Wednesday, March 31, 2021

 

 Ano ang mahalaga, kadakilaan o kayamanan? 

Masama ba ang maging mayaman, o ang kasakimang bumabalot upang maging mayaman?
Ang kasakimang walang hangganan ay higit pa sa kasamaang umaalipin sa iyo. Anumang yaman na iyong nakuha mula sa paggawa ng kasamaan, paglabag sa batas, pagsasamantala sa tungkulin, at mga pandaraya sa iyong kapwa ay kasuklam-suklam. Batik ito sa iyong pagkatao at sa angkang kinabibilangan mo. - Isang babala na nakapaskel sa isang opisina ng pamahalaan.

   Sa isang kuwento na may pamagat na, “Gaano Kalaking Lupain ang Kailangan ng Isang tao? Isinalaysay dito ang naging buhay ng isang magsasaka, na ang tanging kaligayahan niya ay matatamo lamang sa pagkakaroon niya ng maraming lupain. Sa pamamagitan ng matinding paggawa at imbing katusuhan, nagawa niyang patuloy na magkaroon ng maraming mga lupain. Hindi pa ito nasiyahan, nakipag-kasundo pa siya sa isang negosyante sa isang pambihirang negosasyon na kung saan lalong dadami ang kanyang mga lupain sa halagang isang milyong piso. Magiging kanyang lahat ang anumang lupain na ibigin niya, kung malalakad niya itong paikot mula sa pagsikat ng araw hanggang dapithapon. Sa kasakiman na maaangkin niya ang lahat nang naisin niyang lupain sa kaunting halaga ay pumayag ito sa kasunduan. Pagsikat ng araw, sinimulan niya agad ang paglakad at pinuntahang lahat ang mga lupaing kanyang natatanaw. Bawa’t makita niya ay kanyang nilakaran, naging ganid at walang pakundangang niyang sinamantala ang lahat ng pagkakataon. Lakad dito lakad doon ang puspusang ginawa niya at kahit humihingal na sa kapaguran ay hindi ito humihinto kahit saglit man lamang. Pagod na pagod na ito nang mapansin niyang palubog na ang araw. Napalayo na siyang lubusan sa kanyang pinanggalingan at kailangang dito rin siya makarating upang tuluyang makaikot. Humahagok na ito sa pagod, subalit paspas pa rin ito sa paglakad. Kailangan niyang umabot sa takdang oras at pook na kanilang napagkasunduan. Nahihilo at nabubuwal na, ngunit tatayong muli at lalakad, laging napapasubsob, titindig at lalakad muli, nagdidilim na ang kanyang paningin, kinakapos na sa paghinga, patuloy pa rin siyang lumalakad. Hanggang tuluyang mapasubasob ito at hindi na nakabangon. Nagkikisay at nalagutan ng hininga, ilang metro na lamang ang layo sa takdang pook na tipanan.
   Napapailing ang negosyanteng kausap sa kasunduan nang ilibing ang magsasaka sa anim na talampakang hukay. Ito lamang pala ang nakalaan at nakatakdang lupa para sa kanya. Sapat na kabayaran sa lahat ng ginawa niyang paghihirap sa buong buhay.     
Anim na talampakang hukay lamang pala sa lupa ang katumbas ng lahat niyang paghihirap.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Kilatisin at Suriing Mabuti

 

Masama ba ang maging mayaman? Ang maghangad ba nang labis sa nararapat mong matanggap ay masama? Ang kayamanan ba ay kakabit ng kasamaan?  

   Ang isang bagay ay hindi natin mapasusubalian kung ito’y masama o mabuti, ito’y nasa uri ng paggamit. Nababatay ito sa gagawin mong kapasiyahan at pagkilos. Anumang intensiyon o hangaring nakapaloob dito ay kusang lilitaw sa bandang huli, kung ito ay makakasama o makakabuti.  Ang isang patalim ay isang bagay lamang, nagkakaroon ito ng kabutihan o kasamaan sa taong humahawak nito. Kung ito’y gagamitin ng isang kriminal sa pagpatay sa isang tao, ito ay masama. Subalit kung gagamitin sa operasyon ng isang doktor upang magligtas ng buhay sa isang tao, ito ay mabuti. Nasa intensiyon nang paggamit kung ito’y para sa kabutihan o kasamaan. Sa madaling salita, anumang bagay  ay hindi masama at hindi rin mabuti. Nagkakaroon lamang ito ng kabuluhan sa taong gagamit nito.
   May nagwika, “Ang salapi ay ugat ng kasamaan.” At ito’y sinusugan ng marami, lalo na yaong naghihirap at wala nang magawang pag-unlad sa buhay. Tinanggap ang kanilang lumalalang kawalan ng pag-asa sa pakikibaka sa buhay. Nakatunghay silang palagi sa lahat ng nagaganap na pag-angat sa kabuhayan ng sinuman sa kanilang pamayanan, maliban sa kanilang mga sarili. Sa halip na ikatuwa at ipagmalaki ang nagawang pagbabago ng ilan nilang kababayan, nilapatan nila ito ng paninira at matinding kapintasan. Nang sa gayon ay maibagsak nila ang anumang karangalan na tinamo ng mga ito at maging kasuklam-suklam sa paningin ng iba. Kaisipang talangka ito na sumisira sa magandang relasyon ng bawa’t isa sa pamayanan. Hindi nila nalalaman na ang kaunlaran ng kanilang kapitbahay ay kaunlaran sa pamayanan. Higit itong may kakayahang tumulong ngayon kaysa dating kalagayan nito sa buhay. Ngunit hindi ito ang naiisip ng iba, bagkus ang maling kaisipan na naungusan at naunahan silang umunlad sa buhay. 

“Ano kayang raket at pangungurakot ang ginawang diskarte niyan? Dati namang katulad ko lamang na mahirap iyan, eh” Ito ang pangunahing pambukas ng usapan upang simulan ang paninirang puri. 

   Iwasan at layuan ang mga ganitong uri ng tao. Pinipilit nilang itago at pagtakpan ang anumang kanilang kakulangan at kabiguang tinamo sa buhay. Pawang kapighatian lamang ang mapapala mula sa kanila. Binubulag ang mga ito ng matinding paninisi sa kanilang mga sarili na humahantong sa pagkainggit at masidhing panibugho na nagtatapos sa paninira at kung minsan ay nauuwi sa pananakit at pagpatay ng kanilang kapwa. Sila lamang ang nagpapalaganap na ituring ang salapi na salot ng lipunan. Na ang pagiging mayaman ay kaakibat ng pagiging masama. Na ang labis na yaman ay hindi na para sa iyo at ninakaw na lamang mula sa bibig ng iba. Katwiran ito ng mga tamad at palaasang tao. Kapag hindi nakuha ang kanilang gusto, lumilikha ng matinding kapinsalaan para sa iba na nakakahigit at mauunlad kaysa kanila.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Maniwala Ka Naman

 

 Ang kahinaan ng saloobin ay nagiging kahinaan ng karakter o personalidad.

Naniniwala AKO
Maging mabagal sa pagpuna. At mabilis na magpahalaga.

Naniniwala AKO
Ang tao ay walang iba kundi ang produkto ng kanyang kaisipan. Anuman na kanyang iniisip, ito ang mangyayari sa kanya.

Naniniwala AKO
Ang pinakamainam na kasangkapan na panghalina sa iyong arsenal ng mga sandata sa pamumuno ay ang iyong integridad.

Naniniwala AKO
Wala silang pakialam kung gaano ang iyong nalalaman hanggang sa mabatid nila kung gaano ka magmalasakit.

Naniniwala AKO
Kung ang mga bagay ay tila nasa kontrol at malumanay sa pagkilos, ikaw ay mabagal at pahinto na.

Naniniwala AKO
Ang mga ulirang panuntunan ay tinatanglawan ang aking landas, at sa bawa’t pagkakataon, patuloy akong pinagpapala ng bagong katapangan na harapin ang buhay na masigla, may kagalakan, may kabutihan, may kagandahan, at may katotohanan. Wala na akong mahihiling pa sa aking kaluwalhatian.

Naniniwala AKO
Ang unang responsibilidad ng isang pinuno ay maintindihan ang reyalidad, ang pinakahuli ay bumigkas ng, “Salamat sa iyo.” Sa pagitan ng dalawang ito, ang pinuno ay nakalaang maging tagapaglingkod.

Naniniwala AKO
Ang kasiyahan ay nag-uugat sa kaligayahan ng tagumpay at ang mataos na pananalig sa makasining na sama-samang paggawa. Ito ang bayanihan at tradisyong Pilipino.

Naniniwala AKO
 Ang tunay na pagkakakilanlan ng pamumuno ay ang abilidad na mabatid ang isang problema bago ito maging isang kapahamakan.

Naniniwala AKO
Hindi lahat ng hinaharap ay magagawang baguhin. Subalit walang mababago hangga’t hindi ito hinaharap.  (Mula sa aklat na Ang Maging Tunay na Pinuno, ni Jesse N. Guevara, 2007)


Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Tuesday, March 30, 2021

Nasa Tao ang Gawa at nasa Diyos ang Awa

 

Nasa grado ng iyong salamin kung malinaw o malabo ang iyong paningin.
Lumabas ka sa iyong lungga at tahasang harapin ang nagpapahirap at mapangwasak na mga maling paniniwala na sinusunod mo para sa iyong sarili. Pawalan at yakaping mahigpit ang iyong malikhaing kakayahan. Kapag pinabayaan mo ito, kailanman hindi ka na matatahimik. Dahil kung walang pagbabago sa iyong kalagayan, pawang mga pagkabagot, mga pagkabugnot, at mga bangungot ang lagi mong kaulayaw.
   Lahat tayo ay may kanya-kanyang mahapding mga karanasan sa buhay, na kung saan lagi tayong inaaliw ng ating mga nakaraan at mga pagkatakot na magkamali at mabigong muli. Lalo na kung laging tinatakot sa relihiyong pinapaniwalaan at hindi makaahon sa kahirapan. Naturingang kristiyano bakit hindi umasenso? Dahil umaasa na may pagpapalang darating kung matiisin, at nakakalimot sa mga tamang gawain. Walang problema ang maniwala kung nakapagbibigay ito ng biyaya. Kung lubog sa utang, walang pagkakitaan, at manhid na sa kahirapan; sino ang may kasalanan? Ang paniniwala o ang naniniwala? Ang Kaharian ng Langit ay nasa paggawa; dahil nasa tao ang gawa at nasa Diyos ang awa. Ang maling paniniwala ay gutom ang napapala. Alam natin na kailangang magbago, ngunit hindi natin makayang gawin ito. Magagawa ba nating maitama ito? Napakasimple lamang, at narito ang kasagutan:
   Palitan ang “grado” sa isinusuot mong salamin sa tuwing hahatol ka. Dahil ito ang sinusunod ng iyong mga saloobin (attiudes) at resulta ng iyong mga desisyon. Hanggat suot ang "salamin" na ito, ay katulad mo ang tao na palaging may hawak na martilyo, at lahat ng makita ay "pako" para ipako. Gawing malinaw at nasa reyalidad ang lahat. Alisin ang "grado" ng paningin. Huwag mag-akala o maghaka-haka, walang personalan, at walang hatulan para mapahusay ang pagsasama. Iwasan ang nakaraan, lipas na ito at hindi na maibabalik pa. Kung magagawa mong huwag pukawin at pagbalingan ang nakalipas na kabiguan, at sa halip ay pakawalan ang iyong potensiyal, magagawa mong magtagumpay at matupad ang iyong mga pangarap. 
Kailanman huwag pabayaang ibilanggo ka ng mga maling paniniwala na hindi nakakatulong at nagpapaunlad sa iyo.

Jesse Navarro Guevara  -Lungsod ng Balanga, Bataan

Papaano Mo ba Ituring ang Sarili Mo

 

Makakabuting alamin natin muna ang ating mga sarili, kaysa simulang makialam sa iba.
Isang maestro karpintero na kasama ng kanyang mga katulong ang naisipang akyatin ang bundok ng Mariveles sa lalawigan ng Bataan, sa paghahanap ng troso na magagawang tabla. Nakakita sila ng dambuhalang punong-kahoy; kahit na maghawak kamay ang limang katao at paikutang yakapin ang puno ay hindi pa rin nila mapagdugtong ang mga dulo ng kanilang mga kamay. Sadyang nakakalula ang laki ng puno at halos maabot na ang ulap sa pinaka-tuktok nito.
   “Huwag na nating pag-aksayahan pa ng panahon ang punong ito,” ang utos ng maestro karpintero. “Mauubos ang ating oras, at kailanman ay hindi natin mapuputol at maibubuwal ang puno na ito. Kung nais nating gumawa ng bangka; sa laki at bigat ng punong ito, tiyak lulubog lamang ang bangka. Kung ang gagawin naman natin ay gusali, kailangang tibayan nating maigi ang mga tabla na gagawing dingding, bubungan, at mga haligi para lalong tumibay. Iwanan na natin ang punong ito, dahil kung ito ang ating uunahin, wala tayong matatapos.”
   Nagpatuloy sa paghahanap ng kailangang katamtamang troso ang grupo, nang magpahayag ang isang kasamahan, “Sayang naman ang malaking puno na iyon kung walang kabuluhan kahit kanino.”
   “Diyan ka nagkamali,” ang pakli ng maestro karpintero. “Ang punong-kahoy na iyon ay tunay sa kanyang naging kapalaran. Kung siya katulad lamang ng iba, matagal na siyang naputol at naging troso. Dahil may naiiba siyang kagitingan at katapangan, nagawa niyang maging kakaiba, at mananatili siyang buhay, nakatayo at lalong matatag sa mahabang panahon.”

   Nasa ating pagturing sa ating sarili kung nais nating maging agila sa himpapawid o maging ibong pipit na nagtatago sa matinik na siit. Nasa ating mga katangian at mga kakayahan kung anong kalidad sa buhay ang nais nating marating. Hanggat nakatingin at naghihintay sa iba, mananatili kang kopya at pamunasan ng iba.
 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Planong Nakabitin Laging Nabibimbim

 


Mga produkto tayo ng ating nakaraan, ngunit hindi kailangan 
na maging bilanggo tayo nito.
Ang layunin sa bawat hakbang at mga kabanata na nagaganap sa ating buhay ay ang maunawaan na nililikha nito na kasama ang Ultimong Tagalikha. Kung wala kang kabatiran tungkol sa bagay na ito, inilalagay mo lamang ang iyong sarili sa isang kahapis-hapis at nakakaawang kalagayan. Kapag sa sarili mo lamang ikaw laging nakatuon, patuloy kang nakikipagsapalaran anuman ang maging kahinatnan nito. Natanggap ko na hindi ko ito makakaya na magawang mag-isa. Hindi ako makakaligtas sa mundong ito kung ang sarili ko lamang ang paniniwalaan ko. Wala akong sapat na kakayahan na gampanan ito. Wala akong kapangyarihan na magawa ito, Kahit sinuman ay walang kapangyarihan na makagawa nito. Sino sa atin ang may kapangyarihan na piliin ang kanyang magiging mga magulang? Papaano mo magagawa o mapipigil man lamang ang punlay na nanggaling sa iyong ama at pumisa sa itlog ng iyong ina upang lumitaw ka sa mundong ito? Hindi ba isang malaking kababalaghan ito? Napakaraming mga pagpili at mga kapasiyahan ang mga nagdaan at pinagtagpo ang lahat ng mga kaganapan, para lalangin ka at narito sa mundong ito, ngayon. Ito ay himala at isang pagbubunyi.
   Kapag kinikilala mo ang misteryo ng paglalang, lahat ng mga kaganapan sa pinagmulan nito, saliksikin mo man nang maraming ulit at piliting maunawaan para mabatid ang lahat ng mga ito, pawang mga katanungan lamang ang tanging maiiwan na walang mga kasagutan. Kailangan na malaman mo ito, ang katunayan na narito ako at humihinga pa, ang siyang mahalaga. Ikaw na nariyan na ang siyang mahalaga. Lahat tayo, ...ngayon, sa mga sandaling ito, ang mahalaga.  
   Walang bagay sa aking buhay ang naganap dahil sa suwerte o kapalaran, wala. Anuman ang mayroon ako, ito ay nanggaling sa biyaya at pagpapala, karamihan ay mula sa banal na kaganapan. Hindi ako naniniwala sa suwerte. Sa ganang akin, ang suwerte ay isang preparasyon para masunggaban ang oportunidad kapag tinukso ka nito. Magiging mapalad ka kung ikaw ay nakahanda sa anumang oportunidad na dumarating sa iyo.
Hindi mo magagawang tuparin ang iyong layunin kung lagi kang nakatuon sa pagpaplano.
 
Jesse Navarro Guevara  -Lungsod ng Balanga, Bataan

 

Ang Buhay Mo ay Isang Sermon


 Hindi na kailangan pa ang marami mong mga pananalita, ang iyong sariling buhay ay sapat ng sermon upang maipakita kung sino kang talaga.
Ang pangalan niya ay Teryo. Bagama't traysikel drayber siya, may suot na kupasing kamiseta at sinulsihang pantalon na maong, at may sapin sa paa na tsinelas na magkaibang kulay, ang mga ito ang kadalasan niyang suot sa hanap-buhay at pagpasok sa kolehiyo tuwing gabi. Sa araw na ito ng Linggo, ay muling naiinis na nag-anasan ang mga nakaupo sa kapilya, nang huling dumating si Teryo nang nasa kalahatian na ang sermon ng pastor, ganoon pa rin ang pananamit, gusot ang buhok at naghihikab pa.
   Wala itong maupuan sa likuran, at sa kahahanap ay napagawi sa may unahan, hanggang sa makalapit sa pulpito. Nang walang makitang bakante na mauupuan ay tumabi sa dingding at pasalampak na umupo sa lapag. Lumakas ang mga anasan, ngunit walang naglakas ng loob na magsalita para pagbawalan si Teryo. Napahinto ang pastor sa kanyang sermon, at lalong dumami ang mga nagbulungan kung bakit walang umiimik at pinapayagan ito. Nababalisa ang pastor kung papaano niya ito maisasaayos nang hindi mapapahiya si Teryo, nang isang matandang lalaki na may tungkod ang tumayo mula sa likuran, may mahigit na 80 taon na gulang ito, magilas, uliran, at maginoo. Paika-ikang naglalakad, humahawak sa sandalan ng mga upuan, at patungo siya kay Teryo sa harapan.
   Marami ang muling nag-anasan at nagsabing, "Hindi natin masisisi ang matandang lalaki, kung  anuman ang gawin nito kay Teryo." May nagsalita pa ng, "Ano ba ang dapat nating asahan sa isang matanda, kung anuman ang pagkatao nito, kundi ang unawain na sadyang ganito ang mga kabataan ngayon, wala nang pagpapahalaga pa sa mga alituntunin ng simbahan!" May ilang saglit din bago makarating ang matanda sa kinauupuang lapag ni Teryo.
   Tahimik ang lahat, at ang maririnig lamang ay ang palatok ng tungkod ng matanda. Lahat ng mga mata ay nakatuon sa gagawin ng matanda. Hindi mo rin maririnig maging ang paghinga ng sinuman. Hindi rin maipagpatuloy ng pastor ang kanyang sermon, hangga't hinihintay ng lahat ang gagawin ng matanda. Nang makarating ito kay Teryo ay binitiwan ang tungkod, itinukod ang kaliwang kamay sa dingding, unti-unting sumalampak at umusod patabi kay Teryo. Nakangiting ginaya ang pagkakasandal ni Teryo sa dingding, tumatangong tumingin sa pastor at tumahimik. Nais niyang may makasama at makatabi si Teryo sa araw na ito.
   Bawa't isa ay nagbara ang lalamunan sa emosyong nagaganap, may ilan ang nangilid ang luha sa nasaksihan. Hindi nakahuma ang pastor, siya man ay nabigla sa nangyari. At mabilis na nagpahayag ito, "Anumang sasabihin ko tungkol sa aking sermon sa araw na ito, kailanman ay hindi na ninyo maa-alaala o matatandaan man lamang. Subalit ang inyong nasaksihan kangina, kailanman ay hindi na ninyo malilimutan. Maging maingat kung papaano kayo mabuhay. Ang inyong buhay ay siyang tanging Bibliya lamang--na babasahin kailanman ng maraming tao."
Ang mahalagang SERMON na iyong magagawa ay ang iyong HALIMBAWA.
 

Jesse Navarro Guevara   -Lungsod ng Balanga, Bataan