Ang buhay ay isang paglalakbay. Bawat isa sa atin ay may sariling
pakete kung saan nais magtungo at kung anong mga bagay ang dapat isaalang-alang
sa gagawing paglalakbay tungo sa direksiyong nais mapuntahan. Kadalasan, matapos ang
maraming panahong ginugol sa paglalakbay na ito, ay nagtatapos sa matinding
panghihinayang sa mga bagay na kanilang nakaligtaang gawin.
Narito
ang ilang pahayag na nagmula sa isang nurse ng isang ospital sa panahong
naglilingkod siya sa mga tao na may malubhang mga karamdaman. Isinulat niya sa
isang aklat ang madalas na karaniwang panghihinayang ng mga tao habang sila ay
nakaratay sa ospital at naghihintay na lamang ng ilang sandali at lilisanin na
ang mundong ito. Hindi kataka-taka na mabatid natin kung bakit ang mga
nakalista dito na mga bagay ay siya rin nating nadarama sa ating buhay habang
tayo ay nakikibaka para mabigyan ng sapat na atensiyon ang ating mga priyoridad
sa buhay. Dinagdagan ko ito ng dalawa pang pahayag na kailangan natin sa
panahong ito.
Paala-ala:
Isang bagay lamang bago tayo manghinayang sa buhay na ito. Mahalaga na
matandaan na anumang estado o kalagayan naroon tayo sa buhay, hindi kailangan
ang manghinayang. Walang mapapala o pakinabang man sa panghihinayang kundi mga
kapighatian sa ating mga sarili kapag sinimulan nating magpakalunod sa
nakaraan, doon sa mga bagay na hindi natin nagawa at nakaligtaang gampanan.
Huwag nating payagan na diktahan tayo ng mga alalahaning ito para mabagabag
nang husto at mapinsala pa ang katinuan ng ating isipan. Sa halip, gawin nating
tuntungan ang nakaraan para maunawaan kung anong mahusay na pagbabago na ating
magagawa upang makasulong nang walang alinlangan.
Ang pagbabagong ito ay hindi nakabatay sa
mga pasakit, pamamanglaw, paninisi sa sarili at mga paghatol na sumisira sa isipan
para mawalan ng pag-asa, kundi simpleng pagpili na magawa ang maraming bagay sa
naiibang kaparaanan. Patuloy tayong natututo sa lahat ng sandali, ngunit hindi
kailangang lunurin natin sa tuwina ang ating mga sarili sa mga kamalian at mga
kabiguan. Kapag dumarating ang kundisyong ito, tanggapin natin na ang nakaraan
ay hindi na mababalikan pa, hindi na mauulit pang muli, at pakatandaan na ang
bawat sandali ay may bago tayong pagpili, malaya nating mapipili kung ano ang
higit na mahalaga ngayon, ang nakaraan o ang bukas?
Unang Panghihinayang
Sana naging matapang ako na ipinamuhay na maging
totoo sa aking sarili, at hindi ang uri ng buhay na inaasahan sa akin ng iba.
Ikalawang Panghihinayang
Sana hindi ako naging subsob sa trabaho.
Ikatlong Panghihinayang
Sana ay nagawa kong naging matapang na ipahayag ang
aking mga nadarama.
Ikaapat na Panghihinayang
Sana naglaan pa ako ng maraming sandali sa aking mga
matatalik na kaibigan.
Ikalimang Panghihinayang
Sana nagawa ko sa aking sarili na maging masaya sa
tuwina.
Ikaanim na Panghihinayang
Sana naibuhos ko ang mahahalagang panahon para sa
aking mga mahal sa buhay.
Ikapitong Panghihinayang
Sana ay hindi ko nakaligtaan na sa bawat sandali, ay
may Dakilang Diyos na siyang nagbibigay ng liwanag kapag ako ay nagkakamali.
…Sana …….
Basahin lamang at limiing mabuti ang
sumusunod na mga pahayag sa ibaba para maunawaang mabuti. At apuhapin sa ating
mga puso kung saan maaari nating mailakip at maging panuntunan ang mga ito sa
ating buhay simula sa araw na ito.
Para sa ikalilinaw upang magkaroon ng gabay:
Kung ikaw ay mamamatay na sa araw na
ito, ano ang higit mong panghihinayangan (at papaano mo ito mababago para huwag
nang maranasan pa ang mga kapighatiang idudulot nito kapag hindi mo ginawa)?
Mga pagunita ni
JesGuevara
wagasmalaya.blogspot.com
No comments:
Post a Comment