Thursday, January 03, 2019
Buhay na Pulpol
Anumang trabaho na ginagawa mo ay may kapangyarihan kang paghusayin, o isantabi, at lubos na pabayaan. Alinman sa tatlong ito ay may
nakalaang hantungan. Ang maging mahusay, maging palaasa, at maging pabaya.
Binanggit ng
aking ama, "Kahit na tagawalis ka ng
lansangan; at nasa puso ang pagwawalis mo, ang kahalintulad mo ay isang pintor
na gumuguhit ng iyong obra sa lansangan." Ang karaniwang tao ay basta
nagtatrabaho para matapos lamang ang gawain, at laging nakatingin sa orasan, ang taguri sa kanya ay
trabahador o manggagawa. Samatalang ang mahusay na tao ay nagtatrabaho nang may misyon, ang
paghusayin at pagandahin ang gawain kahit na lagpas pa sa oras. At ang taguri sa kanya ay tagapaglikha o
tagapaglingkod.
Malaki ang
pagkakaiba nito: sa trabahador (worker); ang makatapos sa gawain at tanggapin ang
pasahod ay tama na at ito at sapat na para sa kanya. Doon naman sa tagapaglikha (creator), ay
iniisip ang makakamtan na kapakinabangan sa ginagawa at maitutulong nito sa karamihan.
Para sa kanya, ang makapaglingkod ay isang katuparan ng kanyang mga
pagpapasakit para lalo pang paghusayin ang gawain.
Ang umiiral dito
ay saloobin kung papaano gagampanan ang nakaatang na tungkulin. Kung ang
ninanasa ay tagumpay, makakabuting luminya sa tagapaglikha, dahil kakaunti
lamang ang trapik at bihira ang dumaraan dito. Kung nais naman ay patama-tama o
padaskol na pamumuhay, luminya doon sa may sangkaterbang trapik na kung saan ay
nagsisiksikan ang karamihan para maging trabahador. Nandito din ang tunay na
dahilan kung bakit kakaunti ang mga yumayaman at parami nang parami ang mga
naghihirap. Nasa pagiging mahusay at manatiling pabaya ang malaking kadahilanan.
Maglimi tungkol dito: Ano ang ipinagkaiba sa pagitan ng "Maid in
the Philippines" at ng "Made in the Philippines." Bilang Pilipino,
malaki ang bahagi nito kung bakit parami ng parami ang naghihirap sa
Pilipinas. At gayundin ang mga tumatakas para magtrabaho sa ibang bansa.
Narito pa ang isang napapanahong talakayan: Kapag nagkasalubong
ang dalawang kabataang Pilipino na magkasabay na nagtapos sa kolehiyo,
ito ang simula ng kanilang balitaan, "Saan ka nagtatrabaho ngayon?" Kapag dalawang kabataang Tsino naman ang nagkasalubong sa daan, "Anong negosyo ang nasimulan mo na ngayon?"
Kapag mahusay, laging umuunlad ang buhay. Kapag padaskol at bulakbol, laging may bukol sa buhay na pulpol.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Hawak Mo ang Buong Daigdig
Kung may mga katanungan, tiyak may nakalaan ding mga
kasagutan. Kung nais mong magtagumpay; Ikaw
ba ay nakahandang gawin ang lahat upang ito ay maging katotohanan? Palagi mo
bang itinataas ang iyong antas at kahalagahan sa tuwina? Malinaw ba at
nakaplano ang iyong mga ginagawa sa ngayon? Ang mga ito ba ay para sa iyong
kaunlaran at magiging maligaya ka kapag natupad mo?
Pag-aralan at subukang gawin ang mga sumusunod:
1-Kung
manggagaya din lamang, pilitin na makisama sa mga tao na nagtataglay ng mga
katangiang ito: uliran, eksperto sa kanyang trabaho, magandang halimbawa sa
pamayananan, may puso at malasakit sa kapakanan na iba.
2-Palaaral
at palabasa ng mga inpormasyong tungkol sa kahusayan, kabayanihan, kabuhayan,
at kaunlaran.
3-Matiyaga
at masinop sa paggawa, hindi inaaksaya ang panahon sa mga walang katuturan at
pakinabang.
4-Walang
takot at mapangahas sa paglikha ng paraan sa abot nang makakaya upang matupad
ang mga pangarap.
5-Talos
at laging tinatandaan na ang pagiging eksperto ay isang proseso, at hindi isang
nakabimbing karangalan.
6-Kumikilos
bilang ekstra-ordinaryo at hindi umaayon sa karaniwan; sa pananamit, sa mga
pagkilos, sa mga kagamitan, sa pagdadala sa sarili, may pansariling pananalig
at pagtitiwala at sadyang naiiba sa karamihan.
7-Batid
ang kanyang buong pagkatao, kung ano ang kanyang mga nais, at alam kung saan
siya patungo.
Kung nagtataglay ka ng mga ito, hawak mo ang buong daigdig.
Ikaw ang higit na may kontrol at pagsupil sa iyong mga kapaligiran. Dahil kung
eksperto ka sa iyong larangan, abot-kamay mo na ang tagumpay. Ang proseso sa
paghahayag ng iyong mga katangian at mga kakayahan ay mahalagang mga potensiyal
para mapaunlad mo ang iyong ibayong pagtitiwala sa sarili. Malaking bahagi ito
ng iyong personalidad na maging mahinahon, masikhay, at matatag na manindigan
sa lahat ng mga pagsubok na dumarating sa iyong buhay.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Patawad po
Masidhing kilatisin upang ang buhay ay hindi malasin.
Bawa't isa ay nagkakamali. Sino ba sa atin ang perpekto? Kaya nga nilikha ang lapis na may pambura dahil bahagi na natin ang magkamali... At matutuhan ang leksiyon na idinudulot nito.
Ang magbitaw ng maaanghang na
salita, ang hindi sumipot sa tipanan, ang hindi tinupad ang pangako, ang mga pamumuna, ang mga paghihiganti, at
wala sa katuwirang mga paninisi -- lahat ng ito ay ilan lamang sa mga kamaliang
patuloy nating nagawa, ginagawa, at gagawin pa.
Kakaunti sa atin
ang nakakaalam kung papaano maiwawasto ang pagkakamali, kahit nalalaman na
mapait ang kahahantungan ng ganitong mga pag-uugali. Sapagkat kapag binalewala at
walang pagtatama sa mga maling pagkilos na ito, ang iyong mga relasyon kasama
na ang iyong integridad at reputasyon ay nakasalang at matinding mapuputikan. Magbago na at iwasto po natin ito.
Ano ang kahulugan ng Iwasto?
amend, vb itama, isaayos, baguhin o palitan upang mawasto at humusay ang
kalagayan o sitwasyon
Malaki ang pagkakaiba sa pagitan ng pagwawasto at
paghingi ng paumanhin. Ang paumanhin ay kapag bumigkas ka ng, "I'm
sorry" o "Pasensiya ka na at nagkamali ako." Samantalang ang
pagwawasto, ay ang tahasang pagkilos na
maitama ang kamaliang nagawa upang maibalik sa dati ang napinsalang
relasyon sa iba.
Una, isipin at
pakalimiin ang tao na iyong napinsala. Mabubugbog mo ang isang tao at
malilimutan niya ito, subalit kapag nasaktan ang kanyang damdamin,
habang-buhay niya itong daramdamin. Kapag humingi ka ng paumanhin at
nakahandang iwasto ito para sa kanya, binubuksan mo ang pintuan at
pagkakataon
na patawarin ka niya upang magkabalikang muli kayo at maibaon na sa
limot ang
kasakitan ng nakaraan.
Tagubilin: Ang pagkakamali ay minsan lamang, kapag ito ay
naulit muli, katangahan na ito. At sa ikatlong pagkakataon, sinadya at
naging bisyo na ito.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Labels:
Banyuhay
Subscribe to:
Posts (Atom)