Wednesday, March 23, 2016

Katiyakan at Hinala



Isang umaga, ang pantas at ang kanyang mga disipulo ay mga nakaupo sa lilim ng isang punong mangga, nang isang lalake ang lumapit sa pantas at nagtanong, “Mayroon po bang Diyos?”
Mayroong Diyos at kailanman ay hindi Niya tayo iniiwan,” ang nakangiting tugon ng pantas.

Matapos ang tanghalian, may isa pang lalake ang lumapit sa pantas.
“Mayroon po bang Diyos?” Ang nababahalang tanong nito.
Wala, …walang Diyos,” ang banayad na tugon ng pantas.

Nang dapithapon na, may pangatlong lalaki na dumating at kaagad na nagtanong din katulad ng tanong ng dalawang nauna sa kanya sa pantas, “Mayroon po bang Diyos?”
“Iyan ay para sa iyo, at kailangang pagpasiyahan mo,” ang maliwanag na sagot ng pantas.

Matapos ito nang makaalis na ang lalake, isa sa kanyang mga disipulo ang nakakunot ang noo at nagagalit na nagpahayag; “Hindi ba nakakalitong mga kasagutan ang aking narinig mahal na pantas! Papaano ninyo nagagawang magbigay ng magkakaibang kasagutan sa parehong tanong?”

Mahinahong tumugon ang pantas, “Dahil sila ay magkakaibang tao, at bawat isa sa kanila ay mararating at makakaniig ang Diyos nang naaayon sa kanilang pananalig. Ang unang lalake ay papaniwalaan ang aking sinabi. Ang pangalawa naman ay gagawin ang lahat maipakilala lamang na ako ay mali. At ang pangatlo, papaniwalaan lamang niya kung ano ang papayagan niyang paniniwalaan ayon sa kanyang sarili.”

Lahat tayo ay magkakaiba ang pananalig. Bagamat magkakaiba ang ating pinapaniwalaan, magkakatulad naman tayong nakatingin at palaging nakatunghay sa nag-iisang liwanag.


No comments:

Post a Comment