Friday, March 25, 2016

Angking Pasasalamat



Kung ang tanging dasal mo ay pasasalamat, ito ay sapat na.

Sa sandaling ibukas ang aking mata mula sa pagkakaidlip, iisa lamang ang lagi kong binabanggit, “Salamat po.” Dahil napatunayan ko, kapag ako ay nakalimot sa dalawang napakahalagang kataga na ito…  wala nang saysay at hindi na mahalaga ang mga susunod ko pang gagawin.
Bakit po?
   Sapagkat pinagkalooban na naman ako ng pagkakataon (24 na oras) na makabuluhang gampanan ang pagkakalitaw ko sa mundong ito. At kung hindi ako makapagpapasalamat, mauuntol ang marami pang pagpapala na nakatakda para sa akin.
Ow, totoo ba ito?
   Pagmasdan ang punong saging; mula sa suwi nito ay lumaki, gumulang, namulaklak, nagbunga ng isang buwig na napapalibutan ng mga piling na may kanya-kanyang bilang ng mga bungang saging. Pagkatapos nito ay mamamatay na ang punong saging.
Tanong:
   Para saan ba at ginagawa ito ng punong saging? Para mabuhay lamang, o magampanan ang likas niyang pagkakalitaw dito sa mundo? May nagturo ba sa kanya para gawin ito? Wala na ba siyang iba pang papel o tungkulin kundi ang magbunga at pakinabangan ng mga may nais kumain ng kanyang mga bunga?
Pahayag ng isang magsasaka:
   Sa lahat ng mga uri ng prutas, isa ang saging na napakatulungin. Kung baga sa isang sandwich kumpleto ito sa pagkakabalot. Kapag ito ay hinog na, tatalupan mo na lamang ang balat nito at puwede mo nang makain.
Tanong muli:
   Para sa atin bilang tao, papaano naman ang ating isinusukli sa ating pagkakalitaw? Bakit tayo nilikha at binubuhay, para saang pakinabang? Ang kumain para mabuhay o mabuhay para kumain?
   Simpleng buhay lamang ang punong saging at kung saan siya tumubo, lahat ng kalikasan niya para mabuhay maliban sa sikat ng araw at hangin, lahat ay mangagaling lamang mula sa lupang kinalalagyan niya, anumang uri at sustansiya mayroon ang lupa ay pagtitiisan niya.
Mahalagang tanong:
   Papaano naman ang tao, (isa na ako dito), na sadyang kumpleto: may mga mata, mga tainga, mga kamay, mga paa at mayroong pambihirang utak para makagawa ng malaking kaibahan. Kung ihahambing sa simpleng saging, ano ang kanyang nagagawa para sa iba?
Huling tanong:
   Sa isang tao, sa katayuan niya, papaano nagagampanan niya ang kanyang tungkulin dito sa mundo? Hindi na bale kung wala siyang papel na ginagampanan, pero huwag naman na maging problema pa siya ng iba.
Ito ang katotohanan:
Kaya hindi magawa ng iba na magpasalamat pa, dahil wala silang nagawang mahalaga. Sapagkat ang pasasalamat ay nagagawa lamang kapag may natapos kang mahalaga; nagpapasalamat at natupad ang pangarap.  At kung may natanggap na biyaya o tulong ay nagpapasalamat sa patuloy na pagpapala. Kaysa magluksa tayo sa mga bagay na wala sa atin, bakit hindi natin ipagdiwang at pasalamatan anuman ang mayroon tayo.

Paala-ala: Alamin ang lahat ng katangian at mga kakayahang tinataglay sa sarili, at magpasalamat kung bakit mayroon ka ng mga ito at papaano mo magagamit sa kabutihan. Masasabi nating tayo ay buhay sa mga sandaling ito kung ang ating mga puso ay nakalaan sa paglilingkod.
Katulad ng saging, tayo man ay may ginagampanang tungkulin.

Salamat po.

No comments:

Post a Comment