“Wala pa naman ineng, nais ko lamang kasing makatiyak kung may
katotohanan ang nakasulat sa pakete, na magagawa nitong magpatubo ng
buhok!” Ang may pag-aalalang tugon ng lalaki, at sabay na inalis ang
suot na sambalilo. Wala na halos natitirang buhok sa kanyang bumbunan
ngunit ginusot-gusot niya ito, upang patunayan sa tindera ang matinding
hangarin niya na malunasan agad ang natitira pang ilang hibla.
“Medyo, napahagikgik ang tindera, ngunit pinigil niya agad ito nang
makitang namula ang mukha ng lalaki. Mabilis niyang dinampot ang isang
dilaw na pakete at ito'y inialok sa kaharap, “Ito po ang bilhin ninyo, garantisado pong tutubo ang inyong buhok sa pamamagitan nito!”
“Nakakatiyak ka ba ineng, na tunay na mabisa iyan? Kung totoo ang sinasabi mo, papaano mo ito mapapatunayan?” Ang may paghihinalang paniniyak ng lalaki habang nagpapaypay ng kanyang sambalilo.
“Higit pa po sa inaasahan ninyo,” buong pagtitiwala at pagmamalaking itinagilid ng tindera ang pakete at ipinakita ang nakadikit na suklay, “dahil po dito, bawa’t pakete po ay nilagyan naming ng suklay upang magamit sa tumubong buhok!”
-------
Sino
ang hindi magagayuma kung ganito katindi ang pagtitiwalang ipinapahayag
sa iyo. Ang mga tagpong ito; ang kailangan nating makita sa marami
nating kababayan na nawawalan na ng ibayong pagtitiwala sa mga taong
nakapaligid sa kanila.
Sa 400
daang taon nang pananakop at ginawang panlilinlang ng mga Kastila, at halos
50 taong pang-uuto at panunulsol ng mga Amerikano, naging bahagi na ang
kamulatang Pilipino na hindi agad maniwala
sa mga ipinapangako ng kanyang kapwa. Laging nag-aalala, nagdududa, at
naniniguro sa kalalabasan ng anumang bagay, usapan, at kasunduan.
Sa isang banda, nakabuti din ito na maging mapanuri, sigurista, at
laging handa sa anumang mangyayari. Subalit dinagsa tayo ng
katakot-takot na sekta ng relihiyon, na nag-uutos na “Magdasal ka na lamang, at Diyos na ang bahala sa lahat!”
Kaya nagpapatuloy at parami nang parami ang mga nanloloko at naloloko
sa ating lipunan. Marami ang hindi nakakaalam, o kung nalalaman man, ay
hindi isinasagawa ang katotohanang: “Nasa Diyos ang awa, ngunit nasa tao ang gawa!” Habilin nga ng matalik naming kaibigan na madre, “Mabuti ang magtiwala, ngunit iwasan ang lubusang pagtitiwala!”
Madali ang magtiwala, ngunit napakahirap libangin ang sarili kung
naging biktima ka ng pagtitiwala. Daig mo pa ang nadukutan sa pagiging
mangmang sa takbo ng buhay. Ang nadukutan ng pitaka ay panandalian
lamang at madaling palitan, maging ang laman nitong pera. Ngunit ang
pagka-pahiya sa iyong sarili sa kalapastangang iginawad sa iyo ng iyong
pinagkatiwalaan ay sumisigid sa kaibuturan ng iyong pagkatao. Ang
respeto mo sa iyong sarili ay nadungisan at ang bahid nito’y matagal
ding panahon na mananatili sa iyong puso.
Madali din ang magpatawad, subalit ang lumimot ay hindi. Anumang sugat,
gumaling man ito’y mag-iiwan pa rin ng peklat. Ang kristal na nabasag,
bubuin mo man ay marami ng lamat.