Mahalin ang
lahat, pagkatiwalaan ang iilan, at huwag gumawa
ng mali kaninuman.
Magtanong tayo:
Ano ang kahulugan ng pagmamahal?
Sa ganang akin, malalim at depende ito
sa pananaw ng isang tao. Kung naiinip ka naman at nais mo ng madaling
kasagutan, pagmasdan lamang ang mga ginagawa at huwag higit na pansinin ang mga
pananalita. Nasa gawa at hindi sa salita ang kaganapan ng nais mong makamtan.
Lalong mabuti kung laging binibigkas ang pagmamahal at ipinapakita ito ng
tuwirang mga pagkilos.
Papaano mo maipapaliwanag ang mga katagang “Mahal kita”?
Sa iyong mga ginagawa nang walang hinihintay
na kapalit. Bagama’t kailangan sambitin ito, higit na mabisa ang gampanan ito.
Tandaan lamang na sa lahat ng iyong mga pagkilos, ito ay upang paligayahin at
pagyamanin ang nagpapatibok sa iyong puso, …nang walang inaasahan at walang mga
kundisyong pinaiiral. May nagtanong,
Papaano kung wala siyang pagtugon, sa kabila ng mga
ginagawa mo?
Makirot ang magmahal sa isang tao nang
walang isinusukling pagmamahal. Masasabing panis, manhid o tahasang walang
damdamin siya para sa iyo, subalit ang higit na mahapdi ay ang patuloy na
mahalin mo siya nang wala kang kakayahan na ipaalam sa taong ito ang iyong
nadarama.
Ang
pinakamasaklap pa dito, pinagtitiisan mo, laging umaasa, at nangagarap na may
pagbabagong darating sa patibong na iyong nililikha at ginagawang kulungan para
hindi ka makalaya.
Papaano mo ito mararamdaman, at hanggang kailan?
Ang malungkot na sitwasyon sa buhay ay may
matagpuan kang tao na lubos mong mamahalin, at sa kalaunan ay maunawaan
lamang na hindi pala kayo magkabagay at nakaukol sa
isa’t-isa at ang magawa na harapin ang
katotohanan... nang makalaya.
Ang patibong kung hindi ka gising, ay
nagiging kulungan para puspusin ka ng mga kapighatian.
No comments:
Post a Comment