Wednesday, September 29, 2021

Pambansang PagbabaGO

 

 PAGKAKAISA

Upang magkaroon ng gising at mulat na isipan na may pagmamalasakit sa iba, kailangan nating talikdan ang mga kaisipang kundisyunal at mga limitadong pakikiungo na sumusukat sa kakayahan at kagalingan ng isang tao. Kung magagawa natin na magpakumbaba na bukas ang isipan at buong puso nating tatanggapin ang sinuman nang walang kahatulan, magiging malaya mapagmahal, at mapayapa ang ating mga pagsasama.

PAGTUON
Kung papaano natin itinutuon ang ating atensiyon sa mga makabuluhan at nagpapaunlad na mga bagay, ay tahasang makapagpapabago sa ating mga buhay. Iniwawasto nito ang masalimoot na mga kuneksiyon sa ating mga utak patungo sa mahusay at mapagmalasakit na paraan ng pamumuhay. Kailangan nating bungkalin at pagtibayin ang ating mga kamulatan upang paunlarin na maging matibay at matatag ang ating mga isipan upang ganap nating tamasahin ang kaligayahan ng kabutihan kung malinaw ang pagtuon na nangingibabaw sa ating mga puso.

KATANUNGAN
Sa pagtatanong at pagbabago ng mga mali at negatibong mga paraan, nauunawaan natin ang ating mga sarili, at natatagpuan natin ang kaligayahan sa pagiging malaya.
   May dalawa tayong kapangyarihan; 1) Kapangyarihan na pumili. …at 2) Piliin ang tama. Anuman ang naging kalagayan natin ngayon, tayo mismo ang pumili nito. Hindi ito mangyayari kung wala tayong pahintulot. Kahit papaano tayo ang pangunahing sangkot o may kagagawan kung bakit napunta tayo sa kasalukuyang kalagayan. Kung nais mo itong mabago, hindi pa huli ang lahat. hanggat humihinga, may pag-asa pang natitira.

MALIIT NA TINIG
Ang paraan ng pakikipag-usap mo sa iyong sarili, kasama na ang mga bulong sa iyong batok, ay patuloy na hinuhubog ang iyong pananaw, ang iyong mga pakiramdam, at pati na mga ugat at mga koneksiyon sa iyong utak.
   Marami sa atin ang hindi nakakaalam na kapag kinakausap natin ang ating sarili, lalo na kung pinipintasan natin ito, ito ang tahasang mangyayari.Tanga kasi ako!” “Lahi kami ng mga tamad!” "Mahirap lamang kami at walang mga karapatan!” Binabawasan nito ang iyong pananalig at pagtitiwala sa sarili. Hindi katakatakang ito nga ang magaganap sa iyo.
  Anuman ang iyong iniisip, maganda, mabuti, pangit o masama para sa iyong sarili, ito ang gagawin mo. Magsisimula muna sa isang kaisipan, gagawa ng aksiyon, at magkakaroon ng resulta.

SARILING MUNDO
Hindi tayo nakikiayon nang ganap sa mga realidad kapag pinaglilimi at sinisiyasat natin ang ating mga sarili. Napapansin natin anuman ang ating napansin sapagkat ito tayo mismo. Nililikha natin ang ating mga sarili kung ano ang nais nating pansinin. Kapag nagsimula nang tanggapin natin ang kaganapang ito, ginagampanan na natin ang mundo na ating nilikha. Hindi natin napapansin ang anumang bagay kundi yaon lamang na mga bagay na nagpapatunay kung ano ang talaga ang ating iniisip tungkol sa kung sino talaga tayo. Sakalimang magtagumpay tayo na makaalis sa normal na mga proseso ng makasariling pagtangkilik at magagawang tignan ang ating mga sarili nang ganap na gising, mayroon tayong kakayahan na magbago. Mapapalaya natin ang sarili sa bilangguan ng pagkatulog. Mapapansin natin ang mga bagay na nagbabago. Kung ikaw man ay nababalisa sa mga bagay na eksternal, ang pasakit ay hindi mula sa bagay na ito mismo kundi sa iyong pag-istema nito, at ikaw ay may kapangyarihan na pawalang bisa ito sa lahat ng sandali.

MAHALIN ang SARILI
Maging maingat sa iyong sarili. Maging magiliw at mabuti sa iyong sarili. Kahit na hindi ka perpekto, ikaw lamang at tanging sarili mo lamang ang iyong hawak sa ngayon at kailangang pagbutihin mo ang pakikitungo tungkol dito. Ang proseso kung sinuman ang nais mong maging ikaw ay nagsisimula sa ganap na pagkilala sa iyong buong pagkatao. Ang nag-iisang hakbang ay hindi makagagawa ng landas sa mundong ito, maging ang isang kaisipan ay hindi magkakaroon ng direksiyon sa isipan. Upang magkaroon ng malalim na landas sa pag-iisip, kailangan patuloy nating isipin ang mga bagay na nais nating maging tayo nang paulit-ulit hanggang masanay ang ating kaisipan, kung ito ang nais nating mangibabaw at makapangyari sa ating buhay.

PAG-IBIG
Huwag maliitin o hamakin ang kapangyarihan ng Pag-ibig, at konsiderahin… na maging ang isang kandila ay magagawang magliwanag ang gabi at itaboy ang kadiliman.
   Ang pagkamuhi kailanman ay hindi matatapos ng isa pang pagkamuhi, kundi tinatapos lamang ito ng Pagmamahal. Ito ang walang hanggang katotohanan.

PAGKATAO
Papaano na ang isang bulaklak ng rosas ay namumukadkad at nagsasaboy ng halimuyak sa kanyang paligid? Sapagkat ito ang kanyang nakatakdang kaganapan. Papaano naman ang tao, siya ba ay nagpapakatao at ginagampanan nang mahusay ang kanyang pagkakalitaw sa mundo?
Magsuri po tayo nang tayo naman ay magising sa mahabang pagkaka-idlip.
Ito ay nasusulat: Kapag may mahalagang mga katanungan, lumilitaw ang mahalagang mga kasagutan.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Matiwasay na Pamumuhay

 

Buhay na hindi kinilatis,
ang kasasadlakan ay kahapis-hapis.
Ang batas ng inertia o nakatigil ay nangyayari lamang kung walang magpapakilos sa isang bagay. Wala itong kakayahan na kumilos na mag-isa. Ang isang katawan na nasa mosyon (kumikilos) ay mananatiling nasa mosyon, sa parehong tulin at parehong direksiyon, hanggang walang nakikialam na puwersa sa labas nito para ito patigilin.
   May isang pangunahing pagkakaiba ito, ang batas na ito ay akma at puwedeng maihalintulad sa mga nagaganap sa ating buhay.
 
   Narito ang ilan sa mga natuklasan ko:
1.      Ang mga tao na masipag, matiyaga, at may disiplina ay may mararating.
2.      Ang mga tao na matapat, may pananalig, at pagtitiwala sa sarili ay matagumpay.
3.      Ang mga tao na patuloy ang tagumpay ay mananatiling matagumpay.
4.      Ang mga tao na masayahin ay mapayapa at maligaya.
5.      Ang mga tao na uliran ang pamumuhay ay iginagalang at may ulirang reputasyon.
6.      Ang mga tao na mapagpasalamat at mapaglingkod ay maraming oportunidad sa buhay.
7.      Ang mga tao na dumadalangin sa tuwina ay laging pinagpapala;  
        matiwasay at masagana ang kanilang buhay.
   Sa pag-aaral tungkol sa kalikasan at mga kapangyarihan nito sa agham at pisika (physics), ang inertia ay kinokontrol ng panlabas na mga puwersa. May nagwika; “Ang pinakadakilang natuklasan sa ating henerasyon ay mababago ng tao ang kanyang buhay kung papalitan lamang ang mga saloobin ng kanyang isipan.” Sapagkat anuman ang iyong nasa isipan, ito ang iyong saloobin at magiging kapasiyahan. Walang dapat na sisihin kung mali ang mga saloobin. Kung mabuti ang iniisip, ang resulta nito ang makakasagip.
Magagawa mong mabuhay sa bawat araw ng iyong buhay; magsisimula ang lahat sa dulo ng iyong mga kamay. 

Jesse Navarro Guevara

Lungsod ng Balanga, Bataan

Bakit nga ba?

 

Napansin ko ito:
Mayroon akong kapitbahay dito sa amin na namatay kamakailan lamang. Simpleng tao at karaniwan ang gawain niya. Ang libangan niya ay magsabong. Subalit sa gabi ng kanyang burol, napansin ko ang maraming mga korona ng bulaklak mula sa ibat-ibang organisasyon, mga kaanak, mga kaibigan at kasamahan sa trabaho. Kilala ko siya... at nakasama rin sa mga pagtitipon na aking nadaluhan. Sa mga tagpong ito, wala akong naalaala na may minsang nagbigay sa kanya ng bulaklak kahit isang kampupot lamang. At bakit ngayon sa panahon ng pagluluksa ng kanyang pamilya ay nagsulputan ang maraming korona ng bulaklak ng pakikiramay. Para saan? Ano ang kanilang mga intensyon? ...at BAKIT?
Bakit noong nabubuhay siya ay walang nakaka-alaala sa kanya, bakit ngayon ay tila kumpetisyon ang pagandahan ng mga korona? Hindi kaya sa labis na panghihinayang sa naganap kapabayaan noong nabubuhay pa ang namatay?
Naalaala ko tuloy ang himutok ng isang napabayaang ina, "Kapag isa na akong malamig na bangkay; Madarama ko pa ba ang mga pag-luha, pag-iyak at hagulgol ninyo? Magagawa ko pa bang masilayan ang magagandang bulaklak sa korona sa aking libing? Bakit hindi pa ngayon na ako ay nabubuhay ay ipadama na at marinig ko sa inyong mga labi ang inyong pagmamahal sa akin. Ito ang kailangan ko ngayon. Bakit hindi ninyo makayang ibigay?
...Bakit nga ba?
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan