Sa dalawang tao na nagsasama, tatlong pagkatao o persona ang namamagitan dito; Ikaw, Siya, at ang Relasyon ninyo. Bagamat dalawa kayo na nagmamahalan, nagkakaisa, nag-uusap, nagtatalò, nagkakagalit o nag-aaway, si Relasyon ay palaging nasa gitna at siya ay nagmamatyag, nagagalak kapag may pagmamahalan, nasasaktan kapag may alitan, at lumuluha kapag may tikisan at hiwalayan.
Marami
sa atin ang hindi nakakaalam na kung paglaanan lamang ng atensiyon si Relasyón, at ito ang pinakamahalaga sa
lahat, magagawa nating kontrolin at pakaisipin ang mga salita na ating binibitiwan.
Tanungin natin si Relasyón;
"Kung bakit kailangang patuloy na magsama
ang dalawang tao?' 'Kung kapayapaan at
kaligayahan ang hanap, bakit may mga pagtatalo at alitan na nagaganap?' 'Kung
tunay at wagas ang pagmamahalan, bakit hindi matanggap ang pagkakaiba ng mga ugali
at katauhan?' 'Sino ba ang higit na mahalagang masunod, Ikaw? Siya? o si
Relasyon?"
...at ito ang
mga kasagutan ni Relasyón:
Bago
ka magsalita;
Sundin ang katagang, 'THINK'
T---truth/Ito ba ay totoo?
H---helpul/Ito ba ay
makakatulong?
I---inspire/Ito ba ay
makapagbibigay ng inspirasyon?
N---needed/Ito ba ay
talagang kailangan?
K---kind/Ito ba ay may
pagmamalasakit?
... at narito
ang mga paliwanag ni Relasyón:
1-Hanggat
magagawà; pakaiwasan ang pagiging kritikò o mapanurì -pamumunà, pamimintás, panghahamak,
at panunuyâ. Ang matinding pananakit o bugbog sa katawan ay malilimutan, ngunit
ang masaktan ang damdamin, habang buhay itong dadalhin.
2-Umiwás
sa mga negatibo at mapanghamak na mga pangungusap. Nagpapakilala ito ng iyong
inseguridad at kawalan ng pananalig sa katotohanan . Ilalagay ka ng mga ito sa
kapahamakan. Sapagkat sa mga paliwanagan, kung sino ang naiinis, sumisigaw, at
nagagalit, siya ang talunan at panakip lamang ang makipagtalo.
3-Iwaglit
na sa isipan ang mga tao na yumaò at nagsialis na sa iyong buhay. Lalo na kung
isinasama sa pagtatalo pati ang mga kamag-anak. Sa halip, ilaán ang makabuluhang
mga sandali para sa inyong ikaliligaya.
4-Ang
pagdududà, pag-aakala, at mga hinuha o suspetsà ay siyang kalawang na sumisirà sa
magandang pagsasama. Kapag may tiwala
ka, pagkakatiwalaan ka din ng kapareha mo.
5-Piliting
magawa ito: Iwasang ikumpara sa iba ang iyong karelasyon. Inaalisan mo siya ng
pag-asa at kakayahang may magawa at magpatuloy pa.
6-Iwasang
humatol, sa halip ay umunawa at magtiwala. Hindi mo kailanman naranasang naisuot
ang kanyang sapatos.
7-Tanggapin
ang kanyang pagkatao kung sinuman siya. May
kawikaan na hindi mo magagawang ituwid ang likod ng kubâ, kalikasan niya ito.
Gayundin ang pagkatao ng sinuman, siya lamang ang tunay na may kontrol sa
kanyang isipan. Ang kailangang kontrolin ay ang sarili mong isipan, ito ang
nagpapahirap sa anumang relasyón.
8-Iwasang
mag-alala at paulit-ulit na ipamukha na tulad ng sirang plaka ang tungkol sa
mga bagay na hindi na mababago o maitatama pa.
9-Hikayatin
at tulungan siya tungo sa kanyang pag-unlad. Purihin at magbunyi para sa inyong
kagalingan at kapakanan.
