Tuesday, February 25, 2014

Nasa Pagtutulungan Lamang

Mainam na balikan ang mga nakaraan kung ito'y makapagpapalinaw ng isipan. Sapagkat marami na sa atin ang nakakalimot, na ang pagtutulungan ay ispirito ng bayanihan. May kawikaan tayo na, "Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, ay hindi makakarating sa paroroonan." At pinalakas pa ito ng, "Walang bisa ang mga tinting, kung hindi nakabigkis para magamit na walis."
   Narito ang isang naiibang kuwento na nagpapahalaga sa bisa ng pagtutulungan.

Ang Balisang Daga 
Naalimpungatan ang dagang bahay sa kalantog ng binuksang pinto, dumating na ang magsasaka na nanggaling pa sa bayan. Pupungas-pungas na sinilip niya ito sa siwang ng tabla mula sa kanyang lungga. “Ano kayang bagong pagkain ang inuwi niya ngayon? Tamang-tama ito at kumakalam na ang sikmura ko.“ Ang usal nito sa sarili.  Laking gulat ang bumulaga sa kanya nang buksan ng magsasaka ang dala nitong kahon at ilabas mula dito ang isang patibong sa daga.
   Nangalog ang tuhod at sinigilahan ng matinding takot ang daga. Tandang-tanda pa niya, na ganitong patibong din ang nakahuli at pumatay sa kanyang kaibigang daga, nang minsang magtungo sila sa kapitbahay sa paghahanap ng makakain. Mabilis itong lumabas ng bahay at nagtungo sa kuwadra ng mga hayop. Habang tumatakbo ay sumisigaw, “May patibong sa daga na nasa bahay! . . . May patibong sa daga na nasa bahay!” 
   Naisip niyang puntahan si Inahin, ang manok na minsan ay natulungan niya na itaboy ang ahas na kakain sana sa mga sisiw nito. “Manok, Manok, may patibong sa daga na nasa bahay,! May patibong sa daga na nasa bahay, tulungan mo naman ako!” Ang pagsusumamong pagibik ni Daga sa kaibigan.
   Biglang pumutak ang manok at kumahig pa ito sa lupa, Bah, ginoong Daga, umagang-umaga’y binubuwisit mo ako. Wala akong kinalaman diyan. narito ako sa bakuran at wala sa bahay. Para sa iyo iyan, huwag mo akong isali at ako’y abala. Tsu, tsuh ... Umalis ka nga sa daraanan ko! 
   Nanlulumong napamaang ang daga sa narinig kay Inahin, laglag ang balikat at nangingilid sa luhang nagtungo ito kay Baboy. Natulungan niya ito noon na makawala sa pagkakasabit sa baging. Paulit-ulit na kinagat ni Daga ang baging hanggang sa maputol at makalaya si Baboy. 
   “Sa palagay ko, hindi ako mapapabayaan ni Baboy, kailangan ko ngayon ang tulong niya,” bulong nito at paniniyak sa sarili habang pinapahid ang tumutulong luha.
   Malakas siyang sumigaw, “Baboy, may patibong sa daga na nasa bahay! . . . Baboy, may patibong sa daga na nasa bahay! Nanganganib ang buhay ko! Para mo ng awa, tulungan mo naman ako!” ang matindi nitong pakikiusap pagbungad pa lamang sa tarangkahan ni Baboy. 
   “Anooo? Sinusuwerte ka ba? Anong saysay niyan sa akin! Tahimik akong natutulog dito, bibigyan mo ako ng problema? Lumayo ka nga diyan at huwag mo akong abalahin sa pagtulog. Wala akong magagawa para sa iyo. Problema mo 'yan. Alis diyan! Ang nanggagalaiting bulyaw ni Baboy na sinabayan ng paghikab at pagpikit ng mga mata, na nagkunwaring natutulog.
   Nakayukod ang ulo at lulugo-lugong lumisan si Daga. Umiiyak na ito ngayon at walang masulingan kung sino ang makatutulong sa kanya. Nakasulmok sa isang sulok nang maalaala niya si Baka, ang kanyang tagapayong kaibigan. Tinulungan din niya ito nang bunutin niya ang tinik na nakatusok sa paa ni Baka. Matagal ding nagpahirap ang tinik na ito kay Baka, at nang mahugot niya ay nangakong, "Kung may problema ka Daga, puntahan mo agad ako, at tutulungan kita para naman makaganti ako sa iyo." 
