Aking Panginoon,
Salamat po sa bawat sandali sa aming mga buhay.
Salamat po sa lahat ng ipinagkakaloob Mo sa amin.
Kami’y narito, dahil sa Iyo.
Anuman ang aming ginagawa, iniisip, nakakamit, o nadarama
Ay dahil sa Iyo.
Nawa’y maging mga kinatawan kami
Kung saan Ikaw ay makapagsasalita.
Gamitin kami sa mga paraang iyong ninanais,
Bilang mga mapagkumbaba mong tagapaglingkod
Lumalakad sa landas na ito na magkahawak kamay sa Iyo.
Nawa’y ang aming mga salita dito ngayon, bukas, at palagi
Tumimo sa mga puso ng lahat na nananabik
Na makipag-isa sa Iyo.
Nawa’y maging inspirasyon ang mga ito sa bawa’t isa sa amin
Ang ihalintulad ang aming mga buhay ayon sa Iyo at ng iyong patnubay para sa amin.
Lahat ng nasa amin,
Buong pagpapasalamat naming iniaalay.
Kami’ yumuyukod sa Iyo.
Ang matamang tao ay naniniwala sa tadhana,
ang pabugso-bugsong tao ay sa tsansa o suwerte.
Alam mo bang may isang susi na siyang makapagbubukas ng lahat ng katotohanan na nakatago at naghihintay sa iyong puso?
Kailangan lamang painitin, pasiklabin, at patuloy itong pag-alabin. Ito ang tanglaw na patnubay mo.
Ito ang iyong simbuyo o pasiyon ng iyong buhay. Kailangan lamang ganap mo itong malaman, matutuhan, at pairalin.
Lagi kong binabanggit,
“Ang pangunahing dahilan kung bakit hindi makamtan ng iba ang kanilang mga naisin ay sapagkat hindi nila alam kung ano ang kanilang mga naisin.”
Ang masaklap pa dito; sa iilan na nakakaalam kung ano ang kanilang nais, kinakapos pa at walang kasigla-sigla kung kumilos. Walang simbuyo o umiigting na damdamin, o nagliliyab na paghahangad. Kung magsikilos ang mga ito, mistulang namamasyal sa liwanag ng buwan o nakasunod sa karo ng patay patungo sa libingan. Sa kagawiang ito, kasamang naililibing sa hukay ang kanilang mga pangarap. Kailangan pa bang may sindihang kuwitis sa puwitan, upang mapabilis ang pagkilos at tuloy-tuloy?
Simpleng-simple lamang ang kailangan, maliwanag na paraan upang makapagsimula na malaman kung ano ang nais mo---sa pamamagitan ng kaliwanagan kung sino kang talaga. Ang malinaw na kaalaman tungkol sa iyong sarili ay napakahalaga sa ikatatagumpay ng iyong buhay. Ito ang iyong katotohanan.
Lahat ng bagay sa iyong mundo ay nagiging katotohanan lamang sa pamamagitan mo. Kasabay ng pagpikit ng iyong mga mata, lahat ay naglalaho. Nauuwi sa kawalan. Ang tangi lamang naiiwan ay alaala. Kung ang mga ito ay iyong iniisip, nililikha mo ito para sa iyo. Ikaw lamang ang tanging nasusunod. Subalit ihinto mo ito, pakiramdam at pandinig lamang ang mananatiling kabatiran mo sa katotohanan. Lahat ng ito'y dahil sa iyong kaisipan.
Ang susi sa katotohanan, na patuloy na lumulukob at kumikilos sa iyo ay nasa
pagitan ng iyong
nalalaman at ginagawa.
Ito ay kung
ano ang iyong iniisip.
Anuman ang iyong iniisip,
ay nililikha ang sarili mong daigdig.
Baguhin ang Iyong Iniisip, Baguhin ang Iyong Buhay
Ang tangi lamang na bagay na nakatindig sa pagitan ng tao at ng kanyang mga hinahangad sa buhay, kalimitan ay ang tahasang subukan ito at ang pananalig sa paniniwalang ito'y matutupad.
