Mula sa kaisipan, ito ay nagiging mga
kataga, at mula sa mga kataga, ito ay isinasagawa. At sa gawaing ito, nalilikha
ang iyong tadhana.
Nais mong magtagumpay? Napakasimple lamang. Alam mo ang
iyong ginagawa, Gustong-gusto mo ang iyong ginagawa, At pinapaniwalaan mo ang
iyong ginagawa, Sapagkat lagi mo itong inuusal, binibigkas, at inihihiyaw pa.
Ang pananalita
ay pambihira
at napakahalagang katangian natin. Sa pamamagitan nito ay nagagawa nating
ipaalam sa iba ang anumang ating mga nadarama, mga iniisip, at mga ninanais.
Nakakaya nating isalin at ipahayag nang makatotohanan ang mga bagay na
isipirituwal tungo sa pisikal na reyalidad. Ang mga salita ay siyang paraan
upang ganap tayong maintindihan.
Kapag
hindi maunawaan nang sapat ang isang katanungan o problema, gamitin ang
iyong tinig. Bigkasin ito at hayaang pumailanglang sa hangin. Pinipilit ka nito
na maapuhap mo ang kalaliman at kalinawan nito. Hayaan ang Sansinukob na
damayan ka. Anumang iyong iniisip at pinakawalan mo sa iyong mga labi, ang
tinig nito ay nagagawa ang potensiyal na maging aktuwal. Kapag binigkas natin
ito nang malakas, ang kaisipan na dati ay nakabilanggo sa ating ulo ay nagiging
reyalidad na tila mga katagang nililok sa bato.
Kahit
na anumang pagpigil ang ating gawin, lilitaw at magpapakilala ang ating
ispirito. Sapagkat kung ito ay hindi mangyayari, palagi tayong malilito,maliligalig, mabubugnot,
at mababagot pa sa buhay. Hindi nakapagtataka, sakalimang dinadalaw tayo ng
maraming panag-inip. At kung hindi pa natin ito ganap na maintindihan, binabalisa tayo
ng mga bangungot.
Kailangan
ng ispirito na yumabong at siyang manaig, ngunit pinipigilan ito ng
ating katawan; ng mga bagay na ating kinagisnan, natutuhan, at kinahumalingan. Kung
kaya’t nararapat lamang na masidhi nating linawin ang ating mga paniniwala, mga
ideya, at mga prinsipyo—kung ang mga ito ay tahasang nakakatulong sa ating
kapakanan o nakakasama sa ating pag-unlad.
Bago tayo magsimula ng anumang gawain,
palaging tanungin ang sarili ng tatlong katanungan: Bakit ko ginagawa ito? Ano ang aking intensiyon at ninanasang maging
resulta nito? Ako ba ay magtatagumpay? Kapag malalim na napaglimi at
nasumpungan mo ang tamang mga kasagutan sa mga katanungang ito, Magsimula na,
at ang Sansinukob ay dadamayan ka.
Nadarama
natin ang ibayong responsibilidad kapag tinutupad natin ang ating mga
salita, ang mga pangako, at mga tungkulin, kaysa kung ano ang ating iniisip at
inaakala. Walang magagawa at mabubuong mga bagay hangga't patuloy na binabalak mo ito. Sapagkat nakikilala tayo sa ating mga gawa at mga pagkukusa. Alalahanin,
ang pinakamabisang sermon ay ang ating mismong buhay.
No comments:
Post a Comment