Hindi mo magagawang baguhin ang iyong hinaharap, subalit
mababago mo naman ang iyong mga ugali, at makakatiyak ka, ...na ang iyong mga ugali
ay magagawang baguhin ang iyong kapalaran.
Kung hindi mo nais ang isang bagay, baguhin mo. Kung hindi mo naman
mabago, baguhin ang saloobin mo tungkol dito. Kung hindi mo magawang kontrolin ang
nasa harap mo, kontrolin ang iniisip mo tungkol dito. Higit sa lahat huwag kang
paapekto para makontrol ka ng anumang bagay na nasa paligid mo.
Madalas
banggitin na ang pagbabago ay siya lamang patuloy sa buhay. Naisin mo man o
hindi, kailanman ay hindi ka nito hihintayin. Dangan nga lamang, nakaugalian na
ng sangkatauhan na tutulan ang pagbabago dahil sa walang katiyakang resulta
nito. Marami ang ayaw magbago, higit na madali sa kanila ang mangopya, magsuot
ng maskara at magbalatkayo. Hindi man lamang sumagi sa kanilang isipan na lahat
tayo ay hindi perpekto, at tungkulin natin habang nabubuhay tayo ang maging
perpekto bilang tao.
Narito ang ilang pagunita tungkol sa
pagbabago
1. Anumang pagbabago, hindi maiiwasan na may tutuligsa
at hahadlang kahit na ito man ay para sa kaunlaran.
2. Marami ang ayaw magbago, sapagkat para sa
kanila, ayaw nilang mapalitan ang anumang nakaugalian at nakasanayan na.
3. Doon sa mga nasa komportableng kalagayan,
kaaway nila ang pagbabago. Lahat ay gagawin nila huwag lamang matinag sa
pedestal na nagpapasarap sa kanila.
4. Nagkakaroon lamang ng pagbabago kapag may mga
paghihirap, mga paglalaban, at mga hadlang sa kaunlarang pinapangarap.
5. Hindi ko masasabi na kapag may pagbabago ang
mga bagay ay kusang magiging mabuti, ngunit walang mababago kung basta na
lamang uupo ka at maghihintay sa kawalan. Kahit papaano kailangan ang mga
pagkilos para maganap ang nais mong matupad.
6. Higit na mabilis ang umupo, tumingin,
maghintay at umiyak kaysa kumilos, tumindig, lumaban, at magbago.
7. Walang mahihita sa pagbabasakali,
paghihintay, at umaasang magbabago ang isang tao, ang pagbabago ay magsisimula
sa iyong sarili mismo.
8. Kung hindi mo magagawang kontrolin ang iyong
sarili, wala kang kakayahan o karapatan man na kontrolin at baguhin ang sarili
ng iba.
9. Ang daigdig na ating nakamulatan ay nasa
proseso ng pagbabago. Hindi mo kailanman mababago ito kung hindi babaguhin ang
iniisip mo tungkol dito.
10. Kinamumuhian ng marami ang pagbabago, ngunit
ito lamang ang hakbang para sa progreso.
11. Naisin mo man o hindi, kung hindi ka
magbabago para sa sarili mo, babaguhin ka ng mga nasa paligid mo para masunod
ang kanilang mga kagustuhan at pakinabangan ka nang husto..
12. Kapag huminto ka na at ayaw nang magbago pa,
ito na ang tamang panahon para mawalan ka nang silbi para sa iba.
13. Ang nakaraan at maging ang hinaharap ay
walang halaga kung sa araw na ito ay walang pagbabagong nagaganap sa iyong
buhay.
14. Doon sa hindi magawang palitan ang kanilang
iniisip, hindi nila magagawang baguhin kahit na mumunting bagay.
15. Siya na tumatanggi sa pagbabago ay sugo ng
kabulukan. Ang tanging institusyon lamang na tumatanggi sa progreso ay ang sementeryo.
16. Ako ay nagtataka kung bakit may bakod ang
sementaryo, gayong ang mga buhay ay ayaw pumasok dito at ang mga patay naman ay
hindi na magagawa pang lumabas. Mayroon pa bang mababago para dito?
17. Ang unang hakbang tungo sa pagbabago ay Kamulatan.
Ang pangalawang hakbang naman ay Pagtanggap. Hindi mo kailanman mababago ang
anumang bagay kung wala kang nalalaman tungkol dito. At kung hindi mo
tatanggapin anumang mayroon ito wala kang dahilan para ito mabago.
18. Hindi ko magagawang baguhin ang daigdig, ang
aking bayan, o maging ang aking pamilya, kung hindi ko magagawang baguhin ang
aking sarili.
19. Baguhin mo lamang ang iyong iniisip,
magbabago na ang iyong buhay. Higit namang mainam kung papalitan mo ang iyong
maling paniniwala ng mga makabuluhang kaisipan at ang tagumpay ay laging
abot-kamay.
20. Ang mabuhay ay sagradong tungkulin natin,
bahagi nito ang pagbabago para umusad tayo sa buhay na ito.
21. Kung nais ay kaunlaran, pagbabago ang
kailangan. Dahil kung walang pagbabago, mapag-iiwanan ka ng progreso.
22. Tigilan ang pagsasabi na, “May panahon pa,” o, “Maaaring sa susunod na lamang.”
Sapagkat naisin mong magbago na, mayroon ding salita na, “Huli na, at wala na tayong magagawa pa.”
23. Kung may kapangyarihan ako na makabalik sa
nakaraan, ang una kong gagawin ay ibuhos ang lahat kong lakas na baguhin ang
aking sarili at hindi ang iba. Kung ito ang higit kong inuna at tinulungan,
lalo akong makakatulong ngayon sa nakakarami. Sapagkat hindi mo maiibigay ang bagay
na wala sa iyo.
24. Kung nais na umunlad simulan nang magbago, at
kung nasa naman ay maging mahusay, magsanay nang husto. Walang bagay dito sa
mundo na hindi mapapasaiyo kung wala kang ginagawang pagbabago sa buhay mo.
25. Walang masama kung ang nais mo ay magbago at
lalong mabuti kung nasa tamang direksiyon ito. Ang masaklap dito ay kung kabuktutan
ang iniisip mo, tiyak na sa kalaboso at sementeryo ang babagsakan mo.
26. Hindi tumatanggi ang tao sa pagbabago. Ang
tinatanggihan nila ay kapag binabago sila.
27. Magagawa mong baguhin ang lahat sa akin, maliban
sa aking pagkatao. Sapagkat ako lamang ang may kontrol para dito. Tatlong bagay ang kailanman ay hindi ko
isinasakripisyo: ang aking pamilya, ang aking puso, at ang aking dignidad.
28. Ang buhay ay maganda para doon sa mga
tinatamasa ito. Mahirap para doon sa patuloy na pinag-aaralan ito at masaklap
para doon sa patuloy na sinisisi ito. Anumang saloobin natin, ito ang siyang
nagtatakda kung anong uri ng buhay mayroon tayo. Dalangin ko, magbago naman
tayo.
29. Ang pagsakay sa bisekleta ay tulad ng buhay,
para mapanatili mong balanse ang pagtakbo nito kailangan mong patuloy na
patakbuhin ito. Ganito ang pagbabago, kung nais mong umunlad simulan mo na
ngayon mismo, dahil kapag huminto ka, iiwanan ka ng progreso.
30. Madalas kong banggitin ang usapang ito sa
pagitan ng mag-ama,
Malungkot na nagtanong ang anak, “Tatay, papaano ko ba matatagpuan ang tamang
babae para sa akin.”
Sumagot ang ama, “Kalimutan mo nang
hanapin ang tamang babae sa buhay mo, kundi simulan mo nang magbago at
pagtuunan ng iyong atensiyon ang maging tamang lalake.”
31. Tumingin lamang sa salamin at pakititigan
nang maigi ang tao na nakaharap sa iyo. Malaki na ang ipinagbago nito. Hindi na
ito katulad noong dati. At kung ipagwawalang bahala mo pa ang pagtanda nito
nang wala kang binabago. Shame on you!
Kung tunay na nais mong baguhin ang iyong buhay, kailangan munang tahasan
mong binabago ang iyong isipan
.
Mga
pagunita ni JesGuevara
wagasmalaya.blogspot.com
No comments:
Post a Comment