Thursday, February 13, 2014

Mapagkanulong Asal


Kapag naglaho na ang iyong konsensiya, ipagkakanulo mo ang iyong sarili sa iba.
Marami ang hindi nakakapansin na kapag hindi hinihingi ang iyong opinyon o mungkahi, kailangang tumahimik ka at magmasid, pag-aralan ang sitwasyon, at limiin ang mga susunod mong ikikilos. Maingat na pigilan ang iyong nadarama at hayaang maintindihan muna ang tunay na nangyayari at kung saan ito tuluyang hahantong. Huwag makialam sa mga bagay na hindi mo lubos na nauunawaan.
   Sa isang harapan na kung saan ay umiinit ang talakayan, kailangang ibayo mong iniingatan ang iyong mga pananalita, pinipigilan ang emosyon, at tahasang gising sa mga asal na iyong ikikilos. Bantayan ang mga dating gawi na nagpapahamak sa iyo kapag walang hinto at direksiyon na ang iyong mga pangungusap. Isaalang-alang ang tunay mong intensiyon kung bakit napakahalaga ng iyong binabanggit sa iba. Dahil ang tunay mong saloobin ay kusang ipagkakanulo ang anumang nakatago mong hangarin.
   Marami ang nahuhuli sa bibig, dahil sa walang ingat na kadaldalan. Ito ang nagpapahayag sa mundo kung ano ang iyong mga paniniwala at kung papaano at uri ng iyong inaasal. Walang mangyayari hangga’t hindi mo hinaharap ang kawalan ng pag-iingat sa bagay na ito. Ang wala sa lugar na pagrereklamo, pagdaing ng mga problema, at mga paninisi, maliban sa iyong sarili, ay nagpapakilala kung ano ang kasiphayuang umiiral sa iyong katauhan. Sa halip na walang nalalaman ang iba tungkol sa iyong mga kamalian, mga kabiguan, at mga nararanasang kapighatian, walang habas mong ipinapahayag sa madla na magulo at masalimoot ang iyong buhay. Karamihan pa sa mga kausap mo ay iiwasan ka dahil ayaw nilang mahawa sa kamandag na ihahasik mo.
   Tatlong bagay ang kakapuntahan kung bakit ibinabalita mo sa iba ang tunay na kalagayan mo.
Una: Nais mong mabatid ng iba, na ikaw man ay may miserableng buhay. Dahil ayon sa iyo, ang mga miserableng tao ay naghahanap ng kakampi at para makabuo ng samahan. Hindi ka mapalagay kapag may nakikita kang masayang tao, kailangang ipaalam mo sa kanya ang maraming isyu na laging bumabalisa sa iyong isipan, at makisimpatiya din sa iyo.
Pangalawa: Umiiwas ka na sisihin kung bakit napakagulo ng iyong buhay at walang anumang pagbabago para maitama ito. Isang pagtakas sa katotohanan ito kung bakit naging libangan mo na ang pumuna, mamintas, at manisi para ilayo ang anumang hinala tungkol sa iyo. At kung idinadaldal mo ang iyong mga kapintasan, nababawasan ang bigat ng iyong nadarama at naisasalin mo pa ang mga ito sa iba.
Pangatlo: Wala kang katahimikan, nalilito, at sinusurot ng budhi sa iyong mga kapabayaan at mga pagkukulang sa iyong sarili. Para maibsan ang dalahing ito, kailangang ipaliwanag mo sa iba; kahit hindi ka tinatanong nila, ...kung bakit naging masaklap at miserableng buhay ang kalagayan mo ngayon. 
   Ganito ang kalagayan ng mga tao na wala namang nagtatanong ay nagpupumilit na sumagot at magpaliwanag. Ipinapakita ng kanilang mga asal na marami silang mga kapabayaan, mga kamalian at mga kapahamakang nagawa, kung kaya’t ugali at kinahumalingan na nila ang idaldal ang kanilang mga buhay.
  

No comments:

Post a Comment