10-Tawanan
ang mga kabiguan at pasalamatan ang leksiyong natutuhán. Pinatitibay kayo nito
upang patuloy na magkasama, maging masaya at mapayapa sa tuwina.
11-Igalang
ang sariling paniniwala lalo na ang pananalig ng bawat isa. Katulad ng
boteng lampara, siya lamang ang makapaglilinis ng sariling uling nito sa
loob. Imposibeng malinis ang dilim nito, kahit na kaskasin mo pa nang
libong ulit sa labas ang bote ng lampara.
12-Sa
araw-araw maglaan na makagawa ng kahit na maliliit na bagay para ikasasaya sa bawat isa.
13-Tuparin
ang mga pangakò at sabihin lamang ang katotohanan. Marami pang ipapaliwanag
kapag nagsisinungaling. Ipagkakanulo ka nito para mawalan ng saysay ang integridad mo.
14-Payagan
siya na magdesisyón para sa kanyang sarili. Higit siyang nakakaalam kung ano
ang mahalaga at makakabuti para sa kanya.
15-Kung
hindi ka naman tinatanong, huwag ka namang sumasagot. May panahon ang bawat
bagay, isaalang-alang ang katahimikan nang magka-liwanagan. May espasyo sa pagitan
ng aksiyon at reaksiyon, ito ang puno't-dulo sa kaganapan ng lahat.
16-Iwasang
magturò, at huwag hanapin na makita ang iyong repleksiyón sa kanya.
Huwag ipagpilitan na paniwalaan ang istilo o sistema ng pamumuhay na
kinagisnan at kinawiwilihan mo. Ikaw ay
unikò, pambihira, at walang sinuman na makakagaya o makakatulad pa sa
iyo.
17-Piliting
nakalapat ang mga labi at makinig nang maigi para ganap na maunawaan ang
hinaing ng kaharap. Hindi isang katalinuhan na makakaya mong ipaliwanag at masasagot
ang bawat usapan.
18-Hindi
nakakatulong na sirain ang reputasyon at integridad ng isa para maipakita sa
iba na ikaw ang biktima at martir sa pagsasama.
19-Iwasang
maging personal ang mga pag-uusap at turingan, kung wala kang kinalaman huwag
nang makialam. (mind your own business, and
not: "If not my way, take the
highway!"). Hindi nakukuha ang hinahangad para sa sariling agenda sa paulit-ulit na mga pagbabanta.
20-Kung
nais na may makuha, ibigay mo muna. Wala kang aanihin kung wala ka namang
itinanim. Katulad ng bangko, hindi mo magagawang mag-withdraw kung kulang at wala ka namang idini-deposito.
21-Iwasang
mag-isip ng sariling komentaryo habang nagsasalita ang kaharap, sapagkat dito
nagsisimula ang argumento na kadalasan ay humahantong sa sigawan at kahihiyán.
22-Ang
tunay na pagmamahal ay walang mga kundisyong pinaiiral. Gumagawa ng mga paraan para sa ikaliligaya ng kasama.
23-Sabihin
lamang nang tuwiran ang tunay na nais mangyari at walang paliguy-ligoy.
Anumang
nadarama, ito ang ipakilala.Walang ibinubungang mabuti ang mga
pagkatakot, mga pangamba, at sobrang pag-aalala. Winawasak lamang nito
ang magandang pagsasama.
24-Huwag
pag-aksayahan ng panahon ang maliliit na mga bagay na wala namang katuturan para
makalimutan ang tunay na mga prioridad sa buhay.
25-Pakatandaang maigi: Higit
na mahalaga ang tao kaysa mga bagay at materyal!
Sa lahat ng ito, walang nakakaalam kung ano ang katotohanan. Lahat ng mga bagay na
napapakinggan o nababasa man ay pawang mga komentaryo at opinyon lamang. Ang
higit na may kabatiran ay ang iyong mga karanasan at mga natutuhan.
Maraming Salamat po.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod
ng Balanga, Bataan