikaw, siya, ako, sila, lahat tayo at walang itinatangi sinuman. Ang kailangan lamang ay sisirin at alamin natin ang Kaharian ng Diyos na nasa ating kaibuturan.
Ang Kaharian ng Diyos ay nasa kaibuturan mo.  Lucas 17:21
   Kahalintulad ito ng pinakamahal na diyamante na nakabalot ng ginto sa kaibuturan natin at palagi nating dala-dala saan man tayo naroroon. Ang problema lamang nito, ay patuloy mong hinahanap kung saan-saan, sumasang-ayon kahit kaninuman, at maging maghaka-haka ng kalangitan sa sansinukob, maliban ang sisirin ito sa pusod ng iyong kaibuturan kung saan ito ay nakakulong. Tanging ikaw lamang ang makapagpapalaya nito at wala ng iba pa. Hindi kailangan ang pari, ministro, pastor o maging sinumang propeta para mamagitan sa iyong mga panalangin.
Kayo ay mga diyos. Juan 10:34
   Ang bilangguang ito ay ikaw mismo ang lumikha, simula nang ikaw ay magkaisip at sundin ang payo at sulsol ng iba, maliban sa alamin ito mismo mula sa iyong kaibuturan. Kailangang buwagin at tuluyan nang iwaglit sa iyong isipan ang mga imahinasyon, mga milagro, at mga pantasiya na nilikha at patuloy mong kinawiwilihan sa iyong sarili. Hindi ito ang makapagliligtas sa iyo sa kapahamakan.
   Hindi mo kailangan ang mga alamat at pantasiya o mga idolo at diyos-diyusan mula sa mga bulaan at mapagkunwaring mga banal, sapagkat...
   Kapag ikaw ay naniniwala at taos sa iyong puso ang pagmamahal at pagmamalasakit;
   Kapag nananangan ka sa Pag-ibig, Pag-asa, Katarungan, at Kapayapaan maging sa panahon ng kadiliman at mga kapighatian;
   Kapag ikaw ay mapagkumbaba, mahinahon at magiliw kahit kaninuman;
   Kapag ikaw ay may pananalig, debosyon, at maligayang tinutupad ang iyong hangarin kung bakit narito ka sa mundong ito. At kung ang dasal mo ay magpasalamat, ito ay sapat na.
   Kung ang mga ito ay nagagawa mo sa araw-araw ng iyong buhay, walang balakid o anumang bagay ang makahahadlang pa sa iyo para maging mapayapa at maligaya. Hindi mo kailangan ang mga patakaran, mga kautusan ng mga banyaga o, mga banta at mga panakot ng mga bulaang propeta, pari, ministro o pastor. Hindi mo ginagaya at pikit-matang sinusunod ang kultura at alamat ng ibang lahi kundi ang sarili mong pinagmulang lahi at kulturang Pilipino, At...
   Bilang tunay na Pilipino, malaya kang sundin ang itinitibok ng iyong puso at gampanan nang walang bahid ng anumang pag-aalinlangan ang Kaharian ng Diyos na nasa iyong kaibuturan.
Kayo ay templo ng Diyos, at ang ispirito ng Diyos ay nasa kaibuturan ninyo! 
  I Mga Taga-Korinto 3:16


Anumang Iyong Iniisip, Ito Ikaw


Kapag nahuli mo ang elepante sa likurang paa at nagtatangkang makatakas, higit na mabuti na bitiwan upang makawala siya.
Kadalasan kapag may masamang nangyari, sinisisi natin ang ating sarili. Naniniwala tayo na dapat ay nalaman kaagad bago pa ito maganap, at kung alam naman natin na mangyayari ito, naiisip natin na dapat ay mapangalagaan, mapaghandaan o maiwasan ito nang hindi tuluyang maganap.
   Kapag tayo ay naliligalig, natatakot, o nangangamba, madalas ay tumataas ang lawak ng ating responsibilidad. Nagkakaroon tayo ng ibayong pagtuon kung bakit kailangang hindi mangyari ang isang sitwasyon na magpapahamak sa atin. At kung nagkamali, matinding mga bagabag pa ang laging laman ng ating isipan. Sa puntong ito, nararamdaman natin ang ang kahalagahan ng pagkawala o ng nagawang kamalian: ito ay mga pakiramdam ng panghihinayang, kasalanan, kawalan ng ingat, at mahabang pagsisisi.
   Ubusin man natin sa kakaisip kung bakit ito nangyari ay wala na tayong magagawa pa. Hindi na maibabalik pa ang nakaraan at itama ito. Kalabisan pa na bigkasin ang mga kataga na ; dapat, marahil, kung, sana, at sayang. Pag-aaksaya lamang ito ng mahalagang panahon at ninanakaw ang ating mga pagkakataon na makalikha ng mahusay at makabuluhang pagtuon, hanggang sa humina ang ating mga kakayahan at mawalan ng pag-asa na harapin pa nang matatag ang mga problema.
Huwag gawing responsibilidad ang mga bagay na wala kang kinalaman at wala kang kontrol.


Dakila ang MagPATAWAD

 


Ang landas sa wagas na pagniniig ay pagpapatawad.
Kung nais nating makamtan ang lunas sa pagkasiphayo, mahalaga na tahasan nating likhain ang mabunyi at nakalulugod na mga relasyon – maging may malungkot na karanasan tayo sa nakaraan. Sinuman sa atin ay hindi makakasulong at yayabong, kung patuloy na lumalason sa ating isipan ang mga pagkakasala ng iba. Kung ahas ang nakatuklaw sa atin, iwasan nating patuloy na lasunin tayo ng kamandag nito. Kaagad nating nilulunasan ito upang hindi tayo mapahamak.
   Kailangan natin ang mga relasyon na matalik, bukas, at matapat, na kung saan ay tinataglay natin ang mga ito sa ating pagkatao – nang walang pagkatakot at walang pagmamaliw anuman ang nagaganap sa ating buhay. Kung wala ang tatlong sangkap na ito sa ating puso, kailanman ay hindi natin ito maipadarama sa iba. Anumang bagay na wala sa atin ay hindi natin maaaring maibigay. Mahalaga sa lahat na magkaroon tayo ng maunawaing puso at kakayahan na magpatawad sa isa’t-isa. Ang pagpapatawad ay pangunahing sangkap sa pagpapanatili ng malugod na relasyon kung ang mga ito ay magiliw at nakakasiya ng kalooban. Ang mga relasyong tulad nito ang nakapagpapasaya sa atin upang maging maligaya sa tuwina.   
Sinuman sa atin na nais na magkaroon ng malawig, makahulugan, at wagas na mga pakikipag-kaibigan ay kailangang may maikling mga ala-ala.
 

 

Madali Ka bang Magalit?


