Huwag mawili sa
panandaliang kasiyahan. Lahat ng bagay lalo na yaong may buhay ay may
katapusan. Bawat kaganapan, sitwasyon, kalagayan o kundisyon ay may katapusan.
Bawat sandali ay nagbabago. Humarap lamang sa salamin at mapapatunayan ito: Ang
taong nakaharap sa iyo sa salamin ay hindi na tulad pa ng dati, malaki na ang
ipinagbago nito. At kung hindi ka pa mulat sa ngayon, at hindi binibigyan ng
pansin ang paglipas ng panahon, magigising ka na lamang isang umaga na ikaw ay
napag-iwanan na.
Marami
sa atin na tila walang pagkasawa at nahuhumaling sa mga kaganapan sa
paligid, gayong sa ilang iglap lamang ang lahat ay matatapos. Naisin man natin
o hindi, walang katiyakan ang buhay. Maraming sanhi para ito matapos: malubhang
karamdaman, aksidente, karahasan, masamang bisyo o kapabayaan sa sarili, at nakatakdang katandaan.
Ang
ating buhay ay hiram lamang at sa anumang sandali ito ay kukunin at
matatapos. Huwag nating balikan pa ang nakaraan, dahil lipas na ito at hindi na
natin magagawa pang balikan. Huwag naman nating hintayin o asahan pa ang
hinaharap, sapagkat walang nakakatiyak kung ito ay magaganap pa. Ang bigyan
natin ng pansin ay ang ngayon, ang mga sandaling ito. Panatilihin
nating pagtuunan ng pansin ito, dahil narito ang tunay na reyalidad at magiging
kapalaran natin.
Sa
mga sandaling ito, anuman ang ating ginagawa, mapabuti o mapasama man ito,
ay nililikha na natin ang ating kapalaran.