Monday, June 30, 2014

Walang Hinto ang Pag-aaral



Ang dalawang bagay na nakapaghihiwalay sa mga panalo at mga talunan; ang mga panalo ay palaaral at patuloy sa pagkilos.

Naiiba at nakakahigit ang kakayahan ng may nalalaman kaysa walang alam. Ang edukasyon ay patuloy kahit nakatapos ka na sa kolehiyo. Anumang larangan ang pinasok mo, nangangailangan ito ng masidhing pagsubaybay para sa mabilis na pagbabago sa agham at teknolohiya. Kapag kinukulang sa inpormasyon, mapag-iiwanan ka ng kaunlaran.
   Isang paghahanda ang maayos na pagbalanse sa maghapon upang magkaroon ng panahon na palawakin ang iyong kaalaman. Hindi ito nangangailangan ng maraming oras para may matutuhan. Maraming kaparaanan para matuto sa bawa’t araw. Ang kailangan lamang ay masidhing pagnanasa na madagdagan ang iyong kaalaman sa bawa’t gawaing kinahaharap. Kung magagawa ang mga ito, malaki ang maidudulot nito sa iyong mga katangian.
   Ang antas ng iyong pagnanasa na mapabuti ang iyong kalagayan sa buhay at kumita nang malaki ay nakaayon sa iyong mga natutuhan sa araw-araw. Hangga’t nakabukas ang iyong isipan sa mga pagbabagong nagaganap sa iyong kapaligiran, patuloy kang nasasanay at lumalawak ang iyong mga kaalaman.

   Dalawa ang pangunahing mga bagay na magpapatalino sa iyo – ang mga aklat na iyong binabasa at ang mga tao na iyong nakikilala.

   Maraming matutuhan sa mga aklat, CDs, videos at sa mga napili mong larangan na angkop sa iyong gawain. Pagtuunan ng ibayong atensiyon ang mga makabuluhang inpormasyon na humahamon sa iyong kakayahan at nagpapayabong sa iyong mga katangian. Laging isaisip ang mga bagay na makapagpapataas ng iyong reputasyon sa iyong industriya o propesyon.

Ang Balanseng Buhay



Kapag nagtatrabaho, magtrabaho, at kapag naglalaro, maglaro. Huwag pagsabayin ang dalawang ito upang hindi malito.

Hindi puwedeng hulihin nang sabay ang dalawang mailap na kuneho, at wala kang mahuhuli isa man. Kailangang pagtuunan ng pansin ang isa lamang upang makatiyak na mahuhuli ito. Ganito din sa gawain, hindi maaaring pagsabayin ang trabaho at paglalaro o paglilibang. Kapag sinimulan ang isang trabaho, kailangan itong tapusin. Binibigyan lamang ng kaukulang panahon ang paglalaro o pag-aaliw kapag natapos na ang mga gawain.

Tandaan, kung nais na magkaroon ng kakaibang resulta, gumawa ng kakaibang pagkilos.

7 Kategorya ng Lunggati



Ang simpleng pagtuon subalit epektibong pamamaraan ay nakapagpapabilis ng progreso at nagpapasulong sa hangarin. Ito ay itinataguyod ng lahat na matatagumpay sa negosyo. Pangunahin dito ang paghihiwalay ng 7 kategorya sa iyong mga lunggati upang mapilitan ka na paghusayin ang pagbalanse sa iyong mga pagkilos.
   Magagawa mong pagpasiyahan ang tamang panahon para makamit ang hinahangad mong resulta. Ang dalawang buwan na pag-ikot ay mainam. Hindi ito kalayuan, at may sapat kang panahon para maisaayos ang makabuluhang progreso.

Ang 7 Kategorya ng Lunggati ay ang mga sumusunod:
-Finansiyal
-Negosyo/Karera o Okupasyon
-Pag-aaliw o Libangan
-Kalusugan at Pagpapalakas
-Mga Relasyon
-Personal
-Kontribusyon
   Kapag masikhay mong nailaan ang bahagi ng iyong panahon sa mga kategoryang nasa itaas sa bawa’t 60 araw, magagawa mong tamasahin kung ano ang pinakahahangad ng karamihan sa atin—ang balanseng buhay. At kung mayroon kang sapat na paglalaan ng iyong mga oras para mabalanse ang iyong mga gawain sa maghapon, mayroon kang kapayapaan at panatag na isipan.
   Upang mapanatili ang mga ito sa iyong isipan, repasuhin ito sa araw-araw. Karamihan sa atin ay hindi ito tahasang ginagawa. Sa katunayan, karamihan sa kanila ay wala man lamang na plano ng mga aktibidad para sa kanilang mga lunggati.
   Maging matalino, bigyan ang sarili na umusad at makalampas sa kompetisyon. Magpunyagi at ang tagumpay ay laging kapiling mo.

