Saturday, September 26, 2015

Tanging Ito Lamang


Marami ang hindi nakakaalam; at narito ang masaklap na katotohanan -

      lahat tayo ay mamatay. Kahit na anuman ay wala tayong madadala.

At ang lahat na aking minamahal
                          aking nakamtan
                           aking hinahangad
                            aking kailangan
                             aking kinaiinisan
                              aking kamalian
                               aking kasawian
                                aking kabiguan

    lahat ng mga ito ay matatapos na rin. Maglalaho at babalik muli sa kanilang mga pinanggalingan. Ililipad ng hangin na tila hamog upang sumanib sa kanyang paroroonan.

Ang nais ko lamang ay maging abo at hindi alikabok, nang sa gayon ay kahit man lamang sa kalagayang ito ay makatulong ako bilang pataba sa aking kapaligiran.
    Sapagkat nauunawaan ko na wala akong maaangkin kahit na anuman, sa dahilang bawat bagay na nakapaligid sa akin ay panandalian lamang, maging ang sarili kong buhay ay mawawala din. Lahat ay pawang pahiram lamang. Ang tanging maiiwan lamang ay ang tibok ng aking puso at ito ay magpapatuloy nang walang hanggan.
Bakit?
Sapagkat AKO ay magsasaka, at patuloy ang aking pagtatanim. Kahit na hindi ako ang umani, alam kong marami ang magagalak sa magiging mga bunga nito.
AKO rin ay manggagawa, at gawain ko na ang maging solusyon. Mahilig akong lumikha ng mga bagay na nagpapaganda sa kapaligiran, nakakabuti sa pamayanan, at pumapayapa sa mga kalooban.
Isa akong ispirito na nagkatawang tao. Isa akong manipestasyon ng Dakilang Ama para gampanan ang kanyang Kaluwalhatian!
---------------------------------------------------0
Para makilalang ganap ang sarili; muling basahin ang pitak na may titulong "Ang Kabatiran ang Kapasiyahan" na ipinaskel ko noong ika 12 ng Marso, 2012. Matatagpuan ito sa Mga Nilalaman dito sa gawing kanan.

Sunday, September 20, 2015

Mag-asawa'y Di-biro







Kung walang isyu walang pagtatalo, kapag may napuna may sakuna. 

Naging bahagi na sa araw-araw ang pangungulit ni Aling Karya sa asawa na si Mang Susing. Lagi siyang may isyù; sa bawat kibòt may punà, sa bawat katagà may katugón na paliwanag, sa bawat gawin may kabuntót na pangaral. Mahusay o mapasamá man ang ginagawa ni Mang Susing may kaakibát ang asawa na payô. Mistula si Mang Susing na tumutulay sa alambre sa araw-araw, at kailangang maging maingat ito sa pagsasalita at sa pagsagot para hindi mapagalitan. At kung magkamalî si Mang Susing, simula na ito ng giyera at mga repasô ni Aling Karya ng mga maling nakaraan ng asawa– ang hindi matapus-tapos na mga alipustâ at panunumbát.    Sa katagalan, nagpasiyá si Mang Susing na tumahimik na lamang kahit na patuloy ang paninitâ at paghamón ni Aling Karya. Mahilig itong magbantâ at paboritong mantrá nito ay “My way or the highway!”  Naging ugali na ni Mang Susing ang magkulong sa kanyang sariling kuwarto sa tuwing may masamang hangin sa paligid.
   Isang gabi, naanyayahan sila sa isang piging at kasalukuyang naghahapunan kasama ang mga kaibigan, nang simulang punahin si Mang Susing ng asawa; Bakit ‘yan ang isnuot mo, hindi ba ang sabi ko ay mura lamang ‘yan! Dapat ang isinuot mo ay yaong mamahalin;” Bakit ka nakatayo d’yan, ikuha mo ako ng plato at damihan mo ng ulam!;” “Iwasan mo ang makuwentò na tila nakikiusap ka sa iba, huwag mong gawing kawawa ang sarili mo!;” Nalimutan ko ang isang bag ko, tatlo lamang ang nadala ko, umuwi ka nga at kunin mo ‘yong kulay berde, mamaya ka na kumain, pagbalik mo!” Hindi na nakapagpigil pa si Mang Susing at sumambulat ang kinukuyom nitong damdamin sa kadadalan ni Aling Karya sa harap ng mga kaibigan.
   Lahat ay nagulat at bagamat nag-aalala ay nagtanong, “Bakit ano’ng nangyari at sumiklab ka? Dinugtungan pa ito ng, Bakit hindi ka na lamang nagtimpì, at sinirà mo ang iyong pangako na kailanman ay hindi mo papatulan ang iyong asawa?”
   “Kasi, napatunayan ko ngayon, na ang dahilan kaya umaabusò ang aking asawa ay hindi ako palasagot at hinahayaan ko na siya ang manguna sa mga usapan at pati sa mga desisyon sa aming buhay. Kung ipagpapatuloy ko na manahimik para iwasan siya, napansin ko hindi siya masayá. Kasi, kaligayahan na niya ang pumuna at mamintas.”
   “Bakit, may inseguridad ba sa pagitan ninyo?” Ang may pagtatakang tanong ng katabi.
   “Wala ‘yan sa akin, siya ang may inseguridad sa kanyang sarili, at ang mga nakikita niya ay mga repleksiyon nito.” Ang paliwanag ni Mang Susing., “kailangan kasi, na may maiinis siya at ito ang nagpapaligaya sa kanya. Kailangan palaging may pagtatalo para siya manalo.’
   ‘Sa katunayan, ang ginawa ko kangina ay isang tanda ng pag-ibig. Ito ay isang uri ng pagmamahal ko sa kanya. Nagawa ko, ... na maintindihan niya ang nakakaaliw sa kanya, at ipinarating ko itong malakas upang patunayan na nadinig ko ang kanyang mga pakiusap!”