Ito
ang Aking Sinusunod
Kailangang alisin mo ang mga paghatol at pamantayan; kung
lunggati mong tamasahin ang kaligayahan na may masiglang adhikain sa buhay.
Malaki
ang aking paniniwala na lahat ng tao ay may likas na mga katangian para
makamtan ang tagumpay.
Dangan nga lamang patuloy na nauusyami ito ng maraming hadlang at hindi
magawang pagyamanin. At marami sa atin, kung hindi magigising, tuluyang ikakapahamak
nila ito at tahasang maghahari ang kapighatian sa kanilang buong buhay. Hindi ito
dapat na mangyari. Mayroon tayong likas na kapangyarihan upang magtagumpay sa
anumang larangan o industriya na hinahangad natin o ating nasimulan na.
Tungkol
naman sa iyo, umaasa akong hindi ito ang nangyari, sa dahilang may
hinahanap ka. At ngayon ay nakatunghay at binabasa mo ang blog na ito. Bilang pagpapatunay na nais
mong may malaman na makapagda-dagdag sa iyong kabatiran upang magtagumpay.
Dahil hindi ka lumitaw dito sa mundo na walang dahilan at kapupuntahan.
Sapagkat sa simula pa lamang; isa ka ng kampeon. Nang ipunla ng iyong ama ang kanyang
similya (sperm cell) sa iyong ina sa
kanilang pagtatalik. Sa isang pagpusit; batay sa kalusugan ng lalake ay mahigit
na 180 milyon (66 million sperms/ml) hanggang
400 milyon ang mag-uunahang makarating upang mapisa ang itlog (egg cell) sa sinapupunan (uterus) ng babae. At isa lamang ang
tatanghalin na kampeon, ang nakapisa (fertilize) ng itlog. At ito ay IKAW!
Sa pag-uulit, sa napakaraming
daan-daang milyong ito; tanging isa lamang ang magwawagi; ISA LAMANG . . . Ang
pinakamapalad na nanalo, . . . ay IKAW.
Subalit nang lumabas ka
sa mundo, mistula ka na isang blangkong
papel. At habang ikaw ay lumalaki at nagkakaisip, marami ang nagsusulat sa
blangkong papel na ito; ang iyong pamilya at mga kaanak, ang iyong mga
kapaligiran, ang iyong pinaniniwalaang relihiyon, ang iyong mga guro at uri ng
iyong paaralan, ang iyong mga naging kasamahan, ang iyong naturingang mga
kaibigan, at higit sa lahat ang kinalakihan mong lipunan. Anumang kahinaan,
kabuktutan, kalakasan o kagalingang mayroon ang mga ito . . . na 'isinulat' sa iyo; ito ang nagtanim at
nagpayabong sa katauhang naghahari ngayon sa iyong sarili. At nakapaloob dito
ang kaligayahan at kapighatiang
umiiral ngayon sa iyong puso.
At kung napunta ka man
o nakarating sa kalagayan mo ngayon, ginusto mo ito ayon sa iyong mga
pinakinggan, natutuhan, naranasan, at pinaniniwalaan. Hindi kailanman ito
mangyayari nang hindi mo pinahintulutan at wala kang partisipasyon. Ito ikaw…
ngayon.
Ang tanong, nasaan ngayon ang kampeon? Ang nagsimula ng lahat? Tila nawawala
sa kabubuang larawan. Huwag mabahala, narito na ang wagasmalaya.blogspot.com
at tinatalakay ito upang pukawin at
paigtinging muli ang pagiging likas na kampeon mo.
Ito ang binubuhay na adhikain ng AKO, tunay na
Pilipino.
Ano ang kahulugan ng ADHIKAIN?
Ang mga Pagkakaiba:
Naisin , (wish) nasa, gusto, ibig –isang pahapyaw na kataga na
nagnanais makamit ang isang bagay na hindi matutupad, dahil walang pagkilos.
Pag-asam lamang. Nakalutang at lumilipad - walang tuldok at katiyakan. Nais at Pangarap lamang.
Hangarin (desire) –ipinapahayag, umaasam na sana ay makamit ang minimithi -
naghihintay ngunit naroon ang agam-agam na mabibigo, dahil naghahangad pa
lamang. Nagpupumilit, gumagawa at laging nakaamba, at manaka-nakang kumikilos.
Patuloy ang daloy ng pangarap.
Layunin (intention, motive) –isang hangarin na
may pagkilos, at may puwersa (inner force) na dumadaloy upang tuparin
ang hinahangad. Walang tuwirang tuldok o pagtatapos. Tinutupad ang pangarap. Patuloy na nangangarap.
Lunggati (goal) –isang nakakatiyak, nasusukat, at
mayroong sapat na panahong inilaan para ito matapos, na kung saan lahat ng
itinakdang mga gagawin ay itinutuon lamang para dito hanggang makamtan ang
nilalayon. Itinalaga at nakaatang gawin ang
pangarap anumang mangyari.
Adhikain
(advocacy) – isang makabuluhang proseso na naghahangad, naglalayon, at
nagsususog ng masidhing simulain tungo sa tagumpay. May kasamang marami pang
iba sa malawakang pagkilos hanggang magtagumpay.
Lahat ng mga ito ay
nakabatay sa uri, klase, at sistema ng pagkilos; at nagtatapos sa
inaasahang kaganapan at tagumpay.
Narito ang mga layunin para sa adhikain ng
AKO, tunay
na Pilipino sa pagsambit ng mga pangungusap:
124 na mga Panuntunan ng Tunay na Tagumpay
1 -AKO ay isang Kampeon!
2- Walang imposibleng
bagay sa pagpupunyaging matibay.
3- Magagawa ko lamang ang
lahat kapag tunay at makabuluhan ang aking mga lunggati.
4- Ang kaligayahan ay
isang walang hintong lagablab sa kaibuturan ng aking puso.
5- Ang tumawa ng
madalas.
6- AKO mismo ang
hinahanap ko.
7- Walang mali; anumang
tungkol sa akin.
8- Ang pahalagahan ang
kagandahan at makita ko ang kabutihan ng iba.
9- Anumang namimighati
sa akin ay hindi ako.
10- Kapag namali ako, mabilis na
tanggapin at iparamdam ito sa nasangkot.
Mabuhay nang may inspirasyon
magmula ngayon!
Jesse
Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan