Isang
umaga, sa may aplaya ng bayan ng Bagak, sa Bataan, nakaupo si Doming sa
kanyang bangka, nagpapahinga at pinagmamasdan ang bukang-liwayway.
Habang pinupunasan ang pawis sa noo ay napapangiti ito sa nahuli niyang
maraming isda. Tuwang-tuwa naman ang kanyang asawang si Trining habang
inilalagay ang mga isda sa kanyang kalya upang dalhin na sa palengke at
ipagbili. Nang makaalis na ang asawa, sumandal sa bangka si Doming upang
makaidlip nang ilang sandali. Hindi pa niya naitatakip ang sambalillong
buli sa kanyang mukha nang gulantangin siya ng boses ng isang lalaki.
“Hoy, Doming, ‘gandang umaga sa iyo! Kamusta ang huli mo ngayong umaga, nakarami ka ba?” Ang bungad ng lalaki.
“Magandang umaga naman po Mang Bestre, ayos naman po at dinala na ni Trining sa palengke upang itinda.” Ang mahinahong tugon ni Doming habang tumitindig at umupo sa gilid ng kanyang bangka.
Nakaugalian na ni Mang Bestre ang maglakad tuwing umaga sa aplaya kapag
maganda ang panahon bago ito magtungo sa kanyang pabrika. Isa si Mang
Bestre sa mayayaman sa Bagak, at isa sa kanyang mga negosyo ang
magpautang ng puhunan sa mga tindera, magsasaka, at mangingisda na
kinakapos sa puhunan.
Nakakunot ang noo nito nang magsalita, “Aba’y, Doming, ano pa ang ginagawa mo dito, bakit hindi ka pa pumalaot muli at manghuli pa ng maraming isda. Kailangang nangingisda ka pa kaysa nakasandal lamang dito at walang nang ginagawa.”
“At ano naman ang mapapala ko dito?” Ang napapangiti na tugon ni Doming sa pagkakagambala niya mula sa binabalak na pag-idlip.
“Aba’y napakasimple lamang. Kung patuloy kang mangingisda, maraming
ititinda si Trining at marami ang inyong kikitain. Nang sa gayon, may
sapat kang salapi na makabili ng isa pang bangka na panghuli, mapapaupa
mo ito at lalong mapapadami ang iyong mahuhuli. At mula sa dalawang
bangkang ito, makabibili ka pa ulit ng isa pang bangka na pauupahan mo
rin. Hanggang sa makaipon ka at makabili ng malaking pangistang batil at
malalaking lambat upang lalong maparami mo ang iyong mga huli.” Ang paliwanag ng negosyante.
“At ano naman ang mapapala ko dito?” Ang pag-uulit ni Doming. Napakamot sa batok ang negosyanteng si Mang Bestre at nayayamot na nagtanong, “Hindi mo ba naiintindihan ang paliwanag ko?" Lumapit nang bahagya at nakapameywang na hinarap nito si Doming.
“Kung
magkakaroon ka ng maraming bangka na panghuli, makakabili ka ng higit
na malaking pangistang batil at makakapunta ka sa malalayong pook na
maraming isda, upang maparami mo ang iyong huli. Magkakaroon ka ng
maraming tauhang maglilingkod sa iyo. Nasa bahay ka na lamang at uutusan
mo na lamang sila na manghuli para sa iyo.” Ang naiinis na pangungulit ng negosyante.
Minsan pa, inulit muli ni Doming ang tanong nito, “ At ano naman ang mapapala ko dito?” Ang negosyante ay namumula na sa pagkainis, at nagagalit na. Pahiyaw itong nagsalita kay Doming, “Hindi mo pa rin alam?” Itinutok ang hintuturo nito sa mangingisda na mistulang amo at nagpatuloy sa pagsasalita habang pakumpas-kumpas ng kamay,“Makinig
kang mabuti, dahil dito, ikaw ay magiging napakayaman at hindi mo na
kailangan pang magtrabaho sa buong buhay! Magagawa mong palipasin ang
maghapon na nakasandal na lamang dito sa aplaya, nakatingin sa paglubog
ng araw at wala ka nang pakialam sa lahat. Makapag-papahinga ka hanggang
ibig mo.”
Lalong napangiti ang mangingisda, tumatango-tango . . , tumayo mula sa
pagkakaupo at tumitig ng malalim kay Mang Bestre. At buong katiyakang
nagpahayag,
“At
ano naman sa inyong palagay ang aking ginagawa ngayon? Ako ay
nagpapahinga na. Kung hindi ninyo ako ginambala sa aking pamamahinga,
marahil mahimbing at masaya na ako sa aking pagtulog.”
Napatigalgal ang negosyante at nakasimangot na lumisan ito na iiling-iling sa malinaw na pagtugon ng mangingisda.
Ang magkaroon ng sapat na ikakabuhay at nakapagpapaligaya sa iyo ay
magandang panuntunan sa buhay. Mainam at sadyang makakabuti ang
magsumikap pang higit upang magtagumpay. Subalit kung mangangahulugan
naman ito ng ibayong pagtitiis, pagpapakasakit, at mga paghihirap na
ayaw mong mangyari sa iyo, at napipilitan ka na lamang, isang
pagkakamali ito. Gayong magagawa namang maging maligaya sa anumang
sandali. Tamasahin ang mga malilit na tagumpay, magpahinga at maglibang
sa tuwina. Mula sa maliliit na tagumpay, ito’y nagpapatuloy sa higit
pang malalaking tagumpay.
At huwag kakaligtaan na anumang labis na higit pa sa iyong inaasahan o
tinatanggap ay nakakasama kadalasan, kung wala kang paglalaanang
makabuluhan para dito. Kaakibat ng pagyaman ang ibayong responsibilidad.
Kung hindi ka handa para dito, huwag nang subukan pa at hindi ito
nakalaan para sa iyo.
Ang pagiging kuntento o ganap nang masaya sa kalagayan ay mahirap na
matutuhang saloobin. Madali ang mahuli sa nakaumang na patibong ng
pagkakataon na para kumita ng marami, kailangan ang ibayong magtrabaho
nang walang puknat, gayong nakasasapat na ang kabuhayan at maaari nang
lumigaya.
Lumitaw
tayo sa daigdig na hubad sa lahat ng bagay, at wala rin tayong
madadalang kahit anuman sa ating paglisan. Ito ang nagdudumilat na
katotohanan.
Talahuluganan, n. glossary
Ang mga
katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga
nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos,
at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at angkop
sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang paggamit ng
ating wikang Pilipino.
Naniniwala tayo na ang talahulugunan ay kailangang tayo ang sumulat.
aplaya, dalampasigan n. beach, seaside
pangistang batil, n. big fishing boat
bukang-liwayway, silahis ng araw n. dawn, sunrise
pumalaot, v. go back to the sea
sumandal, humilig v. lean, incline for support
tulog, natutulog adv./adj. sleep, asleep
tigalgal, n. puzzlement, perplexity, bewilderment
simangot, n. sourface look,
puknat, sagwil adj. cease, interrupt
patibong, bitag, umang n. trap, lure, entrapment
saloobin, dinarama n. attitude, feeling
paglisan, n. at the end of life, death
tamasa, ikalugod, ikasaya v. enjoy, appreciate, be happy
hubad, salat adj. naked, without anything
Lungsod ng Balanga, Bataan