Friday, February 14, 2014

Malikot na Puso



Naisulat at naipaskel ko na ang mga ito, subalit mainam na uliting muli upang higit na maunawaan ang tinataglay na mga mensahe sa araw na ito, ngayon, sa Kaarawan ng mga Puso.

31 Mga Bagay na Hindi mo Nalalaman at Naiisip man Lamang

1. Lagi kang nagtitiwala at nananalig; sa paglalakbay, sa pagsakay, sa pagkain, sa reseta ng doktor, maging sa pag-ibig, at mga samu’tsaring nakaharap sa iyo nang walang pagkilatis.

2. Kapag may naranasan kang katotohanan at nais na maibahagi ito sa iba, kadalasan ay hindi ka paniniwalaan.

3. Ang bagay na iyong natikman at naranasan, ay makakaya mong mailarawan at maibahagi. Subalit yaong narinig, nabasa, at naikuwento sa iyo ng iba ay pawang mga komentaryo o opinyon lamang nila, ay wala kang karapatan na angkinin at ibalita ito na parang naganap sa iyo.

4. Kung ang mental ospital ay para sa mga baliw, para saan naman ang mga simbahan?

5. Kilala mo ba ang limang tao na nagmamahal at handang magpakamatay o magpaubaya para sa iyong kaligayahan?

6. Sa bawa’t pagkakataon na may nakayakap kang tao nang mahigpit, nadaragdagan ng ekstrang araw ang ilalagi mo dito sa mundo.

7. Ikaw ay pambihira, espesyal na natatanging kaiisa-isa at walang katulad sa buong mundo.


8. May isang tao na higit na nagmamahal sa iyo kaysa pagmamahal mo sa iyong sarili.

9. Ang kalayaan ay hindi ang kawalan ng mga responsibilidad at mga pangako, bagkus ang kakayahang pumili at italaga ang sarili, kung ano ang higit na mahalaga para sa iyo.

10. Sa bawa’t pagkakamali mong nagawa, may naidudulot itong kabutihan sa iba.

11. Hindi magtatagal at wala nang bisa ang anumang kalungkutan, kung tinatalunton mo ang direksiyon na iyong pinapangarap.

12. Tuwing gabi bago ka maidlip, mayroong mga tao na nananalangin para sa iyo, bago sila matulog.

13. Pinapayagan lamang ni Bathala ang mga bagay kung nais Niyang may pagbabagong maganap.

14. Napansin mo ba sa tuwing nakaharap ka sa salamin, anumang ikinikilos mo ay ginagaya ng taong nakatunghay sa iyo? Ganito din ang buhay, lahat ay repleksiyon lamang ng mga ginagawa mo. Tumawa ka at tatawa din ito sa iyo. Umiyak ka, at iiyak din ito. Mistula itong alingawngaw na tumutunog kapag pinupukpok mo, at kung ikay ay titigil, hihinto din ito.

15. Huwag hintayin na umibig, pakaasahan ito, at magkaroon ng alinlangan. Mayroon itong sariling tinig at may kakayahang mangusap ng pabulong.

16. Ang iyong ngiti, ang nakapagbibigay ng saya sa mga tao kahit hindi ka nila kakilala.

17. Sa panahon ng ating pamimighati, doon tayo kinakausap ni Bathala.

18. Ikaw ay may ispiritong mapagkawanggawa, kapag wala kang takot na tumindig at harapin ang tunay na buhay.

19. Tandaan na ang unang daan patungo sa Diyos ay ang magdasal, ang pangalawa ay ang maging maligaya.

20. Nang ikaw ay isilang, lahat ng bagay na nais mong nakamit ay ipinagkaloob na sa iyo. Ang tanging magagawa mo lamang ay pagindapatin ito at kilalaning maigi kung sino ka, ano ang nais mo, at saan direksiyon ka pupunta. Kapag ginawa mo ito, ang Kaharian ng Kalangitan ay iyong masusumpungan.

21. Para sa isang tao, ikaw ang buong mundo niya.

22. Kung sa palagay mo ay tinalikuran ka na ng buong mundo, ikaw ay mag-isip; dahil nakalimot ka, sapagkat ang totoo, ikaw ang tumalikod sa mundo.

23. At kung gising ka naman, dapat lamang na talikuran mo ang mundo, at bungkalin sa iyong kaibuturan ang iyong kaluwalhatian.


24. Kung may matalik kang kaibigan; mag-aksaya ng panahon na ipaalam ito sa kanya, kung gaano siya kahalaga sa iyo.

25. Sa lahat ng mga bagay o mga pagkakataon; kapag ikaw ay nakahanda, ang magandang kapalaran ay makikiayon sa lahat ng iyong mga kagustuhan.

26. Kapag naisip mong makukuha mo o hindi mo makukuha ang isang bagay, tama ka. Dahil ang sansinukob ay aayon at makikipagtulungan sa iyo, kahit anuman ang gawin mo.

27. Laging sambitin ang mga katagang, “Mahal kita.” lalo na doon sa malapit sa iyong puso bago pa mahuli ang lahat.

28. Gawin ang mga pagpuna at pamimintas na pabulong sa iyong sarili, at isatinig na magpahalaga o pumuri nang harapan sa mga pakikipag-relasyon. At magiging masaya ka sa iyong tanang buhay.

29. Nalalaman natin ang tama at dapat gawin, subalit ayaw tayong iwanan ng kapalaluan at pagiging makasarili. Ito ang impiyernong kailangan nating labanan sa araw-araw, at hindi ang makialam katulad ng mga tao, na sa kanilang ibayong pagmamalasakit sa iba ay nakakalimutang ayusin ang kanilang mga sarili.

30. Kung ang intensiyon natin ay tama, magiging masaya tayo sa anumang kinalabasan o resulta nito. Dahil kung hindi tayo masaya, pananakit na ito sa iba. At kung patuloy pa, ay isa ng pang-aabuso sa pagtitiwala ng iba.

31. Anumang iyong ginagawa at patuloy mong ginagawa ito, …narito ang mundo mo.

No comments:

Post a Comment