Wednesday, March 23, 2016

Ikaapat na Panghihinayang



Sana naglaan pa ako ng maraming sandali sa aking mga matatalik na kaibigan.

Binanggit ko na ito sa mga naunang artikulo. Pambihira ang magkaroon ng matatalik na kaibigan, lalo na at nakasabay mo ito sa iyong paglaki at paggulang. Bihira at iilan lamang sa atin ang ganap na pinapahalagahan ang mga tao na nagkaroon ng malaking kaibahan sa kanilang buhay. Hanggang sa dumating ang huling sandali na nakaratay sila sa karamdaman at naghihintay na lamang ng oras sa kanilang kamatayan. Sa puntong ito, lubhang nilang pinanghihinayangan ang mga nasayang na araw na walang naging kaugnayan sa isa’t-isa. Marami sa kanila ang nahumaling sa gawain at iba pang libangan kaysa napanatili ang magandang pakikipagkaibigan. Hinahanap-hanap nila ang magandang pagsasamahan na kanilang nakaligtaan. Ngayon nila tahasang nadarama kung sino sa panahon ng kanilang pag-iisa at pakikipaglaban sa kamatayan ang mga kaibigan na lubos nagmahal sa kanila.

Paala-ala: Hindi na itatanong pa, sa panahong nakadarama ka ng kapayapaan at maligayang buhay, bahagi na ng kasiyahan na katabi mo ang iyong mga mahal sa buhay at mga matatalik na kaibigan. Sapagkat gaano man ang iyong narating kailangan may mga tao kang hahandugan para malubos ang iyong tagumpay. Napakaraming paraan para manatili ang koneksiyon, teks, chat, email, sosyal media, selpon at personal na pagkikita.  
Ano ba ang mga ginagawa mo para bigyan ng tamang priyoridad ang iyong mga pang-araw-araw ng buhay?

Mga pagunita ni JesGuevara
wagasmalaya.blogspot.com

No comments:

Post a Comment