Sana naibuhos ko ang mahahalagang panahon para sa
aking mga mahal sa buhay.
Labis-labis ang
panghihinayang
ng mga nakaratay sa karamdaman sa pagpapahayag kung bakit noong sila ay malakas
pa ay nagugol ang kanilang mahahalagang panahon sa iba at sa mga barkada kaysa
sariling pamilya. Sa huling sandali ng kanilang mga buhay, ngayong lamang nila
napagtanto ang kahalagahan ng sariling pamilya.
Sa
buhay na ito, maraming tipo at uri ng tao ang iyong makakasama, makakaniig,
at pakikisamahan. Subalit sa lahat ng ito, wala nang dadaig pa sa pagmamahal na
iniuukol ng iyong pamilya. Napatunayan ko na ito sa maraming mga pagkakataon,
lalo na kapag ikaw ay maysakit, naaksidente, at may nakaaway. Ang iyong pamilya ang
kauna-unahang dumaramay sa iyo sa panahon ng iyong matinding pangangailangan.
Mapatama o mapamali ka man, sila ay palaging nasa iyong tabi upang ikaw ay
saklolohan.
Maitataas
ko ang aking magkabilang kamay at mabibilang ko ang aking mga daliri,
ngunit malalagpasan nito ang maraming tao sa labas ng aking pamilya na talagang
makakatulong sa akin. Tanggapin natin ang katotohanan, na hindi ibang mga tao
ang patuloy na makakatulong sa iyo sapagkat mayroon din silang sariling pamilya
na kailangan nilang unahin para matulungan din.
Paala-ala:
Gaano man tayo kaabala, kahit na napakaimportante ang ating mga ginagawa, sinumang
napakatanyag ang ating kaharap… huwag na huwag nating kalilimutan ang
ating mga mahal sa buhay. Maglaan tayo ng mahahalagang sandali para sa
maligayang pagsasama. Ang buhay ay walang katiyakan, tanggapin ang katotohanan
na ang ating mga magulang ay patanda, magsisiyao at mawawala anumang oras,. Ang ating
mga anak bagamat nakatingala sa ating ngayon ay magsisilaki at tayo naman ang
titingala sa kanila at sila ay magsisilisan sa ating mga tahanan at gagawa ng
kanilang sariling mga pamilya. Bakit
hindi natin bigyan ng tamang atensiyon ngayong sila ay nasa atin pang paligid.
Kailan pa tayo magpapahalaga, … kung
wala na sila?
Mga pagunita ni
JesGuevara
wagasmalaya.blogspot.com
No comments:
Post a Comment