Lahat ng mga pagbabago sa iyong buhay ay nangyayari lamang kapag pinalitan mo ang iyong paniniwala tungkol sa iyong sarili at kakayahan mo. Lumalawak ang iyong kaisipan kapag binabago mo ang iyong paniniwala kung ano ang iyong magagawa at kung ano ang posibleng makakamit mo.
Lahat tayo ay kumikilos sa paraang
nais natin, sapagkat may mga bagay na umuukilkil at nangingibabaw sa ating kamalayan; ang ating mga
paniniwala. Dito nag-uugat ang mga saloobin, pag-uugali, at mga kapasiyahan. Kapag
maling ideya,
maling pananaw, at
maling paniniwala ang umiiral sa iyo, pakaasahan at darating ang matinding kapahamakan. Upang maiwasan ito at maibaling sa tamang direksiyon, kailangang simulang palitan ng
tamang paniniwala ang iyong kaisipan. Ginagawa natin anuman ang ating magagawa sapagkat ito ang ating paniniwala. Hangga't patuloy natin itong ginagawa, ang kinagawiang ito ay walang patutunguhan---kahit gaano man katindi ang ating pagpupunyagi.
Ang bilis ng iyong paglalakbay sa landas ng buhay ay nakabatay sa mga paniniwala at konseptong iyong pinaiiral sa iyong kaisipan. Nakapaloob ito sa tatlong pangunahing desisyon na kumukontrol ng iyong tadhana.
1. Ang mga kapasiyahan tungkol kung ano ang pinagtutuunan mo ng atensiyon.
2. Ang mga kapasiyahan tungkol kung ano mga bagay na makabuluhan sa iyo.
3. Ang iyong mga kapasiyahan tungkol ano ang iyong gagawin upang likhain ang kalalabasan ng iyong mga hinahangad.
Nakasalalay ang mga kapasiyahang ito sa iyong paniniwalang umaayon sa tunay at dakila mong layunin. At ito lamang ang makapagdudulot nito sa iyo. Ito ang iyong katotohanan.
Nakabatay ito sa mga batas ng kaisipan. Ang pinakamahalagang batas na ito ay nagsasabing anuman ang iyong tuwirang pinaniniwalaan ay nagiging katotohanan. Hindi mo pinaniniwalaan kung ano ang iyong nakikita; nakikita mo kung pinaniwalaan mo na. Sa katunayan; tinatanaw mo ang iyong daigdig sa pamamagitan ng iyong suot na salamin ng mga paniniwala, saloobin, mga pag-aasal, paghatol, pag-aakala, at kinahumalingan o kinagawian. Hindi ikaw ang iniisip mong ikaw, bagkus ang iniisip mo ang ikaw. Kumikilos ka mula lamang sa kung ano ang nakikita mo sa labas ng iyong pagkatao, at nagmumula ito sa iyong mga paniniwala at sinusunod na pamantayan tungkol sa iyong sarili.
Kung ano ang iyong iniisip, magiging ikaw ito.
Mula sa iyong pananalig, ito ang magaganap sa iyo. Ang mga paniniwalang ito ay nagiging realidad o katotohanan mo. Ito ang tahasang nakapangyayari sa iyo.
Mayroon kang kapangyarihan na piliin ang makabubuti sa iyo. Kung babaguhin mo ang mga maling paniniwalang ito, mababago ang iyong panlabas na kaganapan sa iyong buhay. Sapagkat ang sarili mong kabatiran sa iyong pagkatao ang lumilikha ng antas at uri ng iyong paggawa at ikatatagumpay lahat ng iyong mga gagawin.
Ang pagkakakilala mo sa iyong sarili ay kabubuan lahat ng iyong mga paniniwala, saloobin, mga damdamin, at mga mungkahi tungkol sa iyo at sa iyong nililikhang daigdig. At dahil dito, palagi at patuloy kang kumikilos ng naaayon sa kabatiran mo sa iyong sarili, maging tama o mali man ito.
Ano ba ang katotohanan at kaugnayan nito upang makilala natin ang ating sarili?