   Nabuhayan ng loob si Daga nang maalaala ang pangako ni Baka. Kapagdaka'y matulin siyang tumakbo at masiglang pinuntahan ang pastulan ni Baka.  
   “Baka,! Baka! ... May patibong sa daga na nasa bahay! Hu-hu-hu.... May patibong sa daga na nasa bahay! Ako naman ang tulungan mo ngayon! Hu-hu-hu ... Kailangang-kailangan kita. Para mo nang awa ... Ikaw na lamang ang aking pag-asa!”  Nanganganib ang buhay ko, hu-hu-hu tulungan mo naman ako.” Ang mga pagibik nito na umiiyak nang makarating sa kinakainang damuhan ni Baka.   
   “Tsk, tsk, tsk," kasabay ng pag-iling ng ulo ni Baka, "ikinalulungkot ko kaibigan, hindi ko iyan problema. Ikaw ang nasa bahay, at ako naman ay nasa pastulan. Wala akong magagawa para sa iyo, harapin mo iyang mag-isa. Wala akong kinalaman at pakialam diyan. Ipagdarasal na lamang kita na makaiwas sa patibong.” Ang malakas na unga ni Baka habang patuloy na ngumunguya ng damo at hindi man lamang tinignan si Daga kahit minsan.   
   Tuluyang napahagulgol si Daga, hindi niya sukat-akalain na ipagtatabuyan siya ni Baka. Lugaming umalis at mistulang wala sa sarili, matinding panlulumo ang dinaranas niya nang bumalik sa lungga niya sa bahay. Kailangang harapin niyang mag-isa ang patibong na inumang sa kanya. Naghihimagsik ang kanyang kalooban sa naranasang pagtataboy sa kanya ng naturingang mga kaibigan.
   Kinagabihan, isang malaking kalantog ang narinig sa buong kabahayan. Mabilis na bumangon ang maybahay ng magsasaka at inalam kung nahuli na ng patibong si Daga. Ngunit ahas pala ang nahuli at naipit ang buntot nito sa patibong. Huli na ang ginawang pag-iwas ng maybahay, natuklaw kaagad siya ng galit na galit na ahas.
   Dagliang itinakbo ng magsasaka ang asawa sa ospital sa bayan. Matapos malapatan ng gamot ay inuwi niya ito sa bahay, ngunit patuloy pa ring nilalagnat. Upang mapabilis ang paggaling ng kanyang asawa, nagtungo ang magsasaka sa kuwadra na dala ang itak at hinuli si Inahin. Kinatay si Inahin at nagluto ng sopas na manok upang maibsan ang lagnat ng asawa. Katulad ng nakagawian ng kanilang angkan; kapag may lagnat, sopas na manok ang panglunas.
   Subalit nagpatuloy ang paglubha ng maybahay. Tulad ng inaasahan sa kanilang nayon, maraming kapitbahay ang dumamay at nagpapalitan sa pagbabantay sa maysakit sa buong maghapon at sa sumunod pang mga araw. Dahil sa pagdami ng tao, napilitan ang magsasaka na katayin din si Baboy upang may maipakain sa mga tumutulong sa kanya.
   Ngunit nawalan ng kabuluhan itong lahat, nagpatuloy ang paglubha ng kanyang maybahay at binawian ito ng buhay. Nang iburol ito, lalong dumami ang mga tao na nakiramay, pati ang kanilang mga kaanak ay nagdatingan. Kinapos ang inihandang mga pagkain, at nagpasiya ang magsasaka na katayin na rin si Baka upang magkaroon ng sapat na pagkain ang mga nakikiramay.
   Lahat ng kaganapang ito ay nasaksihan habang tumatangis si Daga mula sa siwang na tabla ng kanyang lungga.Kung tinulungan lamang nila ako, disin sana’y hindi ito nangyari sa kanilang mga buhay.” Ang paninising paulit-ulit nitong inuusal sa sarili. Kung nakinig lamang sila sa akin ...
                                    "Kung tinulungan lamang nila ako . . . "

