Wednesday, February 12, 2014

Bungisngis #092



Isang Minuto Lamang
May isang masunuring sakristan ng simbahan ang nagpapahinga at nakahiga sa damuhan. Nakatingala ito at pinagmamasdan ang kalangitan. Pinag-aaralan ang mga hubog at anyo ng mga ulap kung ano ang mga kahulugan nito, nang magpasiya siya na kausapin ang Diyos.
  "Matagal na po akong tagasunod ninyo sa simbahan, at lahat ng mga ipinag-uutos sa akin ay buong puso kong tinutupad. Wala po akong kagalit at wala po rin akong masasamang bisyo at uliran kong ginagampanan ang lahat sa aking buhay. Aking Diyos, puwede ho bang magtanong sa inyo?

   Ilang saglit ang namayani, biglang umaliwalas ang langit at may mataginting na tinig ang sumagot, "Oo, aking anak ... Magsabi ka lamang."
   Nangalog ang mga tuhod ng sakristan, nanginginig sa takot. Sa matinding pananabik, ay lakas-loob na nagtanong,  "Ga…ggaano ppo ba k-katagal ang isang milyong taon?"
   Tumugon ang Diyos, "Sa aking pamantayan at pagsuma, ito ay isang minuto lamang."
   Nagtanong muli ang sakristan, "Diyos ko, magkano po ba sa inyo ang isang milyong piso?"
   Lalong umaliwalas ang langit nang sumagot ang Diyos, "Para sa akin, ang isang milyong piso ng tao ay katumbas lamang ng isang sentimo na barya."
   "Huh? Ang pagkagulat na nausal ng sakristan, nabuhayan ng loob, at kapagdaka ay humiling, "Kung ggayon ppo, aking Diyos, p-puwede po bbang makahingi ng isang sentimo?"
   At dumadagundong na sumagot ang Diyos, "Matutupad anak ko, maghintay ka lamang ng isang minuto."

Kung hindi natin sapat na maintindihan, huwag naman nating panghimasukan.

No comments:

Post a Comment