Ang galit ay mabigat na bagahe na patuloy nating pinapasan, at sa kalaunan ay ating kapahamakan.
Nakita at naranasan na natin ang magalit at ito ay nagpapasulak ng dugo at nagpapainit sa ulo. Ang resulta ay manggalaiti, mainis at kung magpapatuloy pa ay ang masuklam. Pinahihina ng galit ang ating kalakasan at kasiglahan upang maging talunan at mabigo sa ating mga ginagawa o pakikipag-relasyon sa iba.
   Dati-rati ay normal at simpleng mga pagkilos lamang, ngunit nang mahaluan ito ng pagkagalit ay naging isang karamdaman, na sumisira sa katinuan ng ating isipan, at wala kang sapat na panahon o pagtitimpi na maisaayos ito nang ganap. Simula na ito ng mga pag-aalinlangan sa mga gawain, pagkainis sa sarili, at kawalan ng pagtitiwala. Sa halip na mahusay na makagawa, napalitan ito ng patama-tama at basta makaraos na paggawa. Ang pagkagalit ay mapaminsala at kapahamakan ang patutunguhan kung hindi maiiwasan.
   Upang maampat ang apoy, kailangang alisin ang pangunahing elemento nito sa pagliliyab. Kung aalisin ang gatong na nagpapaliyab dito, titigil ang pagdingas ng apoy. Ganito din kapag may alitan, nag-aaway o nagkakasakitan, kailangang alisin ang pinagmumulan ng awayan na siyang nagpapasiklab o umaapoy dito. Ang gatong sa walang katwiran na pagkagalit ay ang maling paniniwala sa pananalita at mga ikinikilos ng iba at kung papaano ito nakakaepekto sa iyo. Walang bagay na makakaapekto sa iyo kung wala kang pahintulot. Nagaganap lamang ang pagtatalo kung ikaw mismo ay sumasali sa nais mangyari ng iyong kausap para maging katunggali mo siya. Kung susubukang tignan ang sitwasyon na nakatago sa ilalim at hindi sa ibabaw, mauunawaan kung ano ang dahilan o motibo ng iba at ng iyong isinusukling reaksiyon tungkol dito. May kakayahan kang ampatin ang apoy na nagpapasiklab dito para maging mapayapa ang lahat.
Sa dalawang nagtatalo, tumahimik lamang ang isa ay wala nang pagtatalunan pa.

 


TagapagLIKHA Ka ng Sarili Mo

 


Sila mismo ang lumilikha ng kanilang mga sarili.
 Makikilala ang iyong pagkatao sa mga pagkilos na iyong ginagawa sa tuwina. Ang tao ay nagsisimulang maging tao o maging makatao kapag itinigil na niya ang dumaing at manlait; ang pumuna at mamintas; ang magsamantala at abusuhin ang iba; at magsimulang hanapin ang nakatagong katarungan na siyang magpapasunod ng tama at mabuti sa kanyang buhay. At habang umaayon ang kanyang kaisipan sa alituntuning ito, magsisimula siyang ihinto ang walang mga katuturang paghatol at mga kundisyong pinaiiral sa iba na siyang dahilan ng kanyang mga pighati at pagdurusa sa sarili.
   Kung maiiwasan ang mga mali na pawang mga kapahamakan ang tinutungo, magagawa niyang payabungin ang sarili na maging matibay at may ulirang mga kaisipan; ang maging maunawain at mabuti sa kanyang kapwa. Ang kabutihan at hindi kalapastanganan ang siyang tunay na umiiral at nagpapasiya sa sansinukob; katarungan at hindi kabuktutan ang siyang kaluluwa at katas ng buhay; at katapatan, hindi ang korapsiyon o katiwalian, ang siyang humuhubog at nagpapakilos na puwersa ng ispirito at pamamahala sa mundo.
   Sa lahat ng mga kaganapang ito, ang tao ay walang masusulingan kundi ang harapin ang katotohanan at itama ang kanyang sarili. Sa dahilang kapag masama ang kanyang iniisip, ang resulta nito ay kapahamakan lamang. At kung mabuti ang kanyang iniisip, ay maganda at kabutihan ang kanyang makakamtan. Sa prosesong ito na inilalagay niya ang sarili sa wastong pamumuhay, mapapansin niya na kusang napapalitan ang kanyang mga kaisipan ng mabuting pakikitungo sa mga bagay at mga tao. At dahil din sa relasyong ito; ang mga bagay at mga tao ay kusa ding nagbabago nang mabuting pakikitungo sa kanya.

Kapag binago natin ang ating iniisip, magbabago din ang ating mga gagawin, at mababago ang pakikitungo natin sa iba at gayundin sila sa atin.


