Tuesday, November 28, 2023
Sunday, November 26, 2023
KUMILOS na Bago pa Mahuli ang Lahat
Buhay na hindi kinilatis, ang kasasadlakan ay kahapis-hapis.
Ang batas ng inertia o nakatigil ay nangyayari lamang kung walang magpapakilos sa isang bagay. Wala itong kakayahan na kumilos na mag-isa. Ang isang katawan na nasa mosyon (kumikilos) ay mananatiling nasa mosyon, sa parehong tulin at parehong direksiyon, hanggang walang nakikialam na puwersa sa labas nito para ito patigilin. May isang pangunahing pagkakaiba ito, ang batas na ito ay akma at puwedeng maihalintulad sa mga nagaganap sa ating buhay.
Narito ang ilan sa mga natuklasan ko:
1. Ang mga tao na masipag, matiyaga, at may disiplina ay may mararating.
2. Ang mga tao na matapat, may pananalig, at pagtitiwala sa sarili ay matagumpay.
3. Ang mga tao na patuloy ang tagumpay ay mananatiling matagumpay.
4. Ang mga tao na masayahin ay mapayapa at maligaya.
5. Ang mga tao na uliran ang pamumuhay ay iginagalang at may ulirang reputasyon.
6. Ang mga tao na mapagpasalamat at mapaglingkod ay maraming oportunidad sa buhay.
7. Ang mga tao na dumadalangin sa tuwina ay laging pinagpapala; matiwasay at masagana ang kanilang buhay.
Sa pag-aaral tungkol sa kalikasan at mga kapangyarihan nito sa agham at pisika (physics), ang inertia ay kinokontrol ng panlabas na mga puwersa. May nagwika; “Ang pinakadakilang natuklasan sa ating henerasyon ay mababago ng tao ang kanyang buhay kung papalitan lamang ang mga saloobin ng kanyang isipan.” Sapagkat anuman ang iyong nasa isipan, ito ang iyong saloobin at magiging kapasiyahan. Walang dapat na sisihin kung mali ang mga saloobin. Kung mabuti ang iniisip, ang resulta nito ang makakasagip.
Magagawa mong mabuhay sa bawat araw ng iyong buhay; magsisimula ang lahat sa dulo ng iyong mga kamay.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Mahalin ang Sarili
Sinasadya mo bang harangan at balewalain ang iyong sarili na magtagumpay at lumigaya? Kung hindi, bakit patuloy na tinatanggap at nakagiliwan na ang antas o kalagayan mo sa buhay? At higit mong sinusunod ang mga opinyon ng iba kaysa pakinggan ang mga karaingan ng iyong puso na magbago para sa iyong kaunlaran.
Hindi mo ba napapansin na ang mga pangungusap mo'y pawang paghamak sa iyong sarili? "Maliit lang suweldo, dahil trabahador lamang ako." "Komersiyo lamang ang natapos ko, kaya serbidora o 'domestic helper' na ang hanapbuhay ko." "Maestra lamang ako at ito ang nakaya ng mga magulang ko na matustusan." "Hindi ako nakapag-aral, kaya isang kahig at isang tuka ang nalalaman ko." Lahat ng ito'y may katagang 'lamang' na pagmamaliit sa pagkatao. Kadalasan nating nadidinig at katuwiran ito ng karamihan sa atin. Kaya nga, ito ang talagang kinapupuntahan ng kanilang kapalaran. Anumang bagay na lagi mong iniisip at binibigkas, ito ang siyang nakatakdang maganap.
Kung nais mong mabago ang iyong buhay, baguhin mo ang iyong iniisip upang mabago ang iyong mga pagkilos, nang sa gayon ay magkaroon ng pagbabago sa iyong kapalaran. Sapagkat kung talagang nais na magbago ay may mga kaparaanan, at kung walang ambisyon at mga pangarap ay may mga kadahilanan. Lalo na kung may kahalong 'dapat,' 'sana,' 'kaya lamang,' isang araw,' kung ako sa iyo,' 'marahil,' 'akala,' atbp. Mga pangungutwiran ito na lipas na sa panahon at kinahumalingan na ng maraming tumatakas sa responsibilidad at katotohanan. Nasanay na sa kahirapan at tinanggap na ang kapalarang kinasadlakan.
Ito ang natutuhan na kawalan ng pag-asa sa buhay.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Magsimula nang MAGBAGO
Kapag mahapdi ang nararanasan binabago
nito ang iyong nakaugalian.
Takot na magbago? Kung nanaisin lamang madali ang magbago, ngunit ang mahirap kung kailan ito masisimulan. Simpleng pang-unawa lamang; ang pagbabago ay isang emosyonal na proseso. Sapagkat tayong lahat ay mga nilalang na may kagawian; basta may nakawilihan tayo na bagay, sa katagalan, ito ay makakahumalingan na. Sapagkat ugali natin ang umulit; dahil makulit tayo sa mga nagpapasaya sa atin… At takot tayong lumusong o makipagsapalaran sa hindi natin nararanasan pa. Kung ano ang komportable at nakasanayan na; ito ay ritwal na at mananatili tayo na sinusunod ito, kahit alam natin na kung babaguhin ay may magandang resulta.
Ang masamang droga, sigarilyo, alak, at pagtaba ay mga delikado; dahill sa pagmamalabis, buhay ang nakataya dito, subalit marami ang makulit at huli na kung magbagò---at hindi kataka-taka kung maaga silang yumaò.