Kapag sinundan mo ang iyong kaluguran …
ang mga pintuan ay mabubuksan na kung saan wala kang iniisip
na may mga nakapinid na pintuan, at dito
walang isa mang pintuang nakabukas kaninuman
nakalaan ito sa iyo, at ikaw lamang ang may hawak ng susi.
Ikaw lamang ang may hawak sa susi ng iyong buhay.
Ang pagkatao mo ay mistulang lampara na may suklob na boteng salamin, upang ang ningas nito'y mapangalagaan sa mga hampas at daluyong ng hangin. Sa nililikhang liwanag nito na tumatanglaw sa karimlan, tanging ikaw lamang ang may kakayahang pagdingasin at pag-alabin ito, ayon sa kagustuhan mo.
Sa patuloy na pagliyab nito, ang lumilipad na usok ay nagiging pulbos na uling na dumidikit at nagpapadilim sa loob ng salamin ng lampara. Walang sinumang makapaglilinis nito sa labas upang luminaw. Ang paglilinis ay ginagawa mula sa loob palabas. Ikaw lamang at wala ng iba ang makagagawa nito. Ito ang iyong
katotohanan.
Saliksikin mo ang kaibuturan ng iyong puso
at dito ay matatagpuan mo
ang kaharian ng langit.
Siphayo at Pighati
Anuman ang ating iniisip ay bunga lamang ng ating pakikibaka na malaman ang katotohanan. Lagi nating pinaniniwalan ang kinamulatan na kailangang may tama at mali sa lahat ng bagay na pinag-uukulan natin ng atensiyon. At patuloy din nating tinutuklas ang “wastong” kasagutan tungkol dito. Walang katapusan ang kaalaman, patuloy itong proseso at walang hintong pagmumulat sa sarili sa mga nagiging karanasan sa buhay. Lahat ay nagbabago; ang tama ay nagiging mali, at ang mali ay nagiging tama, sa paglipas ng panahon. Ang katotohanan lamang ang nananatili. Hindi mapasusubalian at nakapangyayari sa lahat.
Hangga’t itinatatwa at ipinagwawalang-bahala natin ang pagiging tunay at totoo, lalo na pagdating sa ating pagkatao; ang siphayo at pighati ay mananatili sa ating buhay. Kapag walang katotohanan, kailangan mong harapin ang ibinubungang kasinungalingan, mga pagkukunwari, at mga pagkakanulo.
Kapag walang katotohanan, walang katapatan. At kung walang katapatan, walang mabubuo at magpapatuloy na relasyon kaninuman. Katotohanan ang tanging magpapalaya sa iyo.
Malimit marami ang nagtatanong, “Ano ang katotohanan?”
Bagama’t marami din ang naging katugunan ko batay sa pagtatanong at mga kadahilanan, minsan isang araw, itinutok ko ang aking hintututro sa isang direksiyon, sa pagnanais na maipakita sa kanila kung papaano sinusundan ang isang landas, at iwaglit ito nang tuluyan sa isipan.
Kaysa tumingin sa direksiyon na aking itinuro, ang kakilala ko na nagtanong ay sinimulang titigan ang aking hintuturo, tinatangkang alamin ang katotohanan kung saan ito nakatago. Hindi niya napansin, sa pagkakaunat ng hintuturo ko'y tatlong daliri naman ang sa aki'y nakaturo. Kailanman, hindi mo masusumpungang makita sa iba ang hinahanap mo para sa iyong sarili.
Nakapanlulumo ang tagpong ito kapag naghahanap ka ng tagapagturo, guro o maestro
; gayong ang kailangang hanapin mo’y
karanasan na makakatulong sa iyo na makaiwas sa mga balakid na darating sa iyong buhay. Ang kabatiran ay kapangyarihan, ngunit ibayong kapangyarihan kung nagagamit mo ito.
Kaya lamang ang nakalulungkot, ang katotohanan ay naiiba: marami ang nagpasiyang karampot na panahon lamang ang nakalaan para subukang alamin ang mga kasagutan sa lahat.
Ang taong basta tumatanggap, nang walang katanungan, ng mga “katotohanan” sa kanyang harapan o nagmumula sa ibang tao, kailanman ay hindi masusumpungan ang kanyang tamang landas.
