Thursday, December 22, 2016

Pasko 2016

Limang Susi sa Kaligayahan

Bagama’t magkakaiba ang ating pananaw tungkol sa kung anong mga bagay ang makapagpapaligaya sa atin, lahat naman tayo ay magkakatulad na umaayon sa mga positibong karanasan na nakapagbibigay ng kaligayahan at huwaran sa ating buhay.
   Sa araw-araw na pakikipag-relasyon sa ating kapaligiran, narito ang limang dakilang susi na ating ginagampanan.
1. MAGBIGAY  -Gumawa ng mga bagay na ikalulugod ng iyong kapwa. Ang pagmamalasakit sa iba ay isang pangunahing sangkap na ating ikaliligaya. Ang tumulong doon sa mga karapatdapat ay hindi lamang para sa kanilang mga kapakanan, bagkus ito ay para din sa atin upang maging masaya at mapayapa. Ang pagbibigay ay lumilikha din ng matibay na koneksiyon sa pagitan ng mga tao at nakakatulong na maging matatag ang lipunan para sa lahat. Hindi ito tungkol lamang sa salapi—makapaglalaan din tayo ng kaukulang panahon, mga angkop na handog, mga ideya at kalakasan. Kung nais na makaramdam ng kabutihan, gumawa tayo ng kabutihan.
   Kung may nais kang makuha…ibigay mo muna.
2. MAKIPAGKAIBIGAN  -Ang pakikipag-kapwa ay siyang pangunahin at pinakamahalagang sangkap upang lumigaya. Ang mga tao na may matibay at malawak na relasyong sosyal ay maliligaya, malulusog, at nabubuhay nang matagal. Ang matalik na pakikipagkaibigan ay pagsasama nang maluwat para sa ating dating pamilya, ginawang pamilya, at mga piniling mga kapamilya. Nagdudulot ang mga ito ng ibayong pagmamahal, malaking kaibahan, walang hintong suporta, pagdadamayan at pagtitinginan. Ang malawak na mga koneksiyong ito ang nakapagdudulot ng pagsasama-sama. Ito ang mga pagkilos na nagpapalakas at nagpapatatag sa ating mga relasyon at ang paglikha ng mga bagong koneksiyon ay siyang unang baitang para sa ating patuloy na kaligayahan.
   Kung nais mo ng kaibigan, maging palakaibigan ka.
3. ALAGAAN ANG IYONG KALUSUGAN  -Ang ating katawan at isipan ay magkakoneksiyon. Ang maging aktibo ay nakapagdudulot ng kasiyahan lalung-lalo na kung iniingatan natin ang ating pisikal na kalusugan. Mabilis nitong pinagbubuti ang ating mga pakiramdam upang makawala sa mga pasakit at kapit ng depresyon. Hindi natin kailangang sumali pa sa mga paligsahan—maraming kaparaanan tayong magagawa upang mag-ehersisyo nang tama sa bawat araw. Kung nanaisin natin, makakaiwas tayo sa mga sosyal media (facebook, twitter, atbp.), at magawang mamasyal, maglibang, at maglakbay. Kung ang selpon ay may lowbat, tayo naman ay may puyat. Kailangan ng selpon ang charge, at tayo naman ang tulog.
   Kung nais ay mahabang buhay, mabuting kalusugan ang ipamuhay.
4. PAGMASDAN ANG KAPALIGIRAN  -Nasumpungan mo na ba ang kagandahan ng buhay? Sa totoo lamang, laging nakatunghay ito sa iyo at naghihintay na kunin mo, dangan nga lamang ay abala ka sa mga bagay na nagnanakaw ng iyong mahalagang atensiyon. Lalong-lalo na sa mga panandaliang aliwan na kinahiligan mo nang gawin na mistulang ritwal. Kailangan huminto at gumising nang tuluyaan mula sa pagkakaidlip. Maging mapagmasid at mapaglimi—alamin kung ano ang iyong mga priyoridad sa buhay. Tigilan nang halungkatin pa ang nakapanlulumong mga nakaraan, at umiwas na alalahanin pa ang hinaharap, walang katiyakan ang mga ito at walang sinuman ang nakakaalam. Ang mayroon lamang tayo ay ang NGAYON—pagindapatin natin ito, sapagkat dito lamang tayo may kapangyarihang kumilos.
 Walang kahapon at bukas—NGAYON ang sandali para gawin ang iyong kapalaran.
5. PATULOY NA MAG-ARAL NG MGA BAGONG BAGAY  - Upang maging matagumpay, ang pag-aaral ay walang humpay. Sa takbo ng mabilis na panahon, kung hindi ka sasabay, ikaw ay mapag-iiwanan. Anumang nalalaman mo ay kailangang dinadagdagan upang lalong mapaghusay. Anumang makabuluhang potensiyal na nasa iyo ay kailangang mailabas at mapakinabangan. Walang silbi ang karunungan kung hindi ito nagagamit. Kahit punuin mo pa ng katakot-takot na mga diploma, mga sertipiko, mga katibayan, at mga karangalan ang iyong mga dingding… wala itong mga kabuluhan kung wala namang kapakinabangan.
Anumang bagay na hindi pinahalagahan, inalagaan, at dinagdagan, ikaw ay iiwanan.


Jesse Navarro Guevara\
Lungsod ng Balanga, Bataan

Ang Aking Panata

Limutin ang Masamang Nakaraan

Akala Ko

Ang Pilipino ay AKO

Suwapang at Makamkam

Pabayang mga Pulitiko

AKO ay Tunay

Makabuluhan o Walang Katuturan?

Pangalagaan ang Pangalan

Sa Pangarap na Lamang

Mag-ingat nang Hindi Malingat

Magulo at Nakakalito

Maligaya Ka ba?

Praktikal ka ba?

Ang Kaibigan

Masaya Ka ba?

Ang Kasiyahan