Hindi tayo sa isang kisapmata ay
biglang sumulpot, sumingaw, o lumitaw nang hindi inaasahan. Sinadya ang pagkakalikha sa atin.
At ito'y isang paghahanda sa mahalagang papel na ating gagampanan sa mundong ito. Isa
tayo sa mga bahagi ng pangkalahatang kaganapan na nakapangyayari dito sa
daigdig. Ang kabubuang larawan nito ay siyang kaluwalhatian na kumikilos
upang ang lahat ay maging makatotohanan.
Sakali man at naalinpungatan ka pa, mangyari lamang na
kurutin mo ang iyong sarili.
Gumising ka naman!
Ang iyong buhay ay naghihintay sa iyo. Dahil malaking bahagi nito'y
gagampanan mo. At walang sinuman ang makakagawa nito
kundi ikaw lamang.
Ito ang dahilan ng iyong pagkakalalang.
At yaon lamang na mga
nagising ang makaaalam na sila'y
nakatulog.
Nagawa mo na ba ang maghanda at isaayos ang iyong mga lunggati?
Ano ang iyong nadama matapos ito?
Pagsasaya? Pagbubunyi? Pag-aalinlangan? Pag-aalaala? Pangamba? O dili kaya'y paikot-ikot at walang makitang patutunguhan?
Huwag manggipuspos, sapagkat lahat ng ito'y nangyayari sa karamihan natin. Bahagi ito ng paggising. Kailangan lamang na pakinggan mo ang
iyong puso. Ito ang magpapatunay ng iyong niloloob.
Kung sakali at panlulumo ang sumasaiyo matapos matupad ang iyong lunggati; lumilitaw
hindi ang lunggati ang mahalaga. Hindi ito ang katotohanan. Kung gayon,
bakit pa tayo naghahanda ng mga lunggati? Para saan?
Talos na natin ang kinahaharap na maraming problema sa ating buhay,
mula sa ating pamilya, sa ating pamayanan, at sa ating bansa. At marami
sa atin ang nais na magawan ito ng pagbabago. Yaong tunay at
makabuluhang pagbabago, ...para sa sambayanan. Subalit hindi tayo
makakilos, sa pag-aalaalang karampot lamang ang maitutulong nito. Wika
nga'y hindi makakapuwing; Patuloy na naghihintay, umaasa, at nag-aabang
sa malakihang pagkilos ng karamihan. Gayong lahat ay nakikiramdam,
patingin-tingin, nag-uusisa . . .
Kailan kaya sisimulan ang malawakang pagbabago?
Ang layunin ng buhay ay buhay ng layunin.
Ano ang mga ito?
Ating Alamin
Alamin natin kung sino tayo. Ito ang totoo.
Ang hindi nalamang buhay, ay buhay na walang saysay.
Alamin ang sarili at huwag isantabi, ito'y di-makakabuti.
Dahil walang saysay ang tumakbo, kung hindi alam ang puno't dulo nito.
Kung wala kang alam, ano ang iyong mauunawaan?
Kapag wala kang pakialam, pagtitiisan dulot na mga kasawian.
Kung "Bahala na" ang alam mo, pawang kabiguan ang sasaiyo.
Dahil lahat ay may kalalagyan, kaya ang buhay ay dapat malaman.
Kaya nga, kung nais na magtagumpay at maging matiwasay,
Alamin ang katotohanan, sapagkat dito nakasalalay,
ang iwing buhay sa minimithi nitong paglayang tunay,
At lahat ng ito'y nakatakdang magaganap, sa dulo ng iyong mga palad.
Alamin kung saan ka patutungo.
Alamin
ang iyong nais na direksiyon. Anumang pagkilos kapag walang direksiyon
ay isang pag-aaksaya ng panahon at walang saysay na buhay. Gaano man
kabilis at panggagalaiti nito, kung wala itong sinusunod na malinaw at
tuloy-tuloy na direksiyon, mananatili lamang itong paikot-ikot,
pabalik-balik, at lalaging nasa dating kinalalagyan.
Tulad na isang busog, kailangan mayroon kang tinutudla.
Alamin ang
iyong tutudlain. Dito nakasalalay ang busog ng iyong buhay upang
humaginit, pumailanlang, at tumama. Ang mga tao, mga pook, mga
kalagayan, at mga pangyayari ay magsasama-sama na kikilos patungo sa
direksiyon na buong katapatan mong hinahangad.
Ang iyong kabatiran at karanasan, ang iyong kaalaman at mga katangian,
ang iyong mga kahiligan at mga kinahuhumalingan, ang iyong mga yaman, lahat
nang ito'y kumikilos at epektibo kapag lahat ay nakatuon sa iisang
patatamaan.
Ikaw at wala ng iba pa, ang lumilikha nito, ang kumukontrol, at nag-aasikaso upang ito'y matupad.
AKO, ...ang Simula ng Lahat sa Akin
Ang kahulugan ng tagumpay ay ang pagkakaroon ng kagitingan, ang pagnanais at matibay na pananaw na maisakatuparan at makapangyari ang tunay mong katauhan.
Tuklasin ang tunay na
layunin ng
buhay. Hindi ito tungkol sa iyong mga gawain, pinagkakakitaan, mga
relasyon, araw-araw na responsibilidad, o maging mga paghahanda mo sa
iyong mga lunggati. Ito'y kung bakit narito ka sa daigdig, at ang
dakilang dahilan ng iyong pagkakalalang.
Mula sa kaibuturan ng iyong puso ay mayroon kang
kasagutan; kilala mo kung
sino ka at
talos
mo kung ano ang iyong hinahangad. Buksan mo ito at ganap na palayain.
Huwag pabayaan itong laging nakabilanggo. Ito ang sanhi ng iyong
pagkabagot, pangungulila, paninimdim, matinding kasiphayuan, at mga
bangungot sa iyong panag-inip. Ito ang mga nagpaparamdam sa iyong mga
karaingan. Nagpapakilala, humihingi ng iyong atensiyon. Sa iyong mga
dasal at pagsusumamo, ito ang ipinadadalang mga kasagutan upang tahasang
harapin mo ang mga ito. Hangga't hindi mo ito pinag-uukulan ng ibayong
pagpansin, patuloy kang maghahanap kung
ano ang magpapaligaya sa iyo.
At ang kaligayahang ito ay
hindi matatagpuan sa ibang
pook, sa mga materyal na bagay, at maging mula sa mga tao, gaano man
katindi ang pagpupunyagi mo. Ito'y manggagaling lamang mula sa
kaibuturan ng iyong puso. At ang tanging susi nito ay
Pag-ibig.
Pansinin natin ito; may dalawang tasang parehong puno ng tubig, kung
ang isang tasa ay may lamang tubig ng kamalian, at ang isa rin ay may
lamang tubig ng kaalaman;
Papaano masasalinan ng bagong kaalaman ang tasa ng isa kung puno pa ito?
Kailangang alisin o itapon ang laman ng isang tasa na may lamang kamalian upang ito'y masalinan ng laman mula sa isang tasa ng kaalaman, at ang walang lamang tasa ay muling malagyan ng panibagong makabuluhang laman.
Ito ang
unang hakbang; kung ang laman ay mga
maling kamulatan, pangamba, pagkatakot, kawalan ng pagtitiwala, at mga masalimoot na pamumuhay. Kailangang
itapon
muna ang mga ito, upang mayroong pagsidlan. Hangga't narito pa ang mga
maling laman na ito, walang maisisilid na bagong kaalaman na makakabuti
para dito.
Ang
pangalawang hakbang; kailangang
bukas ang
kaisipan para dito. Sakalimang mayroon mga alinlangan; huwag itong
ituloy, sapagkat nabahiran na ng paghihinala anumang kakalabasan nito.
Hilaw pa ito at hindi naluto. Ituloy man, wala rin itong kalalabasang
mainam.
Ang
pangatlong hakbang; Mahalaga ang pagtanggap at pakikiisa upang ito ay mangyari.
Ang
pang-apat na hakbang; Nakahanda kang ituwid ang mga pagkakamali, at gampanang mabuti ang iyong bagong kaalaman.
Marami na ang nakagawa nito at nagtagumpay. Subukan ito upang
mapatunayan. Mabisa ito, huwag lamang hihinto. Nakasalalay dito ang
magiging kapalaran. Kung nais makatiyak sa kinabukasan, simulan ngayon
sa mga bagay na ito.
Isagawa ang mga ito:
1. Kumuha ng isang blangkong papel at lapis (may pambura).
2. Isulat sa itaas,
"Ano ang tunay na layunin ng aking buhay?"
3. Isulat ang lahat na maiisip, kahit na ano. Magpatuloy sa pagsulat.
Katasin ang isip at punuin ang papel. Magsulat din sa kabila, lahat ng
maisip. Hanggang mapuno din ito.
4. Piliin ang gumising sa damdamin; Limiing mabuti ang mga ito.
Pakaisipin kung ang mga ito'y magpapasaya at magbibigay ng hinahangad na
tagumpay.
5. Pumili ng lima na katangitanging nagpapasiklab at gumigising sa damdamin. Mga bagay na sadyang magpapakilos. Ito ang
tunay na hangarin.
Sariling Mapa
Pagsama-samahin ang limang ito at bumuo ng isang pangungusap. Ito ang
iyong magiging
misyon sa buhay. Ang iyong
malinaw na mapa na kung saan lahat ng kaalaman mo tungkol sa iyo ay nakasalig at kumakatawan. Ito ang iyong
patnubay.
Ang misyon ng iyong buhay
Ito ikaw, ang lahat ng tungkol sa iyo ay nakapaloob dito.
Kung may nais ka; ibigay mo muna ito, bago mo ito makuha.
Kung wala ka nito, wala kang maibibigay o maipaglilingkod tungkol dito.
Hindi mo maaaring ibigay ang bagay na wala sa iyo.
Kung
walang pag-ibig sa puso mo, papaano ka maka-iibig sa iba? Papaano mo
maipapahayag ang tunay mong niloloob, gayung wala kang kabatiran tungkol
dito?
Nais mo ng kaibigan? Maging palakaibigan ka. Gawin mo muna. Dahil kung mismong sarili mo hindi mo magawang kaibiganin at pinapabayaan mo,
sino sa iyong palagay ang may panahon para sa iyo?
Nais mong tulungan ka? Subalit maramot ka naman sa pagtulong. Sa kalauna'y walang tutulong sa iyo.
Nais mong umani? Gayong wala ka namang itinanim.
Kapag may itinanim, may aanihin.
Nais mo ng isang ulirang tahanan? Pagyamanin ang isang
kapaligiran na inuusbungan ng ulirang mag-anak. Ito ay ginagawa,
pinag-uukulan ng ibayong pag-aaruga, kalakip ang walang pamantayang
pagmamahal.
Papaano ba ang magkaroon ng isang magandang hardin?
Inihahanda ang lupa na tatamnan, inaalisan ng damo, ibabaon ang
mabubuting binhing buto o itatanim ang minumutyang mga halaman,
dinidiligan tuwina, inaaruga, upang payabungin hanggang ang mga ito'y
mamulaklak na siyang magpapaganda sa kapaligiran.
Hindi tinatamnan ng masasamang binhing buto. Tulad ng hardin, ang isang
tahanan kapag ang itinatanim mo dito ay pawang paghihinala,
paghihimagsik, panibugho, walang pagpapatawad, paninisi at pamumuna,
ano sa iyong hinagap ang yayabong? Ano ang mangingibabaw sa lahat ng sandali?
Aanihin mo kung ano ang iyong itinanim. Hindi maaaring magbunga ng mangga ang santol.
Marami ang nakakagawa ng yaman subalit iilan lamang ang nakakapagtatag ng tahanan.
Upang magkaroon ng isang ulirang tahanan na kung saan ang pag-ibig ang siyang naghahari,
magtanim ng mga binhi ng
pag-ibig, ng pagtanggap, at ng pagpapatawad.
Papaano mo magagawa ito? Sa pagiging mapagmahal at ulirang
nilalang. Nasa pagmamahalan ng mag-anak nagsisimula ang kapayapaan.
Ito'y pangunahing bahagi ng iyong
layunin.
Pag-ukulan ng pansin ang sarili:
Nais mong bigyan ka ng respeto? Gayong wala ka namang respeto sa sarili mo.
Kung
pagpapahalaga ang hinihingi mo, makikita ito sa ginagawa mong pagturing
sa iyong sarili. Katibayan nito ang iyong kasalukuyang antas sa buhay,
mga uri ng kaibigan, mga kinahuhumalingan, nakamit na tagumpay,
mapagmahal na pamilya, at kapayapaan ng loob. Kung kinakapos ka sa mga
larangang ito, panahon naman na
kalingain mo ang iyong sarili upang ito'y magkaroon ng
respeto o pagpapahalaga ng iba.
Ang mga malulungkuting tao ang siyang higit na natatakot sa pagbabago.
Subukan! Magbagong totoo. Ang buhay ay pawang pagsubok lahat. Walang
mangyayari, kung naghihintay at umaasa sa magaganap.
Katulad ng pagong; mabagal man ito ay may progreso kapag inilalabas ang kanyang ulo.
Nais mo nito, noon, niyan, at iyon; hindi ka naman tumitinag. Ihakbang ang mga paa at magkaroon ng hinahangad na pagbabago.
Ahhh,
nais mong tumama sa lotto? Maraming ulit ko nang narinig ito. Puwede ba, bumili ka naman ng tiket, upang kahit papaano'y maganap ito.
Inisip + ginawa = katotohanan
(
Hangga't hindi mo ito nababatid, pawang sa kawalan ang patutunguhan
mo. Matutulad ka lamang sa isang tuyong patpat na inaanod ng
rumaragasang tubig. Nananatiling yagit, walang halaga, walang anino, at
mistulang patay.)
Pasahero ka lamang, hindi ikaw ang nagmamaneho o nasusunod sa
iyong buhay. Marami ang nagpapasunod sa iyo at nagdidikta kung ano ang
gagawin mo. Mistula kang tao-tauhan.
Mayroon kang tanging kapangyarihan; Pagkilos. Ang lakas nito'y siyang
susi ng buhay. Bawa't araw, may kapasiyahan kang gamitin ito nang naayon
sa iyong kagustuhan. Ikaw lamang at wala ng iba ang may karapatan sa
kapangyarihang ito. Dahil kapag iba ang nakapangyayari sa iyo,
napapalibutan ka ng mga
pusit.
Ang
pusit ay
taguri sa mga taong walang buto, madulas, at marami itong mga galamay
na sumisipsip ng katinuan at pagtitiwala sa sarili ng iba. Tulad ng
pusit, akala mo'y mistula silang mga lampa, malambot, at maamo, -
subalit mga panlabas na anyo lamang ang mga ito. Sapagkat kapag nalingat
o nagtiwala ka, ay pumapalupot na ang kanilang mga galamay sa iyo.
Bilanguang walang rehas ang aabutin mo. Sila na ang naghahari at
masusunod sa iyong buhay. Bilang mga
taga-sulsol,
taga-duyan,
taga-uto,
taga-ayon,
taga-aliw, at
taga-dila
(balita) ng lahat tungkol sa iyo. Pulos taga ito; taga dito, taga doon,
lagi kang tinataga, at ang kalalabasan mo'y tinadtad o dinuguan.
Tuso sila sa paglikha ng dalawang
tanikala;
konsensiya
at
obligasyon upang ikaw ay alipinin. At kapag ikaw ay nagprotesta sa
abusong ginagawa sa iyo, tatakas ang mga ito sa pamamagitan ng pagpusit
ng maitim na tinta (mag-iiwan ng salaulang paninira sa iyong
pagkatao).At muling babalik, upang ipagpatuloy ang pang-aalipin sa iyo.
Iwasan at takbuhan ang mga pusit sa iyong buhay.
Maghanda at ayusin ang mga bagay na makakatulong sa iyo. Simulang kilalanin ang iyong mga prioridad,
ano at alin ang tamang unahin at isaayos? Tuminag. Tumindig. At kumilos, gawin kaagad ang nararapat.
Kapag nailista ang mga tamang kasagutan mula dito na nagpapakilala sa tunay mong pagkatao, ito ang
tunay na dahilan kung bakit
ikaw ay narito pa sa daigdig. Nadarama mo, mula sa kaibuturan ng iyong puso na kailangan mo itong
isagawa. Ang mga katagang nagpapahayag sa iyong mga lunggati ay nagdudulot sa iyo ng ibayong kasiglahan sa tuwing
binabasa mo ang mga ito. Dahil ito ang nagpapakilos sa iyo.
Anumang ninanais at pinakamimithi mo, naroong lahat ang iyong panahon, lakas, salapi, pag-iisip, at mga tamang pagkilos.
Ito ang nagpapakilala kung
sino ka at anong
uri ng pagkatao ang ginagampanan mong matupad.
Ang matuklasan mo ang iyong mahalagang misyon ay madali lamang. Ang
tuparin at magawa itong katotohanan ang siyang magpapasiya na ang iyong
buhay ay
umiikot at nabubuhay lamang sa layuning ito.
Ikaw at ang layunin mo ay
IISA. Kung wala ang layuning ito, ikaw ay wala rin.
Naisin mo man at hindi, ito ang nakatakdang mangyari sa iyo.
Kailangan lamang ng tamang pagsasaayos upang masundan ang direksiyon na
iyong patutunguhan.
Pagmasdan ang mga
bubuyog
Ang buhay nila'y umiikot lamang na pawang pagkilos. Lumilipad upang
humanap ng nektar sa mga bulaklak. Ang bubuyog ay nabubuhay sa
paglilingkod sa kanyang mga kasamahan. Nakatuon lamang sa iisang gawain
at wala ng iba pa. Ang layunin niya ay iisa.
Siya at ang layunin niya ay isa.
Hindi nagtatanong sa sarili: paggising sa umaga, kung ano ang gagawin.
Ginaganap kaagad ito nang walang pag-aatubili. Dahil may likas na
layunin;
ang ihanda ang mga bulaklak ng halaman upang magbinhi. At bilang
kapalit sa gawaing ito ay may gantimpalang nektar para sa kanya ang
bulaklak na dinapuan. Ito naman ang papel na ginagampanan ng halaman.
Narito ang isang uri ng halaman:
Pagmasdan ang puno ng
saging, mula sa suhi nito, lalaki ito pataas, susulputan ng puso, bubukadkad ang mga bulaklak (
dadapuan
ng bubuyog, makikiskis ang katawan nito sa bulaklak at paglipat sa
ibang bulaklak, maililipat ang nakuhang 'pollen' sa 'pistil' at mabubuo
ang binhi, ito ang 'pollination'). At mula sa prosesong ito, mabubuo
ang mga bunga sa kanya-kanyang mga piling, mahihinog ang mga bungang
saging. At matapos ang lahat, mamamatay ang puno.
Para saan? Upang magsilbing pagkain sa ibang nilalang.
Isa rin itong paraan upang maikalat ang mga butong binhi nito. Ito ang
pangunahing tungkulin ng saging. At doon sa namatay na katawang saha,
magsisilbing pataba naman ito sa iba pang nagsusulputang mga suhi.
Patuloy na layunin, walang katapusan. Ito ang
tanging misyon ng saging.
Sa pagitang ng
bubuyog at
saging, may
nabuong relasyon. At sa dami ng magkakahawig at tawing-tawing na mga
relasyon ng bawat nilalang, ang daigdig ay patuloy na nabubuhay.
Ito ang nagyayari sa kalahatan ng mga may buhay sa daigdig. May
kanya-kanyang espesyal at natatanging katungkulan. Iba't-ibang layunin
ngunit iisa ang tinutungo, paglilingkod para sa kabutihan ng lahat.
Ang mahalagang katanungan na angkop at wastong sagutin ay ito:
Sa mga kaganapang ito sa ating daigdig, ano ang iyong misyon?
Ang misyon:(Lumikha ng naaayon sa iyong prinsipyo at kabatiran.) Halimbawa lamang ang nasa ibaba.
Halimbawa:
"Ang mabuhay ng gising at may kagitingan, na dinadaluyan ng
pagmamahal, pang-unawa, pagmamalasakit, at gumigising ng kamalayan ng
iba tungo sa kapayapaan ng sangkatauhan."
Halimbawa:
"Ang magbigay ng kalakasan, pag-asa, at inspirasyon sa mga tao na maging maligaya at matagumpay."
Halimbawa:
"Ang maglingkod ng buong katapatan; walang pang-iimbot, at masiglang gampanan ang aking tungkulin higit pa sa aking kakayahan.
Isinasaad sa mga ito ang mga prinsipiyong ito:
1. Ang makagawa ng malaking positibong kaibahan sa daigdig.
2. Pataasin ang antas ng kaligayahan at biyaya sa iyong buhay.
3. Makamit ang tunay na layunin ng iyong buhay.
Ito ang kaganapan ng AKO, Tayo, at Tayong LAHAT.
Mula sa ating pagkakalalang, pinagkalooban tayo ng maraming katangian
sa isa't-isa. Bagama't nasa atin ang mga kagalingang ito
, hindi pa ito lubos na napag-uukulan ng pansin o nagigising. Bawat isa sa atin ay may kapangyarihan na tuklasin ito.
Alamin. Sapagkat ito ang
misyon natin sa buhay.
Sa napagtuunang larangan, magaling tayo. Mahusay tayong gumawa,
ngunit sa ibang panig kinakapos tayo---walang kakayahan. Magaling at
dalubhasa sa pagiging doktor, abogado, negosyante, mga pulitiko at mga
pinuno ng kilalang mga samahan, subalit kinakapos sa makabuluhang
katangian; ang integridad o pagkakaroon ng dangal. Madaling masilaw ng
salapi, bayaran, at mga taksil sa bayan.Mayroong malikhain, makasining
at tumatanggap ng maraming papuri at parangal, ngunit nananatiling
mangmang sa katotohanan at musmos ang kaisipan. Nalalasing sa mga
palakpak, at duyan ng mga paghanga. At kapag ang mga ito'y kumupas at
tuluyang naglaho, sila ay mga napapariwara at nagugumon sa masasamang
bisyo.

Magaling sa isang panig ngunit kapos sa tunay na katauhan. Anumang
bagay na nakatuon lamang sa pansariling kapakanan ay walang kabuluhan,
kung ito'y hindi para sa kagalingang panlahat. Ang tunay na kaligayahan
ay matatamo lamang sa paglilingkod. Ang makatulong, magbigay ng panahon,
kalinga, at pagdamay sa kapwa.
Lahat ay nagsisimula sa
AKO. Ako ang simula. At ito'y susundan ng
Tayo. Magtatapos sa
Tayong Lahat, at patuloy na kikilos.
Kailangan nating alamin at gisingin ang ating kabatirang pansarili.
Alamin kung
sino ka. Ito ang unang hakbang upang magkaroon ng hinahangad na pagbabago sa sarili.
Limiin ang sitwasyong ito:
Sa isang tahimik na batis o ilog, dumampot ng isang maliit na bato at
ipukol ito sa gitna ng tubig. Mapapansin ang nagawa nitong paglubusaw ng
tubig; paikot, palaki ng palaki hanggang sa mawala. Ipinapakita dito
ang lawak na naabot ng isang pagpukol ng maliit na bato. Ito ang resulta
mula sa isang pagkilos (pagpukol ng bato) na naganap. Sa labusaw,
nagkaroon ng reaksiyon ang bawat nadaluyan ng alon.
Sa malaking halimbawa,
Ang pagputok ng bulkan, ay lumikha ng lindol, na lumikha naman ng
tsunami mula
sa karagatan, na puminsala naman ng mga bagay sa mga pampang, na
nagpaguho sa mga gusali, na kumitil naman ng maraming buhay.
Isang simpleng pagkilos, tuloy-tuloy na reaksiyon, iba't-ibang resulta. Magkaka-kabit.Tawing-tawing.
Ito ang nalilikha, gaano man kaliit o kakarampot ang iyong nagawa. May
nagiging reaksiyon ito, laging may kakabit o kabuntot na hila.
Isang maliwanag na paglalarawan: Bola na ginagamit sa larong basketbol;
ihagis o ipukol ito sa matibay na lapag. Ang talbog na nilikha nito'y
alinsunod lamang sa lakas ng pagpukol mo. Kapag mahina ang hagis, mahina
din ang ganting talbog. At kung nais mong patuloy ang talbog nito,
kailangan ding patuloy ang dribol o pagtapik sa bola. Dalangan ang
pagtapik at dadalang din ang talbog. Unti-unti ang tapik, unti-unti din
ang talbog. Nasa kapangyarihan ng naghahagis ang magiging talbog ng
bola.
Sa ating buhay, ito ang nagaganap. Kumikilos lamang ito ayon sa
puwersang inilalaan mo dito. Mabagal ka, mabagal di ang ganti nito.
Mabilis ka, mabilis din ito. Maghintay ka, naghihintay din ito. Lahat ay
tungkol sa iyo, naaayon sa pagkilos mo. Subalit magiging mistula itong
robot o de-makina kapag ang relasyong nagaganap ay hindi nabahiran ng
sistema. Ang pagkakaroon ng direksiyon o ang nais mong kahahantungan
nito. At ito ay ang
layunin.
Sa larong basketbol, ang
layunin sa bola ay ipasok ito sa buslo upang magkaroon ng puntos. At ito'y nasa kamay ng
manlalaro kung anong paraan, taktika, at bilis ang paghawak sa bola. Ang may maraming puntos ang siyang panalo.
Isipin natin na ang bola ay ang iyong buhay. Kung walang gagalaw dito,
mananatili itong nakatigil. Paminsan-minsan gugulong ito sanhi ng
malakas na hangin. Minsan may tatapik na iba (tao)
ayon sa nais nito;
at ipukol ito sa mabato, malambot, maputik, o mabahong panig, ay siyang
makapangyayari. Lalo na't walang imik o direksiyon ang
may-ari ng buhay na ito. Nagiging mistulang patpat lamang na inaanod.
Subalit ikaw ang
manlalaro, at hawak mo ang iyong buhay
(bola). Marapat din kung nais mong makarami ng puntos, may kaalaman ka
sa paraan, taktika, at bilis (panahon). Mga prosesong nangangailangan ng
isang matibay na moog. Ito ang magpapakilos upang magsilbing lakas o
pundasyon. Ito ang bumibigkis sa pangkalahatan upang maganap ang nila
layon ng iyong buhay.
Dito napapaloob ang pangangailangan ng
layunin.
Sapagkat ito ay ikaw. Ang lahat ng kaganapang nangyayari sa iyo ay
sarili mong mga kapasiyahan. Anumang kalagayan mo sa ngayon, ang lahat
na ito'y pinahintulutan mo. Hindi ito mga magaganap kung wala kang
kagustuhan o partisipasyon.
Narito ang isa pang marikit na halimbawa:
Nagkasundo kayong mag-anak na
magpiknik sa tabing-ilog.