Magnilay at ibayong liripin ang isang pag-uusap na ito:
“Nagbibiro ka ba?! Talaga bang seryoso ka?” ang tanong ng kanyang kumare.
“Oo naman, talagang seryoso ako. Ang wika mo noon, nais mong maging malinaw at laging gising. Ang maging malinaw at laging gising ay nangangahulugang tinutupad mo kung ano ang totoo,” ang may tiwalang tugon ng tinanong.
“Subalit ano ang iisipin ng aking pamilya? Nang aking mga kaibigan? Pati nang mga nakakikilala sa akin? Hindi nila mauunawaan,” ang susog pa ng kumare na halatang napipilitan.
“Oo, may mga ibubunga ito. Subalit kailangang mamili ka. Nais mo bang magpatuloy na mabuhay na iba ang nakapangyayari sa sarili mo o kumikilos ka nang naaayon sa alam mong siyang totoo?
Ano ba ang tunay, yaong talagang totoo?
Kailangan hukayin natin ito ng malalim, upang higit na maunawaan. Sapagkat dito nakasalalay ang pinaka-mahahalagang konsepto na nauukol sa lahat ng pilosopiya, lohika, relihiyon, agham kuro-kuro, at mga kaganapan sa araw-araw ng ating buhay.
May mga pananaw na nagsasabing wala itong halaga, at likas na lumilitaw kung totoo man ito, ay wala nga itong halaga. Alinman dito, totoo o hindi, ikaw ang masusunod. Dahil ang ibubunga nito ay ang iyong magiging karanasan. At makikita ito sa buhay mo, kung masaya o malungkot, may kaligayahan o kapighatian, at matiwasay o masalimoot. Nasa iyong kapasiyahan ito.
Anuman ang iyong pinapanaligan, pinaniniwalaan, at tinutupad, ito ang katibayan ng lahat na nakapaloob sa kalagayan at kaganapan ng iyong buhay.
Ang Katotohanan
Isa itong ideya na kumakatawan kung ano ang tunay na kaganapan o reyalidad. Sumasang-ayon sa tama at tunay na pangyayari, eksaktong naaayon sa kalitawan, pinaggalingan, at kalalabasan. Mayroon itong sangkap o kasariang tumutugon at nagpapatibay na totoo o kaganapan.
Ang reyalidad o kaganapan na nangyayari ay sanhi ng pagiging kalikasan nito; mga tunay na pangyayari, nag-iisang kabubuan, o pangkalahatan nang nalilikhang pagkilos na may katibayan o mapang-hahawakan.
Ang katotohanan ay isang kalitawan at patuloy na karanasan na wala kang anumang bahagyang pag-aalinlangan, inaalaala, itinatatwa, pinasusubalian, at imposibleng maging kamalian. Ang katotohanan ay isa lamang; ang tamang kabatiran, sa lahat ang kaparaanan ang nangungusap para dito. At ito'y nagaganap ayon sa iyong pangmalas at kabatiran.
Ang reyalidad o nagaganap na pangyayari, tama o mali man ito, at katotohanan ay iisa.
Bakit Totoo ang Mali?
Nagkamali ka ng napangasawa, kaya naging masaklap ang iyong buhay. Ito ay mali ngunit totoo.
Nagnakaw ka ng pag-aari ng iba, kaya nabilanggo ka. Ang kamalian ay totoo.
Sinungaling ka, mandaraya ka, masakim ka; iiwasan kang makarelasyon. Mga kamalian na totoo.
Pakatandaan, anumang pinagtutuunan mo ng ibayong pansin, anuman ito ay siyang lumilikha ng iyong katotohanan. At ang mga kaganapang ito ang magiging kapalaran mo.
May katatawanan nangyari sa isang hukuman, na kung saan humihiling ng diborsiyo ang lalaki sa kanyang asawa. Ang reklamo nito, “Sinungaling ang asawa ko---noong magkakilala kami ang binanggit niya sa akin ay 21 taon lamang ang gulang niya, at ngayon ang sinasabi naman niya’y 40 na taong gulang naman siya! Sa katunayan, kagalang-galang na hukom, ang kanyang edad ay nagbabago taun-taon. Kung alam ko lamang na pabago-bago ang sasabihin niyang edad sa bawat labing-dalawang buwan, hindi ko kailanman pakakasalan siya.”