__________

   Nagaganap at kadalasang nangyayari ito sa atin. Lalo na doon sa mga nasabing kaibigan, mga kaanak, at malalapit sa atin. Sa mga panahon ng pangangailangan ay tila mga bulang naglalaho, kapag nahihingan ng tulong at pagdamay. Maraming mga kadahilanan, mga pangangatwiran, at pagtatakip, upang mawalan ka ng pag-asa sa kanilang paglingap. Sa halip na unawain ka sa iyong mahapding kalagayan, mga pagsumbat pa ang ipupukol sa iyo.

   Sa mga panahon ng kagipitan ay tuluyan mo silang makikilala. Kawangis ng isang bahay na nagliliyab, kaysa  puksain at ampatin ang apoy na nagaganap sa iyo, ay nakapaling sa ibang direksiyon ang kanilang mga paningin. Ni minsan ay hindi sumagi sa kanilang isipan na ang sunog sa kapitbahay, kapag hindi naagapan ay madadamay din ang kanilang mga sariling kabahayan. Na ang kirot ng kalingkingan ay hapdi ng buong katawan. Ang kapariwaraan ng isa ay kapariwaraan ng marami. Walang sinuman ang makakaiwas sa sakunang kinahaharap ng isa, na hindi magaganap ang ganitong pangyayari sa kanilang buhay sa hinaharap. Walang nabuhay na nag-iisa sa mundong ito. Lahat tayo ay magkakatawing, dikit-dikit,  at magkakasama sa bawa’t sandali. Sa bawa't paggalaw ng hangin, humahaplit ito sa atin, gaano man ang ating pag-iwas. Pumapasok ito at nagiging hininga natin at patuloy na naglalabas-masok sa ating lahat, walang itinatangi bilang ISA tayong lahat. Ang hininga na dumaan sa ilong ng ating mga ninuno ay siya ring hininga na ating ginagamit sa ngayon, at magiging hininga ng sumusunod pa nating mga henerasyon, kahit saan mang panig ng mundo.

  Sa isang lubid, ang itinitibay nito ay ang maraming sinulid na pumalupot sa isa’t-isa at bumibigkis sa kanila upang kumapal at maging matibay. Kung wala ang ganitong pagkakabigkis, mistula kang yagit na aanurin ng rumaragasang tubig tungo sa iyong katapusan.

Talahuluganan, n. glossary  

Ang mga katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga nagnanais na mabalikan at maunawaang lubos ang ating nakalimutang mga kataga, upang mapalawak ang kanilang paggamit sa ating wikang Pilipino.



Naniniwala tayo na ang talahulugunan ay kailangang tayo ang sumulat.

patibong sa daga, n. mousetrap 
naalimpungatan, v. suddenly awakened 
pupungas-pungas, v. wiping face after awakened 
sinilip,v. peeped, peered through a crevice, hole, small opening 
kumakalam, v. piercing hungry spasm 
sikmura, n. belly, abdomen, kaiba kaysa; tiyan, n. stomach 
sinigilahan,v. extreme feeling of fear 
ngalog, nginig n. shaking, trembling of knees 
tandang-tanda, v. remembering, recollecting 
patibong, bitag, panghuli n. trap, device for catching 
kuwadra, n. farmhouse 
tarangkahan, babuyan n. pigpen, piggery 
pumutak, v.  clucked 
kumahig, v. scratched 
yukod, v. bow 
lulugo-lugo, adj. deep sadness 
ngitngit, inis n. fury, irritation 
kural, kulungan n. corral, livestock pen or enclosure 
lugami, talunan, lupaypay adj. frustrate, give up, prostrate, weak 
tinik, n. thorn 
tusok, n. prick 
pagibik, paghibik, hibik n. lamentation, expressing grief 
nguya, ngata n. chew, gnaw with the teet
maybahay, n. wife
natuklaw, v. bitten by snake 
sukat-akalain, walang hinala n. without a doubt, assumption 
itak, kampit, mahabang sundang n. bolo, machete, long knife 
burol, n. funeral, vigil for a dead person

No comments:

Post a Comment