Narito ang ilang mga suhetisyon bilang mga inspirasyon:
Baguhin ang kailangang mabago; Batid natin na bago tayo gumawa ng pamingwit sa isda, kailangan nating malaman kung saang ilog ang may maraming isda. May kaalaman tayo sa ipapain at paboritong kagatin ng mga isda. Kung hindi kilala ang sarili, kung ano ang nais, at saan patungo, walang magagawang pagbabago.
Sundin ang itinitibok ng puso, narito ang iyong simbuyó (passion); Mabilis ang pagbabago kung ang sinusunod ay sariling kagustuhan at hindi sa pangungutyâ at sulsol ng iba.
-Madali ang yakapin ang mga bagong ideya kaysa itapon ang mga lumang ideya.
-Ituon sa kalakasan ang atensiyon, doon sa kritikong mga bagay na nakakatulong at hindi sa maraming walang katuturan na nagnanakaw ng iyong mahalagang mga panahon.
Tanggalin ang mga hadlang; Kapag hinahabol ka ng mga leon, walang saysay pa na maala-ala na ang hangarin mo ay ikulong sila sa malaking hawla, o, kahit ang magdasal pa. Ganoon din ang umaasa, magkasunog lamang, ililigtas ang katawan na walang sermon at pangaral man.
Nagsisimula ang lahat sa paniniwala; ang tunay na Pilipino ay may pananalig sa kapwa Pilipino. Nagagawa niya na mabigyan ng inspirasyon ang kapwa na magtiwala ito sa sarili. May pagmamalasakit at handang maglingkod anumang sandali.
Simplehan ang mensahe; Ang gawing kumplikado ang simpleng bagay ay karaniwan na, ngunit ang simplehan ang kumplikado ay kahanga-hanga – at pambihirang magawa. Iba na ang malinaw kaysa malabô. Hayaan ang iyong mga aksiyon ang siyang mangusap; dahil nakikilala ang iyong pagkatao sa iyong mga ginagawa at hindi sa mga salita.
Ang mga bagay na ginagantimpalaan at pinapahalagahan ay yaong mga nagawâ.
Labels:
Banyuhay
Alamin ang Sariling Buhay
Buhay na hindi inalam, pawang ligalig ang kauuwian.
Kanustá ka na? Ano ang ginagawa mo sa ngayon? Bakit tila may problema ka? Ilan lamang sa mga katanungan na ating binibigkas kapag may nakaharap tayong mga kamag-anak, mga kaibigan o maging mga kakilala. …at marami sa kanila ang nagsasabi na ang buhay na hindi nilimi o pinag-aralan ay hindi mahalagang ipamuhay.
Bakit naman ganyang ang isinagot mo? Ang kasunod nating itatanong.
Dahil karamihan ay nakatanikala at hindi makatakas sa bilangguang kinasadlakan nila. Sa mga relasyong naging patibong at hindi na sila makaahon pa. Sa mga trabahong tila mga kable at lubid na gumagapos sa kanila para lalong malublob at ikalunod nila. Sa bawat araw, patuloy nilang kinakaladkad ang kanilang mga paa para lamang maipakita na sila ay lumalaban sa buhay kahit animo’y mga patay at wala nang sigla pa. Sapagkat subsob at palaging abala sa mga gawain at mga bagay na umaaliw sa kanila, nakalimutan nang alamin ang kahulugan ng sariling buhay.
Bihira ang nagsasabi na kinagigiliwan at sadyang aliwan na nila ang kanilang mga gawain. Kahit na hindi sila bayaran ay gagawin pa rin nila ang kanilang mga trabaho. Dahil inalam at pinaglimi nila kung bakit lumitaw at narito pa sila sa mundo. Ito ang mga tao na kilala nila ang kanilang mga sarili, alam kung ano ang mga naisin sa buhay, at kung saang direksiyon patungo.
Ang buhay na hindi pinaglimi ay walang katuturang buhay. Mistulang tuyot na patpat na matuling tinatangay ng agos sa ilog, at kung saan dalhin ng alon ay doon isasalpók. Ito ang buhay na maligalig, nalilito, at walang direksiyon kung saan pupunta. Ang pinakamainam na paraan upang tahasang matukoy kung anong talaga ang mga ninanasa mo sa buhay, ay ang tanungin ang iyong sarili nang masimbuyò at palagi; Ano ba ang talagang pinag-aaksayahan ko ng panahon? Masaya ba ako sa mga taong nakapaligid sa akin? May respeto ba at may pagtitiwala ang aking pamilya tungkol sa akin? Mabuti ba ang aking relasyon sa mga kasamahan ko sa trabaho? May pananalig ba ang mga kaibigan ko sa akin? Nagawa ko ba ang maging mapayapa sa aking nakaraan? Madalas ba at sapat ang mga kasayahang umaaliw sa akin? Ako ba ay maligaya sa ngayon? Kung nakakahigit ang hindi at may alinlangan ang mga kasagutan, may mga mahalagang bagay na nakakaligtaan ka sa iyong buhay.
Alamin at tanggapin sa sarili na ipinamumuhay mo ang mga bagay na likas at kusang sumisibol sa iyong puso, dahil narito ang iyong mga potensiyal upang maisakatuparan ang tunay mong kaganapan. Kung AKO ang tatanungin, ang pinagliming buhay ay siya lamang makabuluhang ipamuhay.
Walang makakapag-andáp sa ningas na kumikislap mula sa iyong kaibuturán.
Parting shot:
Some people die at 25, others in their early forties and most of them aren't buried until 75.
We call them Zombies, and they prefer Zombyosis. Isa ka ba sa kanila?
andàp, malamlám, malabò adj. dim
kaibuturan, n. inner core
kisláp, kináng, n. shine
ningas, sindí, dingas, liyàb, n. flame
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Subscribe to:
Posts (Atom)