 

 


Walang sinuman ang magagawang hamakin ka,
kung wala kang pahintulot.
Karaniwan nang isipin ng mga tao at sabihin na “Marami sa atin ang mga alipin sapagkat may isang nang-aalipin; kung gayon, kailangang magalit tayo sa nang-aalipin.” Ngayon, magkagayunman, mayroong iilan na dumarami sa atin ang nakapaling na baligtarin ang paghatol na ito, at sabihing, “Mayroong isang tao na nang-aalipin sapagkat marami ang mga alipin; kung gayon, kailangang kamuhian natin ang mga alipin.” Ang katotohanan ay ang nang-aalipin at alipin ay magkatulong sa kamangmangan, at, habang tila sinasaktan nila ang bawat isa, sa katunayan ay sadyang nagkakasakitan sila.
   Kung walang nagpapaapi, walang mang-aapi. Kung walang pumapayag, walang mang-aabuso. Walang bagay na makapangyayari, kung wala kang pahintulot. Sinuman ay walang karapatan na maliitin ka, kung hindi mo ito pinapayagan o sinasang-ayunan. Batid natin at makikita kung saan nakakiling ang batas sa kahinaan ng mga inaapi at ang walang pakundangang kapangyarihan ng mga nang-aapi; Salapi ang nasusunod dito. Saan ka man tumingin, alamin, at ipanalangin; lumalaki ang agwat ng inaapi at mang-aapi. Patuloy ang pagyaman ng iilan at patuloy din ang paghihirap ng marami.
   At ito ang kailangang mangyari, ang wagas na pagmamahal, na nakadarama ng mga kapighatiang nagpapahirap sa dalawang kalagayang ito; ay ang walang paghatol sinuman sa dalawang pangkat na ito; ang tunay na pagmamalasakit ay lubusang pagtanggap sa umaalipin at nagpapaalipin. Sa paraang ito lamang magagawang lunasan ang mapang-aping kaganapang ito. Siya na nagawang supilin at kontrolin ang anumang makasariling mga kaisipan, ay hindi kabilang o nakikisama sa umaalipin at maging sa inaalipin. Hindi siya katulad ng mga ito. Siya ay malaya.
 

 

Pilipinas Kong Mahal

Para sa aking InangBayan
--sa kanyang walang hintong pagluha. Lubos ang aking pagdaramdam at pagkasuklam sa pagkawala ng maraming biyaya sa kaban ng bayan, sa walang habas na mga pang-aabuso sa ating mga likas na yaman sa lahat ng ating mga kapuluan, at sa walang pakundangang pagsasamantala at pagyurak sa ating mga karapatang pantao. Talamak na at karumal-dumal ang pagmamalabis ng iilan at naghaharing uri sa ating lipunan.
   Sa pagpasok ng bagong 2015, wala na akong kakayahan pa na sambitin ang "masaganang bagong taon" kundi ang panoorin (YouTube), pakinggan at pausal na sabayan ang awiting "Ang Bayan Ko." At muling ipahayag nang may patak ng pagluha ang tula ni Gat Amado V. Hernandez, ang "Kung tuyo na ang Luha mo, Aking Bayan." Kasabay din nito ang pagbigkas kong muli ng tula ni Gat Andres Bonifacio, "Pag-ibig sa Tinubuang Lupa." Ang mga ito; ang tunay na nagpapakilala sa Dugong Kayumanggi na nanalaytay sa ating mga ugat bilang pinakadakilang pagmamahal sa ating InangBayan.

Kung Tuyo na ang Luha mo, Aking Bayan
-ni Gat Amado V. Hernandez
Lumuha ka, aking Bayan, buong lungkot mong iluha
Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa;
Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika.
Ganito ring araw noon nang agawan ka ng laya,
Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila.

Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libangan,
Katulad mo ay si Huli, na aliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
Tumataghoy kung paslangin; tumatangis kung nakawan!

Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
Na sa iyo sa pampahirap, sa banyaga’y pampalusog;
Ang lahat mong kalayaa'y kamal-kamal na natapos;
Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor nasa laot!

Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
Kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
Kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
Kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol,
Kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
Lumuha ka nang lumuha’t ang laya mo’y nakaburol.

May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo,
Sinigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!