1. Pinag-usapan kung saan ito gaganapin.
2. Inalam kung maayos, malinis, at mapayapa ang pook na ito.
3. Pumili at nagtakda ng tamang araw na ang lahat ng sasama ay malaya at walang inaasikasong iba.
4. Naglaan ng kailangang salapi sa mga gastusin.
5. Binili ang mga pagkaing pagsasaluhan, at iniluto ang mga ito bilang paghahanda.
6. Inayos ang mga dadalhing kagamitan sa mga katuwaan at pagsasaya.
7. Pinili at isinukat ang mga pampaligo at kagamitan para dito.
8. Tiniyak ang sasakyan na nasa kondisyon sa paglalakbay.
9. Sinuri ang lahat ay nakahanda na (apat na ulit na ginawa);mga tao, kagamitan, pagkain, sasakyan, atpb.
10. At nagsimula nang maglakbay . . . tumitiyak pa ring ang lahat ay nasa ayos at walang problema.
Karamihan sa atin ay ginagawa ito bilang paghahanda. Upang matiyak na ang gagawing kasayahan ay maging matagumpay.
Isa lamang na
simpleng piknik ang gagawin, subalit makikita ang pagsasaayos upang ito'y maisakatuparan.
Narito ang katanungang kailangang masagot natin.
Sa ating
sariling buhay na siyang
pinakamahalaga sa lahat;
Ginagawa ba natin ang ganitong preparasyon?
Alam ba natin kung saan tayo patungo?
Inisip ba natin ang mga kailangang kagamitan o paraan para dito?
Nakahanda ba tayo sa mga magaganap, sakaliman magbago ang kalagayan?
Ano ang talagang hangad mo at ginagawa mo sa
ngayon ang nais mo? Ito ba ang sadyang intensiyon mo sa iyong buhay at patuloy mo itong pinag-uukulan ng pansin?
At ito ang buod ng pagkakaroon ng
pansariling misyon.
Ang maglingkod at pagtibayin ang antas ng iyong buhay. Ituon ito sa
hinahangad mo, at magdagdag ng kaligayahan sa buhay ng iba. Ito ang
magbibigay-buhay at magpapaligaya sa iyo. Ang maging huwaran na
nakakatulong sa pagkakaisa ng kamulatan.
Ikaw mismo, ikaw ang simula. Sa
layunin mo, lahat ng ito ay magaganap.
Minsan, nagkuwento ang aking ama; Ito ay tungkol sa kumpare niyang si
Primo de Guzman, isang
ministro sa relihiyon. Nakaratay at nabibilang na ang mga araw sa
mundo. Dinalaw niya ito sa bahay. Sa isang silid; naghihingalo at
dumaraing ang kanyang kumpare. Ang wika ng aking ama sa nakahigang
kumpare,
"Pare, tanggapin mo na ang kalooban ng Diyos, lahat tayo ay lilisan sa daigdig. Ito'y nakatakda at wala tayong magagawa." Patuloy pa rin ang pagkabalisa, pabiling-biling sa higaan, at pag-ungol ng kumpare niya. Inulit niya,
"Pare, huwag mo ng pahirapan pa ang iyong sarili. Marami kang nagawang kabutihan sa iyong kapwa, sa iyong mga kapisanan, sa iyong simbahan, sa iyong mag-anak, sa iyong mga kaanak. Ano pa ba ang bumabalisa sa iyo?
May luha sa pisngi, sa pauntol-untol at gumagaralgal na tinig ay nagwika ang may sakit,
"Pa-r-e, Hi-n-di ang mga na-tu-lu-ngan ko, mga na-ga-wa ko, mga inabu-loy ko, ang maii-wa-nan pa-milya ko, mga negosyo ko, ang aking ini-isip. Wala na sa akin ang mga i-to. Ang bumaba-li-sa at ikina-ta-takot ko ay ang pag-ha-rap ko sa Daki-lang Lu-mikha. Kapag tina-nong Niya ako, kung ano ang gina-wa ko kay Primo de Guzman.
Ito ang katanungang lagi nating isaisip,
Ano ang ginawa mo sa iyong sarili?
Nakahanda ba ito pagdating ng tamang sandali at tayo ay haharap sa Dakilang Lumikha at tanungin kung
anong uri ng buhay ang ating ipinamuhay?
Ano ang ating mga isasagot?
Maglimi tayong mabuti, hindi pa huli ang lahat. Hangga't may buhay may
pag-asa. Hangga't may problema, may mga paghamon. Hangga't may balakid,
lalo kang tumitibay. Hangga't may usok, may nalilikhang apoy. Hangga't
humahangin, ito'y magliliyab. Hanggat nag-aalab, ito'y maglalagablab.
Ito ang iyong
NINGNING, ang bawat silab at pagdiringas nito'y nagsisilbing tanglaw.
Ito ang iyong
LAYUNIN.
Ang layunin ng buhay ay buhay ng layunin.
Nasa tamang pagkilos lamang ang lahat. Simulan, at ang lahat ay magiging madali.
Ilan lamang ito sa napakaraming magagawa na makapagbabago sa ating kapaligiran:
- Alamin kung anong tunay na layunin mo sa buhay. Pinakamahalaga ito sa lahat.
- Humanap ng mga taong may prinsipyo at pananaw na katulad ng sa iyo. At magkaisa.
- Tumulong at makiisa sa mga samahan o kapatirang nagpapalaganap ng katotohanan, kagalingan, kaunlaran, at pagmamahalan.
- Itatag ang karapatan ng lahat na mabigyan ng pamahalaan na
mapigpipilian na mga paraan na pangalagaan ang kanilang kalusugan at
planuhin ang kanilang kinabukasan.
- Kung may kakayahan, lumahok sa halalan. Kailangan natin ang may Katapatan, Integridad, at tunay na mga Lingkod ng Bayan.
- Simulan bungkalin at taniman ang lahat ng mga nakatiwangwang na
lupain. Maging sa publiko o pribado ang nagmamay-ari nito. Isang
kalapastanganan ang panatilihin itong hindi nabubungkal para lamang sa
katusuhan ng iilan. Ito ay ilaan sa kapakanan ng maraming nagugutom.
- Pasiglahin ang ating mga panghalina sa turismo. Bawat bayan ay
makilahok sa ikatatagumpay nito. Itinatatag nito ang ispirito ng
bayanihan para sa kagalingang panlahat.
- Maging isang panata, bilang tunay na Pilipino na maglakbay at
matuklasan ang ating mga kapuluan. Ito ang ating ugat, lahi, kayamanan,
at kinabukasan.
- Tangkilikin at itaguyod ang mga industriya, produkto, kalakal at serbisyo ng kapwa Pilipino.
- Tumulong at pangalagaan ang ating kapaligiran, mula sa mapinsalang
mga basura, paglalason sa mga ilog, sa nakasusulasok na mga kemikal sa
hangin, sa paggamit ng dinamita sa mga isda na pumipinsala sa mga koral,
at malawakang pagpanot sa ating mga kabundukan.
- Magturo, magpaliwanang, ipaalam ang mga nararapat isagawa sa ikakabuti ng pamayanan.
- Ilantad, batikusin, at isuplong ang lahat ng mga kabuktutan at pagsasamantlang nagaganap.
- At marami pa.
Ang mga ito'y hindi lamang upang sumagip, magligtas, at dumamay;
bagkus ang magkaroon ng tinutungo ang ating mga pagkilos. At nang sa
gayon ay mapanatili ang kaayusan at makatiyak ng tagumpay sa mga
pagbabagong ninanais nating makamtan.
Mayaman tayo. Napakayaman ng Pilipinas. Marami tayong magagawa. Kailangan lamang ay
Pag-ibig.
Maging sa ating wika, talaga namang napakayaman at makahulugan ito:
Sa Inggles, ito ay '
Love,' at wala nang iba pang kalapat.
Subalit sa ating wikang Pilipino,
Ang
Pag-ibig
ay binubuo ng napakaraming kahulugan;
Pagmamahal
Pagsinta
Pagkasi
Pagtangi
Pagsuyo
Pagtingin
Pagsimpan
Pagpansin
Paggiliw
Pag-irog
at marami pa.
Kapag may umiibig sa iyo ng buong katapatan, nag-iibayo ang iyong
kalakasan, samantalang kung ikaw ay umiibig ng buong katapatan,
nag-iibayo ang iyong kagitingan.
Maraming mga mapagpipilian upang ganap at tunay nating maipapahayag at magagampanan ang ating
dakilang LAYUNIN.
Ang mapitagan sa mga pananalita ay lumilikha ng pagtitiwala.
Ang mapitagan sa iniisip ay lumilikha ng paglilimi.
Ang mapitagan sa pagbibigay ay lumilikha ng
pag-ibig.
. . .at wala nang dito'y makahihigit pa.
Simulan na ngayon,
ano pa ang hinihintay mo?
May pag-aalala o pag-aalinlangan ka ba?
Ito na ang tamang panahon upang pakislaping mabuti ang iyong
ningning.
Ang maglagablab itong tunay at likhain ang buhay na nais mong mangyari
sa iyo. Magsisimula ito, kapag napagsama mo na ang lahat ng ninanais mo
tungkol sa iyo, sa
misyon na iyong tutuparin. Kailangan lamang na hindi mananaig ang takot, pangamba, paghihinala, o anumang balakid upang ito'y mawasak.
Dahil ikaw ay nilikha para sa misyon na ito.
Ang kalikasan ay hindi nagmamadali, subalit ang lahat ay nagagampanan.
Upang makatulong, sagutin lamang ang mga ito:
- Ano ang mga mahahalaga mong talento o mga katangian?
- Sakalimang gamitin mo ang mga ito, ano ang iyong madarama?
- Ano ang iyong mga saloobin at kabatiran --- ito ba'y tuwirang nakatuon sa iyong ikatatagumpay?
- Kung may alam kang bagay na kaya mong gawin; at nakakatiyak ka, na kapag ito'y iyong ginawa ay magtatagumpay ka. Bakit hindi mo ito magawa? Ano ang pumipigil sa iyo?
Kailangan mo ng mga inspirasyon?
Subukan ang mga ito:

- Sakalimang
hindi ka nakakatiyak kung anong talento mayroon ka upang maisakatuparan
mo ang iyong layunin, mangyari lamang na balikan ang iyong nakaraan at
apuhapin ang iyong mga pangarap noon. Kailangang ganap mong maunawaan
kung alin sa mga ito ang nagbibigay-buhay sa iyo. Yaong lamang mga bagay
na gumigising at nagpapasigla sa iyo.
- Isa kang pinuno. Isinilang kang pinuno at taglay mo na ito noon pa man. Sa simula pa lamang, isa ka ng tsampiyon. Sa mahigit na pitong milyong punlay
na inilagak ng iyong ama sa iyong ina; sa kanilang pagtatalik, isa
lamang ang nagtagumpay dito. At ang naging tsampiyon sa karera na ito ay
IKAW!
- Huwag ihalintulad ang iyong sarili sa iba. Masdan ang mga guhit sa
iyong palad at sa iyong mga daliri. Sa kasaysayan ng mundo at sa mga
bilyong sangkatauhan na ipinanganak at yumao dito, wala kang katulad
kahit na isa man sa kanila. Pambihira ka at dilang mapalad sa bagay na
ito.
