Papaano ba ako makapapamuhay na masayahin at puno ng katiwasayan sa buhay? Papaano ba magagawa kong maging isang mabuting tao?
Masasagot
lamang ang dalawang katanungan na ito kung sa iyong kaibuturan ay malaya ka at
matiwasay, isang pananaw sa buhay na ang tanging layunin ay paglinawin ang nilalaman
ng ating mga puso. Taimtim na mamuhay nang matalino, hindi nag-aakala o walang
paghihinala, tinutupad ang mga salita at mga pangako, walang personalan at anumang paghatol sa
mga kaganapan ng buhay.
Bilang mga tunay na Pilipino, nababatid
natin na ang masayahin at ulirang buhay ay magkahulugan. Ang mabuting pagkatao
ay hindi bilang pagsunod sa isang listahan ng mga alituntunin, kundi ang
magsagawa ng mga aksiyon at hangaring umaayon sa realidad—natural at kusang
nakapangyayari. Ang punto ay hindi ang gumanap ng mabubuting gawa upang
makakuha ng pabor sa mga lider at namamahala o ng mga papuri sa iba, at laging
pinapalakpakan ng mga amuyong at mga taga-aliw, kundi ang makamtan ang katiwasayan ng kalooban
upang mapanatili na malaya at sinusunod ang sariling
pagkatao.
Ang kabutihan ay isang magkapantay na
pagkakataon kaninuman. Sinuman ay malayang magawa ito kung nanaisin lamang
niya: mayaman o mahirap, edukado o karaniwan. Hindi ito isang mailap na larangan
ng mga propesyonal at mga umuugit ng simbahan, katulad ng mga pari, mga pastor,
mga ministro, mga monghe, at maging mga santo. Hindi lamang sila ang may tanging
karapatan na maging mabubuting tao na inilalagay natin sa pedestal. Nasa ating budhi at mga asal kusang
lumilitaw ang kabutihan.
Ang
maging mabuti at huwaran ay isang kalinangan na may malinis na budhi, simpleng
pamumuhay, karaniwan at mapagkumbaba sa araw-araw na mga pakikibaka sa buhay. Para
magkaroon ng mabuting pagkatao, tatlong pangunahing mga tema ang nakapaloob
dito:
1)
Alamin,
supilin, piliin, at pangibabawan ang iyong mga pagnanasa;
2)
Mahusay
na gampanan ang iyong mga tungkulin; at
3)
Matutuhan
na mag-isip nang malinaw tungkol sa iyong sarili at mga karelasyon.
Unahin muna, bigkasin sa iyong sarili
kung ano ang nais mong maging ikaw; matapos ito, simulan na kung ano ang
kailangan mong magawa.
Ang ating lipunan ay praktikal na nakabatay
sa mga edukado, mga propesyonal, materyal na mga bagay, salapi o kayamanan,
kapangyarihan o posisyon, kahusayan o katanyagan, at itinalaga na ang mga ito
na kanais-nais at kapuri-puri, subalit bilang isang tunay
na Pilipino, ang lahat ng mga ito ay mga pagkakataon lamang at
walang kinalaman sa tunay na kaligayahan. Ang likas at siyang higit
na nangingibabaw sa lahat ay, kung sinong tao ang siyang nagiging ikaw,
at anong uri ng buhay ang iyong
ipinamumuhay.
Masaya ka ba sa kalagayan ng buhay mo
ngayon?
Kung wala kang katanungang tulad nito, makakatiyak ka na ang buhay mo sa ngayon
ay batbat ng mga kalituhan, mga pangamba, walang tamang direksiyon at laging
naghihintay sa kawalan. Kung hindi ka kikilos upang mabago ito, naisin mo man o
hindi, ikaw ang kikilosin ng tadhana. At
sa katapusan, may kalayaan kang bigkasin sa iyong sarili, “Ito ang aking tanging kapalaran.”
Totoo ang kasabihang, “Ang pagsisisi ay laging nasa bandang huli.”Huwag itong tularan, isipin ang iyong kapakanan at maitutulong sa iyong sariling pamilya. Kung hindi ito magagampanan, wala kang karapatan na makipagrelasyon sa labas kung batbat ng mga kaguluhan at masalimoot ang loob ng iyong kabahayan. Bahay lamang ito at hindi isang tahanan.
Simulan nang magbago. Sa araw na ito,
nakatunghay sa iyo ang buong buhay mo, kung maaari lamang, huwag nang sayangin pa itong muli.