Monday, June 12, 2017

Ano ang Kahulugan ng KALAYAAN?

Malaya nga ba Tayong Naturingan?


Ano ang kahulugan ng katagang Kalayaan?
   Ang Kalayaan ay isang napakahalagang karapatan ng bawa’t tao, kung mayroon ka nito, walang gumagapos o pumipigil sa anumang iyong ninanais at nilalayon sa buhay. Mayroon kang laya na gampanan ang mga bagay na magpapaunlad at magpapaligaya sa iyo. Malaya kang lumikha, humimok, magtatag, at magsagawa ng mga makabuluhang bagay sa ikakaunlad ng iyong sarili, sa mga ugnayan o samahan, at maging sa iyong pamayanan. Wala kang magiging anumang agam-agam o inaala-ala maging maliit o malaki man, sa paggawa ng mga ito. Mapayapa, mahusay, at maligaya ka sa pagtupad ng mga tungkulin bilang masunuring mamamayan.
   Ang pagiging malaya ay isang katangian ng pagiging makapangyarihan, may sariling kapasiyahan nang walang anumang pinapangambahan, hindi nakasandig, umaasa o nakatali sa iba, matatag at taas noong ipinaglalaban ang pansariling kapakanan at kagalingan para sa lahat. Walang nangingibabaw o nakapangyayari sa iyong mga karapatang pantao. Hindi ka naghihinala, nangangamba, o maging natatakot man sa iyong kapwa sa sariling lipunang ginagalawan, at higit na nag-aalala sa uri ng iyong pamahalaan.
   Sa kabubuang lahat, kung ang ating mga pamayanan ay MALAYA, ang buong bansa ay malaya. ang wastong katawagan nito ay KASARINLAN. Nagsasarili, may natatanging kapasiyahan, may paninindigan, taas noong humaharap sa iba nang walang nagsusulsol o sinusunod, at walang bahid ng anumang pag-aalinlangan.
   Ito nga ba ang siyang nagaganap sa ating minamahal ng bansang Pilipinas? Totoo o tunay bang tayo ay may kasarinlan?

   Kung matiwasay ang iyong kalooban, hindi mo lalagyang ng katakot-takot na kandado ang iyong mga pintuan, ang padilimin ang iyong mga durungawan ng mga rehas na bakal na mistulang nakabilanggo ka sa iyong sariling bahay. At sa iyong araw-araw nang pagpasok sa trabaho at pagganap ng tungkulin, hindi ka nangangamba sa mga taong kahalubilo mo na ikaw ay mabibiktima ng kanilang mga karahasan.
  Subalit kung ganito ang nananaig sa iyong mga ligalig, mga pagkatakot, mga pangamba, at kawalan ng katarungan sa iyong kapaligiran . . .
Hindi ka Malaya


    Kung pawang mga bagabag at mga alalahanin ang sumasaiyo sa tuwina, hindi ka malaya. Kung may patuloy na pagkatakot at kawalan ng pag-asa, hindi ka malaya. Kung mayroong balakid, mga pagbabawal, at pagkitil sa iyong mga karapatan, hindi ka malaya. Kung nais mong umunlad at guminhawa sa buhay, subalit pinipigil ka ng karalitaan, kakulangan sa edukasyon, mga koneksiyon sa lipunan, at mga pagkakataon, hindi ka malaya. Hangga’t may inaapi at may nang-aapi, may mga kabuktutan, mga katiwalian, pagsasamantala, at mga nakawan sa kaban ng bayan, walang katapusang karukhaan ng karamihan, may kinikilingang hukuman, walang mapasukang trabaho at mga pagkakataon, hindi tayo malaya.
   Isang paglalarawan; kung nakaharap ka sa isang botika, at tinatanaw mo ang gamot sa estante na siyang makalulunas sa karamdaman ng iyong anak, subalit hindi mo ito mabili sa kamahalan, hindi ka malaya. Dahil lahat ng iyong nakikitang bilihin ay may kaakibat na halaga. At ibibigay lamang ito doon sa bibili na may sapat na pambayad. Kung wala ka nito, walang kang kalayaan na ito’y mapasaiyo. Kung may salapi ka, sa iyo ito. Kung wala kang salapi, ibayong pagtitiis ang kaulayaw mo. Kawangis mo'y isang bilanggo na walang kakayahan at karapatan.
Hindi ka malaya.
   Lahat ay may katumbas na pagod, panahon, pagkakataon, at kabubuang salapi. Kung wala sa iyo ang mga ito, tumingin at umasam lamang ang iyong karapatan. Kung walang laman ang iyong bulsa, maraming bagay ang wala kang kalayaan na magawa, gampanan, mapasaiyo, at ikaunlad mo.
Ano ang ipinagdiriwang natin, ang ating kamangmangan at pagyukod ng ulo sa mga banyaga at naghaharing-uri sa ating bansa?


Sino ang talagang nakikinabang sa mga likas na kayamanan ng ating bansa? Bakit marami sa ating ang naghihirap at hindi malaya? Hindi ba nakapagtataka na kung bakit patuloy ang "Maid in the Philippines" kaysa "Made in the Philippines"

Ang makalimot sa kasaysayan ay isang kataksilan, sa pag-uulit muli ng dating kapahamakan

  Malaya nga ba tayo? Sino ang higit na malaya, ang naghaharing-uri o yaong nagdarahop at namimighating mga Pilipino. Sino ang may pambili at yaong nakatingin lamang at patanaw-tanaw na masulyapan at naghihintay na matapunan ng awa? Kung sakaliman magkakaroon ng digmaan, at ikaw ay makikipaglaban sa iba, ano ang iyong ipinagtatanggol? May sarili ka bang mga lupain, mga kabuhayan, mga ari-arian, mga negosyo, mga mansion na bahay, magagarang sasakyan, at higit sa lahat milyung-milyong salapi sa bangko, upang magtanggol para dito? Kung wala ka ng mga ito, sino at ano talaga ang ipinagtatanggol mo, ang iyong sarili o ang mga naghaharing-uri? Karamihan sa atin, kahit lupa sa paso ay walang pag-aari. Tanungin mo ang ating mga karaniwang kawal sa militar, kung ano ang ipinagtatanggol nila at lagi silang nasa parada tuwing "Araw ng Kalayaan" Wala silang nalalaman sa katotohanang ginagamit lamang sila.




Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment