Sa
gulang at hinog na 27 taong gulang, isinulat ni Gat Jose Rizal ang
kabubuan ng mga importanteng leksiyon na kanyang natutuhan. Hiniling na
isulat ito ni Marcelo H. del Pilar noong Pebrero 1889, na may titulong “Para sa mga Kababaihan ng Malolos,” patungkol
ito sa matatapang na kababaihan na walang takot na humiling sa
pamahalaang Kastila na sumakop noon sa Pilipinas, tungkol sa kanilang
mga karapatan na makapag-aral sa gabi. Isinulat ito ni Rizal sa London,
at tumutukoy sa magkakapantay ng karapatan at edukasyon, sa
pangangatwiran at relihiyon; na nagtatapos sa pahayag ng mga prinsipyo, “Pagsasaad ng mga Paninindigan”. Isa ito sa mga kadahilanan na ikinasawi ng buhay ni Rizal noong barilin siya sa Bagumbayan (Luneta Park), sa utos ng pamahalaang Kastila.
Isang pagpapa-alaala at pagpapahalaga sa ika-117 anibersaryo ng
pagkabayani ni Gat Jose Rizal tungkol sa mga nagawa niya noon para sa
sambayanang Pilipino.
Pagsasaad ng mga Paninindigan
Ang pinakauna: Ang ipinagiging taksil ng ilan ay nasa kaduwagan at kapabayaan ng iba.
Ang ikalawa: Ang inaalipusta ng isa ay nasa kakulangan ng pagmamahal sa sarili at nasa labis na pagkasilaw sa umaalipusta.
Ang ikatlo: Ang
kamangmangan ay kaalipinan, sapagkat kung ano ang isip ay ganoon din
ang tao; taong walang sariling isip ay taong walang pagkatao; ang bulag
na tagasunod sa isip ng iba, ay parang hayop na susunod-sunod sa tali.
Ang ikaapat: Ang
magtago ng sarili, ay tumulong sa iba na magtago ng sa kanila, sapagkat
kung papabayaan mo ang iyong kapwa, ay papabayaan ka din nila; ang
isang tinting ay madaling baliin, ngunit ang mahirap na mabali ay ang
isang bigkis na walis.
Ang ikalima: Kung ang babaeng Pilipina ay hindi magbabago, siya ay walang karapatang magpalaki ng anak, kundi gawing inahin o
pasibulan lamang; dapat alisin sa kanya ang kapangyarihan sa tahanan,
sapagkat kung hindi ito magagawa, ipagkakanulo nang walang kamalayan,
ang asawa, mga anak, ang bayan, at ang lahat.
Ang ikaanim: Ang
mga tao ay ipinanganak na magkakatulad, nakahubad at walang tali. Hindi
nilalang ng Diyos upang maalipin, hindi bingyan ng isip para pabulag,
at hindi hiniyasan ng katwiran at nang maulol ng iba. Hindi kapalaluan
and hindi pagsamba sa kapwa tao, ang pagpapaliwanag ng isip at paggamit
ng matuwid sa anumang bagay. Ang palalo ay ang nagpapasamba, ang
bumubulag sa iba, at ang ibig na papaniigin ay ang kanyang mga naisin na
tila nasa matuwid at karapatdapat.
Ang ikapito: Linangin
ninyo nang masinsinan kung anong uri ng relihiyon na itinuturo sa atin.
Tignan ninyong mabuti kung iyan talaga ang utos ng Diyos o ang pangaral
ni Kristo na panglunas sa kahirapan ng mga mahihirap, at pang-aliw sa
dusa ng mga nagdurusa. Alalahanin ninyo ang lahat ng mga itinuturo sa
inyo, kung saan pinapatunguhan ng lahat ng mga sermon, ang nasa ilalim
at kabuluhan ng lahat ng mga misa, nobena, rosaryo, kalmen, larawan,
milagro, kandila, koreya, at ibat-iba pang iginigiit, inihihiyaw, at
isinusurot sa araw-araw sa inyong mga kalooban, mga tainga, at mga mata.
At hanapin ninyo ang puno at dulo, at saka iparis ninyo ang relihiyong
iyan sa malinis na relihiyon ni Kristo, at tignan ninyong maigi na ang
inyong pagiging Kristiyano ay kahalintulad ng inaalagaan na gatasang
hayop, o kaparis ng pinatatabang baboy; at ang maunawaan na hindi ito
pinatataba at inuugoy sa duyan dahil sa pagmamahal sa kaniya, kundi ang maipagbili sa malaking halaga upang lalong magkakuwarta ang mga pari, mga ministro, at mga pastor.
--------------- Ngayon, higit na nating alam na bagama’t may “kalayaan” kuno tayong ipinagdiriwang tuwing ika-12 ng Hunyo, ito ay hungkag ng kasarinlan. Sa dahilan na, pinalitan lamang ng mga huwad na Pilipino ang
mga mananakop na Kastila, upang magpatuloy ang sabwatan,
pagsasamantala, at mga pagnanakaw sa kaban ng bayan sa ating lipunan.
Ito ay nakapangyayari lamang sa pakikipagtulungan ng mga
naghaharing-uri, ng mga simbahan, at mga limatik na nagpapatakbo sa
ating departamento ng Edukasyon.
Hindi nakapagtataka,
kung bakit walang hinto ang paglaki ng agwat ng mga mahihirap at
mayayaman; patuiloy na naghihirap ang mga kapus-palad at patuloy naman
sa pagyaman ang mga naghaharing-uri. Patunay lamang na makatotohanan ang
mga "Tayu-tayo"; at "Kami-kami" lamang ---sa lahat ng sulok ng ating
mga kapuluan.