Wednesday, March 23, 2016

Ikapitong Panghihinayang



Sana ay hindi ko nakaligtaan na sa bawat sandali, ay may Dakilang Diyos na siyang nagbibigay ng liwanag kapag ako ay nagkakamali.

Lahat ng pasyente ay iisa ang binabanggit na panghihinayang sa dakong huli. “Diyos ko, patawarin po ninyo ako sa aking mga pagkukulang.” Sa panahong malakas pa sila at maganda ang mga kalagayan sa buhay, bihirang sumagi sa kanilang isipan ang tumawag sa pagpapala ng Dakilang Maykapal. Subalit ngayong nakaratay sila at naghihintay na lamang kung kailan papanaw, halos sa bawat sandali ay humihingi sila ng pagpapala. Ngayon pa lamang lubusan nilang dinadalangin na palawigin pa ang natitira nilang panahon para makapaglingkod nang ganap sa kaluwalhatian ng kanilang mga kaluluwa.

Palaa-ala: Paulit-ulit kong binabanggit ito at hindi ako magsasawa na banggitin pang muli. Minsan lamang tayo nabuhay at wala tayong kapangyarihang lubos na maisaayos ang ating buhay nang wala tayong patnubay na nagpapala sa atin. Limitado lamang ang ating mga kakayahan at madalas dumarating tayo sa hangganan na wala nang magawa pa kundi ang sumuko at humingi ng tulong. Sa panahon na tayo ay nalulunod, higit na mahalaga na mayroon tayong makakapitan para makaahon at mailigtas ang sarili. Sa kabila ng lahat, kailangang maunawaan nating lubos na yaong mga pangunahing bagay na hindi natin nakikita ang higit na mahalaga.
 ---------------------
Maglaan ng ilang sandali na balikang muli ang mga nakasaad sa itaas, ang pitong pahayag na ito ng mga malapit nang sumakabilang buhay ay mainam na panuntunan sa araw-araw na mga pakikibaka sa buhay. Simulang maging pananaw ito na gagabay sa iyo upang ganap na bigyan ng atensiyon kung ano ang higit na mahalaga at tamang prioyoridad sa buhay.
Ano pa ang hinihintay mo?  Kumilos ka na bago pa mahuli ang lahat.

Mga pagunita ni JesGuevara
wagasmalaya.blogspot.com

No comments:

Post a Comment