Ang Kalabanin Mo ay ang iyong Sarili



Lumaki at nagkaisip tayo sa isang lipunan na laging may paglalaban, pahusayan, tagisan ng talino, at walang hintong mga kumpetisyon sa lahat ng larangan. Laging sikat at pinupuri ang maging kampeon, ang maging numero uno, ang laging nangunguna at pinakamahusay sa lahat.
   Bahagi na ng ating mga buhay ang paligsahan, na kailangang may magtagumpay at may mabigo. Sakalimang manalo ka ngayon, may araw na darating at matatalo ka rin. Sa bawa’t paglalaban hindi maiiwasan ang may panalo at bahagi din nito ang may matatalo. Ang korona o kampeonato ay palipat-lipat lamang ng kamay. Katulad ng gulong kapag gumugulong, minsan ay nasa ibabaw ka subalit kadalasan kung nakahimpil ay nasa ibaba ka.
   Mayroon lamang na isang tao na matatalo mo sa bawa’t sandali, at ito ay ang iyong sarili. Hangga’t patuloy na nakabase o umaayon ang iyong pansariling-kahalagahan sa mga tagumpay o mga papuri kaysa pansariling-kaganapan, patuloy ding mailap sa iyo ang tagumpay. At nagpapatuloy ang iyong pagnanasang makilala at matanggap ng iba bilang matagumpay ding katulad nila. Ang tunay na satispaksiyon ay nakakamtan, hindi mula sa panalo, bagkus mula sa eksplorasiyon at pagpapaunlad kung anumang mga talento na ipinagkaloob sa iyo ng tadhana.

Nakasanayang Ugali

Halos 90 porsiyento ng normal na mga pagkilos
ay nakaayon sa mga pag-uugali.

Gaano nga ba katagal para palitan ang isang mapakla o maanghang na ugali? Ang madalas na kasagutan dito ay “mga dalawampu’t isang araw lamang.” Maaari ding tatlo hanggang apat na linggo. Kung talagang nais na magbago, disiplina lamang ang kailangan. Isang mabuting ugali lamang ang katapat at makakapalit sa isang masamang ugali.
   Lahat ng ating pang-araw-araw ng mga aktibidad ay paulit-ulit lamang at nakasanayan na. Mula sa paggising sa umaga hanggang sa pagtulog sa gabi, mayroong mga sandaang mga bagay na ginagawa natin sa magkatulad na paraan. Kasama dito ang paraan kung papaano magsuot ng damit, maghanda sa pagpasok sa trabaho tuwing umaga, mag-agahan, magbasa ng peryodiko, magsepilyo ng mga ngipin, maligo, sumakay sad yip o magmaneho ng kotse patungo sa opisina, magpugay sa mga tao, isaayos ang lamesa sa trabaho, magplao, maghanda ng mga gagawin sa maghapon, makipagmiting, sumagot o tumawag sa telepono, atbp.
   Kung patuloy na ginagawa ang ganitong mga pagkilos sa maraming taon, makakatiyak ka na matibay at pag-uugali na ang mga ito. Nakasanayan na. Nakapaloob dito ang bawa’t larangan ng iyong buhay kalakip ang iyong trabaho, pamilya, hanapbuhay o negosyo, kalusugan, mga relasyon, atbp.
   Gayundin kung magagawang magkaroon ng apat na mga makabuluhang ugali sa bawa’t taon. Sa loob ng limang taon mula ngayon, magkakaroon ka ng dalawampung positibong mga bagong ugali. Ngayon, narito ang punto—ito bang dalawampu na positibong mga bagong ugali ay makakagawa ng malaking kaibahan sa iyong buhay? Tumpak! Talagang malaking pagbabago!
   Ang lahat ng iyong mga ginagawa sa maghapon bilang mga normal na pagkilos ay malaki ang ginagampanang resulta at kapalaran sa iyong buhay. Kung hindi ka masaya sa mga resultang ito, simulan na ang mabilisang pagbabago, bago pa mahuli ang lahat at tuluyan nang ikapahamak mo pa.

Ang kalidad ay hindi isang pagkilos, isa itong ugali.