- Nakatakda kang gumawa ng higit pa sa iyong sarili. Ito ang iyong layunin. Huwag payagang ang musika na nasa iyo ay hindi marinig at tuluyang mawaglit kasama ng iyong paglisan sa mundo.
- Huwag pahintulutan ang iba na harangin, nakawin, at wasakin ang
kakayahan mong maging pinuno. Anuman ang mangyari, ikaw lamang ang may
karapatang gampanan ito.
- Sa iyong hinagap, simulang sanayin ang sarili sa mga positibong pagbabago na nais mong maganap sa iyong pagkatao.
- Higit sa lahat, magtiwala ka sa Dakilang Lumikha, sapagkat mula sa Kanya at sa pamamagitan ng layunin mo, ang lahat nang ito'y posibleng maganap. Ito ay nakatakda at walang makapipigil.
Magagampanang lahat ito sa pamamagitan ng mga sumusunod:
1. Laging magpasalamat sa lahat ng bagay na natatanggap.
2. Tratuhing tama, may dignidad at respeto ang bawat isa, nang naaayon sa kahalagahan nito.
3. Ipagpatuloy na yumabong ang iyong kaalaman at paghusayin ang mga katangian.
4. Sabihin lamang ang totoo at maging matapat, kahit mangahulugan man ito ng paglayo sa iyo.
5. Isaisip lagi ang pagkakaisa kaysa sa pagkakawatak-watak. Malaki ang nagagawa kung nakabigkis.
6. Magkusa at handang balikatin ang mabigat na kapasiyahan sa ikakatagumpay ng lahat.
7. Huwag mag-akala, tiyakin muna bago magpasiya. Isiping kabutihan ang lahat.
8. Tumulong at dumamay na tuklasin ng iba ang kanilang kalakasan, at kahinaan.
9. Harapin ang lahat ng bagay, pangyayari, at kalagayan na may mataas na antas ng integridad.
10. Huwag gawing personal ang lahat ng sitwasyon. May kalakip itong biyaya.
11. Isaalang-alang ang mga prioridad at sinupin ang mga nakaligtaan na makakatulong.
12. Iwaglit ang mga nakasanayang; "bukas na,"bahala na," "okey na 'yan," "pakikisama," at "buhay-alamang."
Kasama ng mga salitang; "dapat," "sana," "marahil," "kundi lamang," "at balang-araw."
13. Magtatag ng isang kapatiran na nakapaikot sa isat-isa na
magpapalakas, magtataguyod, at lilingap sa kagalingan ng lahat ng
kasapi.
14. Patuloy na lumikha ng buhay na magsisilbing huwarang pamana at pamantayan ng susunod na henerasyon.
Pag-aralan ang mga katibayang ito ng
Marangal na Katauhan
1. Malinaw at wastong kaisipan at pananalita
2. Ang kapangyarihan ng patuloy na pag-aaral, pagsasaliksik, at pagsasanay.
3. Pino, mapitagan, at may kabutihang-asal
4. Ang kapangyarihan ng kaugaliang maglimi sa tuwina
5. Ang kapangyarihang makamtan ang iyong mga pangarap at lunggati.
6. Ganap na matuklasan sa sarili ang dakilang layunin
7. Nangingibabaw ang patnubay ng Dakilang Lumikha sa lahat ng sandali.
Narito ang pagbalangkas:
Una: Unawaing lahat ng ito'y hindi madali. Kapag disiplina at
matuwid na daan, hindi ka maaaring bumaluktot, mapanis, mahilaw, at
umurong-sulong. Kagitingan ang kailangan dito kung nais mong
magtagumpay. May mga pagkakataon, hihina ang iyong loob at tulad ng
dati, balik ulit sa kinagawian. Pakaiwasan itong mangyari.
Dahan-dahan ngunit nakatitiyak, lahat ng ito'y magkukusang bumigkis at kumilos ayon sa iyong
layunin.
Pahinay-hinay, at sa tamang panahon mapapansin mong madali lamang ang
lahat. Dahil tulad ng isang sasakyan, ikaw na ang may hawak ng manibela
at nagmamaneho ng iyong buhay.
Pangalawa: Magtakda ng panahon. Maglaan ng isang araw sa bawat
linggo na may panahon ka sa sarili upang maglimi. Pag-aralan ang mga
nagaganap. Hanapin kung ano ang madali sa iyo at gawin ito.
Pangatlo: Gawing prioridad ang pamilya, bago ang trabaho.
Pag-ukulan ng panahon ang mga mahal sa buhay. Ang araw na lumipas ay
hindi na muling magbabalik pa. Ngayon nila kailangan ang iyong
pagmamahal.
Pang-apat: Sundin ang iyong plano sa bawat araw. Tiyakin ang iyong mga mahahalagang sandali ay nasa prioridad at nagagampanang maayos.
Panglima: Ituon lamang ang lahat para dito. Tulad ng pagpana,
nakatuon ang iyong kamalayan sa tutudlain. Iwaglit ang anumang bagay na
sagabal at kumukuha ng iyong atensiyon ng walang katuturan.
At higit sa lahat; maglaan ng sandali, at tanggapin ang pagkakaloob ng biyaya at kaluwalhatian ng
Dakilang Lumikha. Ito ang iyong
Patnubay.
Isa lamang po na pabatid tanaw, mula sa inyong kababayan.
Jesse Navarro Gueara
wagasmalaya.blogspot.com
AKOtunaynaPilipino.org
Lungsod ng Balanga, Bataan