Pinakamasaklap na Araw
Sa umagang ito, nagpupuyos na naman sa galit si Fidel, "Talagang napakahirap ispelengin ang mga babae! Kailanman
talagang hindi natin lubos na maiintindihan sila!" ang nanlulumong
himutok nito sa kaibigan, "maraming
taon na kaming magkasama ng asawa ko, hanggang ngayon, hindi ko pa rin siya
maintindihan kung ano ang talagang nais
niya. Palagi akong tumutulay sa alambre, ang bawa't katuwiran ko ay palpak at
walang bisa para mapag-usapan pa."
"Mabuti pa Fidel, mahalin mo na lamang siya nang walang
kahatulan," ang mungkahi ng kaibigan.
"Papaano?"
ang balisang tanong ni Fidel.
"Ipakita mo. Gawin mo. Gumalang at
magpahalaga ka. Suyuin mo
siya." ang pahayag ng kaibigan.
At ito nga ang ginawa ni
Fidel, ang tahasang gumalang at magpahalaga sa asawa. Matapos ang trabaho sa
opisina, madali siyang nagtungo sa isang shopping
mall at bumili ng isang dosenang
pulang rosas, isang kahon ng mamahaling tsokolate, at isang pares ng gintong
hikaw. Inaasam-asam niya ang kasiyahang madarama ng asawa sa mga regalo na
ibibigay niya pagdating sa bahay. Pagpapatunay ang mga ito; kung gaano katayog
na pagpapahalaga at katindi ng pagmamahal niya sa asawa.
Tumayo si Fidel sa
harapan ng pintuan na hawak ng kanang kamay ang bungkos ng mga pulang
rosas, ang madekorasyon na balutan ng kending tsokolate
ay nakaipit naman sa kili-kili, at ang nakabukas na kahita na nakalitaw ang
pares na gintong hikaw ay hawak ng
kanyang kaliwang kamay, na nakalahad at tila nagsusumamo. Sa pamamagitan ng
kaliwang siko, ay diniinan niya ang door
bell. Madaling lumapit sa pintuan si Misis at binuksan ito. Tumitig ito sa
kanya, napamaang sa nasaksihan at biglang bumunghalit ng iyak, hanggang sa
mapayuko at dahan-dahang sumalampak sa lapag at tuluyang humagulgol na.
"Teka
muna, giliw ko, m-may p-roblema ba, m-may mali ba akong nagawa?" ang
nagtatakang urirat ni Fidel.
"Ito na ang pinakamasaklap na araw sa tanang buhay ko," ang hinagpis ng asawa. "Kaninang umaga, si Jun-jun ay nag-flush ng kanyang diaper sa kubeta. 'Yong pangalawang anak natin, si
Bernie, tinunaw ang kanyang plastik na
laruang eroplano sa microwave oven. Nitong tanghali, nang nagluluto ako,
nasunog at naging uling ang adobong niluluto ko. Nalimutan ko kasi, dahil pinilit kong linisin ang baha ng tubig sa
sahig hanggang sa kuwarto, nang umapaw ang tubig sa kubeta. Kaninang hapon naman, dumating si Maxy
na panganay natin, may dalang sulat mula sa prinsipal ng paaralan niya, na
nagsasaad na may ginulpi si Maxy na isang kaeskuwela. Pinapupunta tayo bukas sa paaralan, dahil nagrereklamo ang ama ng
bata sa tinamong gulpi ng kanyang anak. Ang
nanay ko naman, ay muling tumawag sa telepono at nanghihiram ulit ng
malaking pera, dahil nais tubusin ang kanyang mga alahas sa sanglaan, mareremata na daw.
Papaano
ba ito, hu- hu-hu. A-at n-ngayyon, isa
ka pa ... darating ngayong gabi sa bahay, lasing pa!"
Kung nais magpakilala, simplehan
lamang nang magustuhan – at hindi paghinalaan na may kabulastugan.
No comments:
Post a Comment