Friday, February 14, 2014

Lunasan ang Pag-ibig


At ngayon ang tatlong ito ang naiwan: pananalig, pag-asa, at pag-ibig. Subalit ang pinakamakapangyarihan sa mga ito ay ang Pag-ibig.
Ang tanging pinakahahangad ng bawa’t isa sa atin ay ang maramdaman ang likas at malalim na pagmamahal, ang mapag-ukulan ng marubdob na pagtatangi, at maging maligaya na nilalasap ang kawagasan at kadalisayan ng pag-ibig na ito.
   Ang pinakamabisang paraan lamang upang ito ay tahasang makamit, ay ang madama na may buong pusong nagmamahal sa iyo…at ang magmahal din ng iba. Sapagkat kung maalab at dalisay ang iyong pagtatangi, ganito ding pakiramdam ang isusukli sa iyo,,, maalab at dalisay na pagmamahal.
   Kung minsan, mayroon tayong saloobin na, “Mamahalin ko lamang siya, kapag naramdaman kong minamahal niya ako!” at durugtungan pa ito ng, “hangga’t wala siyang ipinapakitang pagmamahal para sa akin, wala ring maaasahan siya mula sa akin.”
   Katulad ng mga pag-aaway sa gubat; labanan ito ng mata sa mata at ngipin sa ngipin, “Kung ano ang ikinikilos mo, ito din ang ikikilos ko;” “ Kung hindi mo ako pinapansin, hindi rin kita papansinin;” “ Matigas ka, lalong higit na matigas ako;” “ Panis ka, aba’y higit akong panis kaysa iyo!” Madalas nating naririnig at nasasaksihan ang mga ito, at bihira nating maranasan ang, “Malungkot ka ba? … narito naman ako at pasasayahin kita.;” “Huwag kang mag-alala, kahit anong mangyari, hindi kita iiwanan;” “Ipanatag mo ang iyong kalooban, ipaglalaban kita.”
   Dito sa huling mga pangungusap, nagpapakita ito ng ninanasa nating uri ng "pagmamahal,” Panatag na pakiramdam na may nagmamahal sa atin, iniingatan at inaaruga, at nakahanda sa anumang sandali na ipaglaban ito. Maging sa iba’t-ibang karelasyon, sa pamilya, sa negosyo, sa trabaho, pati na sa mga kaibigan, ang pagnanasang ito na mahalin ka ng iba ay likas at makahulugan. Katulad ito ng pangangailangan natin ng hangin sa paghinga, kung wala ng pagmamahal tayong nadarama… ang ating buhay ay wala na ding halaga.

No comments:

Post a Comment