Friday, February 14, 2014

Pinaghihirapan ang Pag-ibig



Kung nasaan ang pag-ibig naroon ang buhay.

Ang pag-ibig ay hindi basta nakakamit o ibinibigay, ito ay pinaghihirapan, ginugugulan ng mahabang panahon, iniingatan, ipinararamdam, at tahasang ipinapakita sa gawa. Kung ang mukha mo ay may repleksiyon sa tubig, ang puso ng tao ay mistulang salamin din. Sa madaling salita, kung nagpaparamdam at nagpapakita ka ng kalamigan, ang nahahalina mo din ay kalamigan, subalit kung mainit at may kasiglahan, ang mahahalina mo ay mainit at may kasiglahan ding kasagutan.
   Kapag marami ang nagmamahal sa iyo, sila ay nagkukusang matulungan ka para sa iyong kaligtasan at kapakanan. Nais nilang makasama ka, sa mga pagdiriwang, sa mga kasayahan at sa mga lakaran. Kaligayahan na nila ang makita na lagi ka ding masaya. Sapagkat ang diwa ng pag-ibig ay ang maiparamdam sa iyo ang pagmamahal na ito. Hindi maaari kang magmahal nang wala kang ibinibigay. Kapag nagpapaligaya ka ng iba, ibayong pinaliligaya mo ang iyong sarili. Ang magbigay at maglingkod ay mahahalagang bahagi ng ating pagkatao, pinatutunayan nito ang ating layunin sa buhay at pangunahing kabuluhan nito, dahil hindi mo magagawang makuha ang isang bagay kung hindi mo muna ito ibibigay.
   Kung nais mo ng pagmamahal, magmahal ka muna. Kung nais mo ng paggalang, gumalang ka muna. Kung nais mo na maunawaan ka, umunawa ka muna. Nais mo ng mga kaibigan? Maging palakaibigan ka muna. Hindi maaaring makuha mo ang iyong mga naisin nang wala kang sinisimulang pagkilos na kahalintulad nito. Ibigay mo muna bago mo makuha.

No comments:

Post a Comment