Wednesday, February 12, 2014

Bungisngis #093




Insulto sa Heneral

Dapithapon na, may isang palatuntunan sa kampo ng militarya sa Kalakhang Maynila, at mainit na nagtatalumpati ang kauupong heneral ng kampo sa harap ng maraming opisyal na sundalo at mga asawa nito. Sa haba at walang tigil na orasyon, isang batang tenyente, ang hindi na makatiis at naiinis sa kayabangan sa dami ng mga nakuhang medalya ng heneral Nanggagalaiti ito na dumikit sa katabing matrona at nagpasaring, "Anong kalokohan ang pinagsasabi ng matandang heneral na ito, ni minsan ay hindi naman napalaban sa labanan sa Mindanaw, kundi laging nakaupo sa opisina at utusan ng mga pulitiko tuwing may halalan. Pweh, bayarang heneral iyan! At ang mga medalya na nakasabit sa dibdib niya ay galing sa kasalaulaan ng serbisyo niya sa bayan!"
   Biglang tumayo at mapanuring tumitig ang ginang sa tenyente na nanamumula ang mukha at nanginginig sa matinding galit, 'Tenyente! Kilala mo ba kung sino ako, hah?"
   "Hindi po, ma'am."
   "Ako, ang asawa ng heneral na sinasabihan mong mula sa kasalaulaan ang tinanggap niyang mga medalya!"
   "Kung g-gayonn.n. ...po," ang napadilat na tugon ng batang tenyente, habang nag-aalala at kinakamot ang batok, "A-ako o o… ba n-nama'y kilala ninyo, kung sino ako?"
   "Hindi, ...hindi kita kilala!" ang may pagkainis at pagtatakang sagot ng ginang, “at wala akong kakilala na tulad mo, damuho ka!”
   "Salamat sa iyo, mahabaging Diyos," ang huling nabanggit ng tenyente, mabilis ito na tumayo, madaling tumalilis, at matuling naglaho sa karamihan ng tao.

Ang salitang binitiwan nang hindi iningatan, ay muling babalik sa pinaggalingan na may dalang kapahamakan.

No comments:

Post a Comment