Friday, February 14, 2014

Magbigay Muna



Minamahal natin ang mga bagay na mahal natin 
kahit na kung anuman sila.

Sa buhay ng mag-asawa o magkatipan, ang pagbibigay ay siyang pundasyon ng matibay na pagsasama. Kapag ang dalawang tao ay nakatuon sa bigayan sa isa’t isa, ang relasyon ay dumadaloy sa dalawang direksiyon—kumakapit, tumitibay, at pinatatatag ang pagkakaunawaan. Subalit kung ang pagsasamang ito ay nakatuon lamang sa kung ano ang makukuha, ang silakbo nito ay patungo sa magkaibang direksiyon—makasarili at walang pakialam, na siyang pinagmumulan ng alitan, kasiphayuan, at humahantong sa hiwalayan.
   Nakakalungkot na masaksihan at maranasan, na karamihan ngayon ng mga relasyon, ay nakabatay lamang sa kung ano ang makukuha at mapapala. Inuuna muna ang sarap na malalasap at kasiyahan para sa sarili, hindi ang ibigay muna ang mga ito. Sapagkat makikilala ang tunay na pagmamahal sa diwa at daloy ng iyong tunay na saloobin, nakikita at nararanasan ito ng sinuman na pinag-uukulan mo ng pansin.
   Ang pakikipagrelasyon ay hindi isang negosyo. Hindi ka nagreregalo o tumutulong, dahil naghihintay ka ng kapalit o ang matulungan din. Hindi mo gagawin ang mga ginagawa mo nang walang isusukling katumbas din ang mga ito. Kapag ganito ang uri ng pagmamahal na ipinararanas mo, huwag kang magtaka kung wala nang matira na tunay ang pagmamahal sa iyo. Sapagkat kung negosyo ang hanap mo, kung bakit ka nagbibigay, negosyong pagmamahal din ang ibibigay sa iyo.

No comments:

Post a Comment