Friday, February 14, 2014

Aling Pag-ibig pa?



Ang mapagmahal na puso ang simula sa lahat ng kaalaman.
 
Tanggapin at gampanan na kahalintulad ng hardin ng mga bulaklak ang Pag-ibig; patuloy na inaaruga, dinidilig, pinayayabong, at iniingatan sa lahat ng mga elementong magwawasak dito. Ito ang kalagayan na hinahayaan nating nakalantad ang ating mga kahinaan at mga kalakasan, upang ibayong makita at makilala tayo. At kapag dinakila natin ang ispiritwal na koneksiyon na nag-uugnay sa paghahandog na ito nang may pagtitiwala, paggalang, kabutihan, at apeksiyon; tahasan nating maipadarama ang kawagasan ng ating pagmamahal
   Ang pag-ibig ay hindi isang bagay na madaling maibigay o makuha, isa itong damdamin na kailangang sinupin, arugain, at pagyamanin. Isang wagas na koneksiyon na magagawang payabungin sa pagitan ng dalawang tao na nagmamahalan sa isa’t-isa. Nananatili ang damdaming ito sa bawa’t isa—na magagawa lamang nating magmahal sa iba hanggang minamahal natin ang ating mga sarili.
   Ang mga pagpapahiya, mga paninisi, walang paggalang, mga pagtataksil, at mga pagdaramot ng apeksiyon ay sumisira sa mga ugat na kung saan ang pagmamahal ay yumayabong. Magagawa lamang ng Pag-ibig na mabuhay mula sa mga sugat nito kapag may iginagawad na ibayong atensiyon, pang-unawa, panglunas, at pagmamalasakit.

No comments:

Post a Comment