Sunday, February 09, 2014

Paggalang at Pagtitiwala



 Ang pagmamahal ay isang kundisyon na kung saan ang kaligayahan ng isang tao ay napakahalaga para sa iyo.

Sa mga alitan at banta ng hiwalayan, kailangan nito ang proseso ng puso-sa-puso na komunikasyon. Mahalaga na pigilan ang emosyon na maitaas ang boses, isatinig ang mga karaingan na may kahinahunan, paggalang, at pagmamalasakit. Ang iritasyon, pangangatwiran, pagtatanggol, mga litanya at mga distraksiyon ay nagpapaalab lamang at lumilihis sa pagkakaunawaan. Kailangang huminto sa talakayan o pagtatalo, sapagkat hindi ang katinuan ng mga isipan ang namamayani kundi ang wala sa direksiyong pabagu-bago ng emosyon.
   Ang puso-sa-puso na komunikasyon ay hindi isang formula, isa itong pagtutulungan at proseso na makagawa ng solusyon ang magkabilang panig. Kailangan ang mataas na antas ng paggalang at pagtitiwala ng bawa’t isa. Ang sekreto nito ay nasa pagkilala sa ating mga sarili sa bagong liwanag. Kung walang paglilinaw at kalinawagan, anumang pahayag at katuwiran ay walang katuturan. Ang bagong liwanag na ito ay isang bagong paraan na isaisip ang kakahinatnan—bilang kabubuan ng bagong pangmasid sa pinapangarap na buhay.
   Nasa pagbabago ito ng damdamin, na baguhin ang paraan ng ating nadarama tungkol sa kahapon at pag-ibayuhin ang ating nadaramang pag-asam sa hinaharap. Bagama’t wala tayong sapat na kontrol kung kailan at kung papaano magkakaroon ng pagbabago sa ating mga puso, may ilang patnubay na makapagdaragdag na mangyari ito, tulad ng paghahanda ng lupa na pagtataniman sa hardin, para makatiyak ng magaganda at mabulaklak ng mga halaman.
Narito ang apat na patnubay para makatulong na ihanda ang lupa ng iyong mga relasyon para sa bagong panimula.
1-Humanap ng pag-asa.
Iwasang maghinala at mawalan ng pag-asa; pinag-iisip ka lamang nito ng mga negatibo at nakakasirang mga pag-aakala; ang nakikita lamang ay mga kapintasan ng kaalit, na kung saan ay pinatutunayan ang mga paghihinala at mga paratang. Pinagtitibay pa nito kung bakit ang relasyon ay wala ng pag-asa pa. Upang mabago ito, kailangang baguhin ang paraan ng komunikasyon at isipin na walang sinuman ang nagnanais na wasakin ang pagsasama. Kapag matatag ang antas ng ating pang-unawa, likas nating madarama ang pag-asa sapagkat nakakasumpong tayo ng walang hanggang mga posibilidad na nakawala mula sa nakaraan. Bawa’t relasyon ay mayroong potensiyal para sa transpormasyon. Ang pagbabago sa antas ng unawaan maging sa isang tao ay nakapagbibigay ng pag-asa upang mapabuti ang pagmamahalan. Napapalitan ng pagkakasundo ang hindi pagkakaunawaan mula sa pamamanglaw tungo sa pag-asam, na may naghihintay na magandang buhay sa kabila ng lahat.
2-Kilalanin ang iyong iniisip.
Mapagkumbabang tanggapin at kilalanin natin na may kinagisnan tayong mga pag-uugali, may ilan dito na sadyang hindi mainam at nakakasama para sa atin. Hangga’t hindi natin ito kinikilala at hinaharap, hindi natin magagawang itama ang mga ito. Marami tayong mga paniniwala na sa halip na makatulong ay sumisira pa sa kalinawan ng ating mga kaisipan. Higit na madali para sa atin ang pumuna, mamintas, at manisi kaysa alamin kung bakit ang mga bagay ay nakapangyayari at patuloy nating ginagawa kahit na ang mga ito ay nakakasama sa ating mga karelasyon.
3-Alamin ang nakaraang mga ugali na pinagmulan ng alitan.
Matutong pag-aralan ang nakaraan, sapagkat ito ang magbabadya na iyong kinabukasan. Isang kabaliwan na paulit-ulit na ginagawa ang isang kamalian at umaasang may pagbabagong magaganap pa dito. Ang pananaw na ito ay humahantong lamang sa paninisi, panghihinayang, pagkagalit, kasakitan, pagsisisi, kahihiyan, at pagdududa sa sarili. Hindi maiiwasang isipin na tama ang isang tao at mali naman ang isa pang tao at hatulan kung sinuman ang nakagawa ng mga pagkakamali at kung ano ang mga intensiyon at bakit nagawa ang mga ito. Kadalasan ito ay personal at makasarili, kung bakit walang batayan at hindi makatwiran. Laging nakabatay sa sariling mga paniniwala tungkol sa sitwasyon, na pinatutunayan ng sariling mga haka-haka at taliwas na pananalig na talagang tama ang ginagawang mga kapasiyahan.
4-Magpatawad at lumimot.
Ang mga pasakit at mga pagkakamali ay kaakibat sa lahat ng pakikipag-relasyon. Normal at karaniwan ito, subalit ang higit na nakapagwawasak sa mga relasyong ito ay ang pagpapabaya na lumawak at tumibay ang namumuong sama ng kalooban. Ang magpatawad ay ang lumimot. Pinatatawad natin ang isang tao nang lubos para sa ating mga sarili. Kung hindi natin pakakawalan ang namumuong mga galit, paghihimagsik, pagkasuklam, at panggigipuspos, patuloy ang paglubog natin sa kumunoy, at patuloy nating sinasalaula ang ating buhay. Napupuno ang ating puso ng mga negatibo at masasamang hinala kung kaya’t wala ng puwang pa ang pag-ibig. Hangga’t patuloy nating sinasariwa ang Nakaraan at kinakatakutan na mangyari ito sa Hinaharap, nakakaligtaan nating lasapin ang kaligayahan na nakaukol para sa atin Ngayon.
   Walang maitutulong ang patuloy na pagkagalit o pagkasuklam, hindi nito kailanman mababago pa ang relasyon, kundi ang pag-alabin pa at tuluyang wasakin ang pagsasama. Kung nais ay pagbabago; mangyayari lamang ito, kung sisimulan mong baguhin ang iyong mga pananalita upang mabago ang iyong sarili. Kung ang hanap mo ay pagmamahal, simulan mo nang magmahal. Sapagkat ito ay nasusulat: Anuman ang iyong itanim, ay siya mo ring aanihin.

No comments:

Post a Comment