Maging patawa man ito, may katotohanan na umiikot dito.
Lahat ng iyong nakikita, naririnig, naaamoy, natitikman, at nadarama ay totoo. Maging ang ilusyon ay nagiging totoo. Ang lahat nang ito’y naaayon o batay sa iyong angking pansala at pananaw. Walang tama o mali. Pinipili at nagbabago lamang ito ayon sa iyong batayan at kahatulan. Kung ano ang iyong paniniwala, ito ang magiging kasagutan. Lahat ay maaaring kulayan alinsunod sa iyong kaisipan.
Ang daigdig ay nagpapatuloy at walang itong pakialam sa iyo, maging masaya o malungkot ka man. Tumama o magkamali ka man. Ang araw ay patuloy na sisikat at lulubog. Ang lahat ng nabuhay ay mamamatay. Lahat ng nakikita at mahahawakan ay panandalian lamang, lahat ng mga ito'y may hanganan at katapusan.
Subalit may higit at sukdulang katotohanan maliban sa mga ito. Ang mga pangunahin at pinakamahalaga sa lahat; hindi ito nakikita, naririnig, naaamoy, at natitikman, bagkus nadarama lamang ang mga ito: Pag-ibig, pagmamalasakit, kagitingan, pagpaparaya, pagdamay, pagpapakumbaba, pasasalamat, atbp. Ang mga ito ang makapangyarihan sa lahat.
Ikaw lamang at wala ng iba pa ang lumilikha nito. at ito ang iyong katotohanan.
Nakakagawa tayo ng mga himala at mga katangi-tanging gawain; at tayo ay nagagalak, kapag lubos at masugid tayo sa ginagawa na nagpapasaya sa atin. Sa ating paglalakbay patungo sa lunggati na ating inihanda sa ating mga sarili, nabibigyan nito ng makabuluhang panahon at malalim na kahulugan ang ating buhay. Ang katotohanan ang siyang pumapatnubay at nagbibigay kaluguran upang maging kawiliwili ang lahat sa atin.
Naniniwala ako na anumang bagay na makabuluhang gawin ay laging may elemento ng pagsasaya at kagalakan.
Ang iyong utak ay nagagalak kapag ito’y nakatuon sa mga bagay na minamahal mo. Hangga’t pinagtutuunan mo ng pansin kung ano ang tunay na minumutya at pinakananais mo, nagagawa nito na kontrolin ang mga mapangwasak ng emosyon tulad ng pagkatakot, galit, panggigipuspos, at mga bagabag. At ibayong pinalilinaw ang iyong kaisipan.
Habang may simbuyo ka, pinakikilos at pinasisigla nito ang iyong damdamin. At higit mong nagagampanan at natutupad ang iyong tadhana.
Ang tadhana ay paglalakbay ng buhay. Binabago at nilalapatan ng simbuyo anumang iyong kinahaharap. Habang patuloy na pinag-aaralan at nauunawaan mo ang iyong sarili, kusang bumubukal ang mga simbuyo para higit mong malasap ang buhay na sadyang nakalaan para sa iyo.
Simbuyo ng Damdamin
Hindi magagawang pukawin ang karimlan ng liwanag
at magpuyos ang simbuyo kung walang emosyon.
Masdan ang isang ilawang kandila; Ang liwanag nito’y sanhi ng kanyang sindi. Kung maliit ang sindi, maliit ang liyab. Kapag malaki ang liyab, malaki ang lagablab. At kung may lagablab, ganap itong maliwanag.
Ang ilaw ay ang iyong damdamin, at ang liyab nito’y ang iyong nililikhang simbuyo. Ang kalapat na taguri nito’y “simbuyo ng damdamin.”
Ganito pagdating sa damdamin; Malamig ang damdamin, tamimi at walang sigla. Mainit ang damdamin, kumikilos at masigla. May ibayong kasiglahan, puno ng buhay at pagkilos---ito ang simbuyo o pasiyon. Ang pinaka-motor o nagpapakilos sa iyo, pumupukaw, sumisilab, nagpupuyos, gumaganyak, umaaliw, nagpaparamdam, nagpapainit, nanggagalaiti, at nagpapatindi ng kasiglahan. Ang mga ito ang nagbubuo at nagpapakilos ng iyong buhay at magpapasiya sa iyong kapalaran.
Ang Simbuyo ay:
1- susi sa paglikha anumang nais mo sa buhay
2- upang ganap na makilala mo kung sino ka at saan patungo
3- ang malaman ang mga kadahilanan at patnubay tungo sa tagumpay
4- siyang umuugit at lumilikha ng iyong kapalaran
5- pinapanatili ang kaligayahan sa tuwina
6- nagpapatupad ng iyong misyon; kalakip ang intensiyon, atensiyon, at walang tensiyon
7- bukas na isipan at walang bagabag anuman.
Papaano ba natin matutuklasan ang tamang simbuyo upang likhain ang hinahangad nating kapalaran?
Sino Ba AKO?
Ang pinakasimple, pinakamaliwanag na paraan upang masimulan na malaman kung ano ang nais mo---ay maging malinaw kung sino ka.
Anumang bagay na pinag-uukulan mo ng atensiyon ay lumalaki at lumalakas sa iyong buhay. At katumbas ng iyong mga hinahangad, ang magiging resulta nito.
Lahat tayo ay nais makatiyak na may tahasang layunin ang ating buhay. Nais nating maganyak at mapukaw ng ating mga hinahangad, ang matagumpay na makamtan ang ating mga lunggati. Nais nating magkaroon ng buhay na batbat ng kasiglahan at kaligayahan.
Karamihan sa tao ay laging abala at hindi maiwan ang anumang ginagawa upang mabigyan ng pansin ang pagsasaliksik sa kanilang katauhan. Natatakot ang mga ito na kung titigil sa “paggawa,” hindi sila kikita ng ikakabuhay, matutulungan ang pamilya, at mababayaran ang mga pangangailangan, atbp. Walang ganap na atensiyon para dito.
Ang mga pantas na nakakaalam ay nagsasabing ang resulta o nangyayari sa kabubuan ng iyong buhay ay hindi nanggagaling sa ibayong pag-iisip at mga paggawa, bagkus ang pagsasaliksik at pagpukaw sa nakatagong mina ng pagkamalikhain at katalinuhan sa kalaliman ng sarili ng bawa’t isa sa atin.
Ang kaharian ng langit ay matatagpuan lamang sa kaibuturan ng iyong puso.
Ang puso ay kumakatawan sa damdamin. At ang damdamin kapag walang simbuyo ay manhid at nauuwi sa pagkapanis. Kalauna'y mangangamoy at humahantong na malibing sa pagkalimot. Ito ang kalakarang umiiral sa karamihan. May kalapat na pasaring ito:
"Basta makaraos, ayos lang."
Hindi katakataka na manatiling paraos at wala ng pag-asa sa buhay ang may ganitong pag-uugali.
Ano ba ang Angking Kapalaran---Mayroon Ka Ba Nito?
Kung ikaw ang kumukontrol ng iyong kapalaran at diwa ng iyong kaluluwa, mayroon ka nito. Ikaw ang nakapangyayari, nasusunod, at tanging nagpapasiya kung saan pupunta ito. Kapitan ka ng sarili mong barko at tanging may kapangyarihan sa direksiyon ng paglalayag. Sa iyo nakaatang ang responsibilidad na ito.
Liripin ang tungkol dito:
Walang sinumang tao sa mundong ito na talagang kawangis mo at may mga katangiang katulad ng sa iyo. Pambihira ka at sadyang mapalad sa bagay na ito. Hindi lahat ng direksiyon ay pwede na, at dito nakaabang ang samut-saring mga paghamon. Bawa’t isa sa atin ay namumukod tangi at walang kaparis. Kaisa-isa lamang tayo at wala ni isa mang katulad sa buong mundo.
Bawa’t isa sa atin ay mayroong kakayahan at espesyal na maiaalay sa sangkatauhan. Ito ang iyong pambihirang regalo at walang sinuman ang makapagbibigay nito kundi ikaw lamang. Mayroon ka ng mga regalong ito sapagkat may nakatakda kang gagampanang espesyal na tungkulin sa daigdig na nangangailangang ipamalas at pag-alayan ng mga regalong ito.
Upang maging tunay na maligaya, kailangan lamang na gamitin natin ang mga regalong katangian o talentong ito na makapag-dagdag ng ligaya at kahalagahan sa buhay ng iba.
Ang paraan upang likhain anuman ang naisin mo sa buhay ay ang ibigay ito sa ibang tao. Malimit iniisip ng karamihan ang tangi lamang nilang hangad ay salapi, katanyagan, kapangyarihan, ari-arian, asawa o mga anak, subalit walang sinuman ang may nais ng anuman maliban sa kaligayahan. Ang paghahangad ng lahat ng iba pang mga bagay na ito ay dahil lamang upang makamit ang kaligayahan.
At ang paraan upang magkaroon ng kaligayahan ay ibigay mo muna anuman ang iyong nais upang makamit ito. Kahalintulad ng buhay ang salamin. Anuman ang iyong ginagawa, ito ang iyong makakamtan.
Kaya kung nais mo ng kasiyahan kailangan magbigay ka ng kasiyahan. Nais mong tumanggap ng pagmamahal, kailangan magbigay ka ng pagmamahal. Nais mong igalang ka, kailangan gumalang ka muna. Hindi mo maaaring ibigay ang wala sa iyo. Buksan lamang ang puso at kusang dadaloy ang lahat para sa atin.
Kapag ginagampanan mo ito, ipinamumuhay mo ang iyong
angking kapalaran. At kung pinangingibabawan ng
simbuyo ang iyong kapalaran, ang buhay mo’y batbat ng kaligayahan, kagalakan, pagkagiliw, at kaganapan.
Ang mga simbuyo ang nagpapagalaw at kapangyarihan ng iyong buhay. Napakahalaga nito sa iyo, at kapag nagagampanan at ipinababatid ang mga ito, kasiglahan ang sumasaiyo. At ito ang iyong kaligayahan.
Kapag maliwanag ang layunin mo, anuman ang iyong hinahangad ay lilitaw sa iyong buhay, at ito’y mananatili lamang habang malinaw ito.
AKO ang Katotohanan,
Sa simbuyo ng aking damdamin ang lahat ay magaganap.
Ang araw na ito ay handog sa akin ng Dakilang Lumikha.
Marapat lamang na payabungin at pagyamanin ko ito.
Ito ang aking mga sandali ng kapasiyahan upang likhain ang aking kapalaran.
Hindi ako mabibigo.
Sapagkat AKO, ang Layunin, at ang Tagumpay ay IISA!
Aking Panginoon,
Salamat po sa bawat sandali sa aming mga buhay.
Salamat po sa lahat ng ipinagkakaloob Mo sa amin.
Kami’y narito, dahil sa Iyo.
Anuman ang aming ginagawa, iniisip, nakakamit, o nadarama
Ay dahil sa Iyo.
Nawa’y maging mga kinatawan kami
Kung saan Ikaw ay makapagsasalita.
Gamitin kami sa mga paraang iyong ninanais,
Bilang mga mapagkumbaba mong tagapaglingkod
Lumalakad sa landas na ito na magkahawak kamay sa Iyo.
Nawa’y ang aming mga salita dito ngayon, bukas, at palagi
Tumimo sa mga puso ng lahat na nananabik
Na makipag-isa sa Iyo.
Nawa’y maging inspirasyon ang mga ito sa bawa’t isa sa amin
Ang ihalintulad ang aming mga buhay ayon sa Iyo at ng iyong patnubay para sa amin.
Lahat ng nasa amin,
Buong pagpapasalamat naming iniaalay.
Kami’ yumuyukod